THIRD POV
Pagkagaling sa opisina ay lumipad papunta sa may rooftop si Lyca upang magpalamig. Masamang masama kasi ang kaniyang loob sapagkat nabigo ang mga kaibigam niya sa mission na makuha ang kwintas ng kaniyang ama. Hindi niya magawang matanggap ang dahilan ng mga ito sapagkat noong una pa lamang ay nagpupumilit na siyang sumama sa mission na iyon. Pinilit niyang intindihin ang mga ito noong una, ngunit ngayon ay nahihirapan na siyang intindihin ang mga ito.
Nagpakawala siya ng malalim na buntong hininga. Labis siyang umasa na makukuha ni Sachi ang kwintas niya ngunit nabigo ito. Gusto niyang intindihin ang kaibigan ngunit hindi pa rin niya maiwasan ang sumama ang loob. Palalamigin na lang muna niya siguro ang kaniyang nraramdaman bago kausapin ang mga kaibigan, lalo na si Sachi.
Lumapit siya sa railings ng rooftop at pinagmasdan ang mga estudyanteng naglalakad sa baba. Minsan ay naiisip niyang sana ay naging normal na estudyante na lamang siya. Walang pressure, walang mabigat na obligasyong dinadala. Mas magiging maayos siguro ang pagiging estudyante niya sa academy kung hindi siya ang prinsesa ng kanilang mundo.
Nakatitig lamang siya sa baba nang makita niya ang kaibigan niyang sina Monica at Sachi na naglalakad. Marahil ay pauwi na ang mga ito sa dorm upang makapagpahinga. Sa hindi kalayuan ay nakita rin niya si Blake na seryosong nakatingin sa dalawang dalaga. Kumunot ang noo niya nang makitang si Sachi mismo ang tinitingnan ng binata. Sinundan nito ng tingin si Sachi hanggang sa makapasok ito sa dorm. Pagkatapos ay naglakad na rin si Blake pabalik sa dorm nila.
Hindi napigilan ni Lyca na ikuyom ang kaniyang mga kamao. Matagal na niyang napapansin ang kakaibang atensyon na ibinibigay ni Blake kay Sachi ngunit binabalewala niya lamang ito. Sa pagkakataong ito ay hindi na niya kaya pang magsawalang bahala. Hindi na maganda ang kaniyang kutob at mas lalo iyong nakadagdag sa galit na nararamdaman niya.
Mabilis siyang lumipad pababa at naglakad papunta sa dorm. Wala siyang naabutan na kahit na sino kaya marahil nasa kani-kaniyang kwarto ang apat.
Tahimik siyang nagtungo sa kwarto ni Sachi. Hindi naman naka-lock ang pinto nito kaya mabilis siyang nakapasok. Nang makapasok siya ay agad niyang ini-lock ang kwarto. Tumingala siya upang tingnan si Sachi na mahimbing nang natutulog sa bed nito.
Mapakla siyang napatawa. Mahimbing na nakakatulog ang kaniyang kaibigan habang siya ay nagdudusa sa sama ng loob na idinulot nito. Mukhang nagkamali siya na tinanggap ang dalaga bilang kagrupo nila at kaibigan niya. Sa pagkakataong ito ay isang mang-aagaw ang tingin niya kay Sachi.
"Lyca? Anong ginagawa mo dito?" tanong ni Sachi nang maalimpungatan ito at makita si Lyca na nakatayo sa baba ng bed niya.
"Nais kitang makausap," malamig na sabi naman ni Lyca.
Walang pagdadalawang isip na lumapit si Sachi sa kaibigan. Kanina pa kasi niya gustong makausap si Lyca ngunit pinigilan naman siya ni Monica. Ngayong si Lyca na mismo ang lumapit sa kaniya ay hindi na niya pa palalagpasin ang pagkakataon upang magpaliwanag sa kaibigan.
"Lyca, patawarin mo ako k--"
Naputol ang sasabihin ni Sachi nang biglang itaas ni Lyca ang kaniyang kanang kamay. Tumingin pa ito sa kaniya ng deretso at bahagyang napaatras si Sachi. Nahintakutan siya sa klase ng tinging ipinupukol sa kaniya ng dalaga.
"Ano ba talagang nangyari? Hindi mo natupad ang pangako mo," seryosong sabi ni Lyca.
"Sabi ko naman sa 'yo, gagawin ko ang lahat para magtagumpay sa mission," alanganing sagot naman ni Sachi.
"Ang tanong, Sachi, ginawa mo ba ang lahat?" tila nang-uuyam na tanong naman ni Lyca.
Kumunot ang noo ni Sachi. Hindi siya makapaniwala na lalabas ang mga salitang iyon sa bibig ni Lyca. Ngunit pinilit niyang pakalmahin ang sarili sapagkat naniniwala siyang nagkakaganito lamang ang kaniyang kaibigan dahil nasasaktan ito.
"Oo naman. Ginawa ko ang lahat ngunit mas gusto pa rin ni Mayumi na ikaw ang kumuha sa kaniya ng kwintas. Patawad kong hindi ko napagtagumpayan ang mission," mahinang sabi naman niya.
Marahang umiling si Lyca. Naglakad ito palapit sa bintana ng kwarto niya. "Hindi ko matanggap ang lahat ng nangyari," malungkot na sabi pa nito.
"Lyca, maniwala ka, hindi ko ginusto ang biguin ka. Kinalaban ako ng diwata ng kagubatan sa pag-aakala niyang ako ang prinsesa. Ikaw talaga ang hinahanap at hinihintay ni Mayumi," seryosong sabi pa ni Sachi.
Naikuyom ni Lyca ang kaniyang mga kamao. Marami pa pala siyang hindi alam sa mga nangyari sa mission. At hindi niya maintindihan kung bakit magkakamali ang diwata at mapagkamalan si Sachi na ito ang prinsesa. Walang sapat na dahilan upang magkamali ang diwata.
"Ano pang hindi ko alam na nangyari?" malamig niyang tanong.
"Bukod sa kinidnap ako ng diwata ay wala nang iba pang nangyari, Lyca. Maniwala ka sa akin, ginawa namin ang lahat para makumbinsi si Mayumi na ibigay sa amin ang kwintas. Ngunit nabigo pa rin kami," mangiyak ngiyak na sabi naman ni Sachi.
Magsasalita na sana si Lyca ngunit biglang may kumatok sa pintuan ni Sachi. Sabay pa silang napalingon dito.
"Sachi, may pinadala nang mensahe ang director," seryosong sabi ni Monica na nasa labas ng kwarto.
"S-sige. Lalabas na ako," sagot naman ni Sachi.
Tumingin si Sachi kay Lyca na nakatingin na rin pala sa kaniya. Hindi na nagsalita pa si Lyca at nauna nang lumabas ng kwarto. Agad na sumunod si Sachi at naabutan nilang nasa salas na sina Monica, Clyde at Blake. Sa center table ay nandoon ang scroll na naglalaman ng mensahe ng director ng academy.
Nang makaupo na silang lahat palibot sa center table ay kusang bumukas ang scroll ay naglipadan ang mga letra sa ere hanggang sa mabuo ang mensahe ng director.
Grandis and Sub-Grandis,
Nabasa ko na ang liham sa akin ng diwata ng kagubatan na si Mayumi. At base sa liham, pansamantalang hindi ko na muna kayo ipapadala sa mission upang kunin ang kwintas.
Princess Lyca, hinihiling ko ang iyong pasensya. Kailangan muna nating maghintay bago mo tuluyang makuha ang kwintas ng iyong ama. Sapagkat ito na rin ang bilin ni Mayumi. Sana ay maunawaan mo.
Ipapatawag ko na lamang ulit kayo kapag may mission kayong kailangang isakatuparan.
--Director Montero
SACHI'S POV
Nagulat kaming lahat nang padabog na tumayo si Lyca. Mangiyak ngiyak siya ngunit mas nangingibabaw sa kaniya ang galit.
"Bakit pilit niyong ipinagkakait sa akin ang gamit ng aking ama?" tanong niya habang pabalik balik na naglalakad sa salas.
"Lyca, huminahon ka. Panigurado namang may dahilan ang director," seryosong sabi naman ni Clyde.
Hindi na ako nakatiis pa at sinubukang pakalmahin si Lyca. Agad akong lumapit sa kaniya at hinawakan siya sa braso niya. Ngunit biglang tinabig ni Lyca ang kamay ko. Sa sobrang lakas nito ay napaupo ako sa sahig na agad namang ikinatayo ng tatlo.
"Sachi," nag-aalalang tawag sa akin ni Monica.
"You're bleeding," sabi naman ni Clyde.
Awtomatikong napahawak ako sa aking noo at doon ko lamang na-realize na napatama pala ang ulo ko sa may upuan. May dugo nga ang noo ko at bahagya akong nakaramdam ng hilo.
"Lyca, are you really out of your mind?" narinig kong tanong ni Blake habang inaalalayan ako ni Clyde na makatayo. Si Monica naman ay nawala na sa tingin ko ay kumukuha ng first aid kit.
"It's not my fault!" galit na sambit ni Lyca.
Pinilit kong tingnan si Lyca kahit na nahihilo ako. Kitang kita ko ang galit niyang mga mata at ang pangangatal ng kaniyang mga kamay.
"Ipinaliwanag na namin sa 'yo ang lahat ngunit bakit ang kagustuhan mo pa rin ang gusto mong masunod?" tanong pa ni Blake.
Kapag talaga si Lyca na ang involve ay napaparami ang kaniyang sinasabi. Iyon nga lang ay inaaway naman niya ang nakatakdang mapapangasawa niya.
"Bakit ba hindi niyo maintindihan ang nararamdaman ko? Lalo ka na, Blake. Mapapangasawa mo ako kaya dapat ay nakasuporta ka sa akin lagi," sabi pa ni Lyca.
"For pete's sake, Lyca. Hindi lang sa 'yo umiikot ang mundo. Ikaw ang prinsesa pero hindi ibig sabihin no'n ay ikaw lagi ang iintindihin namin. Bilang prinsesa, ikaw dapat ang unang nakakaintindi sa lahat ng nangyayari," mahabang sabi pa ni Blake.
Hindi na nakapagsalita pa si Lyca sapagkat lumapit sa akin si Blake. Tiningnan niya ang sugat ko. Marahan siyang napailing. Hinawakan niya ako sa braso at marahang hinila.
"Teka, Blake," pagtutol ko pa.
"Where do you think you're going?" galit na tanong naman ni Lyca.
"Kailangan niyang madala sa clinic," maiksing sagot naman ni Blake.
"What? Napakaliit lang ng sugat niya," pagprotesta pa ni Lyca.
"Hindi mo ba alam na halos mamatay siya sa kamay ng diwata ng kagubatan para lamang makuha ang kwintas mo? Drain na drain pa siya at pagod na pagod sa mission and yet, nagagawa mo pa ang mga bagay na ito."
"Blake, tama na," pagpigil ko naman kay Blake.
Baka mas lalo pa kasing lumala ang sitwasyon kung papatulan pa ni Blake si Lyca. Masyadong emosyonal ngayon si Lyca at hindi ko gugustuhing magkagulo pa sila nang dahil sa akin.
"Ikaw naman, masyado kang mabait kaya ka napapahamak e," baling naman sa akin ni Blake.
"Blake, kapag umalis ka kasama si Sachi, iisipin kong may gusto ka sa kaniya," nanghahamon na sabi pa ni Lyca.
Biglang nanlamig ang buong katawan ko dahil sa narinig. Para akong naipit sa dalawang nag-uumpugang bato. Hindi ko na alam ang gagawin ko dahil bigla akong naguluhan sa kung anong sitwasyon ang kinasasadlakan ko ngayon. Maski kasi sina Clyde at Monica ay tahimik lamang. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isipan nila ngayon.
"Isipin mo na ang gusto mong isipin. Bahala ka sa buhay mo."
Pagkasabi no'n ni Blake ay hinila na niya ako palabas ng dorm. At dahil nga sa natutulala ako sa mga nangyayari ay wala na akong nagawa kundi ang sumama at sumunod na lang sa kaniya. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin pagkatapos nito. Wala naman kasing gusto sa akin si Blake ngunit kung ang iisipin ni Lyca ay ang may gusto sa akin ang lalaking ito, mapapasok yata ako sa isang malaking gulo.
Anong gagawin ko?
"Huwag kang mag-isip. Kahit kailan ay hindi ako magkakagusto sa 'yo," biglang sabi sa akin ni Blake.
"Alam ko naman iyon. Sana lang ay alam din 'yon ni Lyca," mahinang sabi ko naman.
Hindi na nagsalita pa si Blake. Hindi na rin ako nagsalita sapagkat parang may biglang bumara sa lalamunan ko. Hindi ko rin maipaliwanag ang nararamdaman ko. Para akong naiiyak na ewan. Marahil ay dala lamang ito ng pagkakauntog ko kanina. Nahihilo pa nga ako kaya siguro kung ano ano na rin ang nararamdaman ko ngayon.