HALOS DALAWANG ORAS nang nagmamaneho si Richard. Kaunti na lang at mauubusan na siya ng pasensya. Pinasok nila ang isang masukal na bahagi na malapit na raw sa camping site, ayon kay Theodore. Pero ilang kilometro pa siyang nagmaneho. Malayo na iyon sa highway.
"Papá, sigurado ka ba sa pupuntahan natin? Baka naman may masasamang loob doon. Mapapahamak pa tayo," naaalarma niyang wika.
"Ligtas ang lugar, Richard. Huwag kang mag-alala," tugon ni Theodore.
"Hindi kaya trespassing ang ginagawa natin?" wika pa ni Richard.
"Sa tanda kong ito, sa tingin mo ba hindi ko alam ang aking ginagawa?Magmaneho ka na lang at malapit na malapit na tayo."
Nagbuntong hininga si Richard at ibinalik ang atensyon sa pagmamaneho.
"Okay," mayamaya ay wika ni Theodore. "Ihinto mo na ang sasakyan, Richard, nandito na tayo."
Nakahinga nang maluwag si Richard at ipinarada na ang sasakyan.
Halos maihi sa labis na excitement si Mandy. Wala na ngang makakapigil pa, tuloy na tuloy na ang kanilang camping.
Pagkababa ni Theodore sa sasakyan ay sinalubong ito ni Richard. "Ipapaalala ko lang ulit sa iyo, Papá. Pagkatapos ng araw na ito—"
"May isang salita ako, Richard. Nakikiusap ako sa iyo, tama na ang kakapaalala sa akin," tugon ni Theodore. "Tulungan mo na lang akong ibaba ang mga gamit at nang mai-set up natin ang tent."
Nagpameywang si Richard at muling nagbuntong hininga.
"Come on, son! Huwag kang tumayo lang riyan," wika pa ni Theodore.
Tinatamad na ibinaba ni Richard ang kanilang mga gamit.
Pakanta-kanta pa si Mandy. Napakaganda ng sikat ng araw. Hindi iyon mainit sa balat. Tuwang tuwa siya sa nagtataasang puno sa paligid. Nang makakita siya ng mga bulaklak ay tumakbo siya upang lapitan iyon. Mayro'n pang mga paru-paro na tila nagpipiyesta sa mga talulot ng mga bulaklak na iyon. Kinuha niya ang camera upang makuhanan ng litrato ang mga bulaklak at paru-paro.
Nang matapos mai-set up ng mag-amang Richard at Theodore ang tent ay umupo na sila upang pagsaluhan ang mga dala nilang pagkain at birthday cake ni Theodore.
"Happy birthday, Lolo!" muling bati ni Mandy sa abuelo. "Close your eyes, and make a wish."
Hinaplos ni Theodore ang buhok ng apo. "Wala na akong mahihiling pa, apo. Ito na ang pinakamasayang araw ng buhay ko dahil natupad na ang isa sa mga matagal mo nang gustong gawin. Alam mo namang ang kaligayahan ng Lolo ay ang makita kang masaya, hindi ba?"
Ngumiti si Mandy. "I love you so much, Lolo! Ako po, ang wish ko ay sana humaba pa ang buhay ninyo hanggang one hundred years old." Yumakap ito sa abuelo.
Napangiti si Theodore.
"Blow your candle na, Lolo."
Sumunod naman ang matanda at hinipan ang kandila sa kanyang cake.
"Lolo, we forgot to ask Daddy kung ano po ang wish niya for you," wika ni Mandy na bahagyang napasimangot.
"It's okay, Mandy," tugon ni Richard. "Ang wish lang naman ng lolo mo ang mahalaga dahil siya naman ang nagdiriwang ng kaarawan."
"But I want to hear your wish for Lolo, Daddy. Please!" Pinagsaklob nito ang mga palad at ipinikit-mulat ang mga mata.
"Katulad lang din ng wish mo, Mandy. I want Papá to live longer." Richard tried to smile. Ngumiti rin si Mandy na tila nakontento na sa sagot niya.
Pagkatapos ay pinagsaluhan na nila ang munti nilang handa, maliban kay Richard na hindi man lang tumikim.
"Bakit hindi ka kumakain?" tanong ni Theodore sa anak.
"Hindi ako gutom, Papá. Hindi ba pinilit ninyo akong kumain ng agahan?" tugon ni Richard.
"Bakit bagsak na bagsak iyang mukha mo, Richard? Huwag mong ipapakita iyan sa apo ko, ha. Ayaw kong masira ang kasiyahan niya," pabulong na wika ni Theodore.
"Fine, Papá! Let's just get through this day. I badly wanna go home. Mas maraming mas mahalagang bagay akong kailangan gawin sa opisina."
"Richard, nangako ka na babawi ka kay Mandy sa araw na ito. Tuparin mo iyon. Kung hindi ay hindi ako papayag na ipadala mo siya sa France. Kahit na ikaw pa ang ama niya, hahanap ako ng paraan para hindi siya maipadala roon. Nakakalimutan mo na yata ang impluwensya ng iyong ama. Pinagbibigyan lang din kita."
"Stop! Stop, Papá, okay?" Marahas siyang nagbuntong hininga. "I am just bored. This is boring."
"Hindi mahalaga ang nararamdaman mo. Ang mahalaga, masaya ang apo ko," tugon ni Theodore. Tumayo ito at kinuha ang kamay ng apo. "You want to see something you will absolutely like, apo?"
"Yes, Lolo," mabilis na tugon ni Mandy. "What is it?"
"It's for you to find out." Kinindatan ni Theodore ang apo.
"Come on, Lolo! Start walking. Let's go!" ani Mandy sabay hatak sa kamay ng abuelo.
Bago humakbang si Theodore ay nilingon niya ang anak. "Sumama ka," wika nito kay Richard. At wala na namang nagawa si Richard kundi ang tumayo at sumunod sa ama.
"Saan ba tayo pupunta, Lolo?" usisa ni Mandy na tila hindi na mapakali.
"How well do you know this place, Papá? Parang alam mo ang pasikot-sikot dito," wika naman ni Richard habang inililibot ang paningin sa paligilid.
"Actually, my dear son, nabili ko ang property na ito two years ago pa. Ilang beses na rin akong nakapunta rito. Kaya sigurado akong hindi tayo nagte-trespass at lalong walang masasamang loob dito," tugon ni Theodore.
Muntik nang malaglag ang panga ni Richard. Kung saan saan pala nag-i-invest ng pera ang kanyang ama.
"Ano ang plano mo sa lugar na ito?" tanong niya.
"Wala," tugon ni Theodore. "I'll leave it as is. Isa ito sa mga ipapamana ko kay Mandy. Parehas kami ng apo ko na nakaka-appreciate ng kalikasan kaya nararapat lang na sa kanya ko ito ibigay balang araw. Bahala na siya kung ano ang gusto niyang gawin sa lugar na ito kapag nasa tamang edad na siya."
Umismid lamang si Richard. He does not care. Hindi rin naman siya interesado sa lugar.
Napahinto si Mandy sa paglalakad nang may marinig na tila lagaslas ng tubig.
"What is that, Lolo?"
"Why don't you see it for yourself?" nakangiting tugon ni Theodore.
Patakbong pinuntahan ni Mandy ang pinanggagalingan ng tunog. Napanganga siya sa nakamamanghang tanawin. Ilog. Malawak na ilog.
"Wow!" bulalas ng bata. "Pwede po ba akong maligo, Lolo?"
"Bakit hindi?" tugon ni Theodore.
Sabik na sabik na tinakbo ni Mandy ang ilog at kaagad na lumublob doon.
Kitang kita ni Theodore ang kakatawang reaksyon sa mukha ni Richard.
"Are you worried for her?" tanong niya sa anak. "Don't worry, mababaw lang ang tubig sa ilog na ito. Wala kang dapat ipag-alala."
"I am not worried, Papá," tugon ni Richard.
"If you're not worried, ano ang mukhang iyan?"
"Mayroon bang pamalit na damit si Mandy? Oh good, ibig sabihin pagkatapos niyang maligo, pwede na tayong umuwi."
"Nakakalimutan mo na yatang boy scout ang ama mo, Richard. Of course, nagdala ako ng maraming pamalit na damit ni Mandy. And another, hindi tayo uuwi. Magpapalipas tayo ng gabi rito."
"What?!" bulalas ni Richard. "May usapan tayo, Papá. Uuwi tayo nang maaga."
"Nagbago na ang isip ko. Saan ka ba nakakita ng camping na hindi nagpagabi? Gusto kong maexperience ng apo ko ang bonfire."
Napailing na lamang si Richard. Sa inis ay napa-walkout siya.
Ngingiti-ngiti naman si Theodore habang pinagmamasdan ang asar talong anak na halos bumaon ang sapatos sa lupa sa paglalakad nang padabog.