“Sabi ko na! Ikaw iyong nakita ko kanina sa parking lot. ‘Di ba, off mo today?” tanong nito habang hindi inaalis ang paningin kay Nica. Parang sila lamang ang tao sa silid.
Tumikhim si Rhav kaya napaigtad si Nica. “Sorry! Nagulat lang ako,” sabay tingin kay Rhav. Tumayo ito at pormal na ipinakilala siya sa anak ng bossing nila. “Beshy, meet JC—our next bossing. JC, meet my BFF. Rabina San Mateo.”
Inilahad kaagad ni JC ang mga palad kay Rhav. “Hi! Nice meeting you!”
Tinanggap naman niya iyon. “Hello! Nice meeting you too, Sir!”
“OH! Please no more Sir. Hindi pa naman ninyo ako bossing, si Dad parin ang hari dito. Just call me JC,” napatingin ito kay Jinky. “And, you are?”
Mabilis na lumapit ito at kaagad na tinanggap ang mga palad ni JC. “I'm Jinky. I am one of the best architect here!”
“Oh, wow! Nice meeting you. Magagaling talaga ang mga kinukuha ni Daddy. No doubt, you are here. Keep up the good job!”
Kinikilig si Jinky. Muling tiningnan ni JC si Nica. “Are you free tonight?”
“Ah sorry, pero may pupuntahan na kasi kami, eh!” kaagad na sabi ni Nica sabay hablot sa braso ni Rhav. “Alam mo na, girls bonding!”
Tumango-tango ito. “I understand. Next time nalang pag available kana! Have fun ladies!”
“Thank you!”
Nang mawala na si JC ay nakahinga ng maluwag si Nica. Muli siyang napaupo sa upuan at pinapaypayan ang sarili. Naging tahimik naman si Rhav na tinatapos ang kanyang trabaho. Lumapit si Jinky kay Nica at tinitigan siyang mabuti.
“Yes?” si Nica ng maramdaman ang mapanuring titig ni Jinky. Akala mo isa siyang criminal na iniimbestigahan.
“Hmmm. Nanliligaw ba sayo si Sir JC?” deretsahang tanong nito.
“Ano? Of course not!” kaagad na tanggi ni Nica. “Ikaw ha, napaka-showbiz mo! Baka may makarining pa sayo.”
“Eh, bakit ka niya tinatanong kung available ka ba mamaya?” hindi parin sumusukong tanong nito.
“Siguro work-related? Alam mo na, personal secretary ako ng Daddy niya at siya ang susunod na magiging bossing natin. Kaya siguro ganoon.”
“Hmmm, bakit parang hindi?” may panunukso na dito. “Alam mo, pinapantasyahan lang namin si Bossing kasi yummy naman talaga siya. Pero kung magkakagusto siya sayo... aba! Napaka-swerte din niya. Bukod sa pang universe yang beauty mo, wala ka pang naging jowa! Ibig sabihin, fresh ka pa!”
Binato ni Rhav si Jinky ng sticky notes. “Napakadaldal mo! Mag trabaho kana lang d’yan.”
“Eto naman, napaka-KJ! Ayaw mo bang magka-jowa naman itong kaibigan mo? Sa tagal-tagal na paghihintay ng tamang tao, dapat lang big time yong the one niya... like Sir JC.”
Tumawa lang si Nica sa sinabi nito. “Alam mo Jinky, siguro mahilig ka magbasa ng mga romantic novels. Ang lawak ng imahinasyon mo, eh! Imposibleng magugustuhan ako ‘nun, masyadong mataas ang level ni Sir sa atin. Kaya tigilan mo na ‘yan.”
Bumalik na ito sa pagkakaupo. “Alam niyo, ang gaganda niyong dalawa. Halos lahat ng bachelor dito may gusto sa inyo, eh! Sayang naman kung tibo kayo, ‘di ba?” anito habang tumitipa sa keyboard.
Uminit ang ulo ni Rhav pero pinigilan niya lang ang sarili. Minsan talaga, walang preno ang bunganga ni Jinky. Naiinis siya dahil may point naman ito about Nica. It is time na nga siguro na magka-boyfriend ito. Pero about sa pagiging tibo doon siya nainis.
“May problema ka ba sa mga tibo, Jinky?” bungad na tanong ni Marjorie. Ito ang Team Leader sa project na ginagawa nila. Kaagad na napatayo si Jinky para batiin ito. Kahit si Rhav ay nagulat ng biglang sumabad ito sa kanila.
“Wala po, Ma’am! Nagkakatuwaan lang po kami. Pasensiya na po!” kaagad na huminge ng paumanhin si Jinky.
“Watch your words, next time. Walang masama sa pagiging lesbian, kailanman hindi iyon magiging sayang. Alam mo naman na marami tayong kasamahang lesbian dito. Ayaw ko lang ng gulo sa department natin, lahat tayo open dito at walang discrimination. Naiintindihan mo ba?”
“I understand po, Ma’am. Pasensiya na po talaga!” napayuko ito at natampal pa ang bibig.
“Okay. Pag tapos na kayo pakilagay nalang sa mesa yong files para ma-finalize ko na yong magiging presentation natin next week.”
“Opo, Ma’am!”
Halos mangiyak-ngiyak si Jinky ng umalis si Marjorie. Tahimik na tinapos ni Rhav ang ginagawa niya. Malalim rin ang nasa isipan niya ng mga sandaling iyon.
“Ayos ka lang ba?” tanong ni Nica ng makasakay na siya sa loob ng sasakyan. Tahimik lang kasi siya simula ng lumabas sila sa office. Si Nica lang ang panay salita at excited sa lakad nila. “Kanina ka pa tahimik, eh. May sakit ka ba?”
Pilit siyang ngumiti dito. “Ayos lang ako. Pagod lang ako dahil pinilit kong tapusin iyong ginagawa ko.”
Hinawakan ni Nica ang mga kamay niyang nakapatong sa hita niya at marahan iyong pinisil-pisil. “You did a great job today. Ikain mo nalang ‘yan ng marami. Akong bahala,” at sumilay ang napakatamis nitong ngiti. Sinong hindi maiinlove dito? Kung ganito ba naman ito kabait at kalambing.
Inalis na nito ang kamay sa kamay niya para makapag-drive na ito. Napabuntong-hininga si Rhav. Hindi niya maiwasang maapektuhan kay JC. Dahil alam niya, wala siyang karapatang mag inarte or magtampo dito. Kaibigan lang siya at hanggang doon lamang iyon. At nangako siyang tutulungan niya itong mahanap ang lalaking nararapat para dito. Kung si JC man ang taong iyon, wala siyang magagawa.
Isinintabi na niya muna ang personal na nararamdaman. Unfair naman iyon kay Nica dahil wala naman itong alam. Ayaw din niya sirain ang magandang mood nito.
“Siguraduhin mo lang na hindi ka magre-reklamo kung marami akong ipapabiling pagkain sayo, ha? Baka mamaya naka-lista lahat at babayaran ko pala!”
Tumawa ito sa sanabi niya. Napangiti na rin siya. Oo nga naman, bakit ba siya nalulungkot ngayon? Ang mahalaga, kasama niya parin ito. Itinuon niya nalang ang atensyon sa positive side lalo na at nakikita na nila ang KFC sign sa unahan. Kapwa sila napangiti. Cheap man para sa iba ang KFC or ibang fast food chain, para sa kanila heaven ‘yon. Bakit ka gagastos ng mas mahal kung masarap naman ang mas mura.
Nagiging praktikal lang sila.
“Here we go!”
“Unli gravy!” panabay na sigaw nila ng mai-park na ni Nica ang sasakyan. Parang mga batang nag unahan silang pumasok sa loob. Naunang makapasok si Nica kaya siya ang pipila, pero bago pa makaalis si Nica para maghanap ng mauupuan nila ay inilahad niya muna ang palad.
“Akala ko, makakalusot na ako!” tumawa ito.
“In your dreams.”
Ibinigay nito sa kanya ang wallet at nag nagsimula na itong maghanap ng bakanteng mesa. Napapangiting pumila na siya. Dahil fast food, normal ng maraming laging tao sa loob. Hindi naman siya gaanong natagalan sa pagpila dahil mabilis naman ang cashier sa pagkuha ng kanilang mga order. Parang batak na batak na ito sa trabaho. Minsan nga hindi na ito tumitingin sa monitor.
Pero nagtataka talaga siya kung bakit laging pinipindot ng mga kahera ang gilid ng monitor. Napangiti siya. Pag nakapila ka talaga kung ano ano nalang ang napapansin mo.
“6-pc bucket meal with rice, drinks, and spaghetti, please!”
“Okay po, Ma’am. ‘Yon lang po ba?”
“Yes, and oh, lagayan para sulit ang gravy.”
Natawa ang cashier sa kanya pero sinunod naman siya nito. Pagbukas niya ng wallet ay napatitig siya sa picture na nasa wallet ni Nica. Picture nilang dalawa iyon habang masayang nagbabakasyon sa Boracay. Natuwa siya, hindi niya inaasahan iyon. Inabot na niya ang bayad sa cashier pagkatapos sabihin nito kung magkano.
Bitbit ang tray ay hinanap niya si Nica. Nakaupo ito sa pinaka-dulo habang nakatukod ang mga siko sa mesa at nakapatong ang mukha sa palad. Ang cute nito, mas lalong naging angelic ang mukha nito. Naka-ngiti ito habang inaantay siya. Tumayo ito para kunin ang drinks sa tray at bucket at kinuha ang pinggan.
“Pupunuin ko lang ito ng gravy!”
Umupo na si Rhav sa mesa para simulang ayusin ang utensils. Nagutom siya bigla, amoy palang ng chicken nakakatakam na. Hindi nga nagbibiro si Nica dahil dahan-dahan ito sa paglakad habang umaapaw ang gravy sa pinggan.
“Sabi ko sayo, eh. Pupunuin ko!”
“Kulang pa nga ‘to. Anim na piraso ang binili kong chicken.”
“Ay, akala ko sampu!” tumatawang sabi nito.
Masayang nilantakan nila ang fried chicken habang pinag-uusapan ang pagbisita kinabukasan sa kanila.
“Anong ipapasalubong natin sa kanila? Wala na akong maisip, eh.”
Nag-isip si Nica. “What if, ilibre nalang natin sila sa SPA? Or kain nalang tayo sa labas?”
“Good idea.”
“Yon ay kung papayag ang mga iyon. Alam mo naman na mas gusto nilang nasa bahay lang pag nandoroon tayo.”
“Kung sabagay. Na pi-pressure kasi nila tayong mag asawa na pag nasa bahay lang tayo.”
Natawa si Nica. “Oo nga, tagal kasi magpakita ng the one natin. Naligaw na yata!”
“Baka naman kasi ‘yong the one natin nasa paligid lang pala at matagal na nating kasama? Hindi natin nahahanap kasi busy tayo kakahintay sa iba.”
Napatitig sa kanya si Nica. Natigilan din siya sa kanyang sinabi.
“I mean... malay natin nasa office natin yong the one... ‘di ba?”
Sige Rhav, palusot pa!