THIRD POV
Tahimik na naglalakad pa rin ang magkakaibigan at ang kwintas ng namayapang hari ay hindi pa rin nila nakikita. Nakakaramdam na sila ng pagod kahit na hindi nila masyadong ginagamit ang mga Special nila. Lingid sa kaalaman nila ay kinukuha paunti unti ng kweba ang kanilang mga lakas. Ito ang kapalit ng walang pahintulot na pagpasok sa sagradong lugar na iyon.
Mas malaki ang epekto nito kina Clyde at Blake sapagkat gamit nila ang kani-kanilang Special habang hinahanap ang kwintas. Hinahabol na nila ang kanilang mga hininga at tumutulo na rin ang mga pawis nila. Napansin naman iyon agad ni Monica kaya mabilis niyang binigyan ng tubig ang dalawa. Ngunit hindi napawi ang kanilang kapaguran ng tubig. Sa sobrang panghihina ay sabay na napaupo ang dalawang binata.
"Blake, Clyde, anong nangyari?" nag-aalalang tanong sa kanila ni Monica na hindi pa masyadong naaapektuhan sapagkat hindi pa niya ginagamit ang kaniyang Special.
"N-nauubusan ako ng lakas," nahihirapang sagot naman ni Clyde.
Tiningnan ni Monica si Blake na tahimik lang habang hinahabol ang paghinga nito. Unti unti na ring nawawala ang Fire Special ni Blake kaya nawawalan na sila ng liwanag sa paligid. Bago pa man mawala ng tuluyan ang apoy ay nakakuha si Monica ng isang tuyong kahoy at pinaapuyan niya ito. Saktong nawala ang special ni Blake ay siya namang pag-apoy ng kahoy. Hindi na inisip pa ni Monica kung paanong nagkaroon ng kahoy sa loob ng kweba.
"Kailangang tumigil muna tayo sapagkat nauubos ang lakas namin," seryosong sabi ni Blake na tila naiintindihan na ang nangyayari sa kanila ni Clyde.
"Ngunit hindi tatagal ang liwanag ng apoy ng kahoy na ito," pagsalungat naman ni Monica.
Nais nang makalabas ni Monica sa kwebang iyon sapagkat natatakot na siya. Malalakas nga sila at mga Grandis sila ngunit alam niya sa sarili niyang hindi nila kaya ang pwersa ng kweba. Naniniwala siya na may hindi maipaliwanag sa kwebang iyon. Ngunit kung lalabas naman sila na hindi dala ang kwintas ay maituturing nang nabigo sila sa mission nila.
Napatigil sa pag-iisip si Monica nang makarinig siya ng lagaslas ng tubig. Agad siyang tumayo at pinakiramdaman ito at ganoon na lamang ang tuwa niya nang makasiguro siyang may ilog sa loob ng kweba.
"Kayanin niyong makapaglakad pa. Malapit lang tayo sa may ilog at doon ay susubukan kong ibalik ang mga lakas niyo," sabi niya sa mga kaibigan.
Sumang-ayon naman ang dalawa at pinilit nilang makatayo. Nagawa naman nila iyon kahit na ang pakiramdam nila ay may mabigat silang dala dala sa katawan nila.
"Bilisan natin sapagkat hindi namin alam kung hanggang saan kami aabutin ng natitirang lakas namin," seryosong sabi ni Clyde na namumutla na.
Nauna nang maglakad si Monica sapagkat siya ang nakakaalam ng daan papunta sa ilog. Naging maayos naman ang kanilang paglalakbay ngunit hindi nila inaasahan ang lugar na masasaksihan. Dulo ito ng kweba at isang nakakasilaw na liwanag ang sumalubong sa kanila. Nang makapag-adjust ang kanilang mga mata ay doon nila nakita ang ganda ng paraiso.
Luntiang halamanan, malinis at napakalinaw na ilog, at mga punong saganang sagana sa prutas. Agad na lumapit sina Clyde at Blake sa ilog at inilubog nila ang mga katawan nila dito. Unti unting nanumbalik ang kanilang mga lakas habang si Monica naman ay pinagsasawa ang kaniyang mga mata sa magagandang tanawin. Ito na ang pinakamagandang lugar na napuntahan nila sa labas ng academy.
"Kay gandang lugar," hindi napigilang sambitin ni Monica.
Nang manumbalik na ang lakas ng dalawang binata ay umahon na sila sa tubig. Nilapitan nila ang kaibigang namamangha pa rin sa ganda ng lugar.
"Ito na ata ang sinasabing tirahan ng diwata ng kagubatan," seryosong sabi ni Clyde.
Napatingin naman si Monica habang nakakunot ang kaniyang noo. "Hindi ba't sabi-sabi lamang iyon. Totoo ba ang lugar na iyon?" nagtatakang tanong pa niya.
Kasama sa pinag-aralan nila ang iba't ibang diwata ng kanilang mundo. Ngunit walang makapagpatunay kung mayroon ngang diwata ng kagubatan. Sinasabi kasing mailap ang diwatang ito sa mga Maxime kaya hindi sigurado ang lahat kung totoo nga ito.
"Marahil ay kaya nauubos ang lakas namin ni Clyde sapagkat ito ang paraan ng diwata upang walang makatuloy sa kaniyang tirahan," mahabang sabi naman ni Blake.
"Kung totoo ngang ang nakatira dito ay ang diwata ng kagubatan, ibig bang sabihin noon ay tayo ang kauna-unahang Maxime na makakakilala sa kaniya?" tanong naman ni Monica habang inililibot ang kaniyang paningin sa buong lugar.
Napakalawak ng paraisong iyon. Hindi nila kayang tanawin ang kabuuan nito sapagkat napakalaki nito.
"Iyon ay kung magpapakita siya sa atin," sabi naman ni Clyde.
"Sa tingin niyo ba ay nandito ang kwintas ni King Caylix?" tanong ni Monica.
Hindi kasi nila akalain na mararating nila ang lugar na ito. Ang totoong pakay nila ay ang kwintas ng namayapang hari. Ngunit kung dinala sila ng kanilang tadhana sa lugar na ito, malaki ang posibilidad na nandito ang mission nila.
"Ito na ang dulo ng kweba at hindi pa natin nakikita ang kwintas. Malaki ang posibilidad na nandito iyon," seryosong sabi naman ni Clyde.
Hindi na nagsalita pa si Blake. Nagsimula na siyang humakbang kaya naman agad na sumunod sa kaniya ang dalawa. Nawala na ang pakiramdam ng panganib sa tatlong magkakaibigan. Ngunit kahit ganoon ay hindi pa rin nila ibinababa ang kanilang depensa. Alerto pa rin sila para kung sakali mang biglang may kalaban na umatake sa kanila ay handa sila.