ELLYZA
Dahan-dahan kong hininto ang paghampas ko sa dibdib ni Doc. Kalix. Hindi ko nga alam kung dapat ko pa ba siyang i-galang at tawagin bilang isang doktor matapos kong malaman ang kasamaang ginawa niya kay mama, pati na sa akin… sa buong pamilya namin. Ngunit, kahit pa sinasaktan ko na siya ng pisikal ngayon ay para bang wala man lang iyong epekto sa kanya. Siguro dahil mas matibay ang katawan niya kaya hindi na niya iniinda pa ang kahit na anong klaseng sakit na tumama sa katawan niya, pisikal man o sa loob mismo. “Ibalik mo si Mama…” sabi ko nang maramdaman kong parang nasisiraan na ako ng bait, napapatulala na lang ako sa paahan namin habang nakayuko ako at tila ba’y kung saan-saan ako nadadala ng aking isipan. “Ibalik mo si Mama…” pag-uulit ko sa aking sinabi, hindi ko na mabilang kung ilang beses ko na iyon sinasabi pero pabagal iyon nang pabagal tsaka pahina nang pahina. Kahit naman siguro ano sabihin ko ngayon dito ay talagang wala nang pag-asa pang maibalik si mama. Hindi naman kasi siya patay at ayaw ko naman din mangyari iyon. Ang ibig ko lang sabihin sa sinabi ko ay ibalik niya sa normal na kondisyon si mama bago pa nangyari ang aksidente. Subalit, kahit pa ano ang tunay na meaning ng sinabi ko ay pare-parehas lang din namang walang paraan para mapabuti iyon.
“Ly,” mahinahong tawag sa akin ng lalaking nasa harapan ko. Hinawakan niya ang baba ko upang subukan na itingala ang mukha ko at magkatinginan kami sa mata, pero hindi ako sumunod sa kanya at mas lalo ko lang tinigasan ang ulo ko, nanatili lang akong nakatingin sa paahan namin. Nakakunot na ang noo ko kaya halos magkadikit na ang mga kilay ko dahil sa labis na galit at pagkadismaya sa mga ganitong klaseng tao. “Ly, makinig ka sa akin,” sabi pa niya pero mas lalo ko lang hindi tinatanggap na marinig ang kanyang mga sasabihin, na para bang ibina-block ko ang sarili kong mga tenga kahit pa hindi ko naman iyon maaaring gawin ng literal. Posible naman iyon, pero hindi literal. ‘Yung mga pagkakataon na kahit may nagsasalita na sa harapan ko pero parang hindi siya pumapasok sa tenga ko, ganun.
Dahil nga masyadong matigas ang ulo ko at ayaw kong sumunod sa kagustuhan niyang tumingala ako ay siya na lang ang nag-adjust. Nag-bend siya ng tuhod niya para masilip niya ang mukha ko mula sa ibaba, at sa mga oras na iyon ay nagkaroon na kami ng eye contact sa isa’t isa. “H-Huwag mo ‘kong kausapin,” naiinis na sambit ko sa kanya tsaka ako tumalikod. Sa pagkatalikod ko ay inaasahan kong nakatingin na sa amin sina mama at papa pero hindi. Kung ano ang kanilang posisyon nang makalayo ako sa kanila ay ganoon pa rin ang pwesto nila nang muli ko silang masulyapan. Puno ng pagtataka ang aking sariling isipan kaya paulit-ulit akong pumikit para malaman kung totoo ba ang nakikita ko ngayon o sadyang masyado lang akong maraming iniisip kaya nagkaganito. Subalit, maka-ilang ulit man akong pumikit, dumilat at magkuskos ng aking mga mata ay wala pa ring pagbabago ang nasisilayan ko ngayon.
Para bang hindi man lang gumagalaw sina mama at papa, na para bang hindi rin sila humihinga. Maski ang pagdaloy ng hangin sa kani-kanilang buhok o damit ay hindi ko man lang makita, hindi katulad noon na kahit gaano kalakas o kahina ang hangin ay nakikita ko ang paggalaw niyon. Walang pag-aalinlangan akong humakbang palapit sa kanila para imbestigahan kung ano ba talaga ang nangyayari sa kanila. Nang makatapak na ako sa tapat ng kama ni mama at kasalukuyang nasa tabi na uli ako ni papa ay sinulyapan ko ang mga mukha nila. Parehas silang walang ekspresyon, maski ang mga mata nila ay hindi man lang gumagalaw at tila ba’y wala itong buhay, ni hindi nga man lang sila kumukurap kahit gaano katagal ko pa silang titigan. Halos nawala na rin ang kanilang kutis. napakaputla na ng balat nila kaya sinubukan kong hawakan ang braso ni papa.
“A-Ahh…” iiling-iling ako habang umaatras ako sa kanilang pwesto. Hindi ko maproseso ang kasalukuyang kaganapan.
Paano nangyaring hindi ko man lang maramdaman ang braso ni papa?
Paano nangyaring lumusot lang ang kamay ko sa braso ni papa?
Paano nangyaring hindi man lang nila ako tinitingnan?
“Ly” tawag sa akin ng doktor pero hindi ko man lang siya nilingon. Nakatitig lang ako sa kamay kong dapat ay nakahawak kay papa ngayon. “Ly, sinabi ko nang makinig ka na muna sa akin eh,” pag-uulit niya sa sinabi niya kanina. Narinig ko ang pagyapak ng kanyang mga paa na palapit sa kinatatayuan ko pero mas lalo lang ako humahakbang palayo sa kanya. Ngunit, wala na rin akong nagawa nang maramdaman ko na ang likod ko na tumama sa pader. “Bakit ba ayaw mong makinig sa akin? Ayaw mo bang malaman kung ano ang nangyari sa Mama at Papa mo? Hindi ba puno na ng katanungan ang utak mo ngayon? Hindi ba hindi mo alam kung ano ang dapat mong isipin at gawin sa ganitong sitwasyon?” sunod-sunod na tanong niya para makumbinsi niya akong makinig sa nais niyang sabihin.
Binaba ko na ang kamay ko tsaka ko iyon pinasok sa bulsa ko. Mas lalo akong nagtaka nang hindi ko man lang naramdaman ang cellphone ko roon. Alam kong doon ko lang iyon nilagay at hindi ko naman iyon naiwanan sa labas kanina haabng hinihintay ko si papa. Imposible namang nanakaw iyon sa akin o nahablot ng kung sinong nakasalubong ko kasi madarama ko agad iyon. Sinubukan ko pang kapain ang bulsa ko pati na ang kabilang bulsa pero kahit na anong kapa ko ay hindi ko iyon mahanap.
Tumakbo na lang ang mga paa ko ng kusa palabas sa silid na ito. Saktong pagkabukas ko naman ng pinto ay wala rin akong nakitang mga tao sa labas, kahit ang mga pasyente o mga doktor at nurse, o kahit pa mga simpleng empleyado lang ng ospital na ito ay hindi ko namataan. “Ano bang nangyayari?” naguguluhang saad ko sa aking sarili. Sumulyap ako pabalik kina mama at papa sa huling pagkakataon pero…
Wala na rin sila roon.