SACHI'S POV
Saktong alas dyes nga ng umaga ay agad kaming sinundo ng ilang gwardya upang ihatid sa may gate ng academy. Nandoon na rin daw si Director Montero upang bilinan kami ng ilang dapat naming tandaan. Hindi na lumabas pa si Lyca sa kaniyang kwarto ngunit sabi naman sa akin ni Monica ay kinausap ma rin niya ito. Ayaw lang daw talaga ng prinsesa na makita kaming sabay sabay na umalis.
"Magiging maayos naman siya, ano?" bulong ko kay Monica habang naglalakad kami. Ang tinutukoy ko ay si Lyca dahil hanggang ngayon ay medyo nakokonsensya pa rin ako dahil siya lamang ang naiwan mag-isa sa dorm.
"Oo naman. Naalala mo ba noong misyon namin ang paghahanap sa 'yo? Hindi ba't naiwan din siya noon. Sumama rin ang loob niya noong paalis kami ngunit naging maayos din naman siya," sagot naman sa akin ni Monica.
Naalala ko ang araw na iyon. Ang tatlo lang kasi ang nakilala ko noon sa mundo ng mga tao at nakilala ko lang si Lyca noong nandito na kami. Hindi rin siya kasama sa misyong iyon.
"Ngunit iba naman ito sapagkat gamit na ng daddy niya ang mission natin," sabi ko pa.
Kahit anong isipin ko kasi ay hindi pa rin mawala sa isipan ko ang malungkot na ekspresyon ng mukha ni Lyca. At isa pa, hindi ko alam kung paano ko matutupad ang hiling niya na ako ang maghawak ng kwintas kapag nahanap na namin ito. Hindi naman kasi ako ang pinakamalakas sa aming apat, at isa pa, sino ba ako para magprisinta na ako ang mag-iingat no'n hanggang sa makabalik na ulit kami sa academy.
"Lyca is the most understanding woman I know. Alam kong maiintindihan niya ang lahat," nakangiting sabi naman sa akin ni Monica.
Bahagya akong napatango. Hindi na ako nagsalita pa kaya nagpatuloy na kami sa paglalakad. Isang kulay ginto na malaking gate ang bumungad sa akin nang tumigil na kami sa paglalakad. Mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko sapagkat ngayon lang ako makakalabas ng academy. Wala pa kasi akong kaide-ideya kung anong mayroon sa labas ng academy.
Nandoon na rin si Director Montero kasama ang ilan na sa tingin ko ay mga dalubhasa na katulong ng director sa pagpapatakbo ng academy. Nang makita nila kami ay agad silang ngumiti sa amin.
"Good morning, kids," nakangiting bati sa amin ni Director Montero.
"Good morning po."
"Bago namin kayo tuluyang ipadala sa mission niyo, may ilang paalala lang ako sa inyo kaya makinig kayong mabuti," panimulang sabi niya.
Tumingin ako ng deretso sa director upang pakinggan ng mabuti ang mga sasabihin niya. Ayokong maging pabigat kina Monica kaya tatandaan ko ang lahat ng sasabihin ng director.
"Una, huwag na huwag kayong gagamit ng Special niyo kung hindi naman kinakailangan. Malakas ang pakiramdam ng mga Dark Maxime kaya kung maaari ay limitahan niyo lamang ang paggamit sa kakayahan niyo.
Pangalawa, isang grupo kayo kaya inaasahan namin na magtutulungan kayo sa lahat ng oras. Huwag kayong maghihiwa-hiwalay. The four of you should stick together at all times.
Pangatlo, sa oras na makuha niyo na ang kwintas, wala na kayong iba pang pupuntuhan kundi ang bumalik dito sa academy. May mga gwardya ang nagbabantay sa gate bente kwatro oras kaya may magbubukas ng gate anumang oras.
Pang-apat, binibigyan namin kayo ng limang araw para matapos ang misyong ito. Kapag natapos ang limang araw at hindi pa kayo nakakabalk, magpapadala na ako ng mga magigiting nating gwardya upang sundan kayo.
At ang panglima, inaatasan ko si Blake upang maging leader ng grupo niyo. At inaasahan kong susundin niyo siya sa lahat ng sasabihin niya.
Kids, inaasahan namin ang matagumpay niyong mission. Good luck."
Sumenyas si Director sa dalawang gwardya. Agad na kumilos ang mga ito at unti unting binuksan ang malaking gate. Tumingin pa ako kina Monica na kapwa walang ekspresyon ang mga mukha. Hindi mababakas ang takot o kaba sa mga mata nila na animo'y sanay na sanay na silang lumabas ng academy. Nakakamangha sila at kahit papaano ay nabawasan ang kabang nararamdaman ko.
"Mag-iingat kayo kids," ang huling sinabi ni director bago nila muling isara ulit ang gate.
Pinagmasdan ko ang paligid namin at wala namang masyado itong ipinagkaiba sa loob ng academy. Maraming malalaking puno ang nandito at marami ring iba't ibang uri ng hayop. Nasa unahan pa lang kami ng academy ngunit busog na busog na ang mga mata ko sa nakikita.
"Let's go," maawtoridad na sabi ni Blake at nagsimula na siyang maglakad.
Nagsimula nang sumunod sina Monica at Clyde kaya bumuntong hininga na lang ako at agad na sumunod sa kanila. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin sapagkat si Blake ang leader. Baka mamaya ay mapagdesisyunan na lamang niya na iwan ako dito sa labas ng academy para lamang mawala ako sa buhay niya.
Agad akong sumabay kay Monica sa paglalakad. "Limang araw ang misyon natin? Malayo ba talaga ang pupuntahan natin?" bulong ko sa kaniya.
Bahagya namang napangiti sa akin si Monica. "Oo. Halos isang buong araw nating lalakarin bago tayo makarating sa kweba," sagot pa niya sa akin.
"Ano?" gulat at hindi makapaniwalang tanong ko.
Medyo napalakas din ang boses ko sapagkat natigil sa paglalakad sina Blake at Clyde. Agad na humarap sa akin si Blake. Masama ang tingin niya kaya napalunok ako. Wala naman siyang sinabi na kahit na ano ngunit naiintindihan ko ang nais niyang sabihin. Ilang saglit pa ay muling naglakad na ulit siya.
"Huwag ka nang masyadong magulat pa, Sachi. Malayo layo talaga ang lalakarin natin," bulong pa sa akin ni Monica.
"Kaya ba natin iyon?" wala sa sariling tanong ko pa.
"Oo naman. Medyo nakakainip nga lang sapagkat hindi tayo pwedeng masyadong maingay. Baka makaagaw tayo ng atensyon ng ibang nilalang na nakatira dito," seryosong sabi pa ni Monica.
Hindi na ako nagsalita pa dahil katulad ng sinabi niya ay hindi kami pwedeng masyadong maingay. Ayokong mapagalitan agad ni Blake. Hindi pa man kami nakakalayo masyado ay baka mapabalik ako sa academy agad agad.