KARMA 7

1519 Words
ALAINA Napahilot ako sa sentido ko habang hinihintay ang resulta ng test ni Aina. Napatingin naman ako kay Papa na nakatulog na sa waiting area dito sa ospital. Isinandal ko ang ulo ko at pumikit ng mariin, 'Lord wala po sanang mangyaring masama sa kapatid ko...' Piping dalangin ko at inilabas ang cellphone ko, ilang tawag na nina Claire ang hindi ko nasagot. Nalaman nila ang nangyari sa bahay namin dahil si Aling Martha ay nanay ni Carmela, nag-asawa lang ito kaya humiwalay na ng bahay. Hangga't maaari ay ayokong may makaalam ng nangyari ngunit nawaglit sa isip ko si Aling Martha. Dinala naman si Mama sa barangay at ikinulong muna roon. Lango umano ito sa alak at nang umuwi ay naghahanap ng pera dahil naubos na ang pera sa sugal. Mamaya ko siya pupuntahan kapag nasiguro ko'ng ligtas na si Aina. Muli akong napaiyak at isinubsob ang ulo sa mga kamay ko. Isang oras pa ang hinintay ko nang bumukas ang operating room at lumabas ang doktor na nag-opera kay Aina. Tumayo ako at lumapit sa kanya, nagising din si Papa at pinipilit tumayo ngunit sinabihan kong ako na lang ang kakausap. "Dok kamusta po ang kapatid ko? May malay po ba siya?" naiiyak kong tanong sa doktor. Naghubad ito ng mask at ngumiti ng maliit sa akin. "Natahi na namin ang sugat niya sa ulo, mabuti at mabilis ninyo siyang nadala sa ospital kaya naagapan ang pagkaubos ng dugo niya. Kailangan na lang namin icheck ang CT Scan niya para malaman kung may internal damage sa ulo niya. She'll be asleep for a few hours dahil na rin sa mga gamot na ibinigay namin. Your sister will be fine Ms. Perez don't worry. I suggest magpahinga muna kayo at maya maya lang ay ililipat na siya sa ward," tinapik ng doktor ang balikat ko at bumalik na sa loob. Nilingon ko si Papa at nakitang umiiyak nanaman ito kaya tinabihan ko siya sa upuan, yakap niya pa rin ang unan na pilit niyang inilalayo kanina kay Mama, "Pa tama na huwag ka nang umiyak, narinig mo naman yung doktor maayos na ang kalagayan ni Aina," turan ko habang hinahagod ang likod niya. Patuloy siyang umiyak na nauwi sa hagulgol, "K-kasalanan ko anak, k-kung hindi ako n-nagmatigas sa Mama mo h-hindi sana naaksidente ang kapatid mo..." "Pa wala kang kasalanan, iningatan mo lang ang ipon mo para kay Aina kaya huwag mong sisihin ang sarili mo," niyakap ko siya ng mahigpit at hindi sumagot. Natatakot akong pumiyok ang boses ko oras na bumuka ang bibig ko. "Kasalanan ko rin bakit nagkaganyan ang Mama mo anak... lahat ito ay kasalanan ko," panaghoy niya. Pinilit kong patatagin ang sarili upang magsilbing lakas niya. Hangga't maaari ay gusto kong magmukhang malakas para sa kanila ni Aina, sa akin umaasa ang pamilya ko kaya nagpapakatatag ako. Pinunasan ko ang mga luha ko bago hinawakan ang mukha ni Papa, "Wala kang kasalanan sa lahat ng ito Pa, nangyayari talaga ang aksidente at si Mama... maaari pa siyang magbago. Tutulungan natin siyang magbago Pa. Kailangan tayo ni Aina ngayon at malulungkot siya kapag nakita ka niyang umiiyak," patuloy kong pag-alo sa kanya. Pagkalipas ng treinta minutos ay dinala na si Aina sa ward kung saan may apat na pasyente siyang kasama. Ito lang ang nakayanan ng ipon ko, at paniguradong hindi pa agad makakalabas si Aina sa ospital dahil may mga lab tests pa siyang pagdadaanan. Nakaupo ako sa kabilang gilid niya habang si Papa ay pinatulog ko muna sa kabilang kama. Hinahagod ko ang noo ni Aina saka siya hinalikan. "Magpagaling ka lang Aina, gagawin ni ate ang lahat para sa'yo hmm? Nandito lang si ate at si Papa, mamaya pupuntahan ko si Mama para mailabas ko siya sa barangay. Hindi sinasadya yun ni Mama, nabigla lang siya kanina. Magiging maayos din ang lahat Aina..." hindi ko napigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Mula pa noong bata ako ay napansin ko na ang kakaibang pagtrato sa akin ni Mama kumpara kay Aina. Nang maipanganak si Aina ay lumayo ang loob sa akin ni Mama, halos wala rin siyang pakialam sa akin noon kahit na ilang beses akong umakyat ng stage para tumanggap ng award. Kapag umiiyak noon si Aina ay ako ang nasisisi kahit na wala akong ginawa sa kapatid ko, ilang palo rin ang sinalo ko mula sa kanya kapag may umaway kay Aina sa school. Aniya, hindi ko binabantayan ang kapatid ko at sarili lang ang iniisip. Ilang beses na rin akong ipinagtanggol nina Aina at Papa ngunit talagang mainit ang ulo niya sa akin. Higit lalo noong nabaldado si Papa at hindi na nakapagtrabaho. Siya ang sumalo sa responsibilidad sa amin ni Aina, umextra siya sa paglalabada, maging pagpasada ng taxi at tricycle ay ginawa niya noon para lang may pangtustos sa amin ni Aina. Ngunit nang lumaki ang tulong pinansiyal mula sa Sanders Builders ay naging gahaman si Mama, nalulong din siya sa bisyo at nilustay ang buwanang allowance ng aming pamilya mula sa kumpanyang pinagsilbihan ni Papa. Naiintindihan ko noon na gusto niya lang bumawi sa mga araw at gabing pagod at puyat siya mula sa pagtatrabaho, pero ngayon ay iba. Buhay na ng kapatid ko ang nalagay sa alanganin dahil sa pagkalulong niya sa sugal at alak. Hindi na nga ako magtataka na isang araw ay may kakalampag sa bahay namin at maniningil ng utang ni Mama dahil sa sugal. Mag-aalas dos na ng madaling araw nang magising si Papa, iniwan ko muna sila ni Aina at dumiretso na ako pabalik sa barangay namin kung saan dinala si Mama. Nang makarating doon ay nakita ko siya na nakakulong sa maliit na kuwarto at nakaupo sa sahig. Marahil ay naramdaman niya ang presensya ko kaya bigla siyang tumayo, balot ng pag-aalala ang mukha niya at wala na ang kaninang mabagsik niyang mukha. "Lai! Si Aina kamusta? May malay na ba ang anak ko? Saang ospital mo siya dinala? Sabihin mo sa mga ulupong na tanod na yan na palabasin na ako para mapuntahan ko na ang anak ko!" kumirot ang puso ko sa mga sinabi niya. Paano'y iba ang dating sa akin ng sinabi niya, nasasaktan ako na hindi ko maintindihan. Huminga ako ng malalim bago siya sinagot. "Maayos na ang lagay niya Ma pero wala pa siyang malay. Naoperahan na siya kanina at hinihintay na lang siyang magising para sa ibang tests na gagawin sa kanya," "Oh ano pang hinihintay mo? Ilabas mo na ako dito! Para akong preso na biglang ikinulong dito ng mga bwiset na 'yan!" duro ni Mama sa mga barangay tanod na dumampot sa kanya kanina. Nginitian ko lamang ang mga ito at humingi ng paumanhin sa asal ni Mama. "Mang Isko puwede na po ba'ng lumabas ang Mama ko?" tanong ko sa tanod na kapit-bahay namin. "Naku Mam ang bilin po sa amin ni Kap dito muna si Aling Cita hanggang bukas ng umaga. Kailangan daw po naming siguruhin na wala na ang tama ng alak sa kanya bago po namin siya palabasin," nagkakamot ng ulo na sagot ni Mang Isko sa akin. "Hoy Isko hindi ako lasing at matino ang pag-iisip ko! Hindi ko sinadyang itulak ang anak ko kaya bakit niyo ako kailangan ikulong dito?" matapang na tanong ni Mama na ikinangiwi ko. "Ma mas mabuting sundin na lang mjna natin si K-" "Aba't hahayaan mo akong makulong dito gano'n ba? Anong klaseng anak ka at pababayaan mo ang ina mo sa kulungan? Kaya mo akong tiisin? Sabagay, sino ba naman ako sa buhay mo para pag-aksayahan mo ng oras at pagod?" matalim niyang turan na nagpagulo ng isip ko. "Ma hindi naman sa gano'n. Kahit naman ipilit ko na palabasin ka, kung hindi pumayag si Kap wala akong magagawa," "Eh 'di magpadulas ka! Bayaran mo makalabas lang ako sa pesteng lugar na 'to!" Napapikit ako sa sinabi niya, kumikirot ang ulo ko dala ng pagod sa nangyari sa akin sa maghapon. Humihiyaw na ng pahinga ang katawan ko ngunit paano akong magpapahinga kung ganito ang sitwasyon ng pamilya ko? "Hoy Lai ano ba!" "Ma pasensya na naibayad ko na sa ospital ang pera ko. Wala na akong mailalabas ngayon," nanghihina kong tugon ngunit mas nagalit si Mama sa trabaho ko. "Oh eh anong silbi ng trabaho mo? Bumale ka! Gawan mo ng paraan na hindi ako matulog sa mabahong lugar na 'to! Kailangan kong makita ang anak ko ngayon din!" "Ma anak mo rin naman ako..." naiiyak kong tugon, "Mahal kita kaya gagawa ako ng paraan, hintayin mo lang ako Ma," lumabas ako ng barangay at wala sa sariling nagpalakad-lakad sa daan pabalik sa ospital. Maraming bagay ang tumatakbo sa isip ko, pagod na ang isip at katawan ko at pakiramdam ko ay dinadala na lang ako ng hangin. Gumagaan ang ulo ko at para na akong nahihilo sa sobrang antok. Natatanaw ko na ang ospital sa 'di kalayuan nang biglang magdilim ang paningin ko. Pilit kong ibinubuka ang mga mata ko at bago ako tuluyang mawalan ng malay ay nakita ko pa ang sasakyang biglang huminto sa tapat ko. "Miss! Miss are yo- what the? Miss Perez!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD