SACHI'S POV
"Anong hindi pa ako pwedeng umalis?" hindi makapaniwalang tanong ko sa diwatang si Mayumi.
Hindi ko na alam kung ano pang nararamdaman ko ngayon. Ang tanging gusto ko na lamang mangyari ay ang makaalis sa lugar na ito ngunit hindi ko alam kung paano.
"Binibini, hindi mo lubusang magamit ang iyong Special sapagkat hindi ka lumaki sa mundong ito. At nandito ako upang sanayin ka," nakangiting sagot naman sa akin ni Mayumi.
Marahan akong umiling habang pilit na pinipigilan ang mga luha ko sa pagpatak. "Nagsasanay na po ako sa academy. At naniniwala po akong ang mission na ito ay parte pa rin ng training ko," seryosong sabi ko sa kaniya.
Tumalikod sa akin si Mayumi. Nagpalabas siya ng kakaibang liwanag at ibinato iyon sa ere. Biglang nagkaroon ng parang isang tv screen kung saan nakikita ko ngayon ang tatlo kong kaibigan.
"Panoorin mo, binibini," mahinhin na sabi pa sa akin ng diwata.
Sinunod ko ang sinabi niya. Pinanood ko ang naging pag-uusap ng tatlo kong kaibigan. Habang pinapakinggan ang pag-uusap nila ay hindi ko maintindihan kung ano bang dapat kong maramdaman. Hindi dapat ako nag-iisip ng kung ano ano ngunit sa naging desisyon nila ay nanlulumo ako. Nang humakbang sila palayo sa tabi ng ilog upang ipagpatuloy ang mission ay parang nawasak ang puso ko. Ipagpapatuloy nila ang mission nang wala ako.
"Sa tingin mo ba ay magkakaroon ka ng sapat na training sa academy?" tanong sa akin ni Mayumi pagkatapos niyang ipapanood sa akin ang mga nangyari.
"Oo. Sapagkat hindi naman sila ang trainor ko," wala sa sarili kong sagot.
Kahit naman anong ipakita niya sa akin ay hindi mababago ang isipan ko. Ang academy pa rin ang pipiliin ko sapagkat ito ang unang tumanggap sa akin sa mundong ito. At isa pa, hindi ko lubusang kilala si Mayumi upang magtiwala agad sa kaniya.
"Sa tingin mo ba ay tanggap ka talaga nila?" tanong pa sa akin ni Mayumi.
Pagak akong napatawa. "Ano bang ipinupunto mo? Pasensya na ha, pero kahit anong sabihin mo, hindi ako mananatili sa lugar na ito. Isa kang diwata at nirerespeto kita kaya sana naman, respetuhin mo rin ako bilang isang Maxime," mahaba
kong sabi sa kaniya.