SACHI'S POV
"Malayo pa tayo sa ligtas na lugar. Malapit nang dumilim, Blake," seryosong sabi ni Clyde habang naglalakad pa rin kami.
Hindi ko alam kung nasaan na kami sapagkat nanatili lang akong nakasunod kina Monica at Clyde. Si Blake naman ay nasa likod ko at tahimik na nakasunod din sa amin. Nakakapagtaka nga na nananatili lang siyang nasa likod ko. Bilang leader ng grupo, ang inaasahan ko ay siya ang mangunguna sa paglalakad ngunit kabaligtaran ang nangyari. Hindi rin naman nagtataka sina Monica kaya naisip kong baka ganito talaga si Blake kapag may mission sila.
Tumingin ako sa kalangitan at nagiging kulay orange na nga ito. Nangangahulugan lang na malapit nang lumubog ang araw. At kapag nangyari iyon, mas lalong magiging mapanganib ang aming paglalakbay.
"Wala tayong choice kundi ang tumigil sa lugar kung saan man tayo aabutin ng dilim," seryosong sabi naman ni Blake.
Huminga ako ng malalim at binilisan ko ang paglalakad upang makasabay si Monica na nasa unahan ko. Nang magkatabi na kami sa paglalakad ay tumingin ako sa kaniya.
"Lagi ba kayong may mission dito sa labas ng academy? Mukhang kabisado niyo na ang lugar na ito," bulong ko kay Monica.
Bahagya namang ngumiti sa akin si Monica. "Nakailang beses na rin kaming nagkaroon ng mission dito kaya medyo alam namin kung saan safe mag-stay. Nakakapagtaka nga kanina na may mga Baredog sa pwesto natin kanina. First time na may umatake sa amin sa lugar na iyon," sagot naman niya.
"Ibig sabihin ay wala talagang mga mababangis na hayop doon?" tanong ko pa sa kaniya.
Marahan namang tumango sa akin si Monica. Nakakapagtaka nga kung ganoon.
"Pero maaari rin namang lumipat ng tirahan ang mga Baredog at nagkataon na doon sila sa malapit," dugtong na sabi pa ni Monica.
"Kung ganoon, may posibilidad din na maaaring hindi na ganoon ka-safe sa mga lugar na alam niyong ligtas na tigilan?" tanong ko pa.
Hindi ko kasi maiwasan na mag-isip para sa kaligtasan naming lahat. Nag-aalala ako sa mga iba pang nilalang na maaari naming makasalubong o makita.
"Yes. Kaya hindi na dapat pa tayo masyadong makampante sa kahit na saan. Medyo matagal na rin 'yong huli naming mission dito sa labas ng academy kaya hindi na kami sigurado sa lugar na ito," pag-amin pa ni Monica.
Nagpakawala ako ng buntong hininga. "Ang hirap siguro para sa inyo na hindi kasama si Lyca sa mission na ito. Nakakapanibago siguro iyon," wala sa sariling sabi ko.
"Medyo. Pero at least, mas panatag naman kami na ligtas siya sa academy," nakangiting sabi niya.
Napangiti rin naman ako. Oo nga naman. Hindi man nila kasama si Lyca ngayon, at least ay sigurado sila na ligtas ang prinsesa. Iyon naman kasi ang mahalaga, ang maging ligtas si Lyca sapagkat siya ang pinakamahalaga sa lahat.
"Teka, natatakot ka ba dahil sa nangyari kanina?" biglang tanong sa akin ni Monica.
Alanganin akong ngumiti. "Aaminin kong natakot ako dahil hindi ko alam kung anong gagawin kung sakali mang may nasaktan ang kahit na sino sa atin," pag-amin ko pa.
"Hindi na nakakapagtaka iyan sapagkat ito nga pala ang kauna-unahan mong mission. Huwag kang mag-alala sapagkat hindi naman tayo pababayaan nina Director Montero. Tayo nga ang nasa mission na ito pero alam kong nakasubaybay sila sa atin," kampanteng sabi pa ni Monica.
"A-anong ibig mong sabihin?" naguguluhan ko namang tanong.
"Sa oras na may mapahamak sa atin ay paniguradong darating agad ang tulong mula sa kanila," sagot naman niya.
Napatango na lamang ako. Mas mabuti na rin kung totoo mang nakasubaybay sa amin ang director. Kahit na makita pa man ng director na wala akong masyadong ambag sa grupong ito, at least ay mapapanatag naman ako kung sakali mang may hindi magandang mangyari sa mission na ito.
"Paano pala ang pagkain natin?" tanong ko pa nang maalala kong nasayang lang ang mga baon naming pagkain.
"Wala tayong choice kundi ang maghanap ng makakain," sagot naman niya.
Napangiti ako. Mukhang may maiaambag na ako sa grupong ito. Kapag hanapan na ng pagkain sa gubat ay masasabi ko namang may maitutulong ako. Isa kasi sa mga tinuro sa akin ni Daddy ay kung paanong hindi magugutom sa gitna ng kagubatan.
"Teka, naririnig niyo ba iyon?" biglang sambit ni Clyde nang tumigil siya sa paglalakad.
Nagkatinginan kami ni Monica at kapwa namin pinakinggan ang sinasabi ni Clyde. Maski si Blake ay tumigil din at nakiramdam.
"Lagaslas ng tubig," sabay naming sabi ni Monica.
"Mas safe siguro kung malapit sa ilog tayo magpapalipas ng gabi," mahina kong sabi sa kanila.
"Bakit naman?" tanong pa sa akin ni Clyde.
"Hindi kasi magtatangkang pumunta ang mga mababangis na hayop sa tabi ng ilog lalo na kung gabi at madilim. Mas ligtas tayo doon," sagot ko naman.
"Tama si Annasha. Clyde, sa may ilog na tayo pumunta," seryosong sabi naman ni Blake.
Tumango si Clyde at saka muling naglakad. Hindi ko naman napigilan ang mapangiti sapagkat muling sumang-ayon sa akin si Blake. Malaking bagay na para sa akin iyon na alam kong pinagkakatiwalaan niya ako.
Naglakad na muli kami at wala pang sampung minuto ay nasa harapan na kami ng isang ilog. Namangha ako sa nakita. Napakalinis kasi ng ilog at hindi ko napigilan ang lumusong dito. Kanina ko pa kasi gustong linisin ang sarili ko sapagkat nanlalagkit na ako. Agad namang sumunod sa akin si Monica at masaya niyang nilaro ang tubig.
Sina Blake at Clyde naman ay nag-ayos na ng tutulugan namin. May dala kasi kaming dalawang tent, isa para sa kanila at isa para sa amin ni Monica.
"Ang daming isda sa ilog na ito, Sachi," tuwang tuwa na sabi sa akin ni Monica.
Napangiti naman ako dahil marami ngang isda. Sa linaw ng tubig ay kitang kita kasi ang ilalim ng ilog.
"Gusto mo bang manghuli ng isda?" tanong ko pa sa kaniya.
Iginalaw naman ni Monica ang kaniyang kamay at bigla na lamang may lumutang na water ball na galing sa ilog. Sa loob nito ay may dalawang isda.
"Tulad nito?" tanong pa niya.
Napanguso naman ako. "Hindi sa paraang ganyan. Walang ka-adve-adventure sa ganyan e," sabi ko pa.
"E paano ba ang manghuli ng isda na may adventure?" kunot noong tanong naman niya.
Ngumiti lang ako sa kaniya. Umahon ako sa tubig at naghanap ng punong may maliit na sanga. Nang makakita ako ay pumutol ako ng dalawa. Ginamit ko ang kutsilyo ko at ginawang matulis ang isang dulo ng dalawang kahoy. Habang ginagawa ko ito ay nakatingin lang sa akin si Monica. Nang matapos ako ay iniabot ko ang isa sa kaniya at muli akong lumusong sa tubig.
"Walang gamitan ng Special ha?" sabi ko pa kay Monica.
Marahan naman siyang tumango sa akin. Inilipat ko na ang atensyon ko sa ilog at pinagmasdan ang mga isdang masayang lumalangoy. Nang matantya ko na ang kilos ng mga ito ay saka ko inihagis ang hawak kong kahoy ng ubod ng lakas.
"OMG! Ang galing mo Sachi!" bulalas ni Monica sa akin nang matamaan ko ang isang isda.
"Subukan mo," nakangiting sabi ko naman sa kaniya.
Ginaya niya ang ginawa ko kanina ngunit hindi siya nakahuli. Napasimangot naman siya na ikinatawa ko na lang. Inulit niya ang pagsibat sa mga isda ngunit sadyang mailap ang mga ito sa kaniya. Ngunit hindi siya sumuko. Inulit ulit lamang niya ang pagsibat hanggang sa wakas ay nakahuli siya.
"Yes! Nakahuli rin," tuwang tuwang sabi niya.
Agad siyang tumakbo palapit kina Clyde bitbit ang isdang nahuli niya. Tatawa tawa naman si Clyde dahil parang bata si Monica na ipinagmamalaki ang nahuli niya. Napailing na lamang ako. Binitbit ko na ang mga huli kong isda at saka lumapit sa kanilang tatlo.
"Ang galing galing ko," narinig ko pang sabi ni Monica.
Ibinaling ko ang atensyon ko kay Blake na nakatingin din kay Monica.
"Pwede na sigurong dinner ito. Ihawin lang ito ay ayos na," seryosong sabi ko sa kaniya.
Tumango naman sa akin si Blake at muli na siyang bumalik sa ginagawa niya. Sinundan ko siya ng tingin. Wala man lang siyang sinabi sa akin. Pero ano nga bang aasahan sa kaniya? Ang mahalaga ay hindi kami magugutom ngayong gabi.