INABUTAN pa sila ng gabi sa camping site. Hindi alam ni Richard kung kailan babalik doon ang kaniyang amang si Theodore upang kunin sila ni Mandy. Napangiti siya nang maisip kung ano ang magiging reaksiyon ng kaniyang papá kapag nalaman nitong maayos na ang lahat.
Tumila na rin ang ulan. Lumabas sila ni Mandy upang gumawa ng bonfire. Sa pagkakataong iyon ay nawala sa isip ni Richard ang trabaho. Nababalot ang kaniyang puso ng hindi maipaliwanag na kaligayahan. Iyon pala ang matagal na panahong ipinagkait niya sa kaniyang sarili.
Magkatulong silang nagluto ni Mandy ng hotdog at marshmallow. Masaya nila iyong pinagsaluhan.
"Daddy, can you tell me a story?" malambing na wika ni Mandy habang nagpapapak ito ng marshmallow.
"What story?" ani Richard.
"About Mommy. Can you? Please, Daddy! Please!"
Ngumiti si Richard. "You got everything from your mom, Mandy. Maliban sa nakuha mo ang lahat ng pisikal na katangian niya ay nakuha mo rin ang ugali niya kagaya ng pagiging malambing." Hindi naisip ni Richard na makakaya niyang magkwento muli nang bukas tungkol sa kaniyang yumaong asawa. Ilang taon niya ring sinarili ang mga alaala nito.
"Does she love me?" tanong pa ni Mandy.
"She loves you more than anything else in the world," tugon ni Richard. Ikaw lang ang nag-iisang hiniling niya sa Diyos. Kung nandito pa siya ngayon, sigurado akong siya ang magiging pinakaulirang ina sa buong mundo."
Nagbuntong hininga si Mandy. "I miss Mommy," anito.
"You miss her?"
Tumango si Mandy. "Kahit hindi ko po siya nakita at nakasama, namimiss ko po siya."
"I miss her, too, Mandy. So much!" Pinahilig niya ang anak sa kaniyang dibdib. "Siguradong masayang masaya ang mommy mo ngayon kung nasaan man siya ngayon kapag nakita niya tayong dalawa. Ipinapangako ko sa iyo na magbabago na ang Daddy."
Napaangat ng tingin si Mandy sa ama.
"Simula ngayon, hindi ko na ibubuhos ang lahat ng oras at panahon ko sa trabaho. Sisiguraduhin kong mabibigyan kita ng oras. Sa lahat ng mahahalagang okasyon ng buhay mo ay palagi na akong naroon lalo na sa family day sa school ninyo."
"Talaga po, Daddy? Promise?"
"Promise!"
At muling nagyakap ang mag-ama.
Pagkatapos ng lampas isang oras na pagkikwentuhan ay pumasok na sila sa sasakyan upang matulog. Hindi sila maaaring matulog sa labas gawa na basa pa ang lupa. Hindi niya rin natitiyak kung uulan pa ba o hindi na. Delikado rin sa mga hayop kagaya ng ahas na posibleng pumasok sa tent.
Inayos niya ang higaan ng anak. Siguro ay magiging paborito niya na itong gawain.
"Sleep now, Mandy," wika niya sa anak habang hinahaplos ang buhok nito.
"Goodnight, Daddy!" bati ni Mandy sa kaniya.
"Goodnight, Mandy!" Hinagkan niya ang noo nito.
Kinabukasan ay nagising si Richard nang makarinig ng tunog ng sasakyan. Mabilis siyang bumangon. Tama ang kaniyang hinala at ang ama niya nga ang dumating. May kasama itong driver.
Mukhang dismayado si Theodore. Bagsak ang sulok ng mga labi nito pati na rin ang mga balikat.
"Alright, I give up," wika nito pagkatapos ay nagbuntong hininga. "Hindi ako nakatulog kagabi. Labis akong nag-alala sa apo ko. Alam kong mali ang ginawa ko. Naiinis ako sa sarili ko at bakit kagabi ko lang naisip na mali ang pilitin kita dahil ang pagmamahal ay dapat kusa." Umiling ito. "Sige na, Richard, suko na ako. Payag na akong ipadala mo sa France si Mandy tutal ay kasama naman ako. Ayaw ko nang makitang desperada ang bata na mahalin mo. Tama na ang maraming taon na pagsubok niya."
"France?"
Kapwa sila napatingin kay Mandy na bumaba na rin ng sasakyan. Namamaga ang talukap ng mga mata nito dahil kagigising lamang din nito.
"Oo, Mandy. Kinausap ako ng daddy mo na pagkatapos ng camping ay ipapadala ka niya sa France, at doon ka na magpapatuloy sa mag-aaral. Huwag kang mag-alala dahil kasama mo naman ako, apo."
Tumingin si Mandy sa ama. Nakaramdam si Richard ng guilt kahit na nagbago na ang isip niya.
"Bakit po, Daddy?" ani Mandy.
Nilapitan ni Richard ang anak at hinawakan ang magkabilang balikat nito. "Dahil ayaw na kitang makita at makasama."
Kaagad na nag-unahang bumagsak ang mga luha ni Mandy.
"Pagod na akong magdusa araw-araw na nakikita ka," dugtong pa ni Richard. "Iniisip ko na kapag hindi na kita makita ay magiging maayos na ang lahat." Huminga siya nang malalim. "Pero hindi na. Nagbago na ang isip ko. Hindi na kita ipapadala ro'n, anak. Dito ka lang sa Pilipinas, at hinding hindi tayo maghihiwalay."
Napanganga si Theodore sa narinig. "Ano'ng sinabi mo, Richard?" hindi makapaniwalang wika niya.
"Hindi ko na ho ipapadala ang anak ko sa France. Nagbago na ang isip ko."
"B-bakit? Ano ang nangyari? Bakit biglang nagbago ang isip mo?"
"Sabihin na lang po natin, Papá, na naging mabisa ang plano ninyo. Napagtanto ko na ang lahat ng dapat kong mapagtanto. Handa na akong maging ama ni Mandy."
"P-paano? Paanong nangyari ito?"
"Papá, maniwala na lang kayo." Ngumiti si Richard. "Hindi ba kahit sa kabila ng pagiging malamig ko ay naniniwala kayong mahal ko ang anak ko? Bakit hindi ninyo mapaniwalaan na nagbago na ang isip ko? Tama kayo, Papá. Mahal ko si Mandy. Hindi ko gustong magpunta siya sa malayo dahil mamamatay ako sa ikalawang pagkakataon. Siya na lang ang alaala ni Aliyah na mayroon ako. At nangangako ako na simula sa araw na ito, aalagaan ko na si Mandy. Babawi ako sa lahat ng mga pagkukulang ko sa kaniya."
Lumuluha sa kaligayahan na tumakbo si Theodore patungo sa anak at niyakap ito. "Richard, hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya. Kung hindi lang masakit ang aking mga tuhod ay tatalon ako," wika nito.
"Alam ko, Papá! Nakikita ko na Ang pagtalon mo sa isip ko," nakangiting tugon ni Richard. "Salamat sa hindi mo pagsuko sa akin. Salamat at hindi ka nawala ng paniniwala sa akin. Salamat, Papá."
"Ako ang dapat na magpasalamat sa iyo, anak, dahil sa wakas ay pinalaya mo na rin ang sarili mo. Salamat at binuksan mo na ang puso mo para kay Mandy. Ito na Ang pinakamaligayang araw ng buhay ko."
Lumapit si Mandy sa kaniyang lolo at daddy. Niyakap siya ng mga ito.
"Sa wakas, magiging masaya na rin ang aking prinsesa," wika ni Theodore at saka hinagkan ang noo ni Mandy.
"Lolo, Daddy," ani Mandy. "Umuwi na po tayo. Miss ko na si Cooper." Lumabi ito.
Nagkasakit ang alagang aso ni Mandy kaya hindi ito nakasama sa camping.
"Nakalimutan ko palang sabihin sa iyo ang good news," ani Theodore. "Magaling na si Cooper at handa na ulit siyang makipaglaro sa iyo. Para makabawi kay Cooper, ipapasyal natin siya sa animal's park."
"Pwede ba akong sumama?" ani Richard.
"Pwedeng pwede!" magkapanabay na sagot ng mag-lolo.