"SIR! SIR, GUMISING PO KAYO."
Unti-unting iminulat ni Leo ang kaniyang mga mata. Bahagya pa ring umiikot ang kaniyang paningin. Hinawakan niya ang batok, at kumikirot iyon. Nanlaki ang mga mata niya nang biglang maalala si Mandy.
"Mandy!" tawag niya sa pamangkin. Tumayo siya, at tiningnan ang kaniyang kotse, ngunit wala roon ang kaniyang pamangkin.
"Nakita mo ba ang pamangkin ko? Babae siya, mga ganito katangkad," tanong niya sa lalaking gumising sa kaniya habang inilalarawan ang height ni Mandy.
"Sir, wala ho. Nakita ko lang kayong nakahandusay sa sahig. Akala ko nga ho ay patay kayo, pero nang i-check ko kayo ay humihinga naman kayo at normal ang pulso, kaya sinubukan ko kayong gisingin. Wala akong nakitang kasama ninyo," tugon ng lalaki.
Napabuntong hininga si Leo sa matinding frustration. "Mga lalaki. Wala ka bang napansing kahinahinalang tatlong lalaki?'
Umiling ang kaniyang kausap.
Napapikit siya nang mariin. Kinuha nga ng tatlong lalaki ang kaniyang pamangkin. Una siyang tumawag ng pulis. Hindi niya alam kung paano sasabihin kay Richard ang masamang balita. Hindi niya alam kung paano ito haharapin. Pero kailangang malaman ni Richard kaagad ang nangyari.
"What?!!" bulalas ni Richard sa kabilang linya. "Leo, sabihin mo sa akin na nagbibiro ka lang. Ilaay mo si Mandy sa linya, at kakausapin ko siya. Please!"
"I am sorry, Kuya, hindi ko naprotektahan si Mandy..."
Nanghihinang ibinaba ni Richard ang telepono.
Nangingilid ang luhang napailing siya. Hindi maaari. Kaaayos pa lamang ng kanilang relasyon bilang mag-ama. Wala pa siyang nagagawa upang makabawi sa anak.
Dinaanan niya ang kaniyang ama sa mansiyon bago magtungo sa kinaroroonan ni Leo.
"Ano raw ang nangyari sa apo ko?" naiiyak na wika ni Theodore. "Nasaan siya? Sino ang kumuha sa kaniya? Bakit siya kinuha?"
Mabilis na kumuha si Richard ng tubig upang inumin ng ama. "Papa, baka atakihin kayo sa puso. Ang mabuti pa, ako na lang muna ang pupunta kay Leo. Babalitaan ko na lang kayo."
"Hindi! Sasama ako," mariing wika ni Theodore.
Nagbuntong hininga si Richard. Wala na siyang magagawa kundi isama ang ama. Dali dali na silang umalis.
"Leo," bulalas ni Teoore nang makarating sila sa ugar kung saan nangyari ang k********g. Naroroon na ang mga pulis at tapos nang tanungin si Leo.
"Nakita na ba nila ang apo ko?"
"Hindi pa ho, Papá, pero gagawin nila ang lahat para mahanap kaagad si Mandy," tugon ni Leo. Nagbaling ito kay Richard. "Kuya, may karapatan kang magalit sa akin. Tatanggapin ko ang lahat ng sasabihin mo. Kahit suntukin mo pa ako, hindi ako papalag. Kuya, I am sorry, I failed you."
"Leo, alam kong ginawa mo ang makakaya mo para protektahan ang anak ko. Ano ba ang magagawa mo sa tatlong lalaki na hindi mo alam kung armado? Mabuti na rin siguro na hindi ka lumaban dahil baka lalong naging malala ang sitwasyon. Nararamdaman kung hindi nila sasaktan si Mandy. Sa tingin ko ay kidnap for ransom ito."
"Iyan po ang pinakamalaking posibilidad,"wika ng isang pulis na nangunguna sa imbestigasyon. "Richard Anderson, tama ho ba?" Tumango si Richard. "Sino nga naman po ang hindi makakakilala sa pinakamayamang negosyante sa bansa?"
Nagbuntong hininga ang pulis. "Kidnap for ransom ho talaga ang aming nakikitang motibo. Panatilihin po ninyong bukas ang mga linya ng inyong telepono dahil ano mang oras ay maaaring tumawag ang mga kidnapper," bilin nito.
Nakuha nila ang record ng CCTV camera sa parking lot. Kitang-kita ni Richard kung paano bumagsak si Leo at ang mismong pagkuha kay Mandy. Isa sa mga sasakyan na nakaparada sa parking lot ang gamit ng mga suspect. Nakuha nila ang plate number nito at na-trace. Pagmamay-ari ito ng isang ordinaryong empleyado na natagpuang patay na. Ang kotse naman ay inabanduna sa isang kalsadang madalang na daanan ng mga tao at sasakyan. Hindi na na-trace ang sasakyan na ipinalit doon.
"Gabi na, wala pa rin kaming natatanggap na tawag," puno ng pag-aalalang wika ni Richard sa punong imbestigador.
"Maghintay pa ho tayo. Minsan ang mga kidnapper ay natatagalan bago mabuo ang desisyon sa kung magkano ang hihilingin nilang ransom," tugon ng imbestigador.
"Hindi ako makakatulog nito, Richard, hangga't hindi ko naririnig ang boses ng apo ko. Hangga't hindi ko nasisigurong maayos siya, at hindi siya sinaktan ng mga kumuha sa kaniya," wika ni Theodore.
"Papá, magiging okay rin ang lahat. Magpahinga muna kayo. Ako na ang bahala. Nag-aalala rin ako sa inyo, at baka mapaano kayo."
"Richard, natatakot ako para sa apo ko."
"Ganoon din ako, Papá, pero tinatatagan ko lang ang loob ko. Kapag tumawag na ang mga kidnapper at humingi ng ransom, ibibigay ko sa kanila kahit magkano pa ang hilingin nila ibalik lang nila si Mandy."
Napayuko si Theodore.
Lumapit si Leo sa nakatatandang kapatid. "Kuya" anito. Iniabot nito kay Richard ang relo na binili kanina ni Mandy. Tinanggap iyon ni Richard. "Bigla niyang naisip na bilhan ka ng regalo kanina. Kung itatanong mo kung bakit relo, ang sabi niya sa akin ay para may palaging magpapaalala sa iyo ng pangako mo sa kaniya na bibigyan mo na siya ng oras."
Hindi napigilan ni Richard ang mga luha niyang pumatak. Nadudurog ang kaniiyang puso para sa anak. kahit kailan talaga ay maalalahanin ito. Inalis niya ang suot niyang relo at isinuot ang relong binigay ng anak.
Humarap siya sa kawalan at nagwika, "tutuparin ko ang pangako ko sa iyo, anak, bumalik ka lang sa akin."
Sa puntong iyon ay biglang tumunog ang cellphone ni Richard. Lahat sila ay naalarma. Nang tingnan ni Richard ang kaniyang cellphone, isang unknown number ang tumatawag. Nagkatinginan sila ng imbestigador at ng iba pa nitong mga kasamang pulis. Nasisiguro nilang ang mga kidnapper na iyon.
"Hello," wika ni Richard pagkapindot niya ng answer button. Handa na sana ang mga kagamitan ng mga awtoridad upang i-trace ang tawag, ngunit kaagad na ibinaba ng nasa kabilang linya ang tawag.
Ang sumunod na tumunog ay ang cellphone ni Leo. Mabilis na kinuha iyon ni Richard.
"Hello, Mr. Anderson. Hindi lang ikaw ang matalino. Alam naming nakakonekta sa cellphone mo ang isang tracing device. Alam namin na nakikipag-ugnayan ka sa mga pulis. Wrong move, Mr. Anderson. Baka mapabilis ang buhay ng anak mo."
"Hindi!" mabilis at agresibong wika na Richard.
"Lumayo ka sa mga kasama mo, at mag-usap tayo nang pribado."
Sumunod naman si Richard. "Sige, paaalisin ko ang mga pulis. Hindi ako hihingi ng tulong nila, pero parang awa na ninyo, huwag ninyong sasaktan ang anak ko. Magkano ang kailangan ninyong pera? Ibibigay ko kaagad. Name your price. Kahit magkano, pero ibalik ninyo sa akin si Mandy na walang galos."
Isang saglit na katahimikan muna ang tumugon kay Richard mula sa kabilang linya.
"Limampung milyon, Mr. Anderson. Wala nang tawad. Limampung milyon para sa buhay ng anak mo."
"Limampung milyon? Sige, walang problema," tugon ni Richard. Balewala ang pera para sa buhay ng anak ko. Kailan ko makukuha si Mandy?"
"Huwag kang masyadong excited, Mr. Anderson. Una sa lahat, kailangang malinaw ang usapan natin," tugon ng kidnapper. "Una, ibibigay ko sa iyo ang address kung saan ka pupunta. Oo, Mr. Anderson, ikaw mismo ang magbibigay ng ransom. Pangalawa, bawal na bawal ang pulis. Kapag nakaamoy kami ng pulis, wala na rin kaming pakialam sa ransom dahil hindi kami magpapahuli. Papatayin namin ang anak mo."
"Huwag! Huwag, parang awa n'yo na," wika ni Richard.
"Wala kang dapat na ipag-alala, Mr. Anderson. Basta sundin mo lang ang mga kondisyon ko." Pagkatapos ay ibinaba na nito ang tawag.
"Ano ang sabi, anak?" usisa ni Theodore.
"Limampung milyon para sa kalayaan ni Mandy. Mahigpit nilang ipinagbabawal na makipagtulungan tayo sa mga pulis, kundi papatayin nila ang anak ko."
"Alam mong hindi maaari iyan, Mr. Anderson," wika ng punong imbestigador. "Magtitiwala ka ba sa mga kidnapper na iyon? Hindi mo alam kung gaano kahalang ang kanilang mga kaluluwa. Nagawa nga nilang patayin ang kotse na hijacked nila."
"Hindi ko pwedeng isugal ang buhay ng anak ko," tugon ni Richard. Pagkawika ay naglakad siya palayo.