Chapter 7: Markiana
NANG ARAW na iyon ay nagmamadali akong lumabas mula sa loob ng kuwartong iyon. Isang bagay ang ipinagpasalamat ko dahil tila alam ng mga kasambahay ng mayor namin na maraming bisita ang nakatulog doon.
Kaya hindi na sila nagulat nang makita ako.
Masakit ang buong katawan ko at ramdam ko ang hapdi sa pagkababa* ko. Isang patunay na nawala lang ng isang gabi ang virginity ko.
Iniwan ko sa loob ng kuwartong iyon ang lalaking...nakadapa sa kama na tanging kumot lang ang saplot niya sa katawan.
Iyak nang iyak ako pagdating ko sa bahay namin dahil sa kagagahan ko. Nawala ang isang bagay na matagal ko nang iniingatan at nawala rin ng ganoon kadali.
Hindi rin naman ako nasundo ni Lolo kagabi dahil nakatulog daw siya pag-uwi niya at nang makauwi naman ako sa antique naming bahay ay tulog pa sila.
Ilang araw akong nagkulong sa silid ko at tila nawalan sa katinuan. Napansin ng Lolo't Lola ko ang nangyayari sa akin.
Hanggang sa isang araw ay nagising na lamang ako na palaging masama ang pakiramdam, hindi ko nakakain ang mga paborito kong pagkain, dahil umiba ang taste ko pero ang lahat ng iyon ay sinusuka ko. Pero mas lumakas akong kumain. Nag-aalala silang lahat sa akin. Mas lalo akong natakot nang pinatingin nila ako sa doctor.
Ang doctor na iyon ay kakilala ni Lola Areah. Kaya noong sinabi niya sa amin ang resulta ng mga weird na nangyayari sa akin ay parang nag-aalangan na siyang sabihin ang resulta.
"Kamusta po ang apo namin, Dra. Lugi?" tanong ni Lolo Henriko.
Kasalukuyan akong nakahiga sa maliit na bed na nasa loob ng clinic niya. May isang bagay rin na ibinigay sa akin ni Dra. Lugi. Hindi na ako nakapagtanong pa kung para saan ba iyon at wala akong oras na tingnan din dahil nahihilo ako. Ang gusto ko ay nakahiga lang ako.
"Maayos naman ang kalagayan ng apo niyo at may...bagong miyembro lang ang dumating sa pamilya niyo. Matatawag nating good news iyon..."
"Po?" gulat na sambit ko. Hindi ko maunawaan ang sinasabi niya. A-Ano'ng bagong pamilya ang tinutukoy niya?
"A-Ano..."
"Buntis ang apo niyo. Mag-iisang buwan na at tatlong linggo."
Isang mariin na kurot ang natanggap ko mula kay Lola Areah sa braso ko at agad siyang mabilis na sinuway ni Lolo Henriko.
Parang hihiwalay ang kaluluwa ko sa katawan. B-Buntis daw ako... Buntis daw...
PAGKAUWI namin sa bahay ay agad akong pinagalitan ni Lola Areah.
"Hindi ka namin pinalaki ng ganyan, Rea! Ano ba 'yang pinasok mong kalokohan, ha?! Bakit ka nagpabuntis?! Ano na lamang ang sasabihin ng mga tao sa 'yo?!" galit na galit na tanong sa akin ni Lola.
Kung hindi lang ako buntis ay baka kanina pa niya ako hinampas ng walis tingting, bagay na ginagawa naman niya sa akin noong bata pa lamang ako. Dahil sobrang pasaway ako noon.
Nakaluhod ako sa upuan namin na gawa sa kawayan at nasa harap ko si Lola. Pareho kaming umiiyak. Ako, umiiyak sa takot pero siya ay sa galit.
Pilit na pinapakalma siya ni Lolo Henriko.
"H-Hindi ko naman po kasalanan, Lola..." humihikbing sabi ko.
Isang hampas sa balikat ko ang ginawa niya. Napaigik ako sa sakit.
"Ano ka ba naman, Areah! Nagdadalang tao ang apo natin at huwag mo naman siyang saktan!" suway sa kanya ni Lolo pero pinanlisikan pa rin niya ito nga mga mata.
"Dumalo ka lang sa party na iyon para lamang magpabuntis?! Kilala mo ba ang lalaking iyon? Ipakukulong ko iyon, Rea!" sigaw pa niya at napayuko ako dahil inangat naman niya ang palad niya.
"Areah!"
"S-Sorry po, Lola... H-Hindi ko po... hindi ko po sinasadya..."
Malakas na sumigaw si Lola at sumikip ang dibdib ko nang makita ang pag-agos ng mga luha niya.
"Bakit hindi na muna natin hayaan na magpaliwanag ang ating apo, mahal? Hindi mo ba napapansin na nitong mga nakaraang araw ay palagi siyang nakakulong sa kanyang silid? Kilala ko ang aking apo at hindi siya ganyan. Pinalaki natin siya nang maayos at tayo ang pumilit sa kanya para pumunta sa party na iyon," mahabang sabi ni Lolo Henriko at nasa tabi na siya ngayon ni Lola. Hinahagod niya ang likuran nito.
"Magpaliwanag ka!" sigaw niya sa akin dahilan na napapikit ako.
"Dumalo lang po ako sa party pero...pero wala naman po akong ginawa, Lola... K-Kasama ko si Annaliza at maging ang mga kaibigan niya..." Hindi pa ako tapos sa pagpapaliwanag ko nang sumingit na siya agad.
"Isa ba sa mga lalaking iyon ang nakagalaw sa 'yo?!" bulyaw niya sa akin. Naalala ko ang mukha ng lalaki na iyon at mabilis akong umiling.
"H-Hindi po, Lola... G-Ganito po kasi ang nangyari... M-May pinainom po sa akin na tequila...tapos parang hinaluan po nila ng droga...at mabilis akong nalasing..." Isinalaysay ko pa ang bawat detalyeng naalala ko noong gabing iyon.
Isang frame up nga ang nangyari sa akin. Dahil sa takot ko nitong mga nakaraang araw ay hindi ko nakausap si Annaliza at alam ko rin na hindi lang simpleng pag-uusap ang gagawin namin. Kundi... malaking away.
Pagkatapos kong magpaliwanag ay muli akong umiyak.
Alam kong lahat ng bagay ay may dahilan. May mga dumarating na hindi natin inaasahan.
At itong... pagbubuntis ko ay alam kong kapalaran ko ito. Masakit man sa parte na baka posibleng gawin akong topic ng mga tsismoso at tsismosa sa aming lugar ay hindi ko na iyon pinansin pa.
Dahil mas mahalaga pa rin ang blessings na dumating sa aking buhay. Dumating man siya...sa buhay ko na hindi pa ako handa...pero buong puso ko siyang tatanggapin.
Nandito na siya... Ano pa ba ang magagawa ko? Hindi naman ako napipilitan na tanggapin siya... dahil kahit baliktarin man ang mundo, maging pink man ang uwak at maging zombie man ang lahat ng tao sa mundo ay anak ko pa rin ito.
Anak ko pa rin siya at simula nang malaman ko na nabuntis ako ay minahal ko na siya.
Kahit isang pagkakamali lang o hindi siya bunga ng pagmamahalan namin ng tatay niya ay mamahalin ko pa rin siya. Anak ko siya... Sa akin siya...
Kailangan ko pa bang umiyak ng dugo dahil nabuntis ako ng maaga at walang asawa? Nabuntis ako na walang amang pinaninindigan ang ginawa namin ng isang gabi lang?
Blessings ang mga babies at hindi ko pinagsisihan na dumating siya sa buhay ko. Hinding-hindi...
Kahit hindi na ako pananagutan nito pero pinilit ako nina Lolo Henriko at Lola Areah na aminin kung sino ang nakabuntis sa akin pero tanging pag-iling ko lamang ang isinasagot ko. Umuwi rin sa bansa ang mga magulang ko dahil sa balitang iyon.
Tanggap nila ang nagyari sa akin at bakit hindi nila tatanggapin? Ilang taon silang nawalay sa amin. Kalaunan din ay tinanggap ni Lola Areah ang sanggol na pinagbubuntis ko pero umalis na kami sa probinsya namin para maiwasan daw ang tsismis.
Nakausap ko si Annaliza. Mag-asawang sampal ang ibinigay ko sa kanya at nang sinabi ko kung sino ang lalaking... nakagalaw sa akin noong gabing iyon ay pinagbantaan niya ako...
At hindi basta-bastang tao lang ang tatay ng batang dinadala ko... Hindi sila mahirap hanapin pero nang malaman namin ang gender ng anak ko...ay pinili ko na lamang ang manahimik dahil sa takot na malaman pa nila ang tungkol sa anak ko.
Ang daming nagbago sa buhay ko dahil binago rin iyon ng anghel na ibinigay sa akin.
"Lola...itong cheke po..." nanginginig ang boses ko. Ibinigay sa akin ni Lola Areah ang cheke...ang cheke na iniyakan ko.
Ang cheke na inakala kong...nawala na ay iyon pala...ay itinago lang ni Lola?
"Patawad, apo. Ayoko kasi na umalis ka sa poder namin... Ayokong magpunta ka sa Manila... Kaya...nagawa kong itago mula sa iyo ang bagay na iyan... Patawad... Mahal na mahal lang talaga kita at hindi ko kayang wala ka tabi namin ng Lolo Henriko mo..." umiiyak na paliwanag sa akin ni Lola...
Hindi ko... hindi ko inaasahan iyon. Mahigpit na niyakap ko si Lola na umiiyak na ngayon.
"A-Ayos lang po, Lola... Naiintindihan ko po..." usal ko.
Ang pangarap kong studio ay nabili ko. Kaya after kong manganak ay roon na ako magsisimula sa bago kong buhay. Sumama na rin sa Manila ang parents ko pero uuwi rin sila kalaunan...
"MAMI-MISS ko ang baby Markiana na 'yan..." nakangiting sabi ko at kinuha ko siya mula sa bisig ni Tatay.
Four months old pa lamang siya. Ang tambok ng kanyang pisngi at mamula-mula ang labi niya. Ang ganda-ganda nga niya na parang may lahing foreigner ang anak ko...
Nakasuot siya ngayon ng itim na baby gown. Pinagalitan ako ni Lola Areah kanina dahil sinasama ko raw sa weird kong taste ang anak ko.
Aba, dapat nga magmana siya sa nanay niya.
"I'm gonna miss you, love..." malambing na sabi ko at hinalikan ko siya sa pisngi. Yumakap ang maliliit na braso niya sa leeg ko at natawa kami pareho nina Nanay nang magsimula na siyang mag-ingay.
"Uuwi na kami, Rea! Akin na ang anak ko!" Iniwas ko sa pinsan ko ang anak ko.
Siya si Sirena, anak ni Tito Ted, na anak nina Lolo Henriko at Lola Areah. Hindi naman si Tatay lang ang anak nila. Dalawa sila at si Sirena ay may pamilya na.
Para maiwasan daw ang isyu ko na nabuntis ako ng maaga at walang asawa ay sinabi nila na anak ng pinsan ko si Markiana. Kahit labag sa loob ko ang bagay na iyon pero wala akong nagawa. Noong pinagbubuntis ko pa si Markiana ay sa kanila kami nanirahan pansamantala. Sa Cebu.
Katulad ng nakagawian ay bumabalik sila sa probinsya at sila ang nag-aalaga sa anak kong si Markiana.
"'Nay, 'Tay, iyong anak ko po, ah," naluluhang sabi ko...
Simula nang dumating sa buhay namin si Markiana ay hindi na muling bumalik sa abroad ang parents ko.
At ang mga katanungan na nabuo sa utak ko noon na kung bakit hindi sila magkasabay na umuuwi ay...
Nagkalabuan daw ang relasyon nila... hindi ko maintindihan at wala ring sapat na dahilan kung paano nangyari pero pilit pa rin nilang ibinabalik ang dati at hindi naman kami nabigo...
Si Markiana lang ang naging susi nila para makapagsimula ng bagong...simula ng relasyon nila...
"Aalagaan namin ang apo namin, anak... Ano ka ba," natatawang sabi ni Nanay.
Hinaplos ni Tatay ang buhok ko dahil alam niyang maiiyak na naman ako kapag umalis na silang lahat.
Maiiwan na naman ako sa studio ko nang mag-isa na nilalangaw na rin...
"Mahal na mahal ka ni Mommy, love," ani ko at mahigpit kong niyakap si Markiana bago ko siya ibinigay kay Nanay.
Nalukot ang magandang mukha niya at malapit na rin siyang umiyak. Hinaplos ko ang pisngi niya at mataman ko siyang tiningnan.
"Magkikita naman tayo, Markiana. Mahal ka ni Mommy Rea, baby," ani ko at sumilay na ang matamis niyang ngiti.
Ganyan talaga siya. Madali siyang kausap kahit alam kong hindi naman niya ako naiintindihan.
"Mag-iingat ka rito, apo..." Nagmano ako sa kanilang apat bago sila umalis.
Pagkaalis nila ay bumalik ako sa trabaho ko. Ang magpinta...
Nakabili nga ako ng bagong studio at maraming painting na ang nalikha ko pero walang tao ang naliligaw rito.
Pero ganoon pa man ay hindi ako nawalan ng pag-asa...
KINAGABIHAN ay tumawag sa akin ang pinsan ko para sabihin na inaapoy ng lagnat ang anak ko. Para akong hihimatayin sa nalaman.
Madalas na nangyayari iyon sa kanya kaya hindi ko mapigilan ang matakot at mangamba sa kalagayan ni Markiana.
"K-Kamusta po siya, 'Nay?" tanong ko mula sa kabilang linya at naririnig ko ang mumunting hikbi ng anak ko.
"Hindi tumigil sa pag-iyak, anak. Nag-aalala na nga kami kaya dinala na namin sa clinic ni Dra. Lugi."
Parang sinasaksak ng patalim ang dibdib ko lalo na kung naririnig ko ang pag-iyak niya.
"Titigil pa ho ba siya, Nanay? Tapos na po ba siya nag-milk?" tanong ko at may tumakas na luha sa pisngi ko.
"Ayaw niya rin uminom ng gatas... Baka hinahanap ka... Hindi pa rin sanay ang apo ko na wala ang presensiya mo, anak..."
"Ano po ba ang gagawin natin, Nanay?" nag-aalalang tanong ko.
"Ihahatid namin sa 'yo si Markiana bukas. Diyan na muna siya, anak. Hindi naman kasi puwedeng lumayo ka sa anak mo, eh ang bata-bata pa niya. Baka isa ito sa dahilan nang madalas niyang pag-apoy ng lagnat."
Tumango ako sa suhestiyon ni Nanay.
"'Nay, gusto ko pong kausapin si Markiana," ani ko.
"Sige... Markiana... Si Mommy Rea ito... Mommy mo..." Napahawak ako sa dibdib ko nang marinig ko ang boses niya.
"May masakit ba sa 'yo, love? Bakit umiiyak ka? Tahan ka na, Markiana... Pupunta ka ulit dito... Sige na, tahan na, love... Hindi ka na uuwi riyan... Dito ka na titira sa akin..." Nakilala niya siguro ang boses ko kaya hindi ko na narinig pa ang paghikbi niya.
"Mahal na mahal ka ni Mommy, love..."