ELLYZA
Binuksan ko ang unang pintuan ng palikuran at nakahinga ako ng maluwag dahil mayroon namang balde at tabo na may lamang tubig. Hindi ko lang gaanong matiis ang halimuyak dito, ang panghi.
Pinihit ko ang gripo at naglabas ito ng malakas na agos ng tubig. Hinubad ko ang suot kong palda at nakita kung gaano kakapal ang mantsa nito.
Jusko, wala naman na ako sa elementarya pero bakit ganito pa rin mga utak ng mga estudyanteng nakakasama ko? Wala ba silang natututunan sa pag-aaral nila, kun’di ang gumawa ng kasamaan sa kapwa?
Kahit ilang kusot sa palda pa ang gawin ko, talagang hindi ko matatanggal ang bakas ng sauce rito. Ilang minuto pa ang lumipas ay narito pa rin ako, hindi ako maaari umuwing ganito ang suot ko. Gusto ko nang umiyak. Wala pa nga ako nagagawang mabuti kila mama, problema pa ang dala-dala ko pag-uwi ko mamaya.
“Iha, what’s the matter? Kanina pa kita nakikitang nagkukusot d’yan. Gusto mo ba’y tulungan na kita?” mahinhin ang pagkakatanong ng janitress.
Tinignan ko siya habang patuloy na tumutulo ang mga luha ko. “Salamat po…” Iyon nalang ang nabigkas ko.
“Magpahinga ka na muna, iha. Ako na ang bahala rito. Mukhang nanghihina ka na rin, tignan mo ang mga braso at kamay mo… namumula na.” Lumapit siya sa akin at inabutan ako ng maikling shorts. “‘Yan muna ang suotin mo pansamantala.”
Tila ba naging isang mirakulo para sa’kin ang pagdating niya rito. Tumigil na ang mga mata kong pagod sa kaka-iyak nang matapos niya ang paglalaba sa palda ko.
“Ito na oh, iha. Sa susunod mag-iingat ka at ‘wag ka mahihiyang manghingi ng tulong uli sa akin. Mauna na ako,” nakangiting sabi niya tsaka ibinigay ang palda kong kulay puti na muli. Nagpasalamat lang ako sa kabutihang loob niya at isinuot ko na ‘yon, bago ako bumalik sa klase.
Mabilis ang takbo ng oras kaya uwian na rin namin ngayon, pagkatapos ng ilang subject na inaral namin. Binunot ko sa bag ko ang cellphone kong makaluma— dipindot lang siya, hindi touch screen. Hindi naman ako naghangad na magkaroon ng magandang cellphone, dahil alam kong hindi 'yon gaano ka importante sa ngayon.
Hinanap ko ang number ni mama sa contacts tsaka ko siya tinawagan. Pagkaraan ng ilang ring ay nasagot naman niya agad iyon.
"Yzza, tapos na agad klase mo? Aga naman," sabi niya. Rinig sa kabilang linya ang busina ng mga sasakyan, na para bang hindi na ito humihinto sa pag-andar.
Mas magandang makauwi na lang agad ako, kaysa manatili rito. Kung alam mo lang, mama.
"Opo, ma. Nandito na po ako sa labas ng gate," tugon ko bago ibaba ang call namin.
Habang naghihintay sa pagdating ni mama ay naisipan kong maglibot sa tabi-tabi. Sa bandang kaliwa ay nakita ko ang isang convenience store, katabi nito ay isang barber shop na mukhang wala namang customer. Marami rin iba’t ibang kainan sa iba pang sulok, pero sa convenience store ako pumasok.
“Welcome!” Bati ng isang sales clerk, kasabay ng tunog ng chimes.
Nilibot ko ang buong tindahan. Puro chichirya, noodles at mga palamig ang karaniwang nakabenta rito. Kahit saan ako pumunta ay malamig dahil sa lakas ng aircon na wala sa bahay at school namin. Nakakailang ikot na ako pero wala pa rin akong kinukuha upang bilihin. Wala naman akong dalang sapat na pera para gastusin sa mga pagkain. Ang baon kong perang nagkakahalagang singkwenta pesos ay pinagkakasya ko para sa isang buong linggo.
Tumunog ang isang alarm sa tabi ng cashier na pinagtaka ko.
“Alas sais na ng gabi,” bulong nung katabi kong lalaking empleyado na nag-aayos ng mga panindang delata.
Animo’y natauhan ako sa sinabi niya. Anong oras na pala, baka kanina pa ako hinihintay ni mama sa labas ng gate ng school namin. Yari ako nito! Binilisan ko ang lakad ko palabas ng tindahan.
“Ah, miss!” Patawag na habol sa’kin nung katabi ko kanina. Hinawakan niya ang dulong parte ng uniporme ko kaya nilingon ko siya. “Magnanakaw ka ba?” tanong nito.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. “Ako po? Hindi po, jusko kuya. Wala na nga po akong pera pambili ng mga paninda niyo po, makukuha ko pa po bang magnakaw? Paano kung makulong pa po ako dahil do’n? Edi mas lalo ko lang po mabibigyan ng problema ang mga magulang ko. Nagmamadali lang po ako, kuya. Baka nagkasalisi na po kasi kami ni mama nito,” mabilis na pagpapaliwanag ko.
Agad naman niya akong binitawan kaya nakalabas na ako roon. Bumalik ako sa tapat ng school namin at nakita si mama kausap ang bantay.
“Si Ellyza Clementine, sir! Kanina pa ho siya narito, hindi niyo ho ba talaga alam kung nasaan na siya? Ilang minuto lang ang nakalipas mula nung magkausap kami sa call, sir! Responsibilidad niyo ho bantayan ang mga estudyante rito!” Galit ang tinig ni mama pero bakas ang pag-aalala roon.
Bumuntong hininga ang gwardya. “Ma’am, alam ko pong nag-aalala kayo sa anak niyo. Pero, pwede po bang huminahon po muna kayo? Kilala ko po si Clementine, hindi naman po siya lalayo rito. Baka nainip lang ‘yung bata, ma’am. Hintay nalang po kayo rito, maupo po muna kayo,” maingat na tugon nito kay mama.
Natutuwa ako ngunit may halong konsensya rin akong nararamdaman. Ang sarap lang sa pakiramdam na nakikita ko harap-harapan ang aking ina, na nag-aalala para sa akin. Lumakad na ako papunta sa direksyon ni mama.
“Ma,” tawag ko sa kanya. “Sorry po, pumunta lang po ako saglit sa malapit na tindahan. Nagugutom na po kasi ako, hehe,” pagpapalusot ko.
Nilapitan ako ni mama at niyakap niya ako. “Pasensya na, Yzza. Uwi na tayo, pinaghanda na tayo ni dad ng makakain.”
Humiwalay ako sa yakap ni mama at humawak nalang ako sa kamay niya. Naglakbay kami pauwi ng hindi sumasakay sa kahit ano, hindi naman ganun kalayo ang bahay namin. Habang nasa daan kami ay may namataan akong nagbebenta ng balut.
“Ma, pwede ba ako bumili nun?” Tinuro ko ang lalaking naglalako ng balut, trese pesos bawat piraso nito.
Sinulyapan naman niya kung saan ako nakaturo. “Sige, ako nalang bibili. Hintayin mo ako rito, ‘wag kang aalis.”