26

2071 Words
SACHI’S POV Halos tatlong oras na kaming naglalakad ngunit hindi pa rin kami tumitigil sa paglalakad upang magpahinga kahit saglit. Ramdam na ramdam ko na ang pamamanhid ng mga paa ko ngunit hindi ko naman magawang sabihin iyon sa kanila. Ayoko kasing maging isang pabigat lamang sa kanila. Ayokong magkatotoo ang mga iniisip ni Blake sa akin kaya kahit gustong gusto ko nang tumigil muna ay hindi ko magawa. Kailangan kong makipagsabayan sa kanila. Ang isa pa sa pinoproblema ko ngayon ay uhaw na uhaw na ako. Naubos na ang baon kong tubig at wala pa akong nakikitang ilog o naririnig man lang na agos o lagaslas ng tubig. Medyo kumakalam na rin ang sikmura ko at kung hindi pa kami iinom o kakain sa loob ng isang oras ay baka hindi ko na matiis at magsasabi na ako sa kanila. Sa loob ng tatlong oras ay matiwasay naman ang paglalakad namin. Wala kaming nakakasalubong na mga malalaking hayop o kahit na anong makaka-abala sa paglalakad namin. Hindi rin ganoon kainit sapagkat medyo makulimlim kaya siguro nakatagal din ako ng tatlong oras na paglalakad. Mukhang nakikiayon naman sa amin ang lahat at sana ay hanggang sa makabalik kami sa academy ay walang maganap na kahit na anong aberya. “Blake, pwede na siguro tayong magpahinga sa lugar na ito,” biglang sabi ni Monica na pinagmamasdan ang kinaroroonan namin ngayon. Tumigil sa paglalakad sina Clyde at Blake at pinagmasdan din ang lugar. Maski ako ay ganoon din ang ginawa ko. Tinalasan ko ang pakiramdam ko at sa kabutihang palad ay wala naman akong naramdaman na kakaiba. “Okay sige. Magpahinga muna tayo dito,” seryosong sabi ni Blake na ibinaba na ang mga dala niyang gamit. May malalaking puno naman dito kaya malilom sa pwesto namin. Nagbaba na rin ng kaniyang gamit sina Monica at Clyde kaya ibinaba ko na rin ang bag ko. “At dahil wala si Lyca, magsimula na kayong maghukay Blake at Clyde,” nakangiting sabi ni Monica na ipinagtaka ko naman. Walang pagrereklamong naghukay nga ang dalawa. Kunot noo akong tumingin kay Monica habang siya naman ay ngumiti lang sa akin. Nang medyo malalim na ang nahukay ng dalawa ay tumigil na ang mga ito. Ipinikit naman ni Monica ang mga mata niya at itinapat ang dalawang kamay sa may hukay. Nanatili lang akong nakamasid hanggang sa magkaroon unti unti ang hukay ng malinis na tubig. Nang mapuno ng tubig ang hukay ay nagmulat na ng kaniyang mga mata si Monica. Water nga pala ang Special niya ngunit namamangha ako sa nakita. Bibihira ko lang kasing makita na gumagamit ng Special niya si Monica. Kalimitan ay sa training lang at tipid na tipid pa iyon. Nagsikuha na sila ng mga lagayan ng tubig nila at sumalok sa ginawang balon ni Monica. Kanya kanya silang inom sapagkat nauuhaw na rin pala sila. Hindi na ako nagpahuli pa at agad ding kumuha ng maiinom ko. Halos maubos ko ang isang bote ng tubig dahil sa sobrang uhaw. Mabuti na lang pala na may Water Maximus sa amin sapagkat hindi na namin pa kailangang maghanap ng ilog para lamang mapawi ang uhaw namin. Nang matapos kaming uminom ay mabilis na umakyat ng puno si Blake. Si Clyde naman ay doon pumwesto sa may ilalim ng puno. Nakaupo siya at nakasandal habang nakapikit ang mga mata. “O Sachi, magpahinga ka na rin dahil maya-maya ay lalakad na ulit tayo,” sabi sa akin ni Monica nang mapansin niya akong nakatayo pa rin sa may pwesto ko. “Hindi ba tayo kakain muna?” nahihiya kong tanong. Bahagya namang ngumiti sa akin si Monica. “Sapat lang ang dala nating pagkain para sa tanghalian at hapunan kaya mamayang gabi pa tayo kakain. Kaya nga kumain tayo kanina bago umalis upang marami tayong energy. Mahaba-haba pa kasing lakaran ang gagawin natin,” sagot niya sa akin. Napatango naman ako. Hindi ko alam pero bigla akong nakaramdam ng hiya. Plantae ang Special ko ngunit hindi ko sila mabigyan ng kahit na anong prutas na pwedeng kainin sa oras na ito. Hindi ko pa kasi talaga gamay ang Special ko kaya hindi ko pa alam kung paano ako makakapag-produce ng prutas. Dahil sa hiya ko ay tumalikod ako kay Monica. Uminom na lang ulit ako ng tubig at saka humakbang palayo sa kaniya. Hahanap na lang din ako ng pwesto sapagkat gusto ko na ring maupo muna. Hindi ko na kasi maramdaman ang mga binti ko dahil sa pagod sa paglalakad. Dito ako nakahanap ng pwesto sa ilalim ng isang puno na medyo malayo sa kanilang tatlo. Alam kong hindi ako pwedeng masyadong malayo sa kanila ngunit natatanaw ko pa naman sila kaya ayos lang. Ipinikit ko na lamang muna ang mga mata ko at dinama ang hanging dumadampi sa balat ko. Hindi naman ganoong mahangin kanina kaya alam kong Special ni Clyde ito. Nakakatuwang isipin na sa simpleng ganito ay nagtutulong tulong sila para sa ikakagaan ng misyon. Lalo na siguro kung kasama namin si Lyca, paniguradong malaki rin ang maitutulong ng Special niya. Napamulat ako ng mga mata ko ng may maramdaman akong presensya. Nakita ko si Blake na nakatayo sa harapan ko at seryosong nakatingin sa akin. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko nang magtama ang mga paningin namin. Bigla niyang ibinato sa akin ang isang piraso ng prutas na agad ko namang nasalo. Nagtataka akong tumingin ulit sa kaniya ngunit nakatalikod na siya sa akin. “You need some energy. Eat and drink more water,” malamig niyang sabi sa akin at saka siya humakbang palayo sa akin. Napabuntong hininga ako. Tiningnan ko sina Monica at Clyde na may mga hawak na ring prutas at tahimik na kumakain na rin. Buong akala ko ay magpapahinga lamang si Blake kaya umakyat siya ng puno. Iyon pala ay pipitas siya ng prutas upang may makain kami. Masyado yata akong na-overwhelm sa mga Special namin na nakalimutan ko nang maski ang isang ordinaryong tao ay kayang kayang mag-survive sa gubat. Masyado na yata akong dumedepende sa Special at hindi magandang senyales iyon. Tinuruan pa naman ako ni Daddy noon kung paano maka-survive sa gubat, at kahit sa dagat. Marahan akong napailing at sinimulan ko na lamang kainin ang prutas na bigay sa akin ni Blake. Hindi na nakakapagtaka na siya ang ginawang leader ng misyong ito. Kahit pala ganoon ang ugali niya ay may puso pa rin naman pala siya. Hindi lang siguro talaga siya showy sa mga nararamdaman niya. At ngayon ay nacu-curious na ako kung paano siya lumaki. Malakas ang kutob kong dahil sa nakaraan niya kaya ganoon na lamang siya kalamig sa mga kasama niya. “Okay ka lang, Sachi?” tanong sa akin ni Monica na kakalapit lang sa akin nang matapos akong kumain. “Oo naman. Bakit?” sabi ko naman. “Wala naman. Napansin kasi namin na namumutla ka na kanina.” Napangiti naman ako dahil sa narinig. “Nauuhaw lang ako kanina kaya siguro namumutla ako.” Marahan namang tumango si Monica. “Basta kung may nararamdaman kang kahit na ano, magsabi ka lang ha. Huwag na huwag kang mahihiya.” Muli akong napangiti. Damang dama ko ang sincerity sa sinabi ni Monica. Alam kong nag-alala siya sa akin kanina ngunit hindi niya lamang siguro iyon pinahalata dahil ayaw niyang mapagalitan kami ni Blake. Kaya siguro hindi na niya napigilan ang magsalita kanina para sabihin kay Blake na magpahinga muna. Sinabi niya siguro iyon dahil nga sa namumutla na ako. “Monica, pwede bang sabihin mo sa akin kung ano ang ginagawa niyo kapag kayong apat nina Lyca ang magkakasama sa isang mission?” tanong ko naman sa kaniya. Ngumiti naman siya sa akin. “Sabi ko na’t magtatanong ka rin. Well, sa nakita mo kanina, ako ang taga-produce ng maiinom kapag wala kaming makitang ilog. Si Blake naman ang taga-produce ng apoy sa gabi upang hindi malamig sa pagtulog. Si Clyde ang tagabigay ng hangin kapag ganitong mainit at kailangang magpahinga. At si Lyca naman ang taga-produce ng pagkain at tagagawa ng matutulugan sa gabi.” Marahan akong napatango. Ang laki palang kawalan sa kanila ni Lyca. At ako naman na bilang kapalit niya, kaya ko rin namang mag-produce ng pagkain at pansamantalang matutuluyan ngunit hindi ko pa alam kung paano. Pakiramdam ko tuloy ay isa lang talaga akong pabigat. Mukhang tama nga talaga ang iniisip sa akin ni Blake. “Pero Sachi, huwag kang mape-pressure sa kayang gawin ni Lyca. Hindi ito paramihan ng ambag sa isang mission. Ang mahalaga ay nagtutulungan tayo at hindi nag-iiwanan, okay? Alam ko na kasi ‘yang mga ganyan mong kilos. Nag-iisip ka na,” dugtong na sabi pa ni Monica. “Teka, paano mo naman nalaman?” nagtatakang tanong ko pa. “Madali ka lang basahin, Sachi kaya wala kang maitatago sa akin. Basta lagi mong tatandaan, huwag mong ikukumpara ang sarili mo kay Lyca o sa kahit na sino. May kanya kanya tayong uniqueness. Kaya relax ka lang, okay?” sabi naman niya. “Salamat, Monica,” seryosong sabi ko naman. Ngumiti ulit sa akin si Monica. Tumayo na siya at bumalik na sa dati niyang pwesto. Napahinga naman ako ng malalim. Tama nga naman siya. Hindi ko dapat ikumpara ang sarili ko sa kahit na sino. Masyado pang maaga upang masabi na pabigat lamang ako sa misyong ito. Pinagkatiwalaan ako ni Director Montero sa mission na ito kaya dapat ko ring pagkatiwalaan ang sarili ko. Ipipikit ko na sana ang mga mata ko nang makarinig ako ng kaluskos. Agad akong tumayo at mas inalertuhan pa ang sarili. Tiningnan ko sina Monica at mukhang hindi nila naririnig ang mga kaluskos ngunit nakita ko si Blake na biglang tumayo. Nakatingin siya sa akin kaya marahan naman akong tumango. Mukhang naintindihan naman niya ang ikinilos ko sapagkat bahagya niyang tinapik sina Clyde at Monica na kapwa nakapikit. Nagsitayuan din ang dalawa at tumingin tingin sa paligid. Ipinikit ko naman ang mga mata ko at mas tinalasan pa ang pakiramdam ko. Nakarinig ako ng mga mumunting galaw na nagmumula sa likod ko kaya agad akong nagmulat ng mga mata at humarap sa likod ko. Bigla akong nanigas nang makita ang nilalang na lumilikha ng mga kaluskos kanina. “Sachi, mag-iingat ka,” rinig kong sabi sa akin ni Monica. Isang malaking aso na may malalaking ngipin ang masamang nakatingin sa akin. Tumutulo pa ang laway nito na animo’y nakakita ng masarap na pagkain. Hindi ko maigalaw ang katawan ko dahil pakiramdam ko ay aatakihin ako nito sa oras na gumalaw ako. Maski nga ang tatlo ay hindi rin makagalaw sa kinatatayuan nila. “F*ck this!” narinig ko namang sabi ni Blake. May isang bola ng apoy na dumaan sa kanang side ko at dederetso ito sa asong malaki. Nang makita ito ng asong malaki ay agad itong tumakbo palayo. Napahawak ako sa tuhod ko dahil sa panlalambot nito. Ngayon lang ako nakakita ng ganoon kalaking aso. Bigla kong naramdaman ang paghawak sa akin ng kung sino kaya agad akong tumingin sa kaniya. Mas lalo pang bumilis ang t***k ng puso ko nang makilalang si Blake pala iyon. Binuhat niya ako na parang isang bata at agad siyang lumipad papunta sa taas ng puno. Marahan niya akong iniupo sa isang malaking sanga at doon ko nakita na nasa taas na rin ng puno sina Monica at Clyde. “Okay ka lang ba, Sachi?” nag-aalalang tanong sa akin ni Clyde. Marahan naman akong napatango. Hindi ko magawang makapagsalita sapagkat nanunuyo ang lalamunan ko. Naiwan ko pa sa baba ang tubig ko kaya hindi ko magawang makainom. Hanggang sa makita kong iniaabot sa akin ni Blake ang kaniyang tubig. Nahihiya man ay tinanggap ko iyon at saka walang sabi-sabing ininom. “Ang dami nila,” narinig kong sabi ni Monica. Tumingin din ako sa baba at nakita ang halos nasa benteng malalaking aso. Pauli uli sila doon na sa tingin ko ay kami ang hinahanap nila. “Maghintay na lang muna tayo dito. Paniguradong marami pang darating at mauubos ang lakas natin kung lalabanan natin sila,” seryosong sabi naman ni Blake. Napabuntong hininga naman ako. Tama si Blake. Tumingin kasi ako sa medyo kalayuan at natanaw ang ibang aso na parating pa. Napakalaki nila at panigurado ngang hindi namin sila kakayanin kung kakalabanin namin sila. Para silang mga gutom na gutom dahil sa mga itsura nila at kapag nagkataon ay baka kami pa ang maging pagkain nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD