"WALA SI RICHARD SA KWARTO NIYA," wika ni Theodore. Ipina-check kasi sa kaniya ng mga pulis ang kaniyang anak. Duda kasi ang mga pulis na mayroon itong gagawin na hindi nila aayunan.
"Saan naman pupunta si Kuya?" wika ni Leo na naroroon din bilang support system ng kapatid.
Kaagad na naalarma ang mga pulis. Hinanap nila si Richard sa buong bahay at saan mang sulok ng residensiya ngunit wala ito.
Napabuntong hininga na lang ang punong imbestigador. Kaagad nitong pinaghanda ang mga kasama upang mas paigtingin ang paghahanap kay Richard.
Paglabas nila ng gate, sinalubong sila ni Arthur.
"Alam ko kung nasaan si Richard," wika nito.
Nagkatinginan sina Leo at Theodore, pati na rin ang mga pulis.
"Siguradong hindi ako mapapatawad ni Richard. Handa akong itakwil niya, pero hindi ko maatim na hayaan ko lang siya," dugtong pa ni Arthur. "Mas hindi kakayanin ng konsensya ko kapag mayroong nangyaring masama sa kaniya at kay Mandy dahil nanahimik ako."
"Saan siya naroroon?" wika ng punong imbestigador.
Napalunok si Arthur. "Sundan ninyo po ako," tugon niya. Sumakay siya ng kaniyang kotse at saka pinaandar na iyon.
"Dito lang kayo," wika ng isang pulis kay Theodore at Leo.
"Hindi pwede," protesta ni Theodore. "Gusto kong makasiguro na maayos ang anak at apo ko na makakauwi. Hindi ako mapapalagay kung mananatili ako rito at maghihintay lamang ng balita. Sasama ako."
"Sasama rin ako," wika ni Leo.
"Wala kayong maitutulong sa amin," wika ng pulis. "Magiging pabigat lang kayo roon. Baka imbes na makauwi ang mag-ama ay pati kayo madamay. Dito lang ho kayo."
"Sasama kami," mariing wika ni Theodore. "Sa ayaw ninyo at sa gusto, sasama kami. Ikulong na lang ninyo kami kung gusto ninyo kaming pigilan."
Napabuntong hininga ang pulis. Umiling ito. Pagkaraan ay sumakay na ito ng kotse at saka sinundan si Arthur. Sumakay naman sina Theodore sa kotse ni Leo. Bumuntot sila sa mga pulis.
"NASA INYO NA ANG PERA," wika ni Richard. "Pwede na ba kaming makauwi ng anak ko?"
Humalakhak ang lalaking may hawak ng ransom na siya ring may hawak kay Mandy kanina. "Ang sabi nila, henyo ka raw Mr. Anderson. Pero bakit?" anito. "Bakit hindi ka nag-isip?"
Doon na mas kinabahan si Richard.
"Ay, naalala ko nga pala. Sa negosyo ka nga pala henyo. Hindi ibig sabihin no'n na henyo ka na sa lahat ng bagay. Pagdating talaga sa pagmamahal ay nagiging tanga ang isang tao," dugtong pa ng kidnapper.
"Kung ano man ang binabalak ninyo, huwag ninyong ituloy. Parang awa na ninyo," wika ni Richard. "Ginawa ko ang lahat ng gusto ninyo. Tumupad ako sa usapan. Ibinigay ko ang halaga na hiningi ninyo. Ano pa ba ang gusto ninyo?"
"Palagi ka na lang excited, Mr. Anderson. Bakit kaya hindi ka maghintay. Mayamaya ay malalaman mo rin."
"Hayaan na ninyo kaming makaalis ng anak ko nang mapayapa. Hindi ko nakita ang mga mukha ninyo. Palalagpasin ko ang nangyaring ito. At kung gusto ninyong humingi pa ng pera, kahit magkano, ibibigay ko sa inyo. Sabihin lang ninyo, magbibigay ako."
Humalakhak ang lalaki. "Kulang pa ang kahit na magkano pa ang ibigay mo, Mr. Anderson. Hindi lang ito tungkol sa pera."
Napuno ng pagtataka ang isip ni Richard. "Sino ba kayo?" aniya. "Sino ang nag-utos sa inyo na gawin ito? Ano ba ang atraso ko sa inyo?"
Ngumiti lang ang kidnapper. "Sa sobrang focused mo sa trabaho, Mr. Anderson, nabulag ka na sa nangyayari sa paligid mo. Hindi nakapagtataka na kailan lang namulat ang puso mo para sa anak mo."
"Sino ka ba?" sigaw ni Richard.
Muling ngumiti ang kidnapper. "Hindi mahalaga kung sino ako. Wala akong bilang sa buhay mo," tugon nito. "Trabaho lang kaya nandito ako. Walang halong personalan."
"Ano pa ba ang ginagawa namin dito? Paalisin na ninyo kami ng anak ko. Parang awa na ninyo!" wika ni Richard. Bumagsak na ang kaniyang mga luha. "O kahit ang anak ko na lang ang palayain ninyo. Kung may atraso ako sa inyo, magpapaiwan ako rito. Basta matiyak ko lang na maayos ang anak ko."
"Sinabi mo iyan, Mr. Anderson, ha?" anang kidnapper. "Papalayain namin ang anak mo, pero magpapaiwan ka."
Nanginginig ang katawan na tumango si Richard. "Oo. Magpapaiwan ako. Walang kasalanan ang anak ko. Sa inyo na ang pera. Magpapaiwan ako."
"Okay," wika ng kidnapper. "Magpaalam ka na sa anak mo. Baka ito na ang huling beses na magkita kayo."
Umiiyak na hinarap ni Richard ang anak.
"Daddy, ano po ang mangyayari?" umiiyak na tanong ni Mandy.
"Hindi ko alam, anak," tugon ni Richard. "Pero ang mahalaga, makakauwi ka. Iyon lang ang mahalaga, anak."
"Umuwi po tayo parehas, Daddy. Hinihintay na tayo nina Lolo. Ayaw ko pong umuwi nang mag-isa. Ang gusto ko kasama ka."
"Hindi pwede, Mandy. Ilalagay ko sa alanganin ang buhay mo kapag hindi ako nagpaiwan dito. Sa akin sila may kailangan."
"Ano ang gagawin nila sa iyo, Daddy? Natatakot po ako. Baka saktan ka nila. Daddy, please, tayo na. Umuwi na tayo."
Kinuha ni Mandy ang kamay ng ama.
Lumuhod si David sa harap ng anak.
"Mandy, anak... Patawarin mo ako kung naging matigas ang puso ko nang napakatagal na panahon. Patawarin mo ako kung tiniis kita buong buhay mo. At kung hindi ko man matupad ang mga ipinangako ko sa iyo, patawarin mo ako."
"Daddy, hindi naman po ako nagalit sa inyo. Ayos lang po sa akin kahit nagalit kayo sa akin nang mawala si Mommy. Nagalit lang po kayo dahil mahal mo ang Mommy ko. Kahit hindi na po ako ninyo bigyan ng promise mong time, okay lang po. Basta umuwi lang tayo nang magkasama, Daddy."
"Napakaikili ng panahon ang sinasayang ko, anak. Sising-sisi ako." Hinawakan niya ang mukha ng anak at hinaplos ito. "Pero ano man ang mangyari sa akin, anak, tandaan mo na mahal na mahal kita. Nangako ako sa iyong mommy na ibibigay ko ang buhay ko sa iyo kung kinakailangan. Ikaw ang buhay ko, anak. Handa akong isakripisyo ang lahat para sa kaligtasan mo."
"Daddy, huwag ka nang magsalita," wika ni Mandy. "Hindi ko po gusto ang mga sinasabi mo."
"Sige, na, anak. Lumakad ka na. Pagmamasdan kita hanggang sa makalabas ka ng building. Sisiguraduhin kong ligtas ka."
"Hindi! Ayaw ko, Daddy! Aalis lang ako kung sasama ka." Muling kinuha ni Mandy ang mga kamay ng ama at hinila ito. "Tara na, Daddy, uwi na po tayo."
"Mahal na mahal kita, anak. Tandaan mo iyan. Alam kong lalaki kang mabait at matalinong tao kaya hindi nag-aalala na maiwan ka," wika ni Richard. "Sige na, Mandy. Umalis ka na."
Umiling si Mandy.
"Umalis ka na," wikanh muli ni Richard.
"Hindi! Ayaw ko!" mariing wika ni Mandy.
"Sinabi nang umalis ka na!" bulyaw ni Richard. Umalingangaw iyon sa buong building.
Lalong sumagana ang mga luha ni Mandy. Dahan-dahan itong humakbang palayo habang hindi inaalis ang mata sa kaniyang daddy.
"I love you, Daddy..." wika nito.
"I love you, too, Mandy. I love you so much!" tugon ni Richard. "Takbo, anak. Tumakbo ka."
Labag man sa loob ay sinunod iyon ni Mandy. Nang marating nito ang b****a ng building ay nakarinig siya ng putok ng baril.
"Daddy!" sigaw niya. Kitang-kita niya ang pagbagsak ng kaniyang ama habang nakangiti sa kaniya at bumubulong ng "I love you..."