ELLYZA
“Sana nandito ka pa rin hanggang sa ngayon, mama,” bulong ko sa aking sarili matapos kong makahinga ng malalim. Nangangamba lang ako kasi wala ako marinig na mga taong nag-uusap mula sa loob. “Tara, pasok na tayo,” pag-aaya ko kay papa at sabay naman humigpit ang kapit namin sa isa’t isa. Ako na ang humawak sa doorknob para buksan ang pinto pero hanggang doon lang ang nagawa ko. Hindi naman sa naka-lock ang pinto, sadyang nanginginig lang ang kamay ko para gawin ko iyon. Maya-maya pa ay napatitig na lang ako sa kawalan nang maramdaman ko ang pag-ibabaw ng palad ni papa sa likod ng aking kamay.
“Masyado kang natataranta, Ellyza,” ani papa at pagkatapos niyon ay binalik niya ang kanyang atensyon sa kamay naming magkapatong sa doorknob. “Wala naman mangyayaring mas masama pa kaysa sa aksidente, malaki ang tiwala ko kay Mom na makakayanan niya ito lahat. Alam kong tayo na lang ang pinagkukuhanan niya ng lakas para magpagaling at lumaban, kaya hindi pwedeng pati tayo ay mawalan ng lakas ng loob,” dagdag pa ni papa nang hindi nakatingin sa akin.
Hindi nagtagal ay hindi ko na namalayang nabuksan na pala ni papa ang pinto. “Dad… Yzza…” rinig kong tawag sa amin ng boses ng isang babaeng halos mawalan na ng malay. “H-Hindi ko akalaing… magagawa mong paalisin si Dad sa oras ng kanyang trabaho, Yzza…” namamanghang sabi ni mama. Agad akong napatingin sa kanya at napansin ko ang bahagyang pagngiti ng kanyang mga labi. Namumutla na ang labi niya at pati na rin ang kanyang buong mukha, tila ba’y pati ang kanyang katawan ay malapit na rin mamutla. “Dad… Ayaw niyo ba a-akong lapitan?” tanong niya sa amin at kulang na lang ay tumawa siya pero pati sa ganun ay wala rin siyang lakas, na para bang ang sitwasyon niya ngayon ay nanghihigop ng kanyang buong enerhiya at pati na ang kanyang dugo, literal.
Sinubukan kong pumiglas sa pagkakahawak ng kamay ni papa sa aking sariling kamay, pero hindi ko iyon nagawa kasi mas lalong humihigpit ang kapit niya sa tuwing akma akong hahakbang palayo sa kanya. “Pa? Ayaw mo bang lapitan si Mama?” pag-uulit ko ng tanong ni mama kay papa, parang ayaw kasi niyang malapit kay mama pagkatapos niyang sabihin ang lahat ng pagpapagaan ng loob na salita kanina. “Malapit na ganapin ang operasyon ni Mama, Pa… Ayaw kong magsayang ng oras dito at titigan lang si mama. Iyon na nga lang ang magagawa ko mamaya kapag nasa operating room eh. Ayaw mo bang mahawakan, makausap at makatabi muna si Mama hangga’t nandito pa naman siya?” pangungumbinsi ko kay papa at sa mga oras na iyon ay naramdaman ko na ang pagluwag ng kanyang kapit sa aking kamay, pero sa puntong ito ay ako naman na ang humawak sa kanya ng mahigpit. Ngunit, ginawa ko iyon para hatakin ko siya palapit kay mama. “Para ka namang ewan Pa eh,” naiinis na bulong ko pero hindi naman ako galit sa kanya. Para lang kasi siyang bata na kailangan ko pang kaladkarin para lang sundin ang sinasabi ko.
“M-M-Mom…” uutal-utal niyang tawag kay mama. “S-Sorry… Sorry… Sorry…” paulit-ulit na bigkas niya. Napaluhod na si papa sa tapat ng kama ni mama sa gilid na parte nito. Nakita ko kung paano siya nagsimulang maluha at mamula ang ilong, “S-Sorry kung wala ako ng mga oras na iyon… Ako na lang sana ang sumalo ng pagkakabangga ng sasakyan sa ‘yo…” naiiyak niyang sabi habang magkasiklop ang kanyang sariling kamay at tila ba’y nagmamakaawa ito sa Diyos, na sana ay maibalik niya ang oras para magawa niya ang kanyang sinasabi ngayon kay mama.
Wala akong ibang magawa rito kundi ang panoorin sila habang nakatayo. Napansin ko na kahit hirap na hirap si mama para i-angat ang kanyang braso ay pinilit pa rin niya ang sarili niya para lang maipatong niya ang kanyang kamay sa balikat ni lolo. Tinapik-tapik niya iyon para ipahiwatig na nandito pa naman siya sa aming harapan at hindi naman siya mawawala sa aming presensya. “Dad, ‘wag mong sisihin ang sarili mo… Walang dapat na sinisisi sa mga ganitong pangyayari, tsaka isa pa, aksidente lang ito. Parehas nating hindi mapipigilang maganap iyon sa ating buhay, maliban na lang kung sinadya iyon,” wika ni mama habang nakatitig siya sa kisame, marahil ay nahihirapan siyang lumingon sa gawi namin. “Huwag niyo namang iparamdam sa akin na mawawala na ako ng tuluyan sa inyong buhay,” seryosong sabi ni mama at bago siya nagpatuloy sa kanyang pananalita ay kinagat na muna niya ang ibaba ng kanyang labi, ngunit hindi iyon sapat para mapapula niya ang labi niya. “Mao-operahan lang naman ako, gagaling ako pero hindi na ako katulad ng dati na makakasama niyo kahit saan man kayo magpunta. Operasyon lang ang magaganap, hindi ang pagkawala ko…” nag-umpisa na rin tumulo ang mga luha ni mama
Bigla na lang may kumalabit sa likuran ko kaya napalingon ako sa aking likod at doon ko nakita ang mukha ni Doc. Kalix. Hindi ko napansing narito pa rin pala siya sa loob ng ward ni mama, akala ko ay iniwan na niya si mama. “Oras na, Ly,” aniya na nakapagpagulo sa aking isipan. “Kanina pa dapat ito nangyari pero hinintay ko na kayo. Hinintay kong may mapatunayan ka sa sarili mo at maramdaman mo ang epekto ng ganitong klaseng pangyayari,” kalmadong sabi niya sa akin pagkatapos niya akong hilahin palayo kina mama at papa. Sinulyapan ko sila pero parang wala man lang silang pakialam nang malayo ako sa kanila.
“A-Ano bang sinasabi mo?” nagtatakang tanong ko sa lalaking doktor. “‘Wag mong sabihing… sinadya mong mangyari ang aksidenteng naganap kay mama?” dagdag ko sa aking katanungan. Hindi man lang siya umimik, hindi man lang nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha na para bang inaamin niya sa akin na siya nga ang may kagagawan ng lahat na iyon. “A-Ang sama mo!” sigaw ko sa kanya at napuno na ng galit ang aking tinig, tumulo na rin ang luha sa aking pisngi at hindi iyon dahil sa lungkot-- dulot iyon ng labis na inis sa taong nasa harapan ko ngayon. Sinimulan kong hampas-hampasin ang kanyang dibdib kahit pa alam kong mataas ang posisyon niya sa ospital na ito. “Doktor ka pa naman din… Paano mo nasikmurang gawin ‘to kay Mama?” hindi makapaniwalang sambit ko.