SACHI’S POV
“Hindi pa ba sila aalis? Aabutan na tayo ng dilim dito,” seryosong sabi ni Clyde habang matamang nakatingin sa mga malalaking aso na naghihintay sa aming pagbaba mula sa puno.
“Ano bang tawag sa kanila?” hindi ko na napigilang itanong.
“Sila ang mga mapapanganib na Baredog. Isa sila sa mga kinatatakutan na hayop dito sa ating mundo. They are carnivorous. Lahat ng uri ng karne ay kinakain nila,” sagot naman sa akin ni Monica.
Kaya pala ganoon na lamang sila maglaway nang makita nila kami. Bibihira siguro silang makaamoy ng Maxime kaya ganoon na lamang sila kasabik sa amin. Dalawang oras na yata kaming nandito sa taas ng puno at hindi man lang kakikitaan ng pagkainip ang mga Baredog na ito. Para silang naghihintay ng mga prutas na kusang mahuhulog mula sa puno.
“Wala ba silang kahit na anong kahinaan?” tanong ko pa.
Kahit naman siguro ang mga mababangis na hayop na ito ay may kahinaan din. Naalala ko ang nangyarin kanina nang inatake ng apoy ni Blake ang isang Baredog. Bigla itong tumakbo palayo sa amin.
“Apoy ang kahinaan nila. Ngunit sa dami nila ay hindi kaya ni Blake na itaboy silang lahat. Baka maubusan siya ng lakas,” sagot naman ni Clyde.
Tumingin ako kay Blake na nasa tabi ko. Walang ekspresyon ang mukha niya at katulad namin ay nakatingin lang din siya sa baba. Hindi ko alam kung naiinip ba siya kakahintay o naiinis dahil naaabala ang mission namin dahil sa mga mababangis na hayop na ito.
“Malayo pa ba tayo sa pupuntahan natin?” seryosong tanong ko kay Monica habang inililibot ko ang paningin ko sa paligid namin. Puro puno lang ang nakikita ko mula dito sa taas. Sabagay, bukod sa mga Dark Maxime ay wala nang iba pang Maxime ang nakatira dito sa labas ng academy.
“Malayo-layo pa tayo. At kapag inabot tayo ng gabi ay hindi na tayo pwedeng maglakbay sapagkat madilim at mapanganib. Kung aabutin tayo ng dilim ay sa palagay ko’y dito na tayo magpapalipas ng gabi,” mahabang sagot ni Monica.
“Baka pwede akong makatulong upang maitaboy ang mga Baredog na ito,” wala sa sariling sabi ko na ikinalingon sa akin ni Blake. Nakakunot ang noo niya na animo’y nakarinig siya ng isang napaka imposibleng bagay.
“Paanong tulong?” tanong naman sa akin ni Clyde.
“Maaari kong makontrol ang mga tuyong dahon, hindi ba? Katulad noong nasa mundo pa tayo ng mga mortal. Maaari ko silang pagalawin papunta sa mga Baredog at dahil takot sila sa apoy, kailangan ko ang tulong ni Blake upang mag-apoy ang mga tuyong dahon. Hindi naman ganoon karaming apoy ang ma-coconsume ni Blake sapagkat nasusunog naman ang mga tuyong dahon. Sila na ang magpapalaki ng apoy,” alanganin kong sabi.
Hindi ko alam kung tama ba ang naisip kong plano ngunit iyon lang ang naiisip kong paraan upang makatulong sa kanila. Bahala na kung papaano ko makokontrol ng maayos ang mga tuyong dahon.
“Oo nga. Tama ka, Sachi,” natutuwang sabi sa akin ni Monica.
“Baka mahimatay ka na naman katulad noong nasa mundo ng mga mortal,” malamig na sambit ni Blake.
Lumingon ako sa kaniya at sakto rin palang nakatingin siya sa akin kaya agad akong umiwas ng tingin. Ayokong mabasa niya sa mga mata ko ang alinlangan sa mga sinabi ko.
“Nakapag-training naman na si Sachi kaya sa palagay ko ay hindi na siya mahihimatay ngayon,” seryosong sabi naman ni Clyde.
Bahagya akong napangiti. Nakakatuwa na malaki ang paniniwala sa akin nina Monica at Clyde. Ramdam kong suportado nila ako sa naisip kong plano.
“Don’t smile.”
Nanindig ang mga balahibo ko nang biglang bumulong sa akin si Blake. Hindi ko inaasahan na gagawin niya iyon kaya ganoon na lamang ang pagkagulat ko. Magkatabi kasi kaming dalawa sa isang sanga habang sina Monica at Clyde ay nasa kabilang sanga. Hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang mainit niyang hininga sa tainga ko.
“Okay. Let’s try it, Annasha.”
Marahan akong napatango nang pumayag na si Blake sa naisip kong plano. Hindi na ako nag-abala pang lingunin siya sapagkat baka makita niya kung gaano kapula ang buong mukha ko. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at pinakiramdaman ang enerhiya sa katawan ko. Kasabay noon ay pinakiramdaman ko rin ang mga tuyong dahon sa paligid. Hindi naman ako nabigo sapagkat naramdaman ko sila. Agad kong iminulat ang mga mata ko at inumpisahang igalaw ang mga kamay ko.
Unti-unting sumunod sa akin ang mga tuyong dahon at ipinalibot ko ito sa mga Baredog. Nang makuntento na ako sa mga ayos nila ay saka ako tumingin kay Blake at marahang tumango. Iyon lamang ang hinihintay niyang hudyat ko. Agad niyang pinag-apoy ang mga dahon. At dahil nga sa mga tuyo na ito ay mabilis itong umapoy.
Nang makita ito ng mga Baredog ay mabilis silang nagsipulasan. Kung gaano kabilis nasilab ang mga dahon ay ganoon din sila kabilis nag sitakbuhan. Pinanoon namin kung gaano kalayo ang itinakbo ng mga ito hanggang sa hindi na namin sila matanaw pa.
“Gumana ang plano mo, Sachi,” natutuwang sabi ni Monica.
“Mas mabuti pang magsimula na rin tayong maglakad upang makalayo pa tayo sa lugar na ito bago lumubog ang araw,” pahayag naman ni Blake na agad na bumaba ng puno.
Nagsibabaan na rin sina Monica at Clyde kaya tumalon na rin ako pababa. Agad naming kinuha ang mga gamit namin at nakakalungkot lang na natapon na ang mga baon naming pagkain dahil sa mga Baredog. Walang natira at ang madadala na lang namin ay tubig at mga damit. Dahil kasi sa taranta ay naiwan sa baba ang mga pagkain kaya pinagpyestahan ito ng mga Baredog.
“Kung alam ko lang na mangyayari ito ay kinain na sana natin ang mga pagkain,” dismayadong sabi ni Monica.
“Hayaan mo na. Ang mahalaga ay ligtas tayo,” sabi naman ni Clyde.
Nagsimula nang maglakad ang dalawa kaya agad akong sumunod sa kanila. Ngunit natigilan ako nang biglang hawakan ni Blake ang braso ko. Agad akong napalingon sa kaniya na puno ng pagtataka.
“Salamat, Annasha,” sincere niyang sabi sa akin.
Pagkasabi niya noon ay agad niyang binitawan ang braso ko at mabilis na sumunod kina Clyde. Hindi ko naman napigilan ang mapangiti dahil sa narinig. Masaya akong sumunod sa tatlo. Akalain mong marunong palang magpasalamat si Blake? Infairness, marunong din naman pala siyang mag-appreciate.