Ang haba ng pila sa ATM ng BDO.
Figures, swelduhan ngayon. Madami talagang nakaabang sa sahod nila. Almost fifteen minutes na din akong natayo at naghihintay sa pila and finally, thank goodness it’s my turn.
Pinasok ko sa machine ang card ko at nag check balance ako.
P 21,000
Tinitigan ko ang receipt habang naglalakad ako. Iyon na lang ang natira sa ipon at sa nakuha ko sa GG’s nung umalis ako.
Madami na akong nabawas. Ikaw ba naman ang walang trabaho ng mag aapat na buwan at narenta ng bahay, pagkain at namamasahe ay hindi ba mauubos ang pera mo?
Kaya ko ba?
Iyon lang ang nasa isip ko ng makasakay na ako ng jeep after twenty minutes ng pamamara (this is getting old) papunta sa Balibago Complex.
Pagkarating ko doon ay minabuti ko na lang maglakad papunta sa Target Mall kesa sa mag tricycle (baka doble na naman singilin sa akin) kahit katanghaliang tapat at sobrang init.
Finally nakarating ako sa patutunguhan ko at sa halip na pumasok sa mall ay nilibot ko ang paligid nito hanggang sa makarating ako sa tagiliran nito. Sa left side entrance ay may isang helera ng kainan.
Naglakad-lakad ako at may nakita akong bakanteng pwesto na may nakapaskil na “SPACE FOR RENT” at may contact number at name na pwede mong tawagan.
Kakayanin ko ba?
Paulit-ulit na tanong ng konsensya ko sa akin.
Dinial ko ang number at nag-ring naman. Until finally may sumagot na babae sa kabilang linya.
“Hello po. Good Afternoon. Gusto ko lang po sana mag-inquire tungkol sa space for rent sa tagiliran ng Target Mall?” magalang kong tanong.
“Ah opo. Bakante pa po siya. Gusto ninyo po bang rentahan?” tanong agad sa akin ng babae.
Pinagpawisan ako at kinakabahan na ako pero tinuloy ko pa rin ang usapan namin kahit may part sa mind ko na gustong gusto nang ibaba ang phone at umuwi na lang.
“Opo sana. Magkano po kaya monthly?”
“Nine thousand po.”
“May advance po ba?” natatakot kong tanong. Pag meron sayang lang ang punta ko dito.
“Wala naman po. Kaso dapat bago kayo lumipat mabayaran na ninyo ang pang one month. Interasado pa rin po ba kayo?” magalang na tanong sa akin ng babae.
Thank God!
“Opo. Kailan ko po kaya pwede mabayaran?”
Hindi ako makapaniwala na nasabi ko iyon.
“Anytime po. Kung gusto ninyo pwedeng ngayong hapon. Pumunta lang po kayo dito sa Admin Office ng Target Mall and look for me, Hannah at iaasist ko po kayo.”
“Sige po pupunta na po ako ngayon,” sagot ko naman agad.
“Hintayin ko na lang po kayo, Miss---?”
“Maranan.”
“Ok Ms. Maranan iinform ko na lang ang guard na papasukin kayo. Hope to see you soon. Thank you!” masayang sabi sa akin ng kausap ko.
“Thank you,” sagot ko at iyon lang natapos na ang usapan namin through phone.
Hindi ko alam kung tama ba ang ginawa ko o mag-aaksaya lang ako ng pera dito. Kung matino o katangahan nga ba ang pinapasok ko.
Pero...
Mas lalong walang mangyayari sa akin kung hihilata na lang ako at mag seself-pity.
I am no longer afraid to try!
-0-
Mabilis na process ang paper para sa inupahan kong pwesto. Pagkacashout ko ay pumirma agad ako ng kontrata.
Tinulungan din nila ako na makahanap ng gagawa sa pwesto ko para maging hitsurang karinderya ito.
Mura lang ang singil dahil light materials lang ang gagamitin. Itinuro din nila kung saan merong murang bilihan ng mga utensils at kitchen materials na malapit lang o nasa loob ng mall.
Within two days ay ready na ang pwesto ko. May simpleng kitchen, upuan at fixed table sa labas. May trapal din kung sakaling umulan o sobrang mainit. Nakausap ko na ang nagsusupply ng softdrinks.
May extra space sa tagiliran ng karinderya ko kaya naisipan kong magpagawa na din ng wooden bed para doon na din ako tumira. Para tipid sa renta sa bahay.
After day three ay nakalipat na ako sa pwesto ko. Almost ready na ako.
Hindi pa rin ako makapaniwala na ginagawa ko ito.
Na gagawin ko na nga ito.
Ang magstart ng sarili kong negosyo kahit wala akong alam kundi magluto at tangan lang ang notebook ni Tita Marcela.
Day five ay nakapagpasya na ako na simulan na ang negosyo ko.
Mga four ng umaga ay gumising na ako. Kinonsult ko ang notebook ni Tita at binasa ko ang mga paalala niyang nakasulat doon.
Wag damihan ang luto pag bagong simula lang. Dalawa hanggang tatlong putahe na kilalang kilala ng mga tao gaya ng Adobo, Afritada o Sinigang muna para hindi malugi ng malaki kung sakaling hindi bumenta.
Mamili ng maaga para sariwa ang mga ititinda.
Wag kalimutan na magluto ng gulay na ulam gaya ng laing o chopsuey para mga nagtitipid na customer. Magluto ng ilang piraso ng isda at manok para sa hindi mahilig sa gulay.
Magbigay ng libreng sabaw lagi.
Iyon agad ang mga nauna kong nabasa. Sinunod ko ang mga ito habang namimili ako sa palengke na hindi kalayuan sa pwesto ko.
Adobo at Afritada muna ang ihahanda ko na main ulam. Magpiprito ako ng chicken at isda. Laing ang gulay at Chicken Stock ang sabaw ko.
Talagang nakipagbaratan ako para lang makatipid. Thankfully malaki ang na-save ko na pera dahil magaling ako sa tawaran. Mga seven ng umaga ay natapos na din ako sa pamimili.
Dumeretso na ako sa aking pwesto at nagsimula nang magprepare.
Liitan ang hiwa sa karne pero wag sobrang liit. Siguraduhing masarap ang timpla para kahit kaunti ang sahog ay sulit naman sa lasa.
Mag proportion ng tama. Mas mainam na nakahiwalay na sa mga platito ang mga ulam para masiguradong pantay pantay lang ang dami. Damihan ang sabaw dahil mahilig ang tao sa “toppings”.
Sinunod ko lahat ng mga nakasulat sa notebook ni Tita Marcela at ang kanyang mga personalized recipe.
Natuwa naman ako dahil masarap ang lasa ng mga iyon nang matapos ko nang lutuin. Gaya ng paalala, hindi karamihan ang niluto ko para hindi aksaya kung sakaling hindi ako bumenta ngayon.
Mga parteng eleven ay natapos ko na ang pagluluto at nagsasaing na lang ako.
Binuksan ko ang ref ko at napangiti naman ako sa aking nakita.
Ilang hanay ng masasarap na green apple ang nakalagay sa ilalim na parte ng ref. Talagang kasama na sa pang araw-araw na kain ko ito. Hindi ko maimagine ang araw na hindi ako makakakain ng green apple.
Parang magkukulang ang pagkatao ko pag hindi ako makakatira nun once a day.
Kumuha ako ng isa at kinagatan ko ito.
Napangiti ako nang bumalik sa akin ang mga alaalang nakakapagpasaya sa akin. Mga alaala ng nakaraan na masarap balik-balikan kahit hindi ko sigurado kung mangyayari ba ulit ang mga iyon.
“Ito lang ang tinda mo?”
Napalingon ako sa nagtanong at may nakita akong payat na babae mga nasa fourty years old siguro na may kasamang dalawa pang mga babae na naka apron.
Nakasimangot sila sa akin.
“Oho. Bakit?” maingat kong tanong.
“Ah wala. Wag kang aasa na makakabenta ka. Mukhang hindi ka marunong magluto,” walang habas na sabi ng isa niyang kasama.
Buti na lang sanay ako sa mga panglalait kaya hindi ako nag over react.
Tumango na lang ako at ngumiti habang pinagpatuloy ko ang pagkain ko ng green apple.
Nagtawanan naman sila at tinitigan ako, “Ang laki mo naman. Ikaw din ba ang nakain ng binebenta mo?”
“Oho,” sagot ko na lang sa kanila.
Wala talaga akong pakialam sa kanila. Mukhang mga may-ari ito ng mga katabi kong kainan. In short mga kakumpetensya.
Nandito para manglait.
Hindi ko sila papatulan.
Nang mapansin nila na wala akong balak makipagusap ay kusa na silang nagsilayasan sa tapat ng pwesto ko.
Mabuti naman. Mag-aalas dose na at lunch time na ng mga empleyado ng mall. Sana makabenta ako!
-0-
“Hoy Taba! May benta ka na?” nakakalokong tanong sa akin ng katabi kong may-ari ng kainan na punong-puno ang mga lamesa.
Ngumiti na lang ako at umiling.
Wala pang nakain sa kainan ko. May mga nagbubuklat at natingin sa mga ulam pero nilalampasan din nila.
“Magsara ka na!” natatawang hiyaw sa akin ng nasa kaliwa ko naman na may-ari.
Naiinis na talaga ako pero kalma pa rin dapat. Kahit nilalangaw na ako sa takilya stay positive pa din.
Sadyang maunti ang benta sa una lalo na kung kakasimula pa lang at hindi pa kilala ang pwesto. Magtyaga at ipagpatuloy lang. May bibili din na isa at ang isa ay magdadala ng dalawa ang dalawa ay apat at ang apat ay walo. Maging pasensyosa at maghintay.
“Ate magkano ang adobo?”
Bumalik sa lupa ang utak ko ng may nagtanong sa akin na empleyado ng Dunkin Donuts.
Punong-puno na sa ibang kainan kaya siguro sa akin na bumili. Well customer pa din!
“Twenty five pesos kasama na ang kanin at isang sakto na coke with sabaw!” masaya kong sagot.
Nanlaki ang mata niya na parang hindi makapaniwala, “Ang mura naman! Pa-order nga,” masayang sabi niya sa akin.
Dali-dali ko namang hinanda ang order niya at wala pang two minutes ay inabot ito sa kanya.
“Spicy Adobo iyan ha,” paalala ko sa kanya.
Tumango ang customer ko at maya-maya pa ay namula na ang mukha nya sa halang pero mukhang nasarapan siya dahil nakangiting nakangiti siya pagkabayad niya sa akin.
Tiningnan ko ang aking palad at tinitigan ko ang twenty five pesos.
Ang una kong kita!