Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay naging malamig na ang pakikitungo ni Scarlett sa akin. Nag-uusap naman kami ng maayos, ngunit batid ko pa rin sa mga mata niya ang galit. Ilang beses na akong humingi ng tawad, sasabihin niyang ayos lang, ngunit ipaparamdam niya sa akin na hindi pa rin talaga. Sa tuwing babanggitin ko ang tungkol doon, agad niyang ililihis ang usapan.
Inaamin ko, nagkamali ako noong gabing iyon. Hindi ko napigilan ang sarili ko at nagpadala ako sa aking galit. Ngunit hindi ko lang talaga kayang palampasin ang ganoong bagay, lalo na kung damay sa usapan ang asawa ko. Binabastos na siya sa mismong harapan ko pagkatapos ay hindi ako gagalaw? Hindi pwede 'yun.
Pinagalitan na rin ako ni Mommy dahil sa ginawa ko. Ang sabi niya'y dapat hinintay ko na munang natapos ang event bago sinuntok ang walang hiyang lalaking 'yun. Naiintindihan naman daw niya kung bakit naging ganoon ang reaksyon ko, ngunit dapat ang nilulugar ko ang aking galit.
Maging ang mga kaibigan namin ay nabalitaan na rin ang tungkol doon. Napagsabihan ako ni Wayne at Macy dahil nasaksihan din nila ang nangyari nang gabing 'yun.
Pagkatapos ng insidente, naging laman kami ng mga usapan. Meron ding video na lumabas habang sinusuntok ko 'yung lalaki. Iba't ibang balita at mga litrato ang lumitaw tungkol sa akin. Ngunit, hindi lumalabas ang pangalan ko sa balita. Palaging pangalan ni Scarlett ang nandoon.
Kinuha ni Scarlett ang purse niya sa tukador. Tiningnan niya ang kanyang sarili bago bumaling sa akin. Binigyan na naman niya ako ng malamig na tingin.
"Tara na," ‘yun lamang ang sinabi niya at nauna nang lumabas.
Kinarga ko ng maayos si Ellie. Sinundan namin ang kanyang ina hanggang sa garahe. I beeped my car. Tumigil sa paglalakad si Scarlett. Kinuha niya si Ellie sa akin at pumasok na agad sila sa backseat. Tiningnan ko muna ulit ang mga gamit sa likod ng sasakyan. Nang masiguradong maayos na ang lahat ay umalis na kami.
Patungo kami ngayon sa Pangasinan para sa kasal ni Gabriel at Soleil. Bukas pa naman gaganapin ang kasal ngunit ngayon na kami pupunta dahil mahaba pa ang aming byahe.
Nilalaro ni Scarlett si Ellie habang nasa byahe kami. Napapangiti ako sa tuwing nakikita ko ang ngiti nila mula sa salamin. Gusto kong magsalita ngunit nakuntento na lang ako sa pagtitig sa kanilang dalawa.
"Nagugutom ka na ba?" tanong ko sa asawa ko nang malapit ng mag tanghalian. Isang tipid na tango lamang ang ibinigay niya sa akin.
Dumaan muna kami sa gasoline station bago maghanap ng maaaring kainan.
Sinusubukan kong magbukas ng usapan habang kumakain kami, ngunit agad naman itong tinatapos ni Scarlett. Batid ko pa rin ang panlalamig niya sa akin.
It fcking hurts, alright. Ang taong pinaka gusto mong makausap ay ayaw kang kausapin. Hindi ko alam kung ano pa bang pag-suyo ang dapat kong gawin para lang bumalik na ang lambing niya sa akin.
Nang bumyahe ulit kami ay natulog na sila ni Ellie. Sinubukan kong magpatugtog para hindi mainip sa pagmamaneho, ngunit sinaway agad ako ni Scarlett dahil baka raw magising si Ellie. Nanatili na lang ang mata ko sa daan. Natatanaw ko na ang dagat. Sinilip ko ang aking mag-ina, tulog pa rin sila. Kahit na sa pagtulog, ang ganda pa rin talaga nilang dalawa.
Palubog na ang araw nang makarating kami sa resort. Ginising ko na si Scarlett. Mapungay pa ang mga mata niya nang buksan ang mga ito.
"Nandito na tayo?" nilingon niya ang paligid.
"Oo," itinigil ko na ang aming sasakyan. Bumaba agad ako para kunin ang aming mga gamit.
Bumaba na rin si Scarlett. Karga niya ang anak namin na hanggang ngayon ay tulog pa rin. Binuhat ko ang aming mga bagahe. Sumunod ako kay Scarlett hanggang sa front desk para i-check ang aming reservation. May bellboy na dumalo sa akin para sa mga dala kong gamit. Nang maayos na ang lahat, in-assist na kami hanggang sa aming casita.
Pagdating namin ay pumunta agad ako sa veranda para tawagan ang aming mga kaibigan.
"Hello…" salubong ni Jayden.
"Nandito na kami," sabi ko. "Kayo?"
"Nandito na rin. Halos kadarating lang namin. Matutulog muna kami ni Wendy. Mamaya 'raw 8 PM magdi-dinner tayo."
"Oh, sige," napatango ako. "Magpapahinga rin muna kami ni Scarlett. Kadarating lang din namin, eh."
"Sige," humikab si Jayden. "Kita na lang tayo mamaya."
Pagbalik ko sa loob, tulog na si Scarlett katabi si Ellie na ngayon ay may bote ng gatas na iniinom.
"Sleep well," hinalikan ko ang aking mag ina sa noo.
Inayos ko na muna ang aming mga gamit. Tatlong araw ang itatagal namin dito. Tamang-tama ito para mas masuyo ko pa ng maayos si Scarlett. Siguro naman, bago matapos ang mga araw na iyon ay magiging maayos na kami.
Pagkatapos kong ayusin ang aming mga gamit ay humiga ako sa tabi ni Scarlett. Niyakap ko siya mula sa likuran. Pinikit ko ang aking mga mata ay inamoy ang mabango niyang leeg.
"Timothy…" dinig kong tawag ng asawa ko.
Minulat ko ang aking mga mata. Hinilot ko ang gilid ng aking ulo nang maramdaman ko ang sakit mula rito.
"Hmmm?" umupo ako. Pinagmasdan ko ang aking asawa at anak na nakabihis na.
Ilang beses akong kumurap. Pakiramdam ko ay lumulutang ako ngayon dahil sa pagod.
"Tumawag na sila Macy. Nandoon na 'raw sila sa resto. Magbihis ka na."
Tumango ako. Hinilot ko ulit ang aking ulo at batok. "Anong oras na ba?"
"7:45 na. Mauna na kami ni Ellie doon."
"Hintayin niyo na ako," sabi ko. "Mabilis lang naman akong magbihis."
"Sabi ko kay Macy ay papunta na kami ni Ellie," aniya. "Sumunod ka na lang."
Hindi na ako nakapag protesta pa dahil iniwan na agad nila ako. Napabuntong hininga na lang ako at nagbihis na. Ang akala ko pa naman ay hihintayin niya ako. Sandaling oras lang naman ang itatagal ko sa pagbibihis.
Nandoon na ang lahat pagdating ko. Masaya na silang nag-uusap at mukhang nag umpisa na sila sa hapunan. Tumabi ako kay Scarlett. Naglaho ang ngiti niya nang makita ako.
"Oh, Timothy kumain ka na!" ani Macy. Tumango ako at nilagyan ng pagkain ang aking plato.
"Si Soleil?" tanong ko nang mapansin na wala sa tabi ni Gabriel ang kanyang kasintahan.
"Diba nga ay may kasabihan na bawal makita ang mapapangasawa bago ang kasal?" iritado niyang sabi.
Tumawa ako nang maalala ang ganoong tradisyon. Kahit na kami ni Scarlett noon, ganyan din ang naramdaman ko. Hindi ako mapakali sa gabi bago ang aming kasal. Takot na takot kasi talaga ako dahil baka hindi siya dumating o magbago ang isip niya sa mismong araw ng kasal namin.
"Magtiis ka na," ani Jude habang naka akbay sa girlfriend niyang si Aina. "Ilang oras na lang naman."
"Tss…" napailing si Gabriel. Mukhang iritado pa rin.
"Ito naman, di makapaghintay!" tawa ni Carlos.
Nilingon ko ang pinggan ni Scarlett nang wala na itong laman. "Gusto mo pa?" Tanong ko sa kanya.
Umiling lang siya at bumaling sa katabing si Wendy. "Ang laki na ng tyan mo, ah!" aniya.
Pasimple akong napabuntong hininga. Nagkatinginan kami ni Wayne, kumunot ang noo niya na tila alam kung anong ang nasa isip ko.
"Uh, may balita kami!" sambit ni Macy. Napatingin kaming lahat sa kanya. Nakaupo sa kandungan niya ang panganay na anak nilang si Enrique.
"Ano?" tanong ni Carlos. Hinuli niya ang kamay ng kanyang anak na si Liza dahil kanina pa ito naglilikot.
"Buntis ulit ako!" masayang balita niya. Nagkatinginan sila ni Wayne. "Dalawang buwan na…"
"Wow," sambit ni Scarlett. "Congrats!"
Nagpalakpakan kaming lahat dahil sa magandang balita nila ni Wayne.
"Thank you!" ngiti ni Macy. "Kayo… Scarlett, Timothy, kailan niyo balak sundan si Ellie?"
Napatingin ako sa aking asawa para abangan ang kanyang sagot. "Uh…" Bumaba ang tingin niya sa aming anak. "Bahala na kung kailan."
Pinatong ko ang aking kamay sa sandalan ng kanyang kinauupuan. "Pero babalitaan namin kayo agad pag may kasunod na ang panganay namin," sabi ko sa kanila.
"Gabriel, Jude! Humabol naman kayo, oh!" natatawang sabi ni Jayden.
"Ikakasal na ako bukas," nagkibit balikat si Gabriel. "Siya na lang ang i-pressure niyo…" sabay turo kay Jude.
"Pakasalan mo na si Aina!" dagdag pa ni Wayne. Tumango ang lahat sa kanyang sinabi.
Tama nga naman, siya na lang ang hindi ikakasal sa aming magkakaibigan. He's an Engineer. CPA si Aina. Pareho ng stable ang kanilang buhay. Ano pa ba ang hinihintay nila?
Pagsapit ng alas diyes ay nagpaalam na ang mga babae na babalik na sa kanya-kanyang casita. Inaantok na rin kasi ang mga bata. Kami namang mga lalaki ay naiwan pa para mag inuman ng kaunti. Maliban na lang kay Gabriel. Tatawagan pa raw kasi niya si Soleil.
Hinalikan ko ang ulo ni Ellie. Kinukusot na niya ang mga mata niya, halatang inaantok na. "Magpahinga na kayo," hinarap ko si Scarlett. "Babalik din agad ako." Akmang hahalikan ko siya sa labi ngunit umiwas siya agad.
"Huwag kang iinom ng marami," aniya bago tumalikod.
Napabuntong hininga ako. Binalikan ko na ang aking mga kaibigan. Lahat sila ay nakatingin sa akin.
"Napano kayo?" tanong ko.
Tinulak ni Jude ang isang bote ng beer sa harapan ko. "Napano kayo?" balik niya sa tanong ko.
"May problema kayo ni Scarlett?" dagdag na tanong pa ni Carlos.
"Ha?" tumawa ako. "Wala 'no!" ininom ko ang aking beer.
"Naku! Halata naman na meron, eh…" ani Wayne. "Tungkol pa rin ba ito sa nangyari noong awarding niya?"
Napalunok ako. Hindi ko nasagot ang kanyang tanong.
"Halos isang buwan ng tapos 'yun, ah? Hindi pa rin kayo nagkaka ayos?" si Jayden.
"Maayos na kami," sabi ko. "Kaso ewan ko ba… parang nanlalamig na siya sa 'kin."
"Nanlalamig?" tumawa si Carlos. "Painitin mo para hindi manlamig…" Sinamaan ko siya ng tingin. Tinaas niya agad ang kanyang mga kamay bilang pagsuko.
Hindi naman ganun kadali 'yun. Simula nang gabing iyon ay wala ng nangyari sa amin ni Scarlett. Sa tuwing sinusubukan ko ay tutulugan niya ako o kaya naman ay sasabihin niyang pagod siya. Minsan, kahit na halik ay nahihirapan pa siyang ibigay sa akin.
"Sinusuyo mo ba?"
"Oo. Araw-araw nga, eh…" sabi ko kay Jayden. "Alam ko naman na nagkamali talaga ako. Ang laking kahihiyan nga naman ng ginawa ko."
"Pero naiintindihan rin naman kita," tinapik ni Jude ang balikat ko. "Ganun rin naman ang gagawin ko kapag narinig kong may nambastos kay Aina. Hindi ako magdadalawang isip na basagin ang bungo ng lalaking babastos sa kanya."
"Alam mo, hayaan mo munang palipasin ni Scarlett ang mga nangyari," payo ni Carlos. "Babalik din siya sa dati. Sigurado ako, hindi ka rin naman niya kayang tiisin."
Ngumiti ako sa kanila.
Nang lumalim na ang gabi ay napagpasyahan na naming tumigil sa inuman. Maaga pa kami bukas. Bumabagsak na rin ang mga mata ko dahil sa pagod at antok.
Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan pagdating sa casita namin. Tinanggal ko ang aking t-shirt at pantalon. Marahan ang bawat hakbang na ginawa ko. Humiga ako sa tabi ni Scarlett. Niyakap ko agad siya. Kinulong ko siya sa aking binti at braso.
Sinubukan ko siyang halikan sa leeg. Nakapikit ang kanyang mga mata ngunit alam kong gising siya.
"Hmmm, ang bango talaga ng asawa ko…" bulong ko sa kanya.
"Timothy," pinilit niyang tanggalin ang kamay kong nakayakap sa kanya. "Gabi na. Pagod ako."
"Isa lang… please," hinalikan ko ulit siya sa leeg. Naglakbay ang mga kamay ko sa dibdib niya. Pinaramdam ko mula sa kanyang gilid ang aking kagustuhan. "Miss na miss na kita…"
Minulat niya ang kanyang mga mata. Pinilit niya ulit kumawala sa aking yakap. "Ano ba?!" mariin niyang bulong. "Nasa tabi ko si Ellie, oh! Tumigil ka nga d’yan…" nakayakap pa rin ako sa kanya nang talikuran niya ako. Hinarap niya ang aming anak. "Amoy alak ka pa. Doon ka nga sa sofa matulog."
Nanghina ako sa kanyang sinabi. Ako na mismo ang humiwalay sa yakap. Kinuha ko ang unan at humiga na ako sa sofa malapit sa kanilang kama.
"Hanggang ngayon ba ay galit ka pa rin sa akin?" tanong ko. Alam kong hindi pa rin siya natutulog. "Halos isang buwan ka ng ganyan."
Hindi siya nagsalita pero narinig ko ang kanyang buntong hininga.
"Ano ba ang dapat kong gawin para lang hindi ka na magalit pa sa akin?" tumagilid ako ng higa. Pinagmasdan ko ang imahe niyang nakatalikod sa akin.
"Inaamin ko naman ang kamalian ko, ‘di ba?" sabi ko. "Sana naman… huwag ka ng magalit. Hindi ko kaya na ganito tayo, Scarlett."
"Maayos na tayo, Timothy," batid ko pa rin ang lamig sa kanyang boses. "Tsaka sabi ko naman… ayoko ng pag-usapan pa ang tungkol dyan."
"Hindi tayo maayos," gusto ko siyang lapitan ngunit baka magalit na naman siya kapag ginawa ko iyon. "Kasi kung maayos na tayo, magiging tulad na ulit tayo ng dati."
"Ano bang gusto mo?"
"Bumalik ang asawa ko… 'yung malambing na Scarlett."
"Matulog na tayo, Timothy. Maaga pa tayo bukas," sabi lamang niya. Ni hindi man lang pinansin ang sinabi ko.
"Mahal na mahal kita. Tandaan mo, kaya ko lang ginawa 'yun dahil mahal na mahal kita…" nag ayos ako ng higa. Pinikit ko na ang aking mga mata. "Sorry kung nasaktan kita. Sorry kung hanggang ngayon ay hindi mo pa rin 'yun makalimutan. Sorry…"
"Good night," ‘yun lamang ang huli niyang sagot sa lahat ng aking mga sinabi.