RICHARD,
Alam kong magagalit ka sa ginawa kong ito. Patawarin mo ako kung pinag-alala ko kayo ni Mandy. Alam kong magagalit ka, pero maniwala kang maganda ang magiging kahihinatnan nito.
Hindi ako papayag na basta mo na lang ipadala ang apo ko sa France. Bibigyan kita ng dagdag na oras para makapag-isip. Iiwan ko sa iyo si Mandy. Magpakaama ka sa kanya, at sulitin mo ang mga oras na kasama mo siya. Pasayahin mo siya. Pasayahin mo ang sarili mo. Tama na, anak. Tama na ang pagpapahirap mo sa sarili mo. Free the father inside you. I know you love my grandchild. This is my last resort, at kapag wala pa rin talagang mangyari, then it's hopeless.
Huwag mong hanapin ang susi dahil dinala ko iyon pauwi. Malayo ang highway kaya huwag kang magtatangka na maglakad. Lalong lalo nang huwag kang magtatangkang iwan nang mag-isa ang apo ko. Huwag ka ring mag-alala dahil hindi kayo magugutom ni Mandy habang naririyan kayo. Pinaghandaan ko ito. Higit pa sa sapat ang iniwan ko riyan para sa inyo.
Naniniwala ako sa iyo, anak...
Iyon ang laman ng sulat.
Nalukot ni Richard ang papel habang nakatiim ang kanyang mga bagang. Sumusobra na talaga ang kanyang ama. Inabot na talaga nito ang dulo ng kaniyang pasensya. Nakuyom niya ang kaniyang mga palad. Pinipwersa talaga siya nitong gawin ang isang bahay na matagal na niyang isinumpa. Gustong gusto niyang magwala, ngunit ano ang kaniyang magagawa? Mukhang napagplanuhan na siya ng kaniyang ama nang maigi. He's stuck with his daughter, now. Ngayon ay wala na siyang mapagpipilian kundi tingnan ito at alagaan na kagaya ng isang ama, which he is supposed to be.
"You look upset, Daddy," nag-aalalang wika ni Mandy. "What happened to Lolo? Is he okay?"
"Umuwi na ang lolo mo," sagot niya sa anak. "Iniwan niya tayo rito."
Kaagad namang nangamba si Mandy. "Iniwan tayo ni Lolo? Bakit po, Daddy? Bakit naman niya tayo iiwan?" wika ng bata.
Umiling si Richard. Hindi na niya pinansin ang mga sunod pang sinabi ng anak. Maski na sinabi na sa kanya ng ama na dinala nito ang susi ng sasakyan, nagbakasakali pa rin siyang hanapin ito sa kung saan-saan. Nang hindi ito makita ay naisip niya na na i-hot wire ang sasakyan. Ngunit hindi pa rin iyon gumana. Nang i-check niya ang sasakyan ay wala na pala itong gasolina. Nasuntok niya ang sasakyan sa labis na inis. Sinigurado talaga ng kaniyang ama na hindi siya makakaalis sa lugar na iyon.
Ngunit walang makakapigil sa kaniya...
"Daddy, what are going to do?" nagtatakang wika ni Mandy habang isinusuot ni Richard ang jacket nito.
"Uuwi ako," mabilis na tugon ni Richard.
"Uuwi po tayo? Pero paano po, Daddy? Hindi naman po umaandar ang car."
"Ako lang ang uuwi."
Natigilan ang bata. "Paano po ako? Iiwan n'yo rin po ako, Daddy?"
"I don't care about you," ani Richard. Saglit siyang natigilan, ngunit hindi niya na iyon pwedeng bawiin. Kitang kita niya ang pangingilid ng luha sa mga mata ng anak.
Marahas siyang napabuntong hininga. "Mandy, alam mo ba kung bakit tayo iniwan ng lolo mo rito nang tayo lang?" Umiling si Mandy. "Kasi umaasa siyang may milagro. Iniisip niya na kapag iniwan ka niya sa akin ay matututunan na kitang mahalin. And that's never gonna happen."
Umarko ang mga sulok ng labi ni Mandy, at tuluyan nang bumagsak ang mga luha nito.
"I don't love you, okay? I don't love you," wika niya sa anak. "Do you know how much I hate you?"
Umiling si Mandy.
"I hate you that I don't want to be your father. Naiintindihan mo ba ako, Mandy?" Halos sigawan na niya ang bata. To hell! Ilang taon din niyang kinimkim ang hinanakit sa anak. Kahit kailan ay hindi niya sinabi rito nang derekta ang galit niya. Ngayon na marahil ang hinihintay niyang pagkakataon.
"You took my wife away from me. You took everything from me when you were born. I will never learn to love you. That's why I am sending you to France. We're here, and I am being kind to you not because I love you, but because I am planning to send you away." Walang konsensya niyang pinagmasdan ang masaganang pagluha ng anak. Iniisip niyang nararapat lamang ito kay Mandy. Mas higit pa ang sakit na naramdaman niya noon nang mawala si Aliyah. Walang makapapantay sa sakit na iyon dahil hanggang ngayon ay minumulto pa rin siya ng pagkawala ng asawa. Hinding hindi siya makakausad sa pagkawala ni Aliyah.
"I will send you to France, and we will never see each other again. Do you understand?" Hinawakan niya ang magkabilang balikat ng anak at niyugyog ito. "Do you understand?"
"I love you, Daddy..." wika ni Mandy na halos hindi na makahinga sa pag-iyak. "I'm sorry about Mommy. I'm sorry if she's gone because of me. I'm sorry, Daddy. I'm sorry!"
Natiim ni Richard ang bagang. Pinagsaklob niya ang kaniyang mga kamay sa kanyang mukha. "Stop, Mandy! Stop, okay? Kahit ilang sorry ang sabihin mo, wala nang mangyayari. Nangyari na ang nangyari. Hindi na babalik pa si Aliyah. Hindi na siya babalik!"
Mabibigat ang mga hakbang na bumaba siya ng sasakyan. Naglakad na siya palayo. Aalis siya sa lugar na iyon. Hindi na niya kayang makasama pa ang anak. Hindi na niya ito kayang makita pa nang matagal. Pagkabalik niya sa siyudad ay sa hotel na lamang muna siya tutuloy hanggang sa makaalis na si Mandy patungo ng France.
"Daddy!" sigaw ni Mandy. "Please don't leave me here, Daddy. I'm afraid."
Saglit na huminto sa paglalakad si Richard at nilingon si Mandy. Nakaramdam siya ng bigat sa kanyang dibdib ngunit hindi niya iyon binigyan ng pansin. Tiyak niyang pinagmamasdan sila ngayon ni Theodore. Alam niyang kahit iwan niya si Mandy, kaagad na gagawa ng paraan si Theodore upang masiguradong ligtas ang apo nito.
Nagpatuloy siya sa paglalakad. Humabol sa kanya ang anak at niyakap siya mula sa likod nang mahigpit. Huminto siya.
"Daddy, please! Daddy!" wika ni Mandy habang patuloy sa pag-iyak.
Mahigpit na hinawakan ni Richard ang mga kamay nito at marahas na inalis sa kanyang beywang.
"Stay away from me, Mandy, and don't ever go near me again. I don't want to see you anymore," wika niya sa anak. "Ilang taon din akong nagdusa na makasama araw-araw ang taong dahilan ng pagkawala ng kaisa-isang babaeng mahal ko. Oras na para palayain ko na ang sarili ko."
"Daddy..." Iyon lamang namutawi sa bibig ni Mandy. Kitang-kita nito ang nag-aapoy na galit ng ama. Tumayo ito at hindi na gumalaw.
Pinagmasdan na lamang ni Mandy ang paglalakad ng ama palayo.
Hindi na lumingon pa si Richard. Hindi siya maaaring maawa kay Mandy. Hindi na siya magpapauto sa kaniyang ama. Hindi na siya nito mamamanipula.
Bahagya na siyang nakalayo sa camping site nang mapansin niyang nagdidilim ang kalangitan, ngunit nagpatuloy pa rin siya sa paglalakad. Mayamaya ay kumulog na at bumagsak na ang ulan.
Umiiyak ang langit. Iyon ang sinasabi noon ng kaniyang ina sa tuwing umuulsn. Umiiyak ang langit. Nagdadalamhati ito.
Naalala niya si Mandy. Paano ito kung nagpatuloy ang pag-ulan?
Pero hindi naman mababasa si Mandy dahil tiyak na papasok ito sa sasakyan. Matalinong bata naman ang kaniyang anak.
Pero paano ito kapag dumilim na? Paano nito aalagaan ang sarili? Paano kung mayroong mga ligaw na hayop sa paligid? Paano kung mayroong masasamang loob katulad ng hinala niya? Paano kung mali ang iniisip niyang nakikita sila ni Theodore? Paano si Mandy?
Nagpatuloy siya sa paglalakad. Mabagal lamang. Hanggang sa huminto siya at muling inisip ang mga katanungan sa sarili.
Paano si Mandy?