CHAPTER SIX: UNEXPECTED VISITORS

1953 Words
Hindi pa man sumisikat ang araw ay sabay silang ginising ng tunog ng kanilang mga telepono. Paulit-ulit itong umalingawngaw sa katahimikan ng madaling-araw, tila may dalang balitang hindi maaaring ipagpabukas. Inaantok na dinampot ni Rhav ang kanyang cellphone at halos pumikit pa habang sinasagot ang tawag. “Good morning, Mom…” paos niyang bungad. “Do you know what time it is? Kakapikit ko pa lang.” “Ano bang ginawa mo at ngayon ka lang natulog?” tanong ni Daniela, may halong pagtataka at pamilyar na lambing sa boses. Sa kabilang linya, malinaw ang tunog ng dumadaloy na tubig. Napakunot ang noo ni Rhav kahit kalahati pa ang tulog. “Nasa shower kayo?” Isang mahinang hagikhik ang narinig niya, kasunod ang tila pabulong na usapan na hindi niya naintindihan. Napailing siya. Kahit antok na antok, hindi niya napigilang mapangiti. “Ano ba, ‘wag ka ngang makulit. Kausap ko ang anak natin,” narinig niyang sabi ng kanyang ina, tila may kausap sa tabi. Napabuntong-hininga si Rhav. Mukhang hindi lang siya ang ginising ng tawag na ito. “Sige na, matutulog na ulit ako. Sana naman magkaroon na ako ng kapatid para hindi niyo na ako kinukulit mag-asawa.” “Rabina, let’s talk about that later.” Biglang sabat ng kanyang ama. Hindi na ito pabiro. May bigat. May kung anong hindi niya maipaliwanag. Bahagyang napakunot ang noo ni Rhav, unti-unting nawawala ang antok. “Dad, I can take care of myself. Don’t rush me—” Naputol ang linya. Napamulat siya. “Hello? Dad? Mom?” Tiningnan niya ang screen. End call. Tahimik. Biglang naging malinaw ang lahat sa paligid, ngunit ang isip niya ay puno ng tanong. Bakit biglang pinatay ang tawag? At bakit parang may kung anong seryosong mangyayari mamaya? Napabuntong-hininga siya at tumayo, isinuot ang tsinelas bago lumabas ng kwarto. Eksakto namang bumukas din ang pinto ng kabilang silid. Nagkatinginan sila ni Nica. Pareho ang itsura. Gulo ang buhok. Mabigat ang mata. At halatang pareho ng naranasan. “Don’t tell me…” si Rhav, bahagyang napangiti. “Tinawagan ka ni Tita Jen?” Marahang tumango si Nica, halatang pagod pa. Walang imik, sabay silang naglakad papunta sa sala at pabagsak na umupo sa sofa. Nakaharap sila sa TV na hindi naman bukas, parang may hinihintay kahit wala namang nangyayari. “May kakaiba akong kutob,” mahinang sabi ni Nica matapos ang ilang sandaling katahimikan. “Parang mamaya ikakasal na tayo.” Napatawa si Rhav, kahit may bahagyang kaba sa dibdib. “Grabe ka naman. Hindi naman siguro aabot sa ganon.” Ngunit bago pa siya tuluyang makabawi, naramdaman niyang sumandal si Nica sa kanya. Dahan-dahan. Natural. Parang matagal na nitong ginagawa. Napatigil si Rhav. Ramdam niya ang bigat ng ulo ni Nica sa kanyang balikat, ang init nito na unti-unting kumakalat sa kanyang katawan. Mabilis ang t***k ng puso niya. Naririnig kaya iyon ni Nica? Pumikit siya sandali, pilit pinapakalma ang sarili. Naamoy niya ang bango ng buhok nito. Malinis. Mahinahon. Pamilyar. Hindi niya napigilang bahagyang yumuko, parang hinahabol ang amoy na iyon. “Baka may kutong nakatiwarik diyan,” bulong ni Nica, may halong antok ang boses. Napangiti si Rhav. “Don’t worry. Inilagan ko.” Mahina silang natawa. Ngunit hindi doon natapos. Mas lalo pang dumikit si Nica. Ang ulo nito ay dumulas pababa hanggang ang mukha nito ay mapunta sa may leeg ni Rhav. Mainit ang hininga nito, banayad ngunit sapat para magpadala ng kakaibang sensasyon sa kanyang balat. Napapikit si Rhav. Pinipigilan niya ang sarili. Pinipigilan niyang huwag bigyan ng kahulugan ang mga simpleng galaw na iyon. Dahil para kay Nica, normal lang iyon. Walang malisya. Walang ibig sabihin. Pero para sa kanya… “You smell good,” bulong ni Nica, sabay yakap sa kanya. Tuluyan nang nanghina si Rhav. Napasandal siya sa sofa, hinayaan ang sarili na manatili sa sandaling iyon kahit alam niyang mali ang nararamdaman niya. “Hmmm… this is so comfy,” dagdag pa ni Nica, bahagyang gumalaw habang patuloy na nakasandal sa kanya. “Can we sleep like this?” Hindi agad nakasagot si Rhav. Pakiramdam niya, kahit magsalita lang siya ay mababasag ang sandali. “Mm,” mahina niyang tugon, sabay tango. At iyon na ang naging pahintulot. Unti-unting naging mabagal ang paghinga ni Nica hanggang tuluyan itong nakatulog sa kanyang bisig. Tahimik ang buong bahay. Dahan-dahan, hinawakan ni Rhav ang kamay ni Nica. Maingat. Parang may takot na baka magising ito. Walang ingay, dinala niya iyon sa kanyang mga labi at marahang hinalikan. Pumikit siya. Sa loob ng kanyang isipan, malinaw ang bawat salitang hindi niya kailanman masabi. Gusto niyang manatili sa ganitong ayos. Gusto niyang mahawakan ito nang walang takot. Gusto niyang mahalin ito nang hindi nagtatago. Ngunit hindi niya kaya. Hindi pa. Mas humigpit ang hawak niya sa kamay ni Nica habang unti-unting tumulo ang luha mula sa kanyang mga mata. Tahimik. Walang nakakaalam. At sa katahimikang iyon, doon niya mas lalong naramdaman kung gaano kabigat ang pagmamahal na hindi maaaring ipaglaban. *** “BES! Anong oras na!” Parang kidlat ang sigaw ni Nica na dumaan sa tenga ni Rhav. Bigla siyang napamulat, sabay ang pagbangon ng katawan na tila may sariling isip. Ilang segundo siyang natulala bago niya napansin ang liwanag na sumisilip na sa bintana. “Naku, patay tayo! Alas nuebe na!” halos mataranta si Nica habang pilit inaayos ang magulong buhok. Lumapit ito at niyugyog si Rhav. “Bes, gising na!” Mabigat ang katawan ni Rhav nang pilit siyang tumayo. Hindi pa man siya tuluyang nakakabawi ay hinila na siya ni Nica papunta sa banyo. Hindi man lang siya nakapagprotesta nang itulak siya nito papasok at agad na binuksan ang shower. Napasinghap siya nang tumama ang malamig na tubig sa kanyang balat. “Hoy!” napadilat siya nang tuluyan, halos mapatalon sa gulat. “Sorry!” natatawang sabi ni Nica. “Kailangan na nating kumilos. Siguradong sabog na inbox natin at mamaya pati eardrums natin.” Ilang segundo pa ay inayos nito ang timpla ng tubig. Unti-unting napalitan ng init ang lamig at kusang bumaba ang tensyon sa katawan ni Rhav. Napapikit siya sandali, hinahayaan ang tubig na dumaloy sa kanyang balikat. Doon niya muling naalala. Magkasama sila sa loob ng banyo. Matagal na mula nang mangyari iyon. Noong mga panahong estudyante pa lamang sila, normal lang ang sabay nilang paliligo. Tawanan, asaran, walang iniisip na iba. Pero ngayon, iba na. May kanya-kanya na silang mundo. May kanya-kanya nang nararamdaman. “Ang ganda ng umaga ko ah,” biro ni Rhav, pilit pinapakalma ang sarili. “Sinalubong ng sigaw at lamig.” Ngumisi si Nica, walang pakialam. “Ako ang naunang nagising, kaya sorry ka na lang.” Tumalikod ito kay Rhav at parang walang kahit anong alinlangan na hinubad ang damit. Awtomatikong napaiwas ng tingin si Rhav, ngunit huli na. Saglit lang iyon, pero sapat para maramdaman niya ang pag-init ng kanyang pisngi. “Patanggal ng hook ng bra ko,” casual na sabi ni Nica. “Masikip na.” Napalunok si Rhav. Dahan-dahan siyang lumapit. Nanginginig nang bahagya ang daliri niya habang hinahanap ang hook sa likod. Nang tuluyan niya itong matanggal, mabilis siyang umatras, pilit iniiwas ang tingin. Ngunit hindi pa doon natapos. Bigla siyang hinarap ni Nica at walang paalam na ipinasok ang kamay sa loob ng damit niya. Napasinghap si Rhav. “Teka lang,” mabilis niyang pigil. “Bakit?” kunot-noong tanong ni Nica. Naghanap siya ng dahilan. Kahit ano. Kahit anong makakapigil. “Uhm… may regla ako.” Napatingin si Nica sa tiles, saka muling tumingin sa kanya, halatang nag-iisip. “Wala namang dugo.” Saglit itong tumawa. “Nanaginip ka pa yata. Gising na, bes.” At bago pa siya makapagsalita, tuluyan nang naghubad si Nica. Napapikit si Rhav, ngunit kahit nakapikit, malinaw sa isip niya ang bawat detalye. Hindi niya gustong tumingin, ngunit hindi rin niya kayang itanggi ang paghanga. Maganda si Nica. Sobra. Kung dati, kaya niya itong sabayan, asarin, pagtawanan ang mga ganitong eksena, ngayon hindi na. Iba na ang bigat ng bawat galaw. Kaya tumalikod na lang siya at mabilis na nagsabon. Binilisan niya ang lahat. Halos hindi na niya namalayan kung maayos pa ba ang pagkakahugas niya. “Tapos ka na?” tanong ni Nica, nagtataka. “Yep,” mabilis niyang sagot. “Nagmamadali tayo, ‘di ba? Bilisan mo na rin.” Hinablot niya ang tuwalya, dali-daling binalot ang sarili, saka hinubad ang natitirang damit. Hindi na siya lumingon. Inilagay niya ang mga damit sa sink, isinara ang drainage at nilagyan ng tubig at sabon. Habang ginagawa iyon, pinulot niya rin ang damit ni Nica at isinabay. “Hindi naman siguro mangangamoy ‘to mamaya,” bulong niya. “Hindi ka naghugas ng maayos,” sagot ni Nica na may halong tawa. “Paniguradong mamaya amoy isda na ‘yan.” Agad niyang ibinato ang panty sa direksyon nito bago lumabas ng banyo. Narinig pa niya ang malakas na tawa ni Nica sa likod niya. Napailing na lang siya, pero may bahagyang ngiti sa labi. Sa kabila ng lahat, ganoon pa rin sila. Paglabas nila, saka lang nila tiningnan ang kanilang mga cellphone. Pareho silang napangiwi sa dami ng messages at missed calls. “Akala mo talaga mawawala tayo,” nakangusong sabi ni Nica. Mabilis na inilock ni Rhav ang unit at sabay silang tumakbo papunta sa elevator. Halos hindi na nila maramdaman ang pagod, napalitan na ng kaba at excitement. Sa kotse, si Rhav ang nag-drive habang si Nica ang tumawag sa kanilang mga magulang. “Malapit na kami,” sabi nito. Kahit kakaalis pa lang nila. Napangiti si Rhav. Totoo nga. Kahit nasaan ka pa, laging “malapit na” ang sagot. Mag-aalas onse na nang makarating sila sa bahay nina Nica. Pagpasok pa lang sa gate, napansin agad nila ang ibang sasakyan. “May bisita,” mahina niyang sabi. Pagbukas ng pinto, agad silang sinalubong ng mga pamilyar na mukha. At sa gitna ng sala, nakaupo si JC. Kasama si Dexter. Pareho silang napahinto. Parang sabay na nawala ang lahat ng ingay sa paligid. “Ang tagal niyo,” bungad agad ni Jennylyn habang papalapit. “Hindi ba sinabi naming agahan niyo? Nakakahiya sa bisita.” “Mom…” si Nica, halatang nalilito. “What’s going on?” “You don’t know?” “Obviously,” sagot nito. “Anong ginagawa nila dito?” “Tatayo na lang ba kayo diyan?” singit ni Jonas. Napalingon sina JC at Dexter sa kanila. Sabay silang tumayo, parehong may ngiti na tila matagal nang hinihintay ang sandaling ito. Habang papalapit sila, isa-isang iniabot ang mga bulaklak. “Hi,” si Dexter kay Rhav. “Hindi kita naabutan last time. Kaya sinigurado ko na ngayon.” Tinanggap iyon ni Rhav, pilit ngumiti kahit may kung anong kumikirot sa loob niya. “Thank you.” Sa gilid ng mata niya, nakita niya ang tuwang-tuwa niyang ina. Paglingon niya, nakita niyang hawak na rin ni Nica ang bulaklak mula kay JC. Tahimik. May mga tingin na hindi na kailangang ipaliwanag. “Bueno,” boses ni Pancho ang pumuno sa silid. “Mukhang maayos naman ang mga lalaking ito.” Napahigpit ang hawak ni Rhav sa bulaklak. “Dexter, you have my blessing para ligawan ang anak ko.” Parang biglang bumigat ang hangin. Narinig niya ang sagot ni Dexter, malinaw, puno ng kumpiyansa. Ngunit ang isip ni Rhav ay tila lumayo. Unti-unti niyang naramdaman ang bigat ng katotohanan. Ito na iyon. Ito ang simula ng bagay na matagal na niyang kinatatakutan. Sumulyap siya kay Nica. At nakita niya kung paano ito tinitingnan ni JC. Mahinahon. May paghanga. May intensyon. Tahimik siyang napalunok. Ngumiti siya. At sumabay sa daloy ng araw. Kahit unti-unti na siyang nilulunod nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD