ASWANG ako pero halos hindi ko magawang tignan ang bangkay ni Kuya Albert. Wakwak ang tiyan niya at ubos ang lamang-loob. Picture lang iyon sa cellphone ni Glutah. Ano pa kaya sa aktuwal na. Sigurado ako na hindi ako ang gumawa niyon. Hayop lang ang pinapatay ko. “Nakakatakot, `no? Sabi ko naman sa iyo na totoo na may aswang dito! Nakakatakot!” Pink na pink ang lipstick ni Glutah na talagang nangapit-bahay pa para lang sabihin sa akin ang balitang iyon. Kasalukuyan kaming nasa harapan ng bahay. Nagwawalis ako kanina doon nang abalahin niya ako. “Sigurado na bang aswang ang may gawa niyan?” tanong ko. Mabilis na tumango si Glutah. “Oo naman! Kahit adik ay hindi iyan magagawa. Pero ang sabi ng mga pulis ay tao daw ang may gawa. Hindi naman sila naniniwala sa aswang, e. Pero alam mo ba?”

