Chapter 31

1004 Words
Akala ko'y kung saan na ako dadalhin ni Kobie matapos nitong mag-ayang umuwi. Pa'no naman kasi, masyado ng malayo ang nabiyahe namin pero wala man lang itong pasabi kung saan kami tutungo. Akala ko tuloy sa hotel ang bagsak naming dalawa. Saka pa lang din ako nakahinga ng maluwang nang huminto ang sasakyan nito sa tapat ng isang restaurant. "Wow!" manghang bulalas ko nang matanaw buhat sa aming kinatatayuan ang ganda ng view. Nasa tabi ng balkonahe ang mesang pinagdalhan sa akin ni Kobie at tanaw na tanaw namin ang liwanag ng buong siyudad. Umihip ang hangin kung kaya't nalanghap ko ang bango ng mga halaman. Tila naman musika sa pandinig ko ang mga tunog ng kulisap na nagliliparan sa paligid. Para lang kaming nasa tuktok ng bundok kung iisipin. Bigla akong gininaw ng mula sa likurang bahagi ng katawan ko ay pumulupot ang mga braso ni Kobie sa aking baywang. "Sana'y nagustuhan mo ang sorpresa ko sa 'yo," bulong pa sa 'kin nito saka inilapat ang kaniyang labi sa aking buhok. Totoong nagagalak ako sa kaniyang sorpresa ngunit pakiwari ko'y may kung anong kulang doon na 'di ko lang alam kung ano. Wala sa loob na napabuntonghininga ako saka dahan-dahang inalis ko ang mga braso nitong nakapulupot sa aking baywang saka hinarap ko siya mismo. "Salamat sa sorpresa mo, Kobie! Natutuwa talaga ako!" nakangiting turan ko sa binata saka masuyong hinaplos ko ang kanang pisngi niya gamit ng aking palad. Dahan-dahang inilapit nito ang kaniyang mukha sa aking mukha. "Mabuti at nagustuhan mo, Nena." Hindi natuloy ang akmang paghalik sa akin ni Kobie dahil sa pagdating ng in-order nitong pagkain. "Excuse me, Sir! Nandito na ho ang order ninyo," sabat ng waiter kay Kobie. "Let's eat!" nakangiting alok sa akin nito saka masuyong inalalayan pa muna niya akong makaupo. Naubos ang mga pagkain ng 'di namin namamalayan dahil sa panay lamang kami tawanan sa mga kwento ni Kobie na sinasabayan pa niya nang pag-aksyon ng kaniyang mga kamay sa ere. Kaya puro tawanan na lang ang nangyari sa pagitan naming dalawa habang kumakain. Malakas na ingay ng ringtone ng cellphone nito ang gumambala sa kwentuhan naming dalawa. Sinagot niya iyon at unti-unting nawala ang ngiti niya sa labi habang nagsasalita para sa kabilang linya. "Yes Dude, may problema ba?" seryosong tanong pa nito sa kausap. Hindi ko alam kung bakit pero iba ang bundol ng kaba sa aking dibdib. Para kasing kilala ko ang taong kausap ni Kobie mula sa kabilang linya ngunit ayoko namang mag-assume. "Hindi ko rin alam," pabalewalang sagot pa ni Kobie. Muling nagbalik ang ngiti sa labi nito nang magsalubong ang aming mga tingin. Ginantihan ko ang kaniyang ngiti saka dahan-dahang iniiwas ang paningin sa kaniya. "Bye, Dude!" mabilis na sagot ni Kobie sa kausap saka dali-daling pinatay nito ang kaniyang cellphone. "Sorry kung naputol ang pag-uusap natin." Hinawakan ni Kobie ang mga kamay kong nakapatong sa ibabaw ng lamesa saka dinala niya iyon sa kaniyang mga labi upang paulanan iyon ng maliliit na halik. Nakaramdam ako nang pagkailang sa ginawa nito kung kaya inaya ko na siyang umuwi. Mabuti na lang at agad din niyang pinaunlakan ang kagustuhan ko. May isang oras kaming nagbiyahe at panay lang ang kwento nito tungkol sa mga karanasan nilang magkaibigan na tuwang-tuwa naman akong pinakinggan. Nakakatuwang kasama si Kobie at bentang-benta sa akin ang kaniyang pagpapatawa. Kahit sinong babae ay mahuhulog talaga sa katangiang taglay nito. Idagdag pa na mayaman at gwapo siya. "Feeling ko tuloy crush ko na siya," kinikilig kong ani sa isipan. Napapangiting tumingin ako sa kaniyang mukha na sinalubong naman niya. "Baka naman matunaw na ako niyan?!" biro pa niya sa akin. "Lakas!" Sabay tampal ko sa kaniyang braso na tinugon lang naman nito ng malakas na halakhak. "Pwede ba kitang sunduin bukas?" kapagkuwa'y tanong sa akin nito. "Naku, huwag na! Maaabala ka pa sa akin sa pagsundo," tanggi ko sa alok nito. "Hindi ka naman kaabalahan sa akin, Nena," seryosong tugon naman niya. "Kahit na! Isa pa pagod ka na nga sa trabaho mo, magsundo ka pa sa akin? Wala ka nang magagawa niyan," sermon ko pa sa kaniya. Tinawanan lang ako nito saka naiiling na muling itinutok ang kaniyang mga mata sa daan. "Kaya nagustuhan kita, eh!" "Ha? May sinasabi ka ba?" maang-maangan kong tanong sa kaniya kahit pa nga narinig ko naman ang sinabi nito. "Wala! Sabi ko ang cute mo. Pwede ba kitang ligawan?" Pakwelang saad nito. "Hindi pwede!" natatawang tugon ko naman sa kaniya na tinugon naman nito nang pagsimangot. Tumawa lang ako sa itsura nito saka mahinang pinisil ko ang pisngi nito. "Ang cute mo!" nanggigigil ko pang sabi. Lumawak ang ngiti nito sa labi saka inihinto niya ang sasakyan sa tabing kalsada. Malakas akong napatili nang kilitiin niya ako sa baywang. "Kobie!" hinihingal kong awat dito. "T-tama na! Hindi na ako makahinga! Inihinto nito ang pangingiliti saka natatawang tumingin siya sa aking mukha. Sumunod kong narinig ang paghugot nito ng buntonghininga. "Ang lalim naman niyan!" pabirong anas ko sa kaniya. "Nena, payag ka bang maging girlfriend ko?" seryosong tanong sa akin nito. Napanganga ako sa kaniyang sinabi at tila nalulon ko ang dila ko. "Ano raw?!" hiyaw kong tanong sa isipan. "Nena?" untag sa akin ni Kobie. Napatingin ako sa kaniyang mukha saka iniling-iling ko ang ulo. "Anong ibig mong sabihin sa iyong pag-iling?" muling tanong pa sa akin nito. "Kobie..." Umangat ang palad ko upang masuyong haplusin ang kaniyang pisngi dahil hindi ko alam ang isasagot sa katanungan nito. "Pwede bang umuwi na tayo?" pakiusap ko sa kaniya upang baguhin ang topic namin. Humugot muna si Kobie ng malalim na buntonghininga saka muling binuhay nito ang makina ng kaniyang sasakyan. Tahimik kaming nagbiyahe hanggang sa tuluyan kaming makarating sa inuupahan kong bahay. Inalok ko pang pumasok sa loob ng bahay ang binata ngunit hindi niya iyon pinaunlakan pa dahil uuwi na rin daw siya. Mabuti na nga rin iyon para kahit paano'y maiwasan ko muna siya. Pati kasi ako'y nalilito na rin sa bilis ng mga pangyayari sa buhay ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD