1
ELLYZA
Panibagong umaga, pero hindi bago ang hirap na dinaranas namin sa aming buhay. Bumangon ako sa mahabang upuang gabi-gabi kong tinutulugan. Nagsisiksikan lang kami ni mama at papa sa isang kwarto rito dahil nangungupa lang kami. Sama-sama na ang lahat dito, may kusina at banyo na rin kaya halo-halo ang amoy ng simoy ng hangin.
Kinusot ko ang mga mata ko at naglakad papunta sa kama nila mama. "Ma, gising na po mama. Malapit na mag ala-syete may pasok pa po kayo ma," sambit ko habang yinuyugyog ang binti niya. Agad naman din itong bumangon at ginising din si papa.
Naghanda si mama ng almusalan namin, nagluto siya ng tuyo at gumawa ng sawsawang toyo na may kamatis. Yung kanin namin ay tira-tira lang sa pinanghapunan namin kagabi, kaya malamig na at naninigas. Habang kumakain ay tahimik lang kami bilang respeto sa pagkain, ganoon kasi ang paniniwala namin.
"Dad, ingat ka sa trabaho mo ah," malambing na sinabi ni mama kay papa. Dad at mom ang tawagan nila, hindi man lang love o honey, charot. Hinalikan ni papa si mama sa noo bago siya lumabas ng kwarto.
Nagtatrabaho sila mama at papa sa parehong opisina, si papa ang customer service assistant habang si mama naman yung administrative assistant. Ang sahod nilang halos dalawampung libo ay hindi pa sapat para sa'min, dahil sa laki ng rentang binabayaran namin kada buwan.
"Yzza, mag-asikaso ka na! Maaga pa pasok mo ngayon. Baka nakakalimutan mong lunes ngayon at may flag ceremony kayo?" Bulyaw ni mama sa'kin.
Nakakatamad na pumasok, lumalabas pasok lang naman din sa tenga ko yung itinuturo sa'min. Pero kahit gano'n, nakukuha ko parin makaperfect sa mga test namin, kaya proud sila mama sa'kin dahil consistent honor student ako simula pa nung elementary. Inasikaso ko na yung mga gamit ko sa bag pati na rin ang baon ko pananghalian, tuyo parin. Wala naman akong choice kun'di magtiis sa kahirapan namin. Sinuot ko na ang aking uniform kahit gula-gulanit na ito. Kulay puti ang blouse at palda ko, kaya makikita kung straight ba o hindi. Isang beses sa isang buwan lang namamalantsa si mama, kasi mahal ang bayarin sa kuryente kaya't kailangan namin magtipid sa lahat.
"Pasok na ako, ma. Wag ka po mapapagod sa'min ni papa ah? I love you mama," mahinang sabi ko bago ako umalis. Inayos ko ang pagkakasabit ng bag sa balikat ko.
"Tawagan mo ako kung may problema ka ha? Ingat Yzza."
Napangiti ako sa simpleng bagay na sinabi niya. Pangako, mama. Magtatapos ako ng pag-aaral ko tsaka maghahanap ako ng magandang trabahong may mataas na sweldo, para maiparanas ko sa inyo ni papa kung gaano ko kayo kamahal. Kahit mahirap, bilang isang taong lumaki sa Cavite, hindi ako susuko para sa pangarap ko sa pamilya natin.
Linakad ko ang mabatong daan patungo sa pinapasukan kong pampublikong eskuwelahan. Nakikita ko sa gilid ng mga mata kong pinagtitinginan ako ng mga taong nakakasalubong ko.
"Kumakain pa ba 'yan?"
"May magulang ba siya?"
"Parang hahabulin naman 'yan ng plantsa, tignan mo 'yung suot niya oh."
Iilan lang 'yan sa mga bagay na karaniwan ko nang naririnig tuwing lumalabas ako ng bahay, maski sa labas nga lang ng kwarto namin mayroon ding mga namimintas sa amin. Sanay naman na kami, kaya sila mama at papa ay hindi naman na gaano naaapektuhan sa mga gano'n.
Nakarating na ako sa paaralan naming lumalagatak ang pawis ko mula ulo hanggang sa likuran ko.
"I.D, miss?" Hinarang ako ng taga bantay sa gate at inilahad ang kanyang kamay.
Napaka-talino mong bata, Ellyza. Sa dinami-rami ng bagay na makakalimutan ko, ID pa talaga.
"Uhm… Nasa kaklase ko po 'yung ID ko, naiwan ko raw po kasi sa room kahapon, kaya inuwi niya na muna," pagpapalusot ko.
Tinitigan muna niya ako bago binawi ang kanyang kamay at pinatuloy ako sa loob.
Nakalusot pa nga.
Mabait 'yung gwardya na 'yun, hindi ko sana gustong manlinlang pero malapit na akong mahuli sa klase.
Nang marating ko ang hallway ay agad din ako umakyat sa hagdanang nasa pinakadulo. Narating ko ang ika-apat na palapag ng building A, kung saan ang mga nasa baitang pito hanggang siyam ang narito namamalagi. Naglakad ako papunta sa aming silid. Kumpleto na sila roon at ako nalang ang kulang.
Abala ang mga kaklase ko sa pagtatawanan, hindi man lang nila ako pinansin o binati. Pero, sanay naman din ako sa ganito.
Ayaw nila sa mga katulad kong mahirap lamang.
"Naaamoy niyo ba 'yun?" tanong ni Alessandra.
Tinignan siya ng lahat at nagtanong kung alin.
"It stinks! Amoy expired na fish, kadiri," aniya habang nakatakip sa kanyang ilong at tinataboy ang hangin sa kanya.
Bigla sa akin natuon ang atensyon ng mga kaklase ko. Tinititigan nila ako nang diretso sa mga mata ko, tila ba'y diring-diri sa akin.
Hindi ko sila pinansin, tahimik akong umupo sa pwesto ko pero…
"Eww!"
Nakaramdam ako ng malapot at mainit na bagay sa inupuan ko. Tinignan ko ito at nakitang may isang styro ng spaghetti.
Nagka-lintikan na nga. Puti pa naman ang palda ko dahil 'yon ang uniform sa school na'to. Lagot na ako kay mama nito.
"Class, settle do—" Tumigil si Ma'am Myrra sa pagsasalita. "Anong nangyari sa'yo, Clementine?" Dugtong niya nang makita ang itsura ko ngayon.
Nakakahiya.
Gusto ko nalang mabaon sa ilalim ng lupa dahil sa kahihiyan. Pero mas iniintindi ko sa ngayon si mama. Paniguradong hindi lang sermon ang aabutin ko sa kanya, kahit pa mabait siya. Sinilip ko yung likod ng palda ko, at kitang-kita nga ang pulang mantsa roon na kumalat pa hanggang sa ibaba.
Nararamdaman ko na ang pag-iinit ng mga mata ko.
"Pasensya na po, ma'am. Banlawan ko po muna 'to sa CR, excuse me po."
Dumaan ako sa harapan ni teacher at hindi na naghintay pa sa kanyang pahintulot. Narinig kong nagtawanan ang mga kaklase ko kaya pinagalitan at pinatahimik sila ni ma'am.
Tumakbo ako nang tumakbo hanggang sa marating ko ang palikuran sa unang palapag. Ilang beses akong muntikan matapilok habang habol-habol ko ang aking hininga.
Bukod sa nakakatamad, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ayaw kong pumasok. Araw-araw kong nararanasan ang pangungutya ng mga kaklase ko sa akin. Hindi ko sinasabi kay mama at papa na ganito ang ginagawa nila sa akin, dahil ayaw kong mas lalo pang lumaki ang g**o.