THIRD POV
Agad na napabangon si Sachi nang tuluyang magising ang kaniyang diwa. Inilibot niya ang kaniyang paningin sa paligid niya at doon niya napagtantong wala siya sa tent.
Nasa isang silid si Sachi na gawa sa sawali. Ang higaan niya ay gawa naman sa kawayan at ang iba pang gamit sa kwarto ay gawa sa lumang kahoy. Ang sahig ay gawa rin sa kawayan pati na rin ang bintana. Nang mapatingin siya sa may pinto ay isa lamang itong lumang pinto na gawa sa sawali rin.
Dahan dahan siyang tumayo at pilit na inalala ang mga nangyari kung paano siya nakarating sa lugar na iyon. Ang huli niyang naalala ay sinundan niya si Blake dahil may naramdaman itong kakaiba. At pagkatapos niyon ay wala na siya pang maalala na kahit na ano. Hindi na niya maalala kung paano siya nakarating sa lugar na ito. At ang nakakapagtaka rin ay iba na ang damit niya. Naka-dress na siya na mahaba at kulay dagat ito. Ang manggas nito ay hanggang sa palapulsuhan niya at ang saya ay hanggang sa talampakan.
Lalapit na sana siya sa may pintuan nang bigla itong bumukas. Agad siyang napaatras nang makita si Blake na seryosong nakatingin sa kaniya.
"Blake, nasaan tayo?" kinakabahan niyang tanong kahit hindi niya sigurado kung sasagutin ba siya ng binata.
Humakbang palapit sa kaniya si Blake at hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang kinabahan. Hindi dapat siya natatakot sa binata sapagkat kasama niya ito sa mission ngunit kabaligtaran ang nangyayari. Tiningnan niya ng deretso sa mata ang binata at doon niya napagtanto ang isang bagay.
"Hindi ikaw si Blake," seryosong sambit niya na animo'y nakadiskubre siya ng isang napakalaking sikreto.
Ngumiti ang binata at unti unting nagbago ang itsura nito. Mula sa isang makisig na binata ay naging isang mayuming dalaga ito. Katulad niya ang damit nito, ang pagkakaiba lang ay ang kulay at napapalamutian ito ng maliliit na bulaklak. May koronang bulaklak din ito at ang buhok nitong mahaba ay alon-alon at kulay abo.
"S-sino ka?" kinakabahan niyang tanong.
Ngumiti sa kaniya ang dalaga. "Ako si Mayumi, ang diwata ng kagubatan."
Halos malaglag ang kaniyang panga dahil sa narinig. Hindi niya alam kung maniniwala ba ito sa sinasabi ng dalaga. Ngunit kung pagbabasehan ang itsura nito ay mukha nga itong isang diwata.
"Alam kong naguguluhan ka pa, Binibini. Ngunit mas makakabuti kung mag-aalmusal muna tayo. Halika," mahinhin na tawag sa kaniya ni Mayumi.
Naunang maglakad palabas ang diwata kaya wala na siyang nagawa kundi ang sumunod dito. Isang simpleng kubo nga lang ang kinaroroonan niya. Ngunit ang kapansin pansin ay maraming palamuting bulaklak ang buong kubo. At may ilan-ilan ding mga paru-paro ang lumilipad sa buong bahay.
May nakahain na ring mga pagkain sa lamesa ngunit puro prutas at gulay ito. Hindi na siguro dapat pa siyang magtaka sapagkat isang diwata ang kaharap niya.
"Halika, maupo ka," magiliw na sambit sa kaniya ni Mayumi.
Pinaunlakan niya ang paanyaya ng diwata. Naguguluhan man ay umupo siya sa hapag kainan sapagkat nakakaramdam na siya ng gutom. Nang tumango sa kaniya ang diwata ay mabilis siyang kumuha ng prutas at kinain iyon. Uunahin na muna niya ang kumain bago tanungin babae.
Ilang saglit pa ay tapos na siyang kumain at pagtingin niya sa diwata ay nakangiting nakatingin ito sa kaniya. Bigla siyang nakaramdam ng pagkailang kaya umiwas siya ng tingin.
"Batid kong marami kang tanong, Hija," biglang sabi ng diwata.
Huminga ng malalim si Sachi. "Diwata po ba talaga kayo?"
Sa dami ng tanong na naglalaro sa isipan ni Sachi ay iyon pa ang lumabas sa bibig niya. Gusto niyang sampalin ang sarili ngunit ayaw naman niyang magmukhang baliw sa kaharap.
"Oo naman. Nagdududa ka pa ba?" natatawang sabi naman ng diwata.
"Bago lang po kasi ako sa mundong ito kaya bago pa lang sa akin ang lahat," nahihiyang sabi naman ni Sachi.
"Alam ko," makahulugang sabi pa ng diwata.
Kumunot ang noo ni Sachi. Mas lalong naagaw ng diwata ang kaniyang atensyon kaya tumingin na siya dito ng deretso. “Ano pong ibig niyong sabihin?”
Tumayo ang diwata at humakbang palabas ng kubo. Agad namang sumunod si Sachi at bumungad sa kaniya ang napakagandang taniman ng mga bulaklak sa labas ng bahay. Kung sa loob ay maraming bulaklak, mas marami dito sa labas at humahalimuyak pa ang bango nito sa tuwing umiihip ang hangin.
“Ako ang diwata ng kagubatan. Sa pagdating mo sa mundong ito ay naramdaman ko agad sapagkat ikaw ang mayroong Plantae Special. Naramdaman ka ng mga bulaklak ko at simula noon ay inaabangan ko na ang araw na makilala ka,” seryosong sabi ng diwata habang iniisa isa nitong tingnan ang mga bulaklak sa bakuran.
“Kung gayon ay bakit kinailangan niyo pa pong magpanggap na si Blake? At bakit dinala niyo po ako dito? Paniguradong nag-aalala na ang mga kaibigan ko,” dere-deretsong sabi naman niya.
Iniiwasan pa naman ni Sachi na maging sanhi ng pagkaaberya sa mission nila. Ayaw niyang siya ang maging dahilan upang hindi magtagumpay ang paghanap nila sa kwintas ng yumaong hari.
“Sapagkat alam kong hindi ka sasama sa akin sa oras na ipakilala ko ang sarili ko sa ‘yo,” mahinahong sagot naman ng diwata.
“At paano niyo po nasabi iyon? Dapat ko po bang katakutan kaya hindi ako sasama sa ‘yo?” nagdududang tanong naman niya.
Humarap ang diwata sa kaniya. “Sapagkat masyado kang naka-focus sa mission niyo. Wala kang ibang iniisip kundi ang makatulong sa mga kaibigan mo kahit maaari mo pa itong ikapahamak. Nagawa mo nang isakripisyo ang sarili mo para sa kanila at hindi ako makakapayag na maulit pa iyon.”
Mas lalong naguluhan si Sachi. Isang beses lang naman siyang napahamak simula nang makarating siya sa mundong ito. At nakakapagtaka na alam din iyon ng diwata.
“Ano po ba talagang kailangan niyo sa akin?” kinakabahan niyang tanong.
“Kailangan mong protektahan ang sarili mo laban sa lahat ng nilalang na magtatangka sa buhay mo. Marami ka pang pagdadaanan kaya kailangan mong magsanay na mabuti. Kailangan mong ibihasa ang iyong kakayahan.”
Mas lalong naguluhan si Sachi sa sinabi ng diwata. Ayaw na niyang mag-aksaya pa ng oras sapagkat paniguradong hinahanap na siya ng mga kaibigan. Mukhang wala naman na siyang makukuhang matinong sagot mula sa diwata kaya mas mabuti pang bumalik na siya sa mga kaibigan niya.
“Ipagpaumanhin niyo po ngunit kailangan ko nang bumalik sa mga kaibigan ko. May mission pa po kami,” seryosong sabi niya sa diwata.
Marahan namang umiling ang diwata. “Ipagpaumanhin mo rin ngunit kailangan mong manatili muna dito.”