MONICA’S POV
“Maghanda kayo sapagkat malapit na tayo sa kweba,” seryosong sabi sa amin ni Blake kaya naman naka-full alert na kami ngayon. Halos isang buong araw din ang ibinyahe namin bago makarating dito. At ang nakakapagtaka ay wala man lang kaming nakasalubong na mga kalaban maliban na nga lang doon sa mga Baredog na nakalaban namin.
Hanggang ngayon ay hindi maalis sa isipan ko si Sachi. Hindi ko magawang makapag-concentrate sapagkat nag-aalala ako sa kaniya. Kahit naman nagdesisyon si Blake na unahin ang misyon, alam ko at ramdam kong nag-aalala rin siya. Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit kailangan pa naming mamili sa dalawa.
Habang naglalakad din kanina ay nagbaka sakali akong makikita ko si Sachi o kahit ang bakas niya upang matunton kung nasaan siya. Sinabihan ko rin si Clyde na utusan ang hangin na hanapin ang scent ni Sachi ngunit wala pa rin kaming nakikita. Sisiguraduhin kong kapag nahanap na namin ang kwintas ay agad kong hahanapin si Sachi at hindi ako babalik ng academy na hindi siya kasama.
Naputol ang pag-iisip ko nang biglang lumindol kaya agad kaming napahawak sa mga puno.
“Ano iyon?” nag-aalalang tanong ni Clyde.
Mas lalong lumakas ang lindol at sa kasamaang palad ay nakabitaw ako sa pagkakahawak ko. Agad naman akong nahawakan ni Clyde kaya hindi ako dumeretso sa pagkadapa sa lupa. Hindi naman namin malaman ang dahilan kung bakit nangyayari ito. Sa mga nakalipas kasing mission ay si Lyca ang taga alam namin kung anong nangyayari kapag lumilindol. Ngunit dahil hindi namin siya kasama ngayon, wala kaming ideya kung may kalaban ba na parating.
"Ayos ka lang ba, Monica?" nag-aalalang tanong sa akin ni Clyde nang makaayos na ako ng pagkakatayo.
"Oo. Salamat," sagot ko naman.
Biglang tumigil ang paglindol kaya naman nagkatinginan kaming tatlo. Ilang hakbang na lamang ay nasa bunganga na kami ng kweba ngunit naudlot nga iyon dahil sa biglaang pagyanig ng lupa.
"Tara na," seryosong sabi ni Blake at nagsimula na siyang humakbang palapit sa bunganga ng kweba.
Nagkatinginan pa kami ni Clyde bago napagdesisyunan na sumunod kay Blake. Dahil sa madilim sa loob ng kweba ay nagpalabas ng Fire Special si Blake. Niliitan niya lamang ito na sasapat na upang magkaroon ng liwanag sa dinadaanan namin. Hindi kasi namin pwedeng gamitin masyado ang mga Special namin sapagkat baka maramdaman ito ng mga Dark Maxime.
Bahagya akong nakaramdam ng takot sapagkat napakadilim at napakalamig sa loob ng kweba. Hindi namin alam kung saan ba mismo nakalagay o nakatago ang kwintas. Ang alam lang namin ay nandito iyon sa loob. Wala ring sinabi sa amin ang director kung paano namin iyon mahahanap. Ang alam lang namin ay ang itsura nito. Kulay ginto ito at ang pendant ay ang pinagsama-samang simbulo ng mga elemento ng mundo, ang apoy, tubig, hangin at lupa.
Natigil kaming muli sa paglalakad nang biglang umihip ang malakas na hangin. Hindi kami makakilos sa kinatatayuan namin sapagkat lahat kami ay nagulat. Wala naman kasing open space na maaaring panggalingan ng hangin. At ang mismong may hawak ng Air Special na si Clyde ay nagulat din sa nangyari.
"Hindi maganda ang pakiramdam ko dito," seryosong sabi sa amin ni Blake.
Maski ako naman ay ganoon din. Buong akala namin ay magiging ligtas na ang pakiramdam namin sa oras na makapasok kami sa kwebang ito sapagkat ito ay lugar ng mga dating diwata. Ngunit sa nararamdaman ko ngayon ay alanganin ako.
At bago pa man ako makapagsalita ay muling nayanig na naman ang lupa. Naglaglagan ang mga mumunting bato at hindi namin agad naiwasan iyon. Tinamaan ako nito sa may noo ko dahilan upang dumugo ito. Bahagya akong nakaramdam ng pagkahilo ngunit binalewala ko na lamang ito.
Hindi na nakatiis pa si Clyde at gumawa na siya ng shield namin gamit ang Special niya. Nang tumigil na ang pagyanig ng lupa ay nagsimula na ulit kaming maglakad habang nasa loob pa rin kami ng shield ni Clyde.
Nasa gitna na kami ng kweba ngunit hindi pa rin namin nakikita ang kwintas ni King Caylix. Ultimo ang presensya nito ay hindi namin maramdaman. Wala rin kaming makitang kahit na anong palatandaan ng kwintas. Tanging isang abandonadong kweba lamang ang nakikita namin ngayon.
Paano namin mahahanap ang kwintas?