CHAPTER FIVE: GRAVY

2065 Words
“Sabi ko na…” mahina ngunit malinaw ang tinig na pumutol sa sandaling tila huminto ang mundo ni Nica. “Ikaw iyong nakita ko kanina sa parking lot. Off mo today, hindi ba?” Hindi agad nakasagot si Nica. Nakapako lamang ang tingin ni JC sa kanya, at sa paraan ng pagtitig nito, parang wala nang ibang tao sa loob ng silid kundi silang dalawa. Bumigat ang hangin, tila may kung anong hindi maipaliwanag na tensyon na unti-unting sumisiksik sa pagitan nila. Tumikhim si Rhav, sapat upang mabasag ang sandaling iyon. Napaigtad si Nica at napakurap, saka bahagyang ngumiti upang itago ang pagkabigla. “Sorry… nagulat lang ako,” aniya, pilit pinapakalma ang sarili. Tumayo si Rhav at agad siyang inilapit kay JC, tila sinasadya nitong ibalik ang lahat sa pormal na usapan. “Beshy, meet JC, ang susunod nating bossing. JC, meet my BFF, Rabina San Mateo.” Agad na inilahad ni JC ang kanyang kamay, may ngiting magaan ngunit may kumpiyansa. “Hi. Nice meeting you.” Tinanggap iyon ni Rhav. “Hello. Nice meeting you too, Sir.” Napatawa si JC, bahagyang umiling. “Please, huwag munang ‘Sir.’ Hindi pa naman ako ang boss ninyo. Si Dad pa rin ang hari dito.” Saglit itong tumingin sa paligid, saka muling ibinalik ang pansin sa kanila. “Just call me JC.” Napadako ang tingin nito kay Jinky na tila kanina pa nag-aabang. “And you are?” Halos tumalon si Jinky sa paglapit, sabik na sabik na inabot ang kamay ni JC. “I’m Jinky. Isa ako sa mga best architect dito.” Bahagyang napataas ang kilay ni JC, tila naaaliw. “Oh, wow. Nice meeting you. Magagaling talaga ang mga kinukuha ni Daddy.” Tumango ito, may kasamang paghangang hindi pilit. “No doubt kung bakit nandito ka. Keep up the good work.” Halatang kinilig si Jinky. Hindi na nito maitago ang ngiti. Ngunit hindi nagtagal, muling bumalik ang tingin ni JC kay Nica. Mas tahimik na ang aura nito ngayon, ngunit mas diretso. “Are you free tonight?” Para bang biglang bumigat ang dibdib ni Nica. Saglit siyang natigilan, saka mabilis na kumapit sa braso ni Rhav na tila naghahanap ng kakampi. “Ah, sorry,” agad niyang sagot. “May pupuntahan na kasi kami.” Pilit siyang ngumiti. “Girls bonding.” Sandaling tumahimik si JC bago tumango. “I understand.” May kung anong pahiwatig ang ngiti nito, tila hindi pa tapos ang usapan. “Next time na lang, kapag available ka na. Have fun, ladies.” “Thank you,” sabay-sabay nilang tugon, ngunit si Nica ay tila mas mabilis huminga nang tuluyang makalayo si JC. Pagkasara ng pinto, napabuntong-hininga siya at muling napaupo. Pinapaypayan niya ang sarili gamit ang kamay, parang gusto niyang itaboy ang natitirang kaba sa katawan. Tahimik si Rhav, muling binalikan ang kanyang trabaho, ngunit halatang may iniisip. Hindi nagtagal, lumapit si Jinky kay Nica. Nakakunot ang noo nito, mapanuri ang tingin na tila may hinahanap na lihim sa mukha ng kaibigan. “Yes?” tanong ni Nica, napapailing. “Bakit ka ganyan makatingin? Para akong iniimbestigahan.” “Hmmm…” tila pinag-iisipan ni Jinky ang bawat salita. “Nanliligaw ba sa’yo si Sir JC?” “Ano?” halos mapalakas ang boses ni Nica. “Of course not!” Napailing siya. “Ikaw talaga, napaka-showbiz mo. Baka may makarinig pa sa’yo.” “Eh bakit ka niya tinatanong kung free ka mamaya?” hindi pa rin sumusuko si Jinky. “Siguro work-related.” Pilit na ipinapaliwanag ni Nica kahit siya mismo ay hindi kumbinsido. “Personal secretary ako ng Daddy niya, tapos siya ang susunod na boss. Natural lang siguro iyon.” “Hmmm…” may halong panunukso ang tono ni Jinky ngayon. “Parang hindi naman. Alam mo, pinapantasyahan lang namin si Bossing kasi… well, obvious naman kung bakit.” Tumawa ito. “Pero kung magkakagusto siya sa’yo, aba, swerte rin niya.” Hindi na napigilan ni Jinky ang sarili. “Bukod sa pang-universe ang ganda mo, wala ka pang naging jowa. Ibig sabihin… fresh!” Agad na binato ni Rhav si Jinky ng sticky notes. “Ang daldal mo. Magtrabaho ka na nga lang.” “Grabe naman,” reklamo ni Jinky. “Ayaw mo bang magka-boyfriend itong kaibigan mo? Ang tagal na niyang naghihintay. Dapat lang big time iyong mapunta sa kanya.” Sandaling natahimik si Nica, saka tumawa. “Alam mo, Jinky, masyado kang nagbabasa ng romantic novels.” Umiling siya. “Ang lawak ng imahinasyon mo. Imposibleng magustuhan ako noon. Masyadong mataas ang level niya para sa atin.” Bumalik si Jinky sa upuan ngunit hindi pa rin tumitigil ang bibig. “Sayang naman, ang gaganda niyong dalawa. Halos lahat ng bachelor dito may gusto sa inyo.” Napailing siya. “Sayang kung tibo kayo.” Napahigpit ang hawak ni Rhav sa hawak niyang bolpen. May kung anong kumulo sa loob niya, ngunit pinigilan niya ang sarili. “At ano kung tibo?” malamig ngunit matatag na tinig ang biglang sumingit. Sabay-sabay silang napalingon. Nakatayo si Marjorie sa likuran, seryoso ang mukha, walang bakas ng biro. Biglang napatayo si Jinky. “Wala po, Ma’am. Nagkakatuwaan lang po kami. Pasensya na po.” “Watch your words next time,” mariing sabi ni Marjorie. “Walang masama sa pagiging lesbian. At hindi iyon kailanman magiging sayang.” Dahan-dahan niyang nilibot ang tingin sa kanila. “Alam ninyo na marami tayong kasamahang ganoon dito. Ayoko ng gulo. Dito, walang discrimination.” “Opo, Ma’am. Naiintindihan ko po. Pasensya na po talaga.” Napayuko si Jinky, halatang nagsisisi. Tumango si Marjorie. “Good. Kapag tapos na kayo, ilagay ninyo ang files sa mesa ko. Kailangan ko nang i-finalize ang presentation natin next week.” “Opo, Ma’am.” Pagkaalis nito, tila bumagsak ang balikat ni Jinky. Halos mangiyak-ngiyak siya, ngunit walang nagsalita. Tahimik na bumalik si Rhav sa kanyang ginagawa, ngunit sa likod ng kanyang katahimikan ay may mga tanong na hindi niya masagot. At sa kabilang mesa, si Nica ay nakatingin lamang sa kawalan, iniisip kung bakit, sa kabila ng lahat, ang simpleng tanong na iyon ni JC ang patuloy na umuukit sa kanyang isipan. *** “Ayos ka lang ba?” maingat na tanong ni Nica habang isinasara ang pinto ng sasakyan. Umalingawngaw ang mahinang tunog nito sa loob. Simula nang lumabas sila ng opisina, halos si Nica lang ang nagsasalita. Puno ito ng enerhiya, parang batang sabik sa lakad, habang si Rhav ay nananatiling tahimik, nakatingin lamang sa bintana, hinahayaan ang ilaw ng kalsada na dumausdos sa kanyang mukha. “Kanina ka pa tahimik,” dagdag pa ni Nica, bahagyang yumuko upang silipin ang mukha niya. “May sakit ka ba?” Pilit ngumiti si Rhav. Isang ngiti na sapat lang para hindi mag-alala ang kaibigan, pero hindi sapat para maitago ang bigat na dinadala niya. “Ayos lang ako,” sagot niya. “Pagod lang. Pinilit kong tapusin iyong trabaho ko kanina.” Hindi na nagtanong pa si Nica. Sa halip, marahan nitong hinawakan ang mga kamay ni Rhav na nakapatong sa kanyang hita. Mainit ang haplos nito, banayad ngunit sapat upang maramdaman ni Rhav ang pag-aalala. “You did a great job today,” malambing na sabi ni Nica habang bahagyang pinipisil ang kanyang kamay. “Ikain mo na lang ‘yan ng marami. Ako bahala.” Ngumiti ito. Isang ngiti na kayang magpahinto ng oras. Napabuntong-hininga si Rhav nang bitawan ni Nica ang kanyang kamay upang humawak sa manibela. Tahimik niyang pinanood ang profile ng kaibigan, ang paraan ng pagkakatutok nito sa daan, ang natural na ganda na tila hindi nito kailangang paghirapan. Hindi niya maiwasang isipin si JC. Hindi niya maiwasang maramdaman ang kirot. Wala siyang karapatang magselos. Wala siyang karapatang magtampo. Kaibigan lang siya. Hanggang doon lang siya dapat. At malinaw ang pangako niya sa sarili. Tutulungan niya si Nica na mahanap ang lalaking para dito. Kung si JC man iyon, wala siyang magagawa. Mariin niyang itinulak palayo ang mga iniisip. Hindi iyon patas para kay Nica. Wala itong kaalam-alam sa laban na tahimik niyang pinagdaraanan. Ayaw niyang sirain ang saya nito dahil lang sa sarili niyang damdamin. “Siguraduhin mo lang,” bigla niyang sabi, pilit ibinabalik ang sigla sa boses, “na hindi ka magrereklamo kung marami akong ipapabili sa’yo. Baka mamaya naka-lista lahat at ako pala ang magbabayad.” Tumawa si Nica, at ang tunog nito ay parang musika na unti-unting nagpapagaan sa dibdib ni Rhav. “Ano ka ba,” sagot nito, “kilala mo ako.” Napangiti na rin si Rhav. Tama nga naman. Bakit ba siya nalulungkot? Sa lahat ng pagkakataon, ito ang mahalaga. Kasama niya si Nica. Sa unahan, kumislap ang pulang ilaw ng pamilyar na karatula. Pareho silang napangiti nang makita iyon. Para sa iba, simpleng fast food lang iyon. Karaniwan. Walang espesyal. Pero para sa kanila, iyon ang pahinga. Iyon ang maliit na mundo kung saan puwede silang maging masaya nang walang iniintinding iba. “Here we go!” masiglang sabi ni Nica habang ipinaparada ang sasakyan. “Unli gravy!” sabay nilang sigaw, sabay tawa, na parang mga batang walang iniisip kundi ang pagkain at kasiyahan. Naunang pumasok si Nica, halos tumatakbo. Ngunit bago pa ito tuluyang makaalis, inilahad ni Rhav ang kanyang palad. Napahinto si Nica at napatawa. “Akala ko makakalusot na ako.” “In your dreams.” Ibinigay nito ang wallet, saka naglakad papalayo upang maghanap ng mauupuan. Habang pumipila, napangiti si Rhav. Maingay ang paligid. Halo-halong boses, tunog ng tray, at amoy ng bagong lutong manok ang bumalot sa kanya. Karaniwan ang eksena, ngunit may kakaibang gaan sa pakiramdam. “Six-piece bucket meal with rice, drinks, and spaghetti, please,” maayos niyang sabi. “Okay po, Ma’am. ‘Yon lang po ba?” “Yes… at lagyan mo na rin ng extra lalagyan para sa gravy.” Napatawa ang kahera, ngunit tumango naman ito. Pagbukas niya ng wallet, natigilan siya. Isang litrato. Nasa loob iyon, maingat na nakasingit. Larawan nilang dalawa ni Nica sa Boracay. Pareho silang nakangiti, basang-basa ng tubig-alat, walang bahid ng pag-aalala. Hindi niya alam na nandoon iyon. Hindi niya alam na ganoon siya kahalaga. Dahan-dahan siyang napangiti bago iniabot ang bayad. Bitbit ang tray, hinanap niya si Nica. Nakita niya ito sa pinakadulo, nakasandal ang siko sa mesa, nakapatong ang mukha sa palad, nakatingin sa kanya na may ngiting tila para lang sa kanya. Sa sandaling iyon, parang sapat na ang lahat. Tumayo si Nica at agad tinulungan siyang ayusin ang tray. Kinuha nito ang mga inumin at pinggan. “Pupunuin ko lang ito ng gravy,” anito, parang may misyon. Umupo si Rhav at inayos ang utensils. Bigla siyang nagutom. Ang amoy pa lang ng pagkain ay sapat na. Maya-maya, bumalik si Nica, maingat ang bawat hakbang, hawak ang pinggang halos umaapaw sa gravy. “Sabi ko sa’yo,” proud nitong sabi. “Pupunuin ko.” Napatawa si Rhav. “Kulang pa nga ‘yan. Anim ang chicken natin.” “Ay, akala ko sampu,” biro ni Nica. Sabay silang natawa. Masaya nilang kinain ang pagkain, walang arte, walang iniisip kundi ang sandali. “Anong ipapasalubong natin bukas?” tanong ni Rhav habang kumakain. Nag-isip si Nica. “What if ilibre na lang natin sila sa spa? Or kumain tayo sa labas?” “Good idea.” “Kung papayag sila,” dagdag ni Nica. “Alam mo naman, mas gusto nilang nasa bahay lang tayo.” Napailing si Rhav. “Oo nga. Tapos pipilitin na naman tayong mag-asawa.” Napatawa si Nica. “Matagal na kasi nating pinaghihintay ang the one natin. Baka naligaw na.” Napangiti si Rhav, ngunit may kung anong sumikip sa dibdib niya. “Baka naman,” dahan-dahan niyang sabi, “nasa paligid lang pala natin iyong the one.” Napatigil si Nica at tumingin sa kanya. “Baka matagal na natin siyang kasama,” dagdag pa niya, halos pabulong. “Hindi lang natin napapansin kasi busy tayo kakahintay sa iba.” Natahimik si Nica. At sa sandaling iyon, saka lamang napagtanto ni Rhav ang bigat ng sarili niyang sinabi. Mabilis siyang umiwas ng tingin. “I mean…” pilit niyang binawi, sabay tawa na hindi buo, “malay mo nasa office lang natin, ‘di ba?” Tahimik ang ilang segundo. Sa loob-loob niya, napapikit si Rhav. Sige pa. Palusot pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD