Chapter 1

2609 Words
Chapter 1: Meet Again "Sige! Itulak mo pa!" Rinig na rinig dito sa loob ng kwarto ko ang ingay mula sa labas. Mukhang ginugulo na naman nila ang ayos ng mga gamit. Napabuntong-hininga na lang ako at nagpatuloy sa paggayak. Madalas ang ganitong eksena rito sa apartment. Laging bumibisita ang mga nobyo nina Kate at Missy, sina Harold at Marky. Nandito sila hindi para mag-aral kundi para mag-inom. Kagabi ay nagpakalasing na naman silang apat at hindi na naman ako halos pinatulog ng mga halinghing nila mula sa kabilang kwarto. Hindi ko lubos akalain na nakatatlong buwan na pala ako kasama sila. At ang nakakatawa ay kinasanayan ko na ang gulong ginagawa nila rito sa bahay. Ito lang kasi ang murang apartment na malapit sa Kingdom Café kung saan ako nagtatrabaho. Dahil tatlo kaming naghahati sa renta ay maliit lang talaga ang binabayaran ko. Pagkatapos na i-ponytail ang buhok ko na hanggang siko ay binitbit ko na ang gamit ko at inihanda na ang sarili sa masisilayan ko paglabas. Dahan-dahan ang pagbukas ko ng pinto dahil ayaw ko namang makaistorbo. Pinindot ko ang lock at marahan ulit itong isinara. "Ehem." Pag-ubo pa lang ay alam ko nang si Harold ito, ang boyfriend ni Kate. Seryoso ko siyang nilingon at tulad ng dati ay nakangiti na naman ito ng wagas. Inangat niya ng bahagya ang bote ng beer na natira nila kagabi. Siya lang ang nandito sa salas. Rinig ko ang ingay sa kusina at sa kabilang kwarto kung nasaan ang tatlo. Kalunus-lunos na naman ang sinapit ng apartment. Nagkalat ang mga bote ng alak sa sahig, mga balat ng snacks, sigarilyo at hindi ko rin mawari kung nakipaglaban ba sila sa zombies para magulo ng ganito ang mga gamit. Amoy na amoy ko ang lahat ng ito ngayon. "Halika. Samahan mo kami," pag-aya nito habang haring-hari ang upo sa sofa. Umiwas ako ng tingin sa kanya dahil wala siyang damit pang-itaas. "May trabaho ako," pino kong tugon at naglakad na palabas ng bahay. Nakita ko na nakasunod pa rin ang tingin niya sa akin habang isinasara ko ang pinto. Lumabas na mula sa kusina si Kate at biglang tumaas ang kilay niya nang maabutang nakatingin kami sa isa't isa ni Harold. Hindi ko na lang siya pinansin pero bago ko tuluyang maisara ang pinto ay narinig ko pa ang sinabi niya sa nobyo. Naglakad ako ng dalawang kanto papunta sa trabaho. Malamig ang simoy ng hangin at maulap ang kalangitan kung kaya't hindi ako masyadong napagod. Alas otso ng umaga ang shift ko hanggang alas singko ng hapon. Malapit ang Kingdom Café sa isang university. Sarado ang café tuwing linggo kaya iyon ang day off naming lahat. Bukas na. Dalawa ang palapag nitong building. Ang first floor ay para sa Kingdom Café at ang second naman ay tirahan ng owner. Wala pa sa aming mga empleyado ang nakapanhik na roon. May 10 tables at 40 seats ang capacity ng shop. Bago ako lumipat sa apartment ay natanggap na ako rito. Kahit papaano ay masaya naman dahil sa mga katrabaho ko at sa aming boss. "1 black coffee, please." Halos mawalan ng balanse ang mga tuhod ko nang marinig ang boses ni Sir King. Pagharap ko sa kanya mula sa pagbibilang ng cups ay bumungad ang napaka gwapo niyang mukha. Nakapatong ang isang siko niya sa counter table habang malanding nakangiti at nakatitig sa akin. "G-Good morning, Sir." Pinagtaklob ko ang mga labi saka inilibot ang tingin sa buong café na walang ibang tao kundi kaming dalawa lang. "Ang aga mo. OT lang ang may bayad." "Maaga lang po akong ginising ng mga kasama ko sa bahay. Umagang-umaga, naghihiyawan na," tawa ko na sinabayan naman niya. "Umm, kape ba, Sir? Sandali lang po. Kung gusto mo po ay dadalhin ko na lang sa office." "No. Hihintayin ko na." Napalunok ako saka marahang tumango bago tumalikod. Hindi tuloy mapakali ang puso ko habang nagpe-prepare ng kape dahil sa presensya ni Sir. Dumagdag pa ang katahimikan ng paligid at tanging boses lang niya ang naririnig. "H-Here's your coffee, Sir." Kabado akong ngumiti nang muling humarap sa kanya para iabot ang tasa ng kape. "Masarap 'yan, Kaoru, ah," ngisi niya. "Bakit wala kang ginawa para sa iyo?" "Oo naman, Sir." Made with love. "Mamaya na lang po yung akin. Hihintayin ko muna si Jhas." "Okay." Kinuha na niya sa counter table ang tasa. "Pumunta na lang kayo sa opisina. Nakahanda na yung funds ninyo. Salamat sa masarap na kape." Tahimik akong nagngingisay sa kilig nang malakad na si Sir King pabalik sa opisina niya. May maganda rin palang dulot sa akin ang pagpasok ko ng maaga dahil sa ingay nina Kate at Missy kahit halos wala akong tulog. Suportado ko na ang pagtagay nila. "Good morning, Kaoru-san." "Good morning!" bati ko pabalik kay Mike na kadarating lang. Nagulat pa siya sa lakas ng boses ko saka natatawang umiling. Sa kusina ang kanyang kaharian dito. Mayamaya ay dumating na rin si Jhas na kasama ko naman sa pagkakahera. Sakay siya ng motorsiklo ng jowa niyang si Dan. Humalik muna ito sa pisngi ng lalaki bago pumasok sa shop. Sinamaan niya ako ng tingin nang makitang tumatawa. "Bhe, pa-kiss din." Itinaas niya ang gitnang daliri sa kamay saka sinabayan ang tawa ko. Natigilan naman kami nang biglang bumusina si Dan mula sa labas at itinuturo ang kamay ni Jhas. Pero imbes na matakot sa nobyo ang gaga ay pinagmukha niya na lang iyon na finger heart. * * * "1 regular Wintermelon Milk Tea, 1 regular Pearl Milk Tea, and 2 Buffalo Wings with rice. May additional order po?" Umiling lang ang dalawang estudyanteng babae at ibinaba na ang hawak nilang menu. Kinuha ko naman ang mga ito sa lamesa. "Okay. Wait for 5 minutes po." Bumalik na ako sa counter, inabot kay Mike ang meal order sa maliit na bintana at kay Jhas naman ang order ng milk tea. "CR lang muna ako, Bhe," paalam ko habang iniipit sa ilalim ng keyboard ang papel na pinagsusulatan ko ng order. "Sige, Bhe," ani Jhas. Hinubad ko muna ang suot kong apron at cap bago nagtungo sa restroom. Katabi nito ang office ng aming boss, si Sir King Pineda. Kaya naman heto ako ngayon, kahit gusto nang sumabog ng tubig sa ibaba ko ay nagawa pa rin siyang tanawin mula sa maliit na glass window ng pinto. Hindi niya ako napapansin dahil busy sa pagre-review ng documents. Crush namin siyang dalawa ni Jhas. Ang gwapo naman kasi talaga ni Sir. May pagka-moreno, matangkad, matangos ang ilong, mapungay ang mga mata, manipis ang mga labi, isang matipunong binatang Pilipino. Hindi nagkakalayo ang edad namin. Twenty-two years old pa lang siya. Mula siya sa mayamang pamilya kaya naman nakapagpatayo agad siya ng sariling negosyo. Tuwing lunes hanggang byernes ay pumapasok siya sa bangko at didiretso rito sa hapon. Kapag sabado naman ay whole day namin siyang nakakasama. Kung hindi lang torpe si Sir King ay baka matagal na akong naging Queen Kaoru Torres-Pineda. Mayamaya ay unti-unting umangat ang ulo niya kaya naman dali-dali na akong nagtatakbo papasok sa banyo. Nagbawas na ako at natawa na lang sa harap ng salamin. Inayos ko na rin ang maiikling buhok na bumabagsak sa mukha. Kumindat pa ako ng isang beses at kumaway sa sarili bago lumabas. "Ay, dyablo ka!" Bigla akong napaigtad nang bumungad sa daraanan ko ang isang lalaki. Umabante ang kamay niya at huminto malapit na sa tiyan ko dahil sa pagbukas ko ng pinto na dapat ay hahawakan niya pa lang. Pareho kaming nagitla sa presensya ng isa't isa. Agad niyang inilayo sa harapan ko ang palad at inilagay sa likuran. "S-Sorry, Sir. Pasok ka na po." Yumuko ako ng bahagya at dumiretso na sa paglakad. Kumunot ang noo ko. Bakit parang pamilyar ang mukha niya? Habang naglalakad pabalik sa pwesto ay napansin ko ang tatlong pares ng mga mata na nakasunod sa akin. Tatlong estudyanteng lalaki na ang uniporme ay katulad ng sa binatang nakasalubong ko. Nakangiti sila at ang isa ay bumubulong pa sa mga kasama na wari'y ako rin ang paksa. s**t. Sila ang mga lalaki noon sa park! "Tagal mo ah. Sumegway ka pa yata sa office ni Sir," gigil na tingin ni Jhas. "Hindi kaya. Puno lang talaga ang pantog ko." Napakagat ako sa ibabang labi at isinuot na muli ang apron. Napatingin naman ako sa grupo ng mga lalaki na pasulyap-sulyap pa rin sa akin. "Nakuha mo na ba yung order nila?" "Hindi pa. Kakapasok lang nila." Tumango na lang ako at kinuha na ang papel at ballpen. Naghihintay ako na tawagin nila pero mukhang busy pa sila sa pagchichikahan. Ilang sandali pa ay dumating na yung lalaki at sumama sa table ng tatlong abnoy. Sa kanilang apat ay ito lang ang hindi nagsasalita. Nakatingin lang siya sa menu at walang pakialam sa dinadada ng mga katabi. Hindi ko na tanda ang pangalan niya pero siya yung iniwan ng tatlo noong nahuli ko silang kinukuhanan ako ng litrato. Ha! Makikita ko pa pala sila after three months. Matapos ang halos limang minuto ay tinawag na nila ako. Nagsagian sila habang lumalapit ako at sa pagngisi pa lang nila ay nalalaman ko nang may binabalak silang kalokohan. Na naman. "Hi! Good afternoon. May I take your..." Agad akong umiwas ng tingin dahil lahat sila maliban doon sa lalaking tahimik ay nakatulala na ngayon sa mukha ko. "Order," sabay tikhim. "Kaoru," rinig kong bulong pa ng isa. Siya yung kumuha ng litrato sa akin. Kumunot ang noo ko at pasimpleng inilagay sa harap ang buhok para takpan ang name tag ko na nakakabit sa apron. "1 Lemon Pepper Wings with rice." Ibinaba na ni Mr. Tahimik ang menu na hawak niya at tumingin sa mga kaibigan. "Anong sa inyo?" Nalipat sa kanya ang tingin nila habang hindi pa rin nawawala ang malokong ngiti. Kumunot ang noo niya dahil sa itsura ng mga kasama kaya siya naman ang tumingin sa akin. Sumenyas siya gamit ang ulo na kunin ko na ang order ng iba. Napairap na lang ako sabay palagitik sa mga daliri para makuha ang atensyon nila. Parang nasindak naman sila dahil nakataas na ang kilay ko at dali-daling tumingin sa menu. Napangisi na lang ako. Isa-isa na silang nagbigay ng order. "Drinks po? Milk tea? Shake? Water?" Humarap ulit sila sa menu at mabilis na pumili ng milk tea, maliban kay Mr. Tahimik na mukhang nahihirapang magdesisyon. "Matcha Milk Tea ang sa kanya. Mahilig kasi siya sa japanese," biglang sabat ng lalaking mahilig bumulong at taas-kilay naman siyang tiningnan ni Mr. Tahimik. "Half japanese ka, 'di ba? Half chinese naman itong kaibigan namin," sabay akbay niya rito. "Tapos yung anak nila, half jellyfish," gatong pa ng isa na naka-eyeglasses. Curly ang buhok niya at makapal ang mga kilay. Pare-pareho silang tumawa na tatlong abnoy. Napatingin sa amin ang ibang mga customer dahil sa lakas ng halakhak nila. Kahit si Mike ay napasilip sa bintana. Pinalagitik ko ulit ang mga daliri para patigilin sila at pinakitaan ng masamang tingin pero hindi na sila naapektuhan. "By the way, I'm Mackie," pakilala ng lalaking kulot sa sarili. "This is James and David," tukoy naman sa katabi niya na maskulado ang katawan at kay Mr. Bulong. "Ito naman si Reign. Reign Yang," sabay alog ni David kay Mr. Tahimik. Tinaasan ko lang sila ng kilay. Kailan ako nagtanong tungkol sa mga pangalan nila aber? "Wala na po ba kayong oorderin?" matabang kong tanong. Nagkatinginan naman sila at mayamaya ay sabay-sabay na nagsitango sa bawat isa. "Meron pa," ani Mackie. Tumuon na ako sa listahan para isulat iyon. "Cellphone number mo." Dumiin ang kagat ng mga ngipin ko sabay bato sa kanila ng nagliliyab na tingin. Inuubos talaga ng mga itlog na ito ang pasensya ko. Ano bang trip nila? Parehong siniko ni Mackie at ni David si James na siyang hindi pa nagsasalita. Para siyang real-life Goku sa paningin ko dahil sa laki ng katawan. "Ganito kasi, Miss Kaoru," panimula ni James o Goku. Sandali siyang tumigil at tumikhim. "Malungkot ang buhay ng tropa naming si Reign. At bilang mga butihin niyang kaibigan, gusto naming makaranas man lang siya ng alam mo na. Hindi ka naman malulugi dahil gwapo at mabait naman ang tsinong ito." Tinapik-tapik niya pa ang balikat ni Reign habang nakapagitan sa kanila si David na mukhang funny character sa mga palabas. May kakapalan ang facial hair nito. Hinawi ni Reign ang kamay ni James pati ang braso ni David at sinasabing tumigil na sila. Pinasadahan ko naman siya ng tingin. Sa totoo lang ay gwapo naman talaga siya or I should say cute. Manipis at rosy ang kanyang mga labi, matangos ang ilong, maputi ang balat, slim ang mukha, payat, at matangkad. Hanggang balikat lang niya ako. Bumagay din ang kanyang messy hair look. Pero ang pinaka kapansin-pansin ay ang mahaba niyang eyelashes at makapal na talukap sa mga mata na para bang laging nangungusap. So in short, mukha siyang inosenteng babaero. "Sorry pero wala po sa menu ang number ko," seryoso kong pagtanggi. Bumagsak ang kanilang mga balikat at isa-isa ulit silang nagsagian. Si Mr. Reign naman ay nakayuko na lang dahil ayaw siyang pakinggan ng mga ito. "Ehem," it's Mackie's turn. "What if... mag-iiwan kami ng malaking tip kapalit ng number mo?" mapanghalina niyang wika habang gumuguhit ng parihaba sa mesa gamit ang hintuturo. Bahagyang nanlaki ang mga mata ko at napatingin sa paligid. Walang hiya ang mga ito ah. Pera o dignidad? Nakarinig ako ng pagbukas ng pinto. Lumabas mula sa opisina si Sir King at agad na nagtama ang paningin namin. Kahit medyo malayo ay pansin ko ang bahagyang pagsalubong ng mga kilay niya nang mapatingin sa grupo ng mga lalaki. Ibinalik niya ang tanaw sa 'kin bago tumuloy ng pagpasok sa banyo. Napapikit na lang ako at bumuga ng malakas na hangin bago sila muling hinarap. Tulala silang nakatingin sa akin at parang mga batang humihingi ng candy. Tumikhim ako bago nagsalita. "Magkano?" tanong ko sabay iwas ng tingin sa kanila at inilagay ang mga hibla ng buhok sa likuran ng tainga. Nabuhay na naman ang kanilang dugo at nagsipag-apir sa bawat isa. Sandaling sumulyap sa akin si Reign at parang hindi makapaniwala na pumayag ako. Wala rin namang patutunguhan kung siya ang makaka-text ko kaya hindi ko na tatanggihan. Ilang araw lang siguro iyon at mukhang hindi naman siya mapanganib. Kailangan ko ng pera. Ilang sandali pa ay parang nagsipaghatian na sila ng ambag at pagkatapos ay tumuon na sa akin. "Isang libo." Bumagsak ang panga ko. Ilang beses din na nagpaulit-ulit sa isipan ko ang sinabi nila. Natauhan na lang ako nang malaglag at gumawa ng ingay sa sahig ang hawak kong ballpen. Isang libo?! Mas malaki pa iyon kumpara sa inorder nilang mga pagkain. Binasa ko ng kaunti ang mga labi. Napalunok na lang ako ng sariling laway. Seryoso ba talaga sila? Well, mukha naman silang mga anak mayaman. Nakalagay sa uniporme nila na mga law student sila at ang alam ko ay napakamahal ng tuition fee sa university kung saan sila nag-aaral. Hindi ko alam kung swerte ba ito o isang pagkakamali kapag tinanggap ko. Pinagpapawisan na tuloy ako ng malagkit. Shet. Kalakas nilang magwaldas. "Is it a deal, Miss Kaoru?" Inilagay ni Mackie ang cellphone niya sa tapat ko at pasimpleng lumingon sa paligid. Ganoon din ang ginawa ng dalawa. Tinitigan ko ang iPhone XX Pro niya na nakabukas. Nakadisplay na sa screen ang numbers ng keyboard at talagang hinihintay na lang ang numero ko na mai-enter doon. Napakalaki na para sa akin ng isang libo na halatang barya lang naman para sa kanila. Lumunok ako ng isa pang beses at tiningnan sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD