NATAGPUAN na lamang ni Richard ang kanyang sarili na naglalakad pabalik sa camping site. Tumindi ang kanyang pag-alala nang nalukob na ng anino ng makakapal na ulap ang buong paligid. Akalain mong takip silim na. Lumakas pa lalo ang buhos ng ulan kaya nagsimula nang maging maputik ang daan.
Nais niyang bugbugin ang sarili. Paano niya magagawang iwan ang kanyang anak nang ganoon? Isang bata lamang si Mandy. Paano kung sa kanyang ginawa ay ma-trauma si Mandy?
Takbo lang siya nang takbo. May isang beses na nadulas siya, ngunit hindi niya iyon inalintana.
Napahinto siya sa pagtakbo nang makita si Mandy na nakatayo pa rin sa kung saan niya ito iniwan. Umiiyak pa rin ito at tawag nang tawag sa kanyang pangalan. Nakapikit lang ito. Nadurog ang kanyang puso sa tagpong iyon. Singbilis ng kidlat na bumagsak ang kaniyang mga luha para sa anak.
Tumakbo siya palapit kay Mandy at lumuhod sa harapan nito. "Mandy, I'm sorry," umiiyak niyang wika. "I am sorry, baby."
"Daddy!" wika ni Mandy na nahihirapan nang huminga. Yumakap ito sa ama nang ubod higpit. "Ang akala ko po hindi na kayo babalik, Daddy. Takot na takot po ako," wika ni Mandy. Halos magkulay ube na ang mga labi nito sa panlalamig.
"It's alright. I'm here. Hinding hindi na kita iiwan." Niyakap ni Richard pabalik ang anak. Ngayon ay totoo na ito at wala nang halong pagkukunyari.
Bumalik na sila sa loob ng sasakyan at binuksan ni Richard ang heating system ng sasakyan. Binigyan niya ang anak ng tuwalya, at tinulungan niya itong patuyuin ang buhok.
"Magbihis ka na," utos niya sa anak. Iniwan niya muna ito.
Nagsindi siya ng sigarilyo at hinithit iyon. Nagbuntong hininga siya. Mukhang matagal-tagal pa bago tumila ang malakas na ulan. Sigurado siyang ikatutuwa ng kaniyang ama ang pag-ulan dahil umayon iyon sa plano nito. Napangiti siya at napailing. Ulan lamang pala ang kailangan upang magbalik siya sa katinuan.
"Uuwi na po ba tayo, Daddy?" tanong ni Mandy makaraang makapagbihis ito.
"Nasa kamay iyan ng lolo mo," nakangiting tugon ni Richard. "This is all his plan, and it is actually working." He laughed softly. Magpahinga na muna tayo. Matulog ka na muna. Masyadong naging mabigat ang umaga ito para sa iyo."
Tumango si Mandy.
Inayos ni Richard ang hihigaan ng anak. Iyon pa lang ay kakaibang saya na ang dulot sa kaniya. Ganoon pala ang pakiramdam na asikasuhin ang anak. Parang kinikiliti ang kaniyang puso ng libong balahibo ng ibon.
Noong isilang si Mandy, hindi man lang niya ito tiningnan. Talagang napuno ng poot ang kanyang puso. Poot na walang kakwenta-kwenta. May mga pagkakataon na tuwing makikita niya si Theodore na karga ang apo nito ay tila naiinggit siya. Nais niya ring kargahin si Mandy. Nais niyang hawakan ang maliliit nitong mga kamay. Ngunit sa tuwing makakaramdam siya ng habag sa anak tuwing maiisip na nawalan na nga ito ng ina, parang nawalan na rin ito ng ama ay pinapatay niya ang kaniyang konsensiya. Sa mga gabing umiiyak si Mandy ay nagbibingibingihan siya. Ang iyak ni Mandy ay parang libo-libong karayom na tumutusok sa kaniyang malamig na pusong pinipilit niyang patigasin.
Ngayon, pagkatapos ng napakaraming taon na kaniyang sinayang ay nagsisisi na siya. Sa pagtila ng ulan at sa pagsikat muli ng araw ay aayusin niya ang lahat. Ibibigay niya kay Mandy ang ama nitong nawala sa mahabang panahon. Babawi siya.
Humiga siya at nakatulugan ang mga isiping iyon.
Dalawang oras ang lumipas, at nagising siyang nilalamig nang labis. Halos hindi niya mamulat ang kaniyang mga mata dahil tila umaapoy ang mga talukap niyon. Niyakap niya ang sarili.
"Daddy, gutom na po ako," wika ni Mandy. Pupungas-pungas itong lumapit sa ama. Kagigising pa lamang nito. "Daddy, kain na po tayo."
Hinawakan nito ang braso ng ama. Nanlaki ang mata nito nang maramdaman na mainit ang balat ng daddy niya.
"You have fever, Daddy!" bulalas nito. Kaagad itong nataranta. Mabilis itong kumuha ng kumot at inilagay kay Richard.
"Think, Mandy, think," wika nito sa sarili. "Lolo is a boy scout, siguradong may dala siyang mga gamot," anito. Hinanap niya ang first aid kit, ngunit walang gamot doon. Naghanap pa siya at wala siyang nakita. Ano ang gagawin niya?
Dali-dali siyang naghanap ng bimpo at maliit na planggana na nasa lababo. Nilagyan niya ng tubig ang planggana at binuhusan iyon ng kaunting mainit na tubig. Binalikan niya ang ama.
"Daddy, pupunasan po kita," wika niya sa ama na nanginginig pa rin. Sinimulan niyang punasan ang noo nito. "Wala po kasi akong nakitang gamot. Paano po kayo gagaling?" naiiyak na wika nito.
Hindi makapagsalita si Richard. Ang totoo ay nais niyang bumangon. Nag-aalala siya kay Mandy. Baka lagnatin din ito.
Hindi sila nagdala ng cellphone sa camping dahil ipinagbawal iyon ni Theodore kaya walang paraan para makontak nila ang kahit na sino upang makahingi ng tulong.
Pinunasan din ni Mandy ang mga braso ng ama. Walang humpay na pagpupunas, ngunit parang walang nangyayari. Sa labis na takot ay niyakap ni Mandy ang kaniyang daddy hanggang sa hindi niya namalayang nakatulog siya. . .
"Mandy..."
Nagising ang bata nang makaramdam ng marahang pagyugyog sa balikat. Dahan dahan nitong iminulat ang mga mata.
"Daddy?" Tumunghay sa kaniya ang nakangiting ama. Hinawakan niya ang noo nito. "Hindi na po kayo mainit. Wala po ang fever mo, Daddy?" nanlalaki ang mga matang wika pa nito.
"Wala na. Ang galing kasi ng nurse ko," nakangiting tugon ni Richard.
"Paano po iyon nangyari?"
Hinaplos ni Richard ang mukha ng anak. "Nagdasal ka ba kanina na sana gumaling ako kaagad?"
Tumango si Mandy.
"Iyon," ani Richard. "Dahil sobrang mabait ka, pinagbigyan kaagad ni God ang prayer mo."
Biglang bumagsak ang mga sulok ng labi ni Mandy.
"Oh, bakit?" nagtatakang tanong ni Richard.
"Lagi naman po akong mabait. Lagi naman po akong nagpi-pray noon na sana i-love mo po ako, pero hindi naman po iyon tinutupad ni Papa God," tugon nito.
Napabuntong hininga si Richard. "Kaya ganoon kasi may mga bagay na matagal ang proseso. Some things take a lot of time, Mandy, lalo na kapag kailangan ng healing. I needed time. I needed to heal."
"Heal?"
Tumango si Richard. "My heart was broken and shattered to pieces when I lost your mom. And I blamed you." Hinaplos ni Richard ang mukha ng anak. "Patawarin mo ako, anak." Napailing siya at napayuko. "All those years, hinayaan kong maghari sa puso ko ang galit ko sa iyo. Alam kong hindi mo kasalanan ang nangyari sa mommy mo, pero pinilit kong paniwalain ang sarili ko na kasalanan mo iyong lahat dahil nang isilang ka ay nawala ang mommy mo sa akin. Naghanap ako ng masisisi dahil kung wala akong sisisihin, mababaliw ako at hindi na ako makakapagpatuloy sa buhay. I needed to continue living kahit na hindi ko alam kung bakit pa."
He smiled. "Pero ngayon, alam ko na kung bakit ako nabubuhay. At dahil iyon sa iyo, anak." He stared right through her eyes. "The truth is I love you, Mandy. I love you dearly."
Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ni Mandy. Iyon ang unang beses na narinig niya iyon mula sa kanyang ama. Nangilid ang kaniyang mga luha at mabilis na bumagsak ang mga iyon. "I love you, Daddy!" wika niya.
Hindi na rin napigilan pa ni Richard ang lumuha. "I love you, too, my Mandy." Kinabig niya ang anak at niyakap. Ibinuhos niya sa yakap na iyon ang ilang taong pinigil na pangungulila at pananabik na mayakap ang kaniyang nag-iisang anak.
Tumingala siya at nag-usal ng tahimik na pasasalamat sa Diyos dahil sa wakas ay nagising din ang kaniyang natutulog na puso.