CHAPTER 21

1018 Words
HUMIHINGAL na nagising si Jopet. Ang sama ng kaniyang panaginip. Nakita raw niya ang kaniyang inay na naghuhukay ng lupa sa kanilang likod-bahay, at bigla raw itong tumalon doon. Pagkatapos ay nagdilim ang buong paligid. Ang sabi ng kaniyang itay ay kaunti na lang ang natitira sa perang nito. Kailangan daw sumailalim ang kaniyang inay sa chemotherapy. May tsansa pang humaba ang buhay ng kaniyang inay sa pamamagitan ng chemotherapy. Ngunit malaking halaga ang kailangan nila. Lumapit na siya sa lahat ng sangay ng gobyerno na maaaring makatulong sa kaniya, ngunit hindi pa rin sapat iyon. Wala sa sariling naglalakad siya patungo sa ospital nang makasalubong niya ang isang kakilala ng kaniyang inay. "Jopet. Ikaw na ba iyan?" tanong nito sa kaniya. "Aling Lina?" aniya. "Opo, ako na po ito." "Ang tagal nating hindi nagkita. Maliit ka pa no'n noong huli kong uwi rito." "Sa Macau pa rin ho ba kayo nagtatrabaho?" "Oo. Mababait ang mga amo ko. Itinuturing na akong kapamilya, kaya hindi na ako makaalis. Kaya, heto, tumanda na lang akong dalaga. Umuwi lang ako para magbakasyon," anito. "Narinig ko ang balita tungkol sa nanay mo. Nakakalungkot naman ang nangyari sa kaniya." "Kaya nga ho, Aling Lina. Hindi ko na nga alam kung saan ako kukuha ng pera. Kailangan ni Inay na makapag-chemo. Gusto ko pa po siyang makauwi at makasama nang matagal." "Hay, ang buhay talaga. Hindi mo talaga mahuhulaan ang kapalaran. Ano ba ang maitutulong ko sa iyo?" tanong ng ginang. "Kahit kaunting halaga na lang po, Aling Lina. Wala na ho talaga akong mapagkunan ng pera." "Sige. Bibigyan kita, pero kaunti lang ha. Alam mo naman, na-hold up na ako ng mga kamag-anak ko pagkarating ko pa lang dito. Kailangan ko pang makabalik sa Macau." Ngumiti ito. "Kahit magkano lang po, Aling Lina," tugon ni Jopet. Inabutan siya ni Lina ng isang libo at limang daang perang papel. Abot langit ang pasasalamat niya. Biglang natigilan si Lina. Pinagmasdan nito si Jopet. "Jopet, gusto mo ba ng malaking pera?" "Oho, Aling Lina," mabilis na tugon ng binata. "May alam akong mapagkukunan mo." "Talaga ho? Saan?" "Kikita ka ng dalawang daan hanggang tatlong daang libong piso," wika ni Lina. Tumikhim ito. "May sakit ang anak ng amo ko. End-stage renal disease. Kailangan niya ng kidney transplant. Naghahanap sila ng magbibigay, pero kung wala, tatanggap sila ng magbibenta ng kidney. Ano, kaya mo bang ibenta ang isa mong kidney? Malusog ka naman, at wala ka naman sigurong bisyo." "Malusog ho ako at walang bisyo. Pero..." "Ito lang ang alam kung paraan para makakuha ka ng malaking halaga na sasapat para sa pangangailangan ng nanay mo," wika ni Lina. Tinapik nito ang balikat ng binata. "Alam mo kung saan ako hahanapin kapag nakapagdesisyon ka na." Lumakad na ito at naiwang tulala si Jopet. Ilang gabi na halos hindi makatulog si Jopet. Pinag-isipan niya ang tungkol sa pagbibenta ng isa niyang kidney. Hanggang sa mabuo na ang kaniyang desisyon. Ibibenta niya ang isa sa mga kidney niya upang may pera siyang maibigay para sa kaniyang ina. Hindi naman siya mamamatay kapag nawala ang isa niyang kidney. Iyon na lamang ang natitirang paraan para sa kaniya. Tinungo ang bahay ni Lina. "Buo na ho ang loob ko, Aling Lina. Ibibenta ko na ho ang kidney ko, wika niya. Kinakabahan siya, ngunit alang-alang sa kaniyang ina, ibibigay niya ang lahat. Bumagsak ang mga balikat ni Lina. "Jopet, naka-schedule na Ang anak ng amo ko para sa operasyon bukas. Pasensya ka na, pero nakahanap na sila ng donor. May isang pamilyang namatayan ng anak sa aksidente. Nagpasya silang ibigay ang organs ng kanilang anak sa mga nangangailangan. Sorry, Jopet." Hindi na siya tumugon. Naglakad na lamang siya palayo. Pera na naging bato pa. Tumunog ang kaniyang cellphone. Sinagot niya iyon kaagad. "Ano, anak? Nakadelihensiya ka na?" tanong ni Mang Lito. "Limang daan na lang ang mayroon ako rito. Wala na rin ang mga baon namin. Ang nanay mo, nanghihina. Kailangan na ng chemo sa lalong madaling panahon. Umaasa lang siya ngayon sa mga ibinibigay na pampakalma ng sakit. Awang awa na ako sa inay mo." "Gumagawa ho ako ng paraan, Itay. Huwag kayong masyadong mag-isip. Alagaan ninyo ang sarili ninyo. Alagaan ninyo nang maigi si Inay. Sabihin ninyong lakasan niya ang loob niya. Gagaling siya. Magdasal lang tayo. Minsan nagbibigay ang Diyos ng milagro." Sa isang iglap ay naging relihiyoso siya. "Basta anak, ano man ang mangyari, huwag kang gagawa ng ikakapahamak mo. Ha? Alalahanin mo ang inay mo. Ayaw niyang mapahamak ka." Tumango si Jopet at ibinaba na ang tawag. Nais niyang maiyak. Nagpatuloy siya sa paglalakad na parang zombie. "Pare, saan ka pupunta?" tanong ni Danny nang magkasalubong sila. Umiling si Jopet. "Uuwi, pare. Wala. Dapat sana ibibenta ko ang kidney ko para makakuha ng malaking halaga para kay Inay. Pero wala na. Nakahanap na sila ng donor." "Pare, naman!" ani Danny. "Bakit ka magbibenta ng organ. Mangangawawa ang katawan mo. Tanggapin mo na kasi ang alok ko. Tamang-tama kasi initiation mamaya. Siguradong makakapasok ka. Madali lang, pare. Mani lang ito para sa iyo." "Mas mahirap naman yata iyan kaysa magbenta ng kidney. Baka kapag pumalya ako kung ano man iyang initiation na iyan, baka hindi lang kidney ang mawala sa akin, kundi pati buhay ko." "Wala ka nang pagpipilian, pare. Nasa bingit na ng kamatayan ang buhay ng nanay mo. Gagawin mo ang lahat para sa kaniya, 'di ba?" Hindi nakatugon si Jopet. "Sumama ka na sa amin, pare. Sige na. Gusto kitang tulungan, at ito lang ang paraan. Naawa ako sa iyo." Bumuntong hininga si Jopet. "Sige," aniya. Kitang-kita niya ang pagliwanag ng mukha ni Danny. "Basta, sagot mo ako kapag mayroong nangyari sa akin." Tuwang-tuwang inakbayan siya ni Danny. "Walang mangyayari sa iyo, Jopet. Maniwala ka. Huwag ka lang kakabahan. Hinding hindi ka magsisisi na sumama ka sa amin." Napalunok si Jopet. Bahala na si Batman. Aalisin na lamang niya sa kaniyang isipan ang bilin ng kaniyang ama. Buhay ng kaniyang ina laban sa prinsipyo ng mga ito. Mas matimbang ang kaniyang ina. Hindi bale nang mapahamak siya, maibigay niya lamang ang para sa kaniyang ina...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD