"HI MANDY!" bati ni Leo sa kaniyang pamangkin. Naabutan niya itong nakikipaglaro sa alaga nitong aso.
"Uncle Leo!" nakangiting bulalas Mandy. "Ano po ang ginagawa mo rito?"
"Binibisita ka. Naalala kong dalawin ang paborito kong pamangkin."
Humagikhik si Mandy. "Syempre po paborito ninyo ako. Iisang pamangkin n'yo lang naman ako."
Ngumiti si Leo. "Nagpunta ako rito kasi marami kang ikikuwento sa akin."
"Kuwento? Anong kuwento po, Uncle?"
"Tungkol sa camping ninyo at sa pagbabati ninyo ng daddy mo."
"Bati? Eh, hindi naman po kami nag-away ni Daddy."
Ngumiti si Leo. Nilapitan niya ang pamangkin at niyakap. "I'm happy for you, Mandy."
Mandy just gave him a sweet smile.
"Magbihis ka. Lalabas tayo," wika pa ni Leo sa pamangkin.
"Talaga po, Uncle? Saan po tayo pupunta?"
"Kahit saan. Kung saan mo gusto."
"Pwede po bang isama si Cooper?"
"Hindi, eh. Next time na lang."
Bahagyang nadismaya si Mandy, ngunit ngumiti rin ito pagkaraan. "Hindi bale. Malapit na rin naman naming ipasyal ni Daddy si Cooper sa park," wika nito. Nagmamadali itong umakyat sa kwarto nito upang magbihis.
"Leo!" bulalas ni Theodore. "Napasyal ka."
"Si Mandy po ang sadya ko, Papá," tugon ni Leo. "Ipinagpaalam ko siya kay Kuya. Iti-treat ko ang bata sa labas. May pasok na ulit siya bukas. Baka maging abala ako sa susunod na linggo. Matagal ko siyang hindi madadalaw."
"Wala namang problema," ani Theodore. "Sigurado rin akong gustong gusto ni Mandy na pumasyal. Saan kayo pupunta?"
"Si Mandy na po ang bahala, Papá," tugon ni Leo. "Siya nga pala, Papá. Nagkausap na kami ni Kuya. Okay na raw sila ni Mandy. I just want to congratulate you dahil naging matagumpay ang plano ninyo. I bet you did not expect your success to be this early."
Theodore shrugged his shoulders. Proud na proud siya sa kaniyang sarili. "Sabi ko naman sa iyo, eh. Ang kailangan lang ng kuya mo ay kaunting oras na kasama si Mandy para matauhan. Ngayon, maayos na ang lahat. Pwede na nating ipanatag ang ating mga kalooban." Ngumiti siya. "Gusto rin kitang batiin dahil sa maayos mong pangangasiwa sa kompanya habang wala si Richard. Ano ang sabi ng kuya mo?"
Lumabi si Leo. "Natuwa naman siya, pero kulang pa raw."
Nagsalubong ang kilay ni Theodore.
"Sinabi niya sa akin na magpasa ng resume. Kailangan daw na magsimula muna ako sa mababang posisyon. I don't mind. Ang mahalaga ay makapasok ako sa kompanya. Pagod na ako sa small time na mga negosyo ko. Tumatanda na ako nang walang napapatunayan."
"Magtiwala ka na lang sa kuya mo. Sigurado akong sinusubukan ka lang niya. Sa bandang huli, kukunin ka rin niyang katuwang."
Tumango si Leo. "Okay lang ho, Papá. Ang sabi ko nga sa kaniya, may sarili naman akong maliliit na negosyo. Besides, I'm ready to impress him. He won't be able to resist me, for sure."
Tinapik ni Theodore ang balikat ng bunsong anak. "I believe in you, anak."
"Thank you, Papá."
Bumaba na si Mandy, at bihis na ito.
"Magpaalam ka muna kay lolo mo," wika ni Leo sa pamangkin. Sumunod naman si Mandy.
"Mag-iingat kayo. Bantayan mong maigi si Mandy, Leo," bilin ni Theodore.
"Lolo, good girl po ako. Maliban diyan hindi naman na po ako toddler," wika naman ni Mandy.
"Yeah, right, Papá. Look at her, malapit na siyang magdalaga," wika ni Leo.
Bahagyang namula ang pisngi ni Mandy. "Uncle!" protesta nito.
"Pero mananatili ka namang baby sa amin habangbuhay."
"Kaya bawal muna magpaligaw, ha, Mandy?" wika ni Theodore. "Matanda na ako, pero hindi pa ako handang magkaroon ng apo sa tuhod."
"Nakakadiri naman po, Lolo," ani Mandy.
Sabay na nagtawanan sina Leo at Theodore.
Pagkatapos na makapagpaalam ay umalis na sina Mandy at Leo.
"Where do you want to go, Mandy?" tanong ni Leo habang nagmamaneho.
"I don't know, Uncle. Maybe we should go to my favorite restaurant. Palagi po kaming kumakain ng pasta ro'n ni Lolo kapag lumalabas kami. I'm hungry na rin po kasi," tugon ni Mandy.
"Okay. Right away," tugon ni Leo.
Wala pang kalahating oras ay narating na nila ang italian restaurant na paboritong pinupuntahan ni Mandy. Masaya nilang pinagsaluhan ang in-order nilang pasta.
"Where do you want to go next?" usisa ni Leo sa pamangkin.
"Sa mall?" tila hindi tiyak na wika ni Mandy. "Matagal na po akong hindi nakakapunta roon. May gusto po akong bilhin, Uncle. Regalo ko po kay Daddy."
"Regalo?"
"Opo. Matagal pa po ang birthday niya, pero gusto ko po siyang bilhan ng regalo."
"That's a good idea. Siguradong masusurpresa at matutuwa si Kuya." Piningot ni Leo ang ilong nito. "You're such a nice girl, Mandy."
Ngumiti lamang si Mandy.
Katulad ng hiling nito ay sunod silang nagtungo sa mall. Ipinarada ni Leo ang kaniyang kotse sa parking lot ng mall.
Mga ilang minuto na silang naglilibot sa loob nang mall ngunit wala pa ring maisip na regalo si Mandy.
"Okay lang naman kung wala kang ibigay sa daddy mo," wika ni Leo. "He won't mind."
"No, Uncle. I want to give daddy something. I just can't figure out what." Nilaliman pa nito ang pag-iisip. "Uncle, do you think Dad will like a new watch?"
"Hmmm..." Nag-isip din si Leo. "I think so. Medyo luma na rin ang suot niyang watch. Oras na siguro para palitan iyon."
"Sabi po kasi sa akin ni Daddy, bibigyan niya na ako ng time. Bibigyan ko siya ng watch para lagi niyang maalala ang promise niya sa akin."
Leo smiled. "Come on, let's buy that watch." Kinuha niya ang kamay ng pamangkin at saka sila nagtungo sa tindahan ng mga mamahaling relo.
Pumili si Mandy ng relo na kulay itim. Simple lang iyon ngunit elegante.
"What do you think po, Uncle?"
"I think Kuya will love that," tugon ni Leo. Kitang-kita niya ang excitement sa mga mata ng pamangkin.
Pagkatapos nilang bumili ay nagpasya na silang umuwi.
Habang naglalakad sila patungo sa kanilang sasakyan ay may naramdamang kakaiba si Leo. Nagpalinga-linga siya sa paligid dahil pakiramdam niya ay mayroong nakamasid sa kanila. Mayroon siyang nakita ngunit may-ari lamang din ng kotse na nakaparada sa parking lot. Huminga siya nang malalim.
"Come on, Mandy, get in the car," wika niya sa pamangkin. Pinagbuksan niya ito ng pinto Sumunod naman si Mandy at pumasok na sa kotse.
Hindi muna pumasok si Leo at nagmasid muna sa paligid.
"Uncle, what's wrong?" nag-aalalang wika ni Mandy nang mapansin ang pagkatuliro ng tiyuhin.
"Nothing, Mandy," tugon ni Leo.
Papasok na sana siya ng kotse nang may marinig siyang mga yabag ng paa. Paglingon niya ay may nakita siyang tatlong lalaking naglalakad palapit sa kaniya.
"Sino kayo?" wika niya nang makalapit na ito sa kinatatayuan niya.
"Kailangan namin ang pamangkin mo, Mr. Anderson," sagot ng isa.
"Si Mandy? Bakit?" nagtatakang tanong niya.
"Huwag nang maraming tanong Mr. Anderson. Ibigay mo na lang siya sa amin nang mapayapa."
"Hindi," mariing wika ni Leo.
"Uncle, ano po ang nangyayari?" sigaw ni Mandy mula sa loob ng sasakyan.
"Mandy, just stay inside the car. No matter what happen, don't get out," bilin ni Leo. "Hanapin mo ang cellphone ko riyan at tumawag ka sa daddy mo."
"Uncle, natatakot ako," iyak ni Mandy.
Natawa ang isa sa tatlong lalaki. "Sa tingin mo, Mr. Anderson, may magagawa ka? May magagawa ang pagtawag sa kapatid mo?"
"Parang awa n'yo na, hayaan n'yo kaming makaalis. O ako na lang ang kunin ninyo. Spare my niece. She's just a kid. At ano ang pinaplano ninyo? Is this k********g on progress? If I were you, hindi ninyo itutuloy ang inyong plano. May mga CCTV camera ang parking lot na ito."
"Ano naman ang magagawa ng mga camera dito, eh nakamaskara kami?"
Nagtawanan ang mga lalaki.
Doon na naaalarma nang labis si Leo. Tumalikod na siya at akmang papasok na sa kotse nang maramdaman niya na lamang ang isang mabigat na bagay na tumama sa kaniyang batok. Bumagsak siya at nawalan ng malay.