"TUMAWAG NA ba ulit ang mga kidnapper, Mr. Anderson?" usisa ng punong imbestigador Kay Richard.
"Hindi pa. Sasabihin ko sa inyo kapag kinontak na nila ako ulit," tugon ni Richard. Totoo iyon, ngunit wala siyang balak na ipaalam sa mga pulis ang magiging negosasyon nila ng mga kidnapper. Katulad ng sinabi niya, hindi niya isusugal ang buhay ng kaniyang anak.
Naka-off ang lahat ng notifications sa kaniyang cellphone para kahit ano mang oras na tumawag ang mga kidnapper ay hindi iyon matutunugan ng mga pulis. Tanging vibration lamang ang iniwan niyang nakabukas.
Alas otso ng gabi nang maramdaman niya ang vibration mula sa cellphone na nakalagay sa kaniyang bulsa.
Nagpaalam siyang gagamit ng comfort room upang makaiwas sa mga pulis. Kaagad niyang sinagot ang tawag nang makapasok sa comfort room.
"Bukas ng madaling araw, Mr. Anderson," wika ng nasa kabilang linya. "Alas kwatro. " Sinabi nito kung saang address magtutungo si Richard. "Siguraduhin mong dala mo ang ransom, at higit sa lahat, siguraduhin mong wala kang kasamang mga pulis. Alam mo kung ano ang mangyayari kapag hindi ka tumupad sa usapan, Mr. Anderson. Hindi ako nakikipagbiruan."
"Tutupad ako sa usapan. Pero pwede bang marinig ko ang boses ng anak ko para makasiguro ako na maayos siya?" wika ni Richard. Bahagya niyang binuksan ang pinto at sumilip kung mayroong sumunod sa kaniya, ngunit wala.
Inilagay ng kidnapper si Mandy sa linya.
"Daddy!" umiiyak na sigaw nito.
"Mandy!" pigil ang boses na wika ni Richard. "Are you okay, baby? Sinaktan ka ba nila?"
"Hindi po, Daddy, pero gusto ko na pong umuwi. Please, Daddy, kunin n'yo na po ako rito."
"Kukunin ka na ni Daddy, okay? Hintayin mo si Daddy. Malapit ka nang umuwi."
Pagkawika niya ay kaagad na kinuha ng kidnapper ang cellphone kay Mandy.
"Narinig mo na ang boses ng anak mo. Ngayon, siguraduhin mong maayos kang kausap. Uulitin ko, mamayang alas kwatro ng madaling araw sa lugar na sinabi ko sa iyo. Huwag kang magkakamaling subukang utakan kami." Pagkatapos ay pinutol na nito ang tawag.
"Mr. Anderson!"
Kumatok sa pinto ang isa sa mga pulis.
Kaagad na inayos ni Richard ang sarili. Nag-flash siya ng toilet bowl pagkatapos ay binuksan na ang pinto.
"Bakit?" tanong niya sa pulis.
Umiling ang pulis. "Nagtatagal ho kasi kayo, Mr. Anderson."
"Matagal ka rin naman sigurong magbawas," tugon niya. "Normal lang naman siguro iyon. Sana naman bigyan ninyo ako ng privacy."
Tumango ang pulis. "Mr. Anderson, huwag ninyong mamasamain. Gusto lang namin na tulungan ka. Hindi biro ang sitwasyon ninyo. Kapag hindi kayo makipagtulungan sa amin, parehong buhay ninyo ng anak mo ang malagay sa alanganin. Hindi ninyo kilala ang mga kidnapper ng anak ninyo. Madalas sa mga kagaya nila ay traydor at hindi tumutupad sa usapan. Walang kriminal ang karapat-dapat na pagkatiwalaan."
Hindi tumugon si Richard. Isang buntong hininga lamang ang kaniyang pinakawalan.
Buong gabi siyang hindi nakatulog. Walang balak na umalis ang mga pulis sa mansiyon. Bantay sarado siya ng mga ito. Kailangan niyang makagawa ng paraan upang makatakas. Naipaasikaso na rin niya ng lihim ang ransom na ibibigay sa mga kidnapper. Kukunin niya iyon sa isang taong kaniyang pinagkakatiwalaan. Iisa na lang talaga ang kailangan niyang gawin at iyon ay ang umalis nang hindi nalalaman ng mga pulis.
"GOYO, ipinapakilala ko sa iyo si Pareng Jopet," wika ni Danny. Isinama na niya si Danny sa lungga nila ng grupo ni Goyo na siyang lider ng gang na papasukin ng binata.
Lumapit si Goyo kay Jopet. Pinagmasdan niya ito nang maigi.
"Dinala mo ito rito," wika ni Goyo. "Alam ba niyan na kapag nakapunta na siya rito, wala nang labasan?"
Napatingin si Jopet kay Danny. "Hindi ko pa alam iyan," tugon niya. "Pero buo na ang loob ko na sasama sa grupo ninyo."
"May cancer daw ang nanay mo kaya ka sasama sa amin?" tanong pa ni Goyo. Tumango si Jopet. "Hmmm... Siguradong maaasahan kita dahil mabigat ang dahilan mo kung bakit ka naririto. Siguradong hindi mo ako bibiguin sa mga ipapagawa ko sa iyo. Alam mo na ba ang mga kalakaran dito?"
Umiling si Jopet.
"Alam mo bang dealer kami ng ilegal na droga? Baka ang akala mo ay kendi lang ang ibinibenta namin."
"Alam ko," wika ni Jopet.
"So, alam mo ang pinapasok mo?"
"Alam ko," tugon muli ni Jopet.
"Mabuti na ang malinaw. Ngayong gabi mismo ay masusubukan ko ang kakayahan mo. Tamang tama dahil ngayon ang initiation ng mga bagong recruit na member."
"Ano ba ang mapapala ko sa pagsali sa inyo?" tahasang tanong ni Jopet.
Napatingin si Goyo kay Danny, pagkatapos ay ibinalik ang atensyon kay Jopet.
"Kada matagumpay na transaksiyon ay may bahagi o porsyento ka. Kikita ka ng sapat para sa pagpapagamot sa nanay mo. Dadamayan ka ng gang sa lahat ng magiging problem mo. Walang gagalaw sa iyo maski sino. Protektado kita. Magiging mga kapatid mo kaming lahat dito. Habangbuhay na kapatiran, Jopet." Inilapat nito ang balikat sa kamay ni Jopet.
Sa ginawang iyon ni Goyo ay bahagyang napalagay ang loob ni Jopet. "Ano ba ang kailangan kong gawin? Ano ang gagawin ko para sa initiation?" tanong niya.
"Mamayang alas kwatro ng madaling araw, mayroon tayong maliit na transaksiyon. Tamang tama lang sa baguhang kagaya mo. Hindi kita gaanong pahihirapan dahil interesado akong makapasok ka nang pormal sa grupo. Mayroon ka lang kontrabandong iaabot sa isang customer. Kukunin mo ang bayad mula sa kaniya, pagkatapos ay okay na. Tapos na. Pasado ka na," paliwanag ni Goyo. "Ganoon lang kasimple."
"May kasama ba ako?"
"Wala. Mag-isa ka lang. Pero nasa paligid lang kami at pagmamasdan ka. Sasalubungin namin ang pagbalik mo."
"Kaya mo iyan, Jopet," sabat naman ni Danny. "Kayanin mo para sa nanay mo. Maniwala ka sa akin. Hindi ka magsisisi na sumama ka sa grupo. Aalwan ang buhay mo. Hindi ka pa mapapagod sa trabaho. Ito ang gusto mo, 'di ba?"
Hindi umimik si Jopet. Tahimik siyang naupo sa sulok habang pinagmamasdan ang iba pang miyembro ng gang. Kinakabahan siya. Hindi niya alam kung tama ba ang gagawin niya. Ngunit wala na siyang mapagpipilian kundi ang kumapit sa patalim. Hindi naman siya papatay ng tao kaya ayos lang, wika niya sa sarili. Nagtitiwala naman siya kay Danny na hindi siya nito ilalaglag. Mukhang matino rin namang kausap si Goyo. Mukhang sensero din ito sa mga sinabi nito kanina. Ano ba ang malay niya kung nasa pagsali talaga sa gang ang hinahanap niyang swerte? Ang sabi nga ng narinig niya, face your fears...
Bumuga siya ng hangin at tahimik na nagdasal. Sa muli, bahala na si Batman.