CHAPTER 25

802 Words
SA PUTING KOTSE ay lumabas ang isang lalaking matangkad at may matipunong katawan. Sa tantiya ni Jopet ay nasa forties na ito. Matapang ang mukha nito at may bigote. Naglakad ito patungo sa kaniyang kinatatayuan. "Nasa iyo ba?" tanong nito sa kaniya. Nakuha na kaagad ni Jopet ang tinutukoy nito, at iyon ay ang laman ng dala niyang bag. "Oo," tugon ni Jopet. "Ang pera, nasa iyo rin ba?" Tumango ang lalaki. Tinanggal na ni Jopet ang bag na nakasukbit sa kaniyang katawan at iniabot iyon sa lalaki. Binuksan ng lalaki ang bag at tumango ito. "Ang pera," wika ni Jopet. Iniabot sa kaniya ng lalaki ang makapal na bulto ng perang papel. Nang tanggapin niya ang pera ay bigla na lamang niyang naramdaman ang pagyakap ng malamig na bakal sa kaniyang isang kamay. Posas iyon. Nanlaki ang mga mata ni Jopet. Kaagad niyang napagtanto na isa iyong entrapment operation. Napamura na lamang siya nang malutong sa isip. "Sh*t!" wika ni Goyo na tahimik na nagmamasid kasama ang ilang kasapi sa gang sa hindi kalayuan sa puwesto nina Jopet. "Sino ang nag-tip sa PDEA? Nalintikan na," anito Kaagad na pumasok sa isip ni Jopet ang ina niyang nasa ospital at ang kanilang mga bayarin. Hindi siya maaaring makulong. Siya lang ang inaasahan ng kaniyang mga magulang sa oras na ito. "Hindi!" aniya. "Hindi ako pwedeng makulong!" Ibinuhos niya ang kaniyang buong lakas upang makawala sa mahigpit na pagkakahawak sa kaniya ng lalaking katransaksiyon. Kaagad nagradiyo ang lalaki upang tumawag sa mga kasamahan nito. Nakita ni Jopet ang baril ng lalaki na nakasukbit sa tagiliran nito na hindi niya napansin kanina. Bumwelo siya hanggang sa nakuha niya iyon at itinutok sa lalaki. Itinaas ng lalaki ang kamay nito. "Huwag mong dagdagan ang kaso mo, boy," wika nito sa kaniya. "Napag-utusan lang ako," wika ni Jopet habang dahan-dahan na umaatras. "Nagipit ako. Kailangan ko ng pera dahil nasa ospital ang nanay ko. May cancer siya. Wala na akong mahihingan ng tulong. Wala na akong pagkukunan ng pera. Sir, ayaw kong gawin ito. Please, hayaan na lang ninyo akong makaalis. "Naniniwala ako sa iyo. Makipagtulungan ka sa amin. Sabihin mo kung sino ang kinukunan mo ng order. Makatulong iyon sa kaso na pwedeng isampa sa iyo. Pwedeng hindi ka na makulong." Dinig na dinig iyon na Goyo. Kinabahan siya nang todo. Tagilid siya kay Jopet. Nakikita niya ang pagdadalawang isip dito. Kakanta ito. Iyon ang ikinababahala niya. "Hindi iyan, Goyo," wika ni Danny. "Hindi tayo ilalaglag ni Jopet. Relaks ka lang." "Subukan niya lang ilaglag tayo. Papatayin ko siya," tiim ang bagang na wika ni Goyo. Lumipad ang isip ni Jopet. Kapag isinupling niya sa mga pulis sina Goyo at ang gang nito, siguradong babalikan siya ng mga ito. Kapag hindi naman siya nagsumbong, solo siyang magdudusa sa kulungan. Tatakbo na lang siya. Tatakas. "Wala," wika niya sa pulis. "Walang nag-utos sa akin. Ako lang ang kusang nagbenta niyan dahil gipit ako." "Hindi mo na mababawi ang sinabi mo kanina, boy," wika ng pulis. "Natatakot ka ba? Huwag kang mag-alala, bibigyan ka namin ng proteksyon." "Hindi," mariing wika ni Jopet. "Huwag kang susunod. Ipuputok ko ito," banta niya sa pulis at saka siya tumakbo. Tumakbo siya nang tumakbo. Ilang saglit lang ay nakarinig siya ng malakas na wangwang ng sirena ng mga pulis. Tila nasa karera din ang takbo ng kaniyang puso. Wala na siyang ibang magawa kundi ang magdasal. Sinubukan niyang makalayo. Napahinto siya nang makaramdam ng kung anong mainit sa kaniyang tagiliran. Nang tingnan niya ang kaniyang kamay ay mayroong dugo. Dugo! Nag-panic na siya. Takot siya sa dugo. Pero mas takot siyang mahuli ng pulis. Itinuloy niya ang pagtakbo kahit nakakarinig na siya ng mga sigaw na huminto na siya at sumuko. Pakiramdam niya ay tumatakbo siya habang lumulutang. Unti-unting lumalabo ang mga bagay sa kaniyang paligid. Nagpatuloy siya sa pagtakbo hanggang sa makarating siya sa taas ng tulay. "Jopeth Peter Delos Reyes, sumuko ka na," sigaw ng mga pulis habang nakatayo siya at nakatingin sa ilog na rumaragasa. "Hayaan mong tulungan ka namin." Humarap siya sa mga pulis at itinutok ang dalang baril sa mga ito. "Hindi ninyo ako pwedeng ikulong. Kailangan kong bumalik kay Inay. Kailangan niya ng pera. Kailangan niyang gumaling." Hindi sinasadyang napindot niya ang gatilyo. Sunod-sunod na putok ng baril ang umalingangaw sa katahimikan ng madaling araw. Ilang bala ng baril ang tumama sa katawan ni Jopet. Nakita na lamang niya ang sariling nakatingin sa ulap na bahagya nang may liwanag. Naramdaman niya ang dahan-dahan na pagbagsak ng kaniyang katawan hanggang sa lumubog siya sa tubig. Hindi niya maipikit ang kaniyang nga mata. Naaakit siya sa liwanag na nakikita na hindi niya alam kung saan nanggagaling. "Inay..." usal niya. "Patawarin mo ako. Mahal na mahal kita..." Pumikit siya at ibinuga ang huling hanging natira sa kaniyang baga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD