CHAPTER 23

1039 Words
ALAS TRES ng umaga, gising na si Richard. Dahan dahan siyang lumabas ng kaniyang kwarto. Sumilip siya sa salas at naroroon pa rin ang mga pulis, may ilang tulog at ang ilan ay gising. Salitan ang mga ito sa pagbabantay sa kaniya. Ang maganda lang ngayon sa kaniyang sitwasyon ay hindi alam ng mga ito na nagkaroon na sila ng usapan ng mga kidnapper na iyon na ang araw na magbibigay siya ng ransom kapalit ng kalayaan ng kaniyang anak. Bumalik siya sa kaniyang kwarto. Binuksan niya ang bintana roon at tumingin sa labas. Walang nakabantay na pulis doon. Ngunit siguradong sa gate ay mayroong nakabantay. Nagbihis siya at naghanda. Muli niyang sinilip ang mga bantay sa salas, at naroroon pa rin ang mga ito. Walang ibang paraan upang makatakas siya kundi sa likod-bahay. Sa bintana siya dumaan. Nasa ikalawang palapag lamang ng mansiyon ang kaniyang kwarto kaya hindi siya nahirapan sa pagbaba. Pagdating niya sa likod-bahay ay walang katao-tao kaya nagtagumpay siyang nakalabas nang walang nakakakita sa kaniya. Naglakad lamang siya hanggang ng ilang metro hanggang sa makarating sa kung saan nakaparada ang kotse ng kaibigang si Arthur na kaniyang pinagkatiwalaan sa pagkuha ng ransom na ibibigay niya sa mga kidnapper. Ipinagmaneho siya nito hanggang sa makarating sila malapit sa area kung saan magkikita si Richard at ang mga kidnapper. Kinuha ni Richard ang ransom kay Arthur. "Richard, sigurado ka ba sa gagawin mo? Ako ang kinakabahan para sa iyo," wika ni Arthur. "Baka mapahamak ka. Kayo ni Mandy. Hindi kaya maigi na magsabi ka na sa mga pulis. Didiskarte naman ang mga iyon, eh, depende sa usapan ninyo. Pwede naman nilang palabasin na kunwari hindi nila alam. Bubulaga na lang sila." "Salamat sa tulong mo, Arthur. Pero katulad ng palagi kong sinasabi, hindi ko kayang isugal ang buhay ng anak ko." Tumango si Arthur. "Mag-iingat ka, pare." "Umalis ka na. Ayaw kong madamay ka," wika ni Richard. "Pare, mangako kang bukas magkikita pa tayo, at kasama mo na si Mandy." Hindi umimik si Richard. Tinapik niya lamang ang balikat ng kaibigan, at siya na ang nagsara ng pinto ng kotse nito. Pinagmasdan ni Arthur ang paglalakad niya palayo. KABADONG-KABADO si Jopet. May nagsasabi sa kaniyang loob na umatras siya habang may pagkakataon pa siyang umatras. Ngunit naalala niya ang sinabi ni Goyo na hindi na siya makakaalis sa grupo. Ngayon, wala na siyang mapagpipilian kundi ang sundin ang ipinagagawa nito sa kaniya. Wala na siyang pagpipilian kundi ang piliting magtagumpay sa initiation. Ibinigay sa kaniya ni Daddy ang isang body bag. Nang buksan niya iyon, nakita niya ang isang maliit na pakete ng puting powder. Alam niyang droga iyon. Napalunok siya sa tuminding kaba sa kaniyang puso. Tinapik ni Danny ang kaniyang balikat. "Kaya mo iyan, Jopet. Kayanin mo. Lakasan mo lang ang loob mo at siguradong papasa ka." "Tama," wika naman ni Goyo. "Huwag kang mag-isip ng ano mang negatibo. Isipin mo ang makukuha mong pera kapag naging matagumpay ang transaksiyon. Makukuha mo iyon uraurada. Bukas na bukas, pagputok ng bukang liwayway ay may maipapadala ka na sa nanay mo." Iyon ang nagsilbing gasolina sa sistema ni Jopet. Tumango siya. "Para kay Inay," aniya. "Lumakad ka na, Jopet. Dapat mauna ka sa katransaksiyon mo," wika ni Danny. Tumango si Jopet at nagbuga ng hangin. Ura mismo ay lumakad siya. Sa ilalim ng tulay sila magkikita ng kaniyang katransaksiyon. Doon siya mag-aabang at maghihintay. Madilim doon. Sa tulay ay walang gaanong dumadaang sasakyan. "Madali lang ito, Jopet. Saglit lang ito. Huwag kang kabahan. Ibibigay mo lang ang bag, at kukunin ang bayad. Pagkatapos ay makakauwi ka na," wika niya sa kaniyang sarili. Ilang saglit pa ay nakita na niya ang isang puting kotse na patungo sa kaniyang kinatatayuan. Pumarada iyon mismo sa kaniyang harapan. At lumabas mula roon ang isang matangkad at matikas na lalaki. NAGPALINGA-LINGA SI RICHARD sa paligid nang marating niya ang luma at abandunadong building na dating pagawaan ng sapatos. Doon sila magkikita ng mga kidnapper. Madilim doon at tahimik. Walang senyales ng buhay. Naglakad pa siya hanggang sa makarating sa sentro ng kalawakan ng building. Doon ay bumukas ang mga ilaw. Bumulaga sa kaniya ang anak na si Mandy na nakatali sa upuan at may busal ang mga bibig. Sa tabi nito ay may lalaking nakatayo at nakatutok ang baril sa ulo kay Mandy. "Please," aniya. "Don't hurt my daughter. Dala ko na ang ransom. Tumupad ako sa usapan. Wala akong kasamang pulis." Nag-angat siya ng tingin nang makarinig ng mga yabag. May ilan pang mga armadong lalaki siyang nakita na nasa ikalawang palapag ng building. "Alisin mo na ang baril sa ulo ng anak ko," pakiusap niya sa kidnapper na nasa tabi ni Mandy. "She'll get traumatized." Humakbang siya upang makalapit sana sa anak nang itutok sa kaniya ang baril ng lahat ng mga armadong lalaki. "Kung ako sa iyo, Mr. Anderson, hindi na ako hahakbang ng isa pa. Pasasabugin ko ang bungo nitong unica hija mo," wika ng lalaking may hawak kay Mandy. "Nasa akin na ang ransom na kailangan ninyo. Walang labis, walang kulang iyan. Kung gusto ninyo ay bibilangin ko pa sa harapan ninyo." "Ihagis mo rito ang attache case, Mr. Anderson," utos ng lalaki. "Palayain muna ninyo ang anak ko. Maging patas kayo," wika ni Richard. "Kailangan kong masiguro na nasa akin na si Mandy bago ko ibigay ang pera." Tumingin ang lalaki sa mga kasama nito at naghalakhakan. "Gano'n ba, Mr. Anderson? Sige," anito. "Sabayan tayo." "Ipangako ninyo sa akin na palalayain ninyo kami," ani Richard. "Lalaki sa lalaki." Tumango ang kidnapper. Pinakawalan nito si Mandy. "Daddy," sigaw nito. Nang akmang takbo ito ay pinigilan ito ng lalaki. "Huwag masyadong excited, bata. Sabayan kami ng Daddy mo. Iyon ang usapan," anang kidnapper. Nagbaling ito kay Richard. "Sabayan, Mr. Anderson. Pagtakbo ng anak mo patungo sa iyo, ihagis mo ang attache case papunta sa akin." Tumango si Richard. "Everything will be alright, Mandy," wika niya sa anak. Lumuluhang tumango si Mandy. "Bibilang ako ng tatlo," wika ng kidnapper. "Pagkatatlo, sabayan na tayo." Humanda na si Richard. "Isa, dalawa, tatlo!" Tumakbo na si Mandy patungo sa kaniya at inihagis na niya ang attache case. Bumagsak ang kaniyang mga luha nang sa wakas ay mahawakan niya at mayakap si Mandy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD