35

1040 Words
SACHI'S POV "Kung gayon, binibini, labanan mo ako at talunin. Kapag napagtagumpayan mo ay makakaalis ka na at makakabalik sa mga kaibigan mo," seryosong sabi sa akin ni Mayumi. Bahagya akong nahintakutan sa boses ng diwata. Napakaseryoso kasi nito at hindi ko rin magawang mabasa ang iniisip niya. Wala rin kasing ekspresyon ang kaniyang mukha at deretsong nakatingin lang sa akin. "Labanan? Para saan, Mayumi? Diwata ka at isa lamang akong hamak na estudyante ng academy," alanganin kong sagot sa kaniya. Hindi ko na talaga alam kung para saan ang mga ginagawa ni Mayumi sa akin. Ni hindi ko alam kung bakit dinala niya ako sa lugar niya at hindi ko alam kung bakit nagpakilala siya sa akin. At ngayon naman ay naghahamon siya ng isang labanan na alam naman niyang dehado ako sapagkat alam din niyang hindi ko pa kabisado ang Special ko. Hindi nagsalita si Mayumi, sa halip ay naglabas siya ng liwanag sa kaniyang mga kamay. Walang pagdadalawang isip na ibinato niya ito sa akin kaya agad akong umiwas dito. Medyo nahirapan pa akong gumalaw sapagkat mahaba ang suot kong damit, at isa pa ay nakalugay ang aking buhok. "Mayumi, ano ba?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya. Ngumiti lang siya sa akin at saka muling umatake. Katulad ng ginawa ko kanina ay iniwasan ko lang din ito. Ngunit hindi na ako tinantanan pa ni Mayumi. Nagsunod-sunod ang pag-atake niya at wala akong ibang magawa kundi ang iwasan lamang ito. Napapagod na ako kakaiwas ngunit wala naman akong magawa. Hindi ako makapag-focus sa paggamit ko ng Special ko sapagkat natatakot akong labanan ang diwata ng kagubatan. Malakas siya at alam kong wala akong magagawa para talunin siya. "Tandaan mo, binibini, hindi ka makakabalik sa mga kaibigan mo hangga't hindi mo ako natatalo," nanghahamon na sabi sa akin ni Mayumi. Marahan akong napailing. Talagang sinusubukan ata ako ng diwatang ito. Kung ito lang ang tanging paraan upang makabalik ako kina Monica ay gagawin ko na lamang. Bahala na kung matalo man ako. At kung mamatay man ako, at least ay namatay akong lumalaban. Mabilis kong ipinilig ang aking ulo. Tila nagiging OA na yata ako sa mga iniisip ko. Naputol ang aking pag-iisip nang bigla ulit akong atakihin ni Mayumi. Ngunit sa pagkakataong ito ay mas malakas na ang mga atake niya kaya mas matinding pag-iwas ang ginawa ko. At nang magkaroon ako ng pagkakataon na atakihin siya ay mabilis akong lumapit sa kaniya at iniamba ko ang aking kanang kamao. Bago ko pa man siya tamaan ay bigla na lamang siyang naglaho sa harap ko. Hanggang sa maramdaman ko na lamang na may tumama sa likod ko na siyang ikinatumba ko. Napadaing ako sa sakit dahil malakas ang naging atake sa akin ni Mayumi. Nalasahan ko rin ang dugo sa may labi ko. Naikuyom ko ang mga kamao dahil sa inis na nagsisimulang mabuo sa dibdib ko. "Hanggang diyan ka na lang ba, Sub-Grandis?" narinig kong tanong sa akin ni Mayumi. Padabog akong tumayo at matapang siyang hinarap habang siya naman ay nakangisi lang sa akin. Tila nawala na rin sa kaniya ang pagiging mahinhin niya. Parang mas nakikilala ko na ang tunay na siya sa klase ng tingin na ibinibigay niya sa akin ngayon. Muli siyang nagpalabas ng liwanag sa kaniyang kamay at nang akmang ibabato na niya sa akin ito ay agad kong sinipa ang kaniyang kamay. Natamaan ko naman iyon kaya ang liwanag ay napunta sa kubo niya. Nasira nito ang dingding ng kubo. "Sorry," alanganin kong sabi sa kaniya. Hindi siya nagsalita. Mabilis siyang umatake gamit ang mga kamay niya. Nakipaglaban ako sa kaniya gamit ang physical combat. Naging madali naman sa akin ito sapagkat tinuruan ako ni Daddy kung paano makipaglaban sa larangan na ito. Tumagal ang aming laban nang mahigit limang minuto. Nang mag-agwat kami ay kapwa na kami hinihingal. "Hindi kita hinamon para mapagod ng ganito. Hinamon kita ng labanan upang tuluyan mo nang ma-kontrol ang Special mo," seryosong sabi sa akin ni Mayumi habang hinihingal pa rin. "Bakit ba gustong gusto mong sanayin ko ang Special ko? Sino ka ba talaga?" naguguluhan kong tanong sa kaniya. Marahang umiling si Mayumi. Imbes na sagutin niya ang tanong ko ay isa isa na niyang pinagalaw ang mga halaman at bulaklak sa paligid. Hindi na dapat akong magtaka na kaya rin niyang kontrolin ang mga ito sapagkat siya ang diwata ng kagubatan. Unti unting umangat ang mga halaman at bulaklak at nang nakatapat na sa akin ito ay bigla na lamang itong naging matutulis na bagay. Nakatutok ang lahat ng ito sa direksyon ko. Napalunok ako sa takot sapagkat kapag hindi ko nagawang iwasan ang mga ito ay paniguradong magkakalasog lasog ang buong katawan ko. Wala na yata akong choice kundi ang subukan ulit na gamitin ang Plantae Special ko. Ipinikit ko ang mga mata ko at pinakiramdaman ang mga halaman na hindi pa nagagawang kontrolin ni Mayumi. Ngunit kumunot ang noo ko nang ang maramdaman ko ay ang mga halaman at bulaklak na nakatutok sa akin ngayon. Iminulat ko ang mga mata ko kasabay ng pag-atake ni Mayumi. At dahil nga nararamdaman ko ang mga ito ay sinubukan ko na lamang na kontrolin din ito. Sa una ay nahirapan akong kontrolin ito dahil dere-deretso pa rin ito sa pag-atake sa direksyon ko. Nahihirapan ako ngunit mas lalo akong nag-concentrate hanggang sa unti unting bumabagal ang paggalaw ng mga halaman. Naramdaman ko nang tumutulo na ang pawis ko sa noo sapagkat hindi ganoon kadali ang pagkontrol dito. Bukod kasi sa hindi pa ako ganoon kabihasa, kinokontrol din ito ni Mayumi kaya sobrang nahihirapan ako. Sa bandang huli ay nagawa ko naman itong kontrolin. Tumigil ito sa paglapit sa akin at nang iikot ko ang kamay ko ay humarap ang mga ito kay Mayumi. Ikinumpas ko ang mga kamay ko kasabay ng pag-atake ng mga halaman papunta kay Mayumi. Ikinumpas din ni Mayumi ang kaniyang mga kamay at biglang nagkaroon ng mga makakapal na dahon sa harapan niya na siyang tinamaan ng mga atake ko. Hindi na ako nagulat pa dahil alam ko namang kaya niyang gawin iyon. Madali lamang sa kaniya ang lahat sapagkat isa siyang diwata. Ang kailangan ko lang pag-isipan ay kung paano mauutakan si Mayumi sa laban na ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD