ALAINA
Pagkatapos ng maiksing briefing sa akin ni Ms. Camille ay bumalik ako sa puwesto ko ngunit wala roon si Trish, sa halip ay si Luna ang naroon na nakangiti sa akin.
Sa executive floors naka-assign si Luna bilang receptionist doon kaya nagulat ako na makita siya rito sa ibaba.
"Ngayon ka lang ulit napadpad dito Luna ah! Nasaan si Trish?" nakangiti kong tanong sa kanya at umupo na sa puwesto ko. Nagsimula akong tumipa at nag-check ng e-mail, nakita ko ang pangalan ko as subject ng isang e-mail ngunit hindi ko agad nabuksan dahil nagsalita na si Luna.
"Pinaakyat ni Mr. Sherman sa opisina niya si Trish kaya ako muna ang pumuwesto rito dahil bini-brief ka ni Ms. Camille," tugon niya bago humarap sa akin ng tuluyan.
Ngumiti siya sa akin at nagulat ako nang hawakan niya ang kamay ko, "Congratulations sa promotion mo Alaina! Excited na akong may makausap sa floor!" pumapalakpak pang turan nito na ikinasiwa ko. Napansin niya siguro ang reaksyon ko dahil napatakip siya ng bibig.
"Pasensya ka na Alaina, sabik lang talaga ako sa makakausap. Paano ba naman, puro suplada mga secretary ng mga big boss. Si Ms. Camille nga lang ang bumubuhay sa buong floor dahil..." dumukwang siya at lumapit sa akin para bumulong, "Hindi nagpapansinan mga secretaries at ibang empleyado doon, umaasa kasing isa sa kanila ang papalit kay Ms. Camille at..." binitin nito ang sasabihin at luminga sa paligid.
"At?" kunot-noo kong tanong.
"Mapansin ni CMS..." umalog ang mga balikat niya sa pagtawa at napailing.
Napailing din ako dahil tama ang sinabi niya, halos lahat yata ng babae sa kumpanya ay umaasang mapagtuunan ng pansin ng binata.
Sa dami ng babaeng labas pasok sa opisina nito ay matinding paninibugho ang nararamdaman ng ilan dahil ang ilan sa mga iyon ay parang nadampot lang sa kung saan ni Sir Calvin.
Ngunit ang unang patakaran mismo ng aming CEO ay 'No Office Affairs' kaya naman hanggang papansin na lang ang ilan sa kanila.
Nagkuwentuhan pa kami habang nakikipag-usap sa mga nag-iinquire sa serbisyo ng Sanders Realty na pulos mga sikat din na negosyante mula sa iba't ibang industriya.
Nang bumalik si Trish ay masama ang tingin na iginawad sa akin. Nagkibit-balikat na lang ako dahil sanay na ako sa ugali nito na ilang taon ko nang tinitiis.
"Balik na ako sa taas Alaina, see you tomorrow..." bulong sa akin ni Luna at dinampot na ang files na dala niya upang iakyat sa executive floor na iniwan ng mga messenger.
Inayos ko na rin ang ilang gamit ko para umakyat na sa cafeteria at mananghalian nang bigla akong pigilan ni Trish.
Napatingin ako sa kamay niyang pumipigil sa akin saka siya tinignan.
"Bakit? May kailangan ka ba?" tanong ko, naramdaman ko ang paghigpit ng hawak niya sa akin kaya napangiwi ako.
"Sinasabi ko na nga ba at may itinatago ka ring landi," patuya niyang tugon sa tanong ko. Bigla naman parang umakyat ang init sa ulo ko ngunit nagtimpi ako.
Napakunot-noo ako nang makita ang talim ng titig niya, "May problema ba Trish?"
"Oo!" tuluyan niya akong iniharap sa kanya bago marahas na binitawan ang braso ko.
"Ano ba'ng problema mo? At anong itinatagong landi ang sinasabi mo?" naiinis na tanong ko.
"Ikaw! Ano'ng sinabi mo kay Ms. Camille para ikaw ang kunin niyang kapalit?" pasinghal niyang tanong na ikinagitla ko.
"Wala akong alam sa si-"
"Huwag kang magmaang-maangan Alaina! Siguro matagal mo nang target ang makarating sa executive floors kaya sumipsip ka kay Ms. Cam! I'm better than you in every aspect, mas sexy at mas maganda rin ako kumapara sa'yo kaya hindi ko maintindihan kung bakit ikaw pa ang inaprubahan ni Boss!" nanggagalaiti niyang tungayaw sa akin.
Hindi ko napigilang mapaikot ang mga mata ko sa sinabi niya saka napabuga ng hangin, "Hindi ko rin alam kung bakit ako ang napili, hindi ko 'yon hinangad at hindi ko ugaling ipilit ang sarili ko sa isang bagay lalo kung alam kong hindi para sa'kin. Handa naman akong ipasa iyon sa iba kung hindi ako karapat-dapat. At lalong... hindi ako katulad ng ibang empleyado rito na halos hubaran na ang sarili mapansin lang ng CEO, parang ikaw," nanunuya kong turan na ikinalaki ng mga mata niya.
Nakita ko ang pag-igkas ng kamay niya kaya mabilis ko ring iniangat ang kamay ko upang takpan ang mukha ko nang biglang dumagundong ang baritonong boses sa likod ko.
"S-sir..." nauutal na wika ni Trish saka ibinaba ang mga kamay at itinago sa likod.
"What's happening here Ms. Perez?" taas-kilay na tanong sa akin ng big boss ng Sanders Realty habang nakapasok ang mga kamay sa bulsa niya.
Saglit akong natulala habang nakatitig sa kanyang mukha, ipinilig ko ang ulo ko nang makarinig ng ilang bulungan mula sa paligid.
"S-sir wa-" tangka kong paliwanag ngunit naunahan nanaman ako ni Trish magsalita.
"It's her fault Sir Calvin! Bigla na lang po niya akong hinatak at iniyayabang niya ang promotion niya as your new secretary!" nagpapa-awang saad ni Trish na ikinagulat ko. Marahas akong umiling at napatingin kay Mr. Sanders na ngayon ay taas ang kilay na nakatingin sa akin.
Inilibot ko ang tingin sa paligid at nakakakuha na kami ng atensyon, bigla namang umiyak nang malakas si Trish at akmang lalapit kay Sir Calvin ngunit biglang pumunta sa likod ko ang huli at inakbayan ako na dahilan ng paninigas ng leeg ko.
"Is that true Ms. Perez?" tanong niya sa akin ngunit hindi ako makasagot dahil parang kinukuryente ang buong katawan ko sa pagkakalapit namin nito.
"Totoo po 'yon CMS. Sinabi niya rin po na siya lang ang karapat-dapat para sa posisyon na 'yon at walang ibang qualified kung hindi siya lang," yumuko siya na malungkot ang mukha ngunit nakita ko ang pagsilay ng mala-demonyitang ngisi niya saka tumingin sa akin na may pang-aasar.
Gusto kong tusukin ang mga mata niya ng ballpen maalis lang ang pangungutya at pang-iinis doon.
Ikinuyom ko ang kamay ko at hindi na napansin pa ang pagkaka-akbay sa akin ni Sir Calvin. Umingay ang paligid sa patuloy na bulungan ng mga kapwa ko empleyado.
Napalunok naman ako at hindi alam paano ipagtatanggol ang sarili ko nang biglang tumawa ng pagak si Sir Calvin at inalis na ang kamay niya sa balikat.
Bigla naman akong ginapangan ng takot sa nakita kong reaksyon ng mukha niya.
Calvin Marcus Sanders is one hell of a womanizer, but Trish might have forgotten that he's also a cold, shrewd and a ruthless businessman who didn't care about anyone's feelings when he opens his mouth regarding work and business.
Nang mawala si Ms. Serena noon ay nagsimulang maging masungit si Sir Calvin, kahit nga ang mga kaibigan niya ay naging madalang na ang pagbisita sa kumpanya, maging ang mga kapatid niya at magulang.
He became eccentric and at one point ay nagkaroon ng mass firing dahil ang ilan sa mga empleyado noon ay katuwang ni Ms. Angela sa pagnanakaw sa kumpanya. Nagtataka na nga lang din ako at hindi nasama si Trish sa pagkaka-wipe out ng mga empleyadong na-involve kay Ms. Gomez.
Tumingala si Trish kay Sir Calvin at gusto kong matawa sa nakitang pag-asam sa mga mata niya. Pero maging ako ay nagulat nang biglang matawa ito.
"You really believe I'm a fool Ms. Candelaria?"