38

1977 Words
SACHI'S POV Pagod na pagod na ako sa pakikipaglaban ngunit hindi ko pa rin natatalo si Mayumi. Nagagamit ko na nga rin ang Plantae Special ko at ang nakakapagtaka ay hindi ako nauubusan ng lakas kahit kanina ko pa ito ginagamit. Ang problema ko lang ngayon ay ang katawan ko. Ramdam kong pagod na pagod na ito ngunit wala pa yatang plano si Mayumi na ihinto ang laban namin. Nauubusan na ako ng taktika sa pakikipaglaban at hindi ko pa man lang nadadaplisan ang diwata. Bugbog na rin ang katawan ko dahil sa mga atake niya at mas lalo pa yata siyang natutuwa sa kalagayan ko. "Tila sumusuko ka na ata, binibini," nakangiting sabi sa akin ni Mayumi. Nagpakawala naman ako ng buntong hininga. Hindi ko na magawang makapagsalita pa sapagkat bigla na lamang nanigas ang mga kalamnan ko. Hindi ko na maigalaw ang buong katawan ko na animo'y isa na akong estatwa. "Nakakahanga sapagkat tumagal ng ganito ang lakas mo," dugtong na sabi pa ng diwata. Gustong gusto ko nang magsalita at sabihin sa kaniya na sumusuko na ako ngunit hindi ko maigalaw ang dila ko. Tila sinisingil na ako ng katawan ko dahil inabuso ko ang lakas niya. Mahigit isang oras at kalahati na kasi kaming naglalaban ni Mayumi, dere-deretso iyon at walang pahinga. Nakita kong kumunot ang noo ni Mayumi nang mapansin niyang hindi na ako gumagalaw. Nakatitig lang ako sa kaniya habang nakatayo lamang sa pwesto ko. "Binibini," pagtawag pa niya sa akin. Kahit ano pang tawag ang gawin niya ay hindi ko makakayang tumugon. Kung ang goal nga niya ay ang patayin ako ay ito na ang tamang pagkakataon. Hindi na ako makakaiwas pa sa atake niya kaya madali na para sa kaniya na paslangin ako. Hindi na nagsalita pa si Mayumi bagkus ay nagpalabas siya ng malaking liwanag sa palad niya. Ito yata talaga ang plano niya sa umpisa pa lang, ang tapusin na ang buhay ko. "Masasabi kong malakas ka nga, ngunit hindi pa sapat iyon upang talunin ang mga kalaban mo. Kailangan mo pa ng matinding pag-eensayo. Hindi pa ito ang tamang panahon para ipagkaloob sa 'yo ang kwintas ng iyong ama," seryosong sabi pa ni Mayumi. Literal na nanlaki ang mga mata ko. Biglang naging malinaw sa akin kung bakit ganoon na lamang ang pakikitungo sa akin ng diwatang ito. Napagkamalan yata niyang ako ang prinsesa. Akala niya siguro ay Earth ang Special ko ngunit tanging Plantae naman ang Special ko talaga. Paano ko maipapaliwanag sa kaniya ang lahat kung hindi ko magawang makapagsalita? Mas lalong lumaki ang liwanag na nasa palad ni Mayumi habang ako naman ay mas pinipilit kong makagalaw sapagkat ayoko pang mabawian ng buhay. Kahit na hirap na hirap ay nagawa kong makagalaw at makaiwas sa atake ni Mayumi. Ngunit nagulat ako nang biglang sumunod ang liwanag sa akin kaya wala na akong nagawa pa kundi ang salubungin ito. THIRD POV Tahimik na naglalakad ang magkakaibigan na sina Clyde, Blake at Monica habang nakikiramdam sa paligid. Hindi pa rin nila maramdaman o matanaw man lang ang kwintas na kanilang sadya sa lugar na iyon. Unti unti nang nawawalan ng pag-asa ang tatlo hanggang sa makarinig sila ng isang sigaw ng babae. Nagkatinginan sila sapagkat pamilyar ang boses. "Si Sachi!" sabay na sambit nina Monica at Clyde. Mabilis silang tumakbo palapit sa pinanggagalingan ng sigaw. At lahat sila ay nagulat nang makita ang kanilang nawawalang kaibigan ay nababalutan ng malaking liwanag. At sa harap nito ay ang isang babaeng ngayon lamang nila nakita. Agad na nagpalabas ng kani-kaniyang Special ang tatlo at akmang aatakihin na sana ang hindi kilalang babae ngunit agad ding nawala ang mga Special nila. Naguguluhan silang tumingin sa babae na kasalukuyang nakatingin pala sa kanila. "Mapangahas kayo! Anong karapatan ninyong pumasok sa tirahan ko?" galit na sambit ng babae. "Sino ka? At anong ginawa mo sa kaibigan namin?" matapang na tanong naman ni Monica. Doon napagtanto ng diwata na ang tatlong estranghero ay ang mga Grandis na kasama ni Sachi. Bahagya pa siyang nagulat sapagkat nakatawid ang tatlo sa Pixie's Cave. Ang kwebang iyon ang tanging paraan upang makapunta sa kaniyang tirahan. At ang kwebang iyon ay nababalutan ng isang sumpa kung saan ang sinumang magpatuloy na pumasok doon ay mauubusan ng lakas hanggang sa bawian ng buhay. Base na rin sa nangyari, ramdam niyang malalakas ang tatlong ito kaya nalagpasan nila ang sumpa ng kweba. "Hayaan niyo akong magpakilala sa inyo," mahinahong sabi niya sa tatlo. "Pakawalan mo muna ang aming kaibigan," seryosong sabi naman ng isang binata na walang kaemo-emosyong ang mukha. Ang binatang ito ay kahawig ng director ng academy kaya alam na niyang anak ito ni Mr. Montero. At isa ito sa malalakas na estudyante ng academy. "Ipagpaumanhin mo, Ginoo. Hindi ko magagawa ang gusto mo sapagkat maaaring ikamatay iyon ng kaibigan niyo," mahinhin niyang sagot sa binata. "Paanong ikakamatay niya?" nag-aalalang tanong naman ng babae. "Sapagkat naubos ang lakas niya habang nakikipaglaban sa akin kanina. Kinailangan ko siyang ikulong sa aking kapangyarihan upang manumbalik ang kaniyang nawalang lakas," sagot naman niya. "Kung ganoon, sino ka bang talaga? At bakit kinailangang makipaglaban sa 'yo ni Sachi?" tanong naman sa kaniya ng isa pang binata. "Ako si Mayumi, ang diwata ng kagubatan," panimulang sabi niya. Bakas sa mukha ng tatlo ang pagkagulat sa narinig. Ang kanina lang na pinag-uusapan nilang hindi nila sigurado kung totoo nga ba ay nasa harapan na nila. Hindi nila lubos akalain na makikilala nila ang diwatang ni minsan ay hindi nagpakita sa mga Maxime. "Maswerte kayo sapagkat nakalagpas kayo sa lagusan, ang Pixie's Cave. Kung hindi ako nagkakamali ay narito kayo dahil sa mission niyo, ang kwintas ng yumaong hari na si King Caylix," dugtong na sabi pa ng diwata. Mas lalong kumunot ang noo ng tatlo lalo na si Blake. Walang ibang nakakaalam ng kanilang mission ngunit hindi na dapat siya nagtataka pa sapagkat diwata ang kaharap nila ngayon. "Paano napunta sa 'yo ang kaibigan namin?" biglang tanong ni Blake. Napakaseryoso niya at anumang oras ay aatake na siya dahil sa sobrang pag-aalala kay Sachi. "Sapagkat siya ang karapat-dapat na kumuha ng kwintas. Sinubukan ko lamang ang lakas niya kung kaya na ba niyang ipagtanggol ang lahi niyo," mahinhing sagot naman ni Mayumi. "Si Sachi? Bakit si Sachi?" naguguluhang tanong naman ni Monica. Naguguluhan siya sapagkat ibinigay sa kanilang apat ang mission. Bakit si Sachi lang ang karapat-dapat? Anong espesyal sa kaibigan nila na siya lamang ang pinipili ng diwata? At bakit si Sachi ang kailangang magtanggol sa lahi nila? Isa lamang ang kilala nilang nakatadhanang magtanggol sa kanilang lahat. At iyon ay si Lyca, ang nag-iisang prinsesa ng mga Maxime. Naguluhan din si Mayumi sa naging reaksyon ng tatlong estudyante. Hindi na dapat pa silang nagtataka sa sinabi niya ngunit base sa reaksyon nila ay hindi makapaniwala ang mga ito. "Hindi ba't siya ang prinsesang matagal niyo nang hinihintay? Siya ang magbabangon sa lahi niyo," sagot pa niya. "Ano?" gulat na tanong naman nina Monica at Clyde. "Tila nagkakamali ka yata, diwata ng kagubatan," malamig na sambit ni Blake. Sumulyap si Mayumi sa dalagang nababalot sa kaniyang liwanag. Wala itong malay ngunit unti unti namang bumabalik sa dati ang kulay nito, katunayan na bumabalik na ang nawalang lakas nito. "Anong ibig mong sabihin, ginoo?" tanong pa niya sa anak ng director. "Ang prinsesa ay naiwan sa academy upang pangalagaan siya laban sa mga Dark Maxime. Ang inaakala mong prinsesa ay isang Sub-Grandis na ang Special ay Plantae," paliwanag naman ni Monica habang nakatingin din sa walang malay na dalaga. Hindi agad nakapagsalita si Mayumi. Kaya pala ang tanging nako-kontrol lang ng dalaga ay ang mga halaman at bulaklak sapagkat ang Special nito ay Plantae. Kung ganoon ay nagkamali siya sa pag-aakalang ang kinuha niya ay ang anak ni King Caylix. Kaya pala hindi pa ganoon kalakas ang dalaga nang makalaban niya ito. Hindi siya makapaniwala na nagkamali siya. Hindi siya makapaniwala na napagkamalan niyanh prinsesa ang dalagang iyon. "Hindi ba alam ng director kung gaano kahalaga ang kwintas na pinapahanap niya sa inyo? Walang ibang pwedeng humawak nito kundi ang prinsesa lamang," galit niyang sambit sa tatlo. "Ang prinsesa pa rin naman ang mangangalaga sa kwintas. Kami lamang ang pinadala sa mission upang ihatid ito sa kaniya. Ginawa ito ng director upang pangalagaan ang prinsesa," paliwanag naman ni Clyde. Marahang napailing si Mayumi. "Paano lalabas ang tunay na lakas ng prinsesa kung hindi niyo siya hahayaang makipagsapalaran sa labas ng academy?" hindi makapaniwalang tanong pa niya. Maaaring nasa panganib nga ang buhay ng prinsesa ngunit hindi nito makakamit ang tunay na lakas kung mananatili lamang ito sa loob ng academy. Ang prinsesa ang itinuturing na tanging pag-asa ng mga Maxime ngunit paano nito maililigtas ang lahi nila kung wala itong alam sa labas ng academy. "Patawad po ngunit hindi kami ang nagdesisyon no'n," mahinang sabi naman ni Monica. Iyon ang ipinupunto ni Lyca at Sachi noong ipaalam sa kanila ang mission. At nahihiya si Monica na hindi man lang niya nagawang suportahan ang kaniyang dalawang kaibigan. Mas nanaig pa rin sa kaniya ang kaligtasan ng kaibigan na si Lyca. "Kung gayon ay ipagpatawad niyo rin sapagkat hindi ko maibib toigay sa inyo ang kwintas ni King Caylix," seryosong sabi naman ni Mayumi. Agad na napatingin sa kaniya ang tatlo. "Nasa 'yo ang kwintas?" sabay sabay na sambit ng mga ito. "Oo, nasa akin nga. At wala akong pagbibigyan nito kundi ang prinsesa lamang. At hindi ko rin ibibigay ito sa kaniya hanggang hindi ko nakikita na handa na siya. Kaya ipagpaumanhin ninyong uuwi kayong hindi matagumpay ang mission niyo. Kapag ipinaliwanag niyo ito kay Mr. Montero ay alam kong maiintindihan niya kayo. At bilang katunayan, magpapadala rin ako ng sulat sa kaniya," mahabang sabi naman ni Mayumi. Hindi na mahalaga para kay Blake ang mission nila. Ang mahalaga ngayon ay ang kalagayan ni Sachi. Ayaw man niyang aminin ngunit nag-aalala siya para sa dalaga. Kahit na alam niyang diwata ang kumupkop dito noong mawala ito, hindi pa rin mawala sa dibdib niya ang takot. Hindi niya ma-imagine kung anong pinagdaanan ng kaibigan sa kamay ng diwata ng kagubatan. "Hanggang kailan niyo ikukulong si Annasha sa liwanag na iyan?" hindi napigilang itanong ni Blake. Tipid namang ngumiti si Mayumi. "Maya maya ay manunumbalik na ang lahat ng lakas niya," sagot pa ng diwata. Ngunit lahat sila ay nagulat nang biglang may sumabog na malakas. Pagtingin nila kay Sachi ay nakatayo na ito at pinagmamasdan ang sarili. "Sachi," mangiyak ngiyak na tawag ni Monica. Lumingon sa kanila si Sachi at unti unti itong napangiti nang makita ang mga kaibigan. Agad na tumakbo si Sachi kay Monica at mahigpit itong niyakap. Lumapit naman sa kanila si Clyde habang si Blake ay nakuntento na sa pagtitig sa dalawang dalaga na magkayakap. "Kumusta Sachi? Pinag-alala mo kami," tanong ni Clyde. Bahagya namang napangiti si Sachi. "Pasensya na kayo. Ang totoo nyan ay hindi ko rin alam kung anong nangyari at paano ako napunta dito," nahihiyang sabi pa niya. "Ayos na iyon. Ang mahalaga ay kasama ka na ulit namin," nakangiting sabi naman ni Monica. Marahan namang napatango si Sachi at unti unting napatingin siya sa gawi nina Blake at Mayumi. Kapwa seryoso ang mga ito na nakatingin sa kaniya at hindi niya malaman kung natutuwa rin ba ang mga ito. Blangko ang mga tinging ipinupukol sa kaniya ng mga ito. "Binibini, nakakamangha na bumalik na agad ang lakas mo. Maligayang pagbabalik sa aking paraiso," nakangiti na'ng sabi sa kaniya ng diwata. Marahan naman siyang napatango at saka muling inilipat ang tingin kay Monica. "Nahanap niyo na ba ang kwintas?" Hindi sumagot si Monica bagkus ay itinuro nito ang diwatang si Mayumi. Muling tiningnan ni Sachi si Mayumi na ngayon ay nakangisi na sa kaniya. At sa pagkakataong iyon ay hindi na maganda ang kaniyang pakiramdam sa klase ng ngiting ipinupukol sa kaniya ng diwata ng kagubatan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD