SACHI'S POV
Isang masaganang hapunan ang pinagsaluhan naming apat sapagkat bukod sa isdang nahuli namin ni Monica ay nanguha rin ng mga prutas sina Blake at Clyde. Gumawa rin ng bonfire si Blake kaya kahit malamig ang gabi ay hindi kami masyadong giniginaw.
Tahimik ang gabi at walang ibang maririnig kundi ang ingay ng mga kuliglig. Hindi rin ganoon kaliwanag ang buwan kaya napakadilim sa buong gubat. Ang nagbibigay liwanag lang sa amin ngayon ay ang bonfire.
"Kailangan nating magbawi ng lakas upang mas mabilis tayong makarating sa kweba. May apat na araw na lamang tayo para makuha iyon," pagbasag ni Clyde sa katahimikan.
Marahan naman akong napatango habang nilalaro ang hawak kong stick sa apoy. Nakatitig lang ako sa apoy ngunit alerto naman ang pandinig ko kung sakali mang may marinig akong kakaiba.
"Medyo malayo-layo pa tayo sa kweba. Kung maaga tayong lalakad bukas ay mga bandang hapon tayo makakarating doon," sabi naman ni Monica.
Napalunok ako dahil sa narinig. Maghapon kaming maglalakad bukas at hindi ko na ma-imagine kung anong mangyayari sa paa at binti ko. Hindi na kasi ako sanay sa mahabang lakaran kaya nakakapanibago na. Ayoko namang maging pabigat sa kanila kaya hindi ko pa alam kung anong pwedeng gawin upang maging maayos ang paglalakbay namin bukas.
"Wala ba tayong pwedeng masakyan upang mas mabilis na makarating doon?" hindi ko napigilang itanong.
"Wala e. Maaari sana tayong lumipad ngunit mauubos naman ang lakas natin, at maaari tayong makita agad ng mga kalaban. Kaya hindi rin advisable na lumipad," sagot naman sa akin ni Monica.
Napatango na lang ako. Iba nga pala ang mundong ito sa mundo ng mga mortal. Sa mundong iyon kasi ay maraming pwedeng pagpilian para mas mabilis na makarating sa paroroonan. May mga kapangyarihan nga kami ngunit may limitasyon pa rin.
Sabay-sabay kaming napatingin kay Blake nang bigla itong tumayo. Tumingin siya sa amin at saka nagpakawala ng malalim na buntong hininga.
"Magpahinga na kayo sapagkat maaga pa tayo bukas."
Iyon lang ang sinabi niya at saka siya pumasok sa tent nila ni Clyde. Tumayo na rin si Clyde pati na rin si Monica.
"Sige na. Nagagalit na si leader. Good night girls," nakangiting sabi sa amin ni Clyde.
"Good night," sabay na bigkas naman namin ni Monica.
Nauna nang pumasok sa tent namin si Monica. Ako naman ay lumingon muna sa paligid at pinakiramdaman kung may kakaiba ba. Nang makuntento na ako ay saka lamang ako pumasok sa tent.
"Good night, Sachi," nakangiting sabi sa akin ni Monica.
"Good night," sabi ko naman at saka humiga sa tabi niya.
Nang lingunin ko si Monica ay nakapikit na siya. Ipinikit ko na rin ang mga mata ko at pinilit na makatulog. Ngunit kahit anong pagod pa ang nararamdaman ko ngayon ay hindi ako makaramdam ng antok. Yamot kong iminulat ang mga mata ko. Pinakiramdaman ko si Monica at alam kong malalim na ang tulog niya. Mabuti pa siya, nakatulog agad.
Huminga ako ng malalim at muli sana akong pipikit ngunit nakakita ako ng anino sa labas. Bulto ito ng tao kaya naman hindi ko naiwasan ang kabahan. Agad kong kinapa ang kutsilyo ko na nasa hita ko pa rin. Kinuha ko ito at saka dahan dahang tumayo. Lumabas ako ng tent upang tingnan kung sino ang taong iyon.
Agad akong natigilan ng makilala kung sino siya. "Blake? Anong ginagawa mo dito?" nagtatakang tanong ko kay Blake nang makilala ko siya.
Nakatayo siya sa harap ng bonfire. Nang tumingin siya sa akin ay mas lalong bumilis ang t***k ng puso ko.
"May naramdaman akong hindi maganda kaya bumangon ako," seryosong sabi niya sa akin.
Agad naman akong tumingin sa paligid. Wala naman akong nararamdaman na kahit na ano ngunit hindi ko maiwasan ang kabahan. Hindi kasi imposible ang sinasabi niya. Nasa gitna kami ng kagubatan kaya kahit na anong panganib ay maaaring dumating sa amin.
"Maaari mo ba akong samahan, Sachi? Tingnan natin sa banda roon kung may panganib," dugtong na sabi pa niya.
Sachi? Kailan pa niya ako tinawag sa first name ko? Ngunit bakit ko pa ba iisipin iyon kung may posibilidad na nasa panganib na kami. Kaya naman marahan akong tumango sa kaniya bilang pagsang-ayon sa tanong niya.
Nauna nang maglakad si Blake kaya tahimik akong sumunod sa kaniya. Mas pina-alerto ko rin ang mga senses ko para kung sakali mang may umatake sa amin ay mararamdaman ko agad iyon. Mas mabuti na iyong handa sa kahit na anumang bagay.
Medyo malayo na rin ang nalalakad namin ngunit wala pa rin akong maramdaman na kakaiba.
"Blake, sigurado ka ba dito?" tanong ko sa kasama ko na wala yatang balak tumigil sa paglalakad. Napakadilim na ng tinatahak namin at ang nagbibigay liwanag na lang ay ang kahoy na may apoy sa dulo na hawak ni Blake.
Hindi ko narinig na nagsalita si Blake ngunit tumigil siya kaya napatigil din ako sa paglalakad. Magsasalita sana ulit ako ngunit may naramdaman akong malamig na bagay sa may leeg ko. Unti unti akong nakaramdam ng antok.
No. Hindi pwedeng ngayon pa ako antukin. Ngunit sadyang malakas ang hatak sa akin ng antok. Para akong hinehele at gumagaan ang pakiramdam ko. Hindi ko kayang labanan ang nararamdaman ko sapagkat mismong ang mga mata ko na ang kusang sumasara.
Hanggang sa hindi ko na alam ang sunod pang mga nangyari. Tuluyan na akong ginapi ng antok ko. And everything went black.