39

1652 Words
THIRD POV Isang masaganang hapag kainan ang nasa harapan ng apat na magkakaibigan. Dahil sa nangyaring mga kaguluhan at pagkalito ay nagpaanyaya ang diwata upang mas makapag-usap sila ng maayos. Lalo na at hindi makukuha ng apat ang kanilang mission. Kalmado na rin ang lahat ngunit mararamdaman pa rin ang tensyon sa pagitan ng diwata at ni Blake. Hanggang ngayon kasi ay wala pa ring tiwala si Blake sa babaeng kaharap niya ngayon. Hindi pa rin palagay ang loob niya dito sapagkat nagagalit pa rin siya kapag naaalalang ito ang dumukot sa dalagang si Sachi. At mas lalong uminit pa ang ulo niya sa kadahilanang may posibilidad na hindi nila mapapagtagumpayan ang mission dahil din sa diwata. Si Clyde naman ay ngayon niya napapansin ang taglay na kagandahan ng diwata. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na kaharap niya ang diwata ng kagubatan. Halos lahat kasi ng diwatang nabuhay sa kanilang mundo ay alam niya ang itsura sapagkat may mga litrato ito sa kanilang library. Tanging ang itsura lang ng diwata ng kagubatan ang hindi niya alam. At kung pakakaisipin niya, ang diwatang ito ang pinakamaganda sa lahat. Hindi niya maiwasan ang mamangha sa angking ganda ni Mayumi. Si Monica ay walang reaksyong ipinapakita ngunit sa kaloob looban niya ay namamangha rin siya sa kagandahan ni Mayumi. Dahil sa pagiging immortal ni Mayumi ay napanatili nito ang kabataan ng itsura kahit na daan daang taon na itong nabubuhay. Hindi lang maisip ni Monica kung paano nagagawang mabuhay mag-isa ng diwata sa napakatagal nang panahon. Kung siya marahil iyon ay baka nabaliw na siya. Si Sachi naman ay halo halo na ang nararamdaman. Natutuwa siyang makita ang mga kaibigan niya ngunit natatakot siyang baka hindi agad sila pabalikin ni Mayumi sa academy. At ang mas nakakabahala ay ang maaaring hindi nila mapagtagumpayan ang kanilang mission. Malakas kasi ang kutob niyang malaki ang papel na gagampanan ng diwata sa kanilang mission. "Kumain na kayo, mga binibini at ginoo," nakangiting sabi ni Mayumi. Nagkatinginan pa ang magkakaibigan dahil ang totoo ay nagdadalawang isip sila kung kakain ba sila o hindi. Ngunit kumakalam na ang kanilang mga tiyan sapagkat hindi na sila nakakain ng maayos simula nang mapahiwalay sa kanila si Sachi. Napangiti naman si Mayumi. "Naiintindihan kong wala pa kayong tiwala sa akin kaya mauuna na akong kumain," sabi pa niya. Kumuha ng isang prutas si Mayumi at mahinhin niyang kinain ito. Nakatingin lang sa kaniya ang apat at makailang saglit ay naubos na ito. Muling nagkatinginan ang apat. Nagkibit balikat si Clyde at siya na ang naunang kumuha ng prutas. Nagsunud sunod na ang magkakaibigan at tahimik silang kumain. Lihim namang napangiti si Mayumi. Hindi na nakakapagtaka kung ganito man ang naging reaksyon ng apat sa kaniya. Aminado naman siyang mali ang paraan ng pag-agaw ng atensyon sa apat. Hindi dapat siya nainip at hinintay na lamang na kusa siyang makita ng apat. Masyado siyang na-excite sa pag-aakalang ang dalagang nagngangalang Sachi ay ang prinsesang matagal na niyang hinihintay. "Batid kong may kinalaman ka sa kwintas ni King Caylix," panimulang sabi ni Sachi. Nilakasan na niya ang kaniyang loob na magtanong sapagkat nabibingi na siya sa katahimikan nilang lahat. Tipid namang ngumiti si Mayumi. "Ipapaliwanag ko na sa 'yo kung bakit kita kinuha," panimulang sabi niya. Nagsiayos ng upo ang apat at handa nang makinig sa sasabihin ng diwata. "Sa paglabas pa lamang niyo ng academy ay nakasubaybay na ako. At nang makita kong nagagawang kontrolin ni Sachi ang mga puno at halaman sa paglaban sa mga Baredog, nagkaroon na ako ng haka-haka na siya ang matagal ko nang hinihintay, ang anak ni King Caylix. Kaya gumawa ako ng paraan para makuha kita, binibini." "Sa pamamagitan ng paggaya sa itsura ni Blake," pagsingit ni Sachi. Napatingin si Blake kay Sachi na nakakunot ang noo. Nagpakawala naman ng buntong hininga si Sachi at siya na ang kusang magtutuloy ng kwento. "Noong unang gabi natin sa may ilog, hindi ako kaagad makatulog. Hanggang sa nakakita ako ng isang bulto na naglalakad malapit sa tent. Lumabas ako at nakita ko si Blake. Ang sabi niya sa akin ay may naramdaman daw siyang panganib at nagpapasama siya sa akin para tingnan iyon," palgkukwento ni Sachi. "Alam mong hindi kita isasama kung sakali mang may maramdaman akong panganib. Dapat doon pa lamang ay ramdam mo nang hindi ako iyon," malamig na sabi naman ni Blake. Napaiwas ng tingin si Sachi. Hindi niya magawang salubungin ang tingin ng binata sapagkat alam niyang mali siya sa puntong iyon. Kilala na niya si Blake na hindi gugustuhing isama siya kahit saan. Dito pa nga lang sa mission ay alam niyang tutol si Blake na kasama siya. "Hindi ko na naisip iyon sapagkat ang nasa isip ko ay ang kaligtasan nating lahat. At isa pa, hindi ko rin naman hahayaang sumugod kang mag-isa sa panganib," mahinang sabi naman niya. "Kaya madali ko lamang nakuha si Sachi sa inyo," pagsingit ni Mayumi sapagkat nararamdaman niyang may namumuo nang tensyon sa pagitan ng dalawa. "Kinuha ko siya sa pag-aakalang siya ang prinsesa. Sinubukan ko ang lakas at kakayahan niya upang malaman kung karapat dapat na ba niyang mahawakan ang kwintas ni King Caylix. Iyon kasi ang bilin sa akin ng hari bago niya ipagkatiwala sa akin ang kwintas," dugtong na sabi pa ng diwata. "Nakilala at nakausap niyo po ang hari?" hindi makapaniwalang tanong ni Sachi. Marahang tumango naman si Mayumi. "Naramdaman niya ang panganib at ang nalalapit niyang pagpanaw kaya muli siyang bumalik sa mundong ito upang ihabilin sa akin ang kwintas. Ang dahilan niya ay hindi pa lubusang nakakapagsanay ang prinsesa kaya hindi pa niya kakayaning pangalagaan ang kwintas. At darating daw ang panahon na pupunta sa akin ang prinsesa upang kunin ang pagmamay-ari niya," sagot pa niya. "Alam po ba ito ni Director Montero?" seryosong tanong naman ni Clyde. Marahang umiling ang diwata ng kagubatan. "Ang tanging alam lamang niya ay itinago ng hari ang kwintas ngunit hindi niya alam kung saan. Naramdaman niya lamang ang presensya ng kwintas dahil biglang umilaw ang kwintas sa hindi ko malamang dahilan. Marahil ay gusto na rin ng kwintas na mapunta sa prinsesa. Hindi ko lang inaasahan na hindi mismo ang prinsesa ang inutusan ng director para makuha ito." "Kung ganoon, hindi niyo po talaga ipagkakatiwala sa amin ang kwintas?" seryosong tanong naman ni Blake. Muling umiling ang diwata. "Ipagpaumanhin niyo, mga binibini at ginoo, ngunit katulad niyo rin ay sumusunod lamang ako sa utos. Masyadong makapangyarihan ang kwintas." "Makapangyarihan po pala talaga ang kwintas ni King Caylix?" seryosong tanong naman ni Monica. "Oo, binibini. Sa sobrang lakas ng kapangyarihan ni King Caylix ay kinailangan niyang ibahagi ang ilan nito sa kwintas. Kaya hindi maaaring mapunta sa iba ang kwintas sapagkat maaari nitong magamit ang kapangyarihang nakapaloob sa kwintas," seryosong sagot naman ng diwata. Inilahad ni Mayumi ang kaniyang palad at may lumabas na liwanag doon. Nang mawala ang liwanag ay may lumabas na scroll at iniabot iyon kay Blake. "Pagkabalik niyo sa academy ay ibigay mo ito sa iyong ama. Nakasaad dyan ang mensahe ko sa kaniya at ang paliwanag kung bakit hindi niyo maaaring makuha ang kwintas. Tandaan mo, walang ibang may kakayahang basahin ang nilalaman niyan kundi ang director lamang. Kaya wag niyo nang subukan pang buklatin ito." Tinanggap ni Blake ang scroll at itinago iyon sa bag niya. Inilipat naman ni Mayumi ang tingin kay Sachi na seryosong nakatingin din sa kaniya. "Bago niyo lisanin ang lugar na ito, maaari ba kitang makausap, binibini?" tanong ng diwata kay Sachi. Tumayo si Mayumi at naglakad palayo sa kanila. Tumayo na rin si Sachi upang sumunod sa kaniya ngunit napatigil siya nang hawakan ni Blake ang braso niya. Tumingin siya rito at mababakas sa mata ng binata ang pag-aalala. "Okay lang ako, Blake," ang tanging nasabi na lamang ni Sachi. Bumitaw si Blake at walang nagawa kundi sundan na lamang ng tingin si Sachi na naglalakad palapit kay Mayumi. Nagpakawala siya ng buntong hininga at iniiwas na lamang ang tingin sa dalaga. Pagkalapit ni Sachi kay Mayumi ay bahagyang ngumiti ang diwata. "Ipagpaumanhin mo ang mga nagawa ko sa 'yo. Alam kong nagagalit ka sa akin sa mga ikinilos ko. Ngunit sana ay maging magandang aral din ito sa 'yo. Hindi lahat ay mapapagkatiwalaan mo at huwag ka ring basta basta magtitiwala. Ang ipinamalas mong lakas at kapangyarihan ay mas lalo mo pang pagyamanin. Malayo pa ang tatahakin mo, binibini," seryosong sabi ni Mayumi. Marahan namang tumango si Sachi. Hindi naman siya nagagalit sa diwata lalo na at naiintindihan na niya ang lahat kung bakit naging ganoon ang kilos nito. Hindi nga naman biro ang maghintay ng ilang taon sa prinsesa. Ikinumpas ni Mayumi ang kaniyang palad at nagkaroon bigla ng kwintas si Sachi. Nagtataka siyang hinawakan ito habang nakatingin sa diwata. "Regalo ko 'yan sa 'yo, binibini. Bilang kabayaran sa pagkakamali ko na isipin na ikaw ang prinsesa. Ingatan mo sana ang kwintas na iyan," nakangiting sabi ni Mayumi. Marahang napangiti rin si Sachi. "Hindi naman na po kailangan nito, Mayumi. Ngunit maraming salamat po at ipagpaumanhin niyo rin po kung naging tampalasan ako sa inyo," alanganing sabi pa niya. "Naiintindihan ko, binibini. Sige na, hinihintay ka na ng mga kaibigan mo. Mag-iingat kayo sa inyong paglalakbay." Napatango naman si Sachi at nakangiting bumalik sa kaniyang mga kaibigan. Kumaway ang tatlo sa diwata bago sila naglakad palayo sa lugar ng diwata ng kagubatan. Nakatitig lamang ang diwata sa apat na kabataan na papalayo. Marahan siyang napangiti habang nagpapalabas ng liwanag sa kaniyang palad. Hinipan niya ang liwanag na ito palapit sa apat. Isa itong basbas upang ligtas na makabalik sa academy ang mga ito. Alam kasi niyang maraming panganib pa ang nag-aabang sa apat na magkakaibigan sa paglalakbay ng mga ito pabalik sa academy. At sa pamamagitan ng kaniyang basbas ay sigurado siyang hindi mapapahamak ang mga ito. Kampante na siyang makakarating sa director ang lihim niyang mensahe para dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD