Chapter 3: Reign Yang
Naalimpungatan ako dahil sa malamig na temperaturang bumabalot sa buong katawan ko. Nanatili akong nakapikit ang napahawak na lang sa noo dahil sa pagkirot.
Naaalala ko na uminom kami sa Kanto Bar at hindi ko akalain na malalasing ako ng sobra. Ang hindi ko matandaan ay kung paano at sino ang nag-uwi sa 'kin dito sa apartment.
"Kumain ka na para umayos ang pakiramdam mo."
Bigla akong napamulat at napabalikwas ng upo dahil sa boses ng isang lalaki. Naagad ang katawan ko dahil doon at lalo pang sumakit ang ulo ko. Sandali ulit akong napapikit dahil sa paglabo rin ng paningin.
Nang maka-recover ay agad akong dumilat. Doon ko lamang napagtanto na wala ako sa kwarto ko, kundi nasa isa akong condo o hotel.
Nanlaki ang mga mata ko at agad na itinakip sa katawan ko ang kumot nang makitang nakatitig sa akin ang tsinong nakilala ko kahapon. Sinuri ko ang sarili ko at nakahinga ako ng maluwag dahil nakadamit pa rin ako at walang nagbago sa suot ko.
Mabuti na lang dahil hindi siya m******s. Kinagat ko ang ibabang labi saka ibinalik ang tingin sa kanya na ngayon ay naglalagay ng plato sa kwadradong mesa. Nakaramdam ako ng matinding hiya. Bakit kailangang siya pa?
"S-Salamat." Sandali siyang tumingin sa akin at sumagot lang ng kaunting tango. "Paano ka napunta sa bar?" Naguguluhan siyang nag-angat ng tingin.
"T-Tumawag ka sa akin."
Lumihis ako ng tingin sa kanya at natulala na lang. Makailang beses na minura ang sarili dahil sa kagagahan. Bakit ko naman naisipan na tawagan ang lalaking ito? Ni hindi ko nga alam kung ano yung numero niya. Paano na kung sa kamay ng r****t ako napunta?
"Kumain at maggatas ka."
Marahan akong bumaba ng higaan at nakayapak na nagtungo sa lamesa. Hindi ko maiwasan na obserbahan ang paligid. Kumpara sa normal na hotel ay hindi hamak na mas malaki ang condo niya.
May transparent glass divider ang nagsisilbing pader ng bedroom, di-slide ang pinto nito. Halos kumpleto siya sa mga gamit lalo na sa kusina. May fridge, stoves, oven, bread toaster, rice cooker. May living area set at TV din pero puro mga libro ang nakaupo.
Nakaka-relax ang lavender scent na nanggagaling sa humidifier. Grabe. Crazy rich asian pala talaga siya.
"Ay wait."
Bigla akong napabalik sa higaan nang makitang hindi ko pa pala naitutupi yung kumot. Kapal naman ng face ko kung siya pa ang pagtutupiin ko, 'di ba?
"Ano ba ang buong nangyari kagabi? Maingay ba ako?" Nakakahiya man ay kailangan kong makasiguro na wala akong ginawa na kahit anong dudungis sa aking dangal. Wow deep.
Hindi ako nakatingin sa kanya dahil nagtutupi ako pero sumilip na ako ng kaunti nang hindi siya sumagot. Bigla akong nakaramdam ng kaba dahil kita ko ang pagkailang sa mga mata niya. Nang matapos kong itupi yung kumot ay inilagay ko ito sa ibabaw ng unan.
Pero unti-unting napakunot ang noo ko nang makitang may isa pang kumot ang nasa ibabaw ng ibang unan. Mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko at mabilis na iginala ang paningin.
"S-Saan ka n-natulog kagabi?" Wala akong makita na pwede niyang tulugan bukod sa sofa pero halatang hindi niya ginalaw ang mga librong nakapatong doon.
"'Di ba, ang sabi mo pwede akong..." Itinuro niya ang higaan pero mabilis niya itong binawi. Ang pagtataka sa mukha niya ay kaagad na napalitan ng takot at kaba. "H-Hindi mo naalala?"
Tumagilid ang ulo ko saka dahan-dahang lumabas sa kwarto at naglakad palapit sa kanya. Napaatras naman siya, tila nakakakita ng aswang na handa siyang sunggaban ano mang oras. Kita ko ang pag-alon ng adam's apple niya dahil sa lalim ng paglunok.
"Magkatabi ba tayong natulog?" Pilit kong pinakakalma ang tono ng boses ko pero alam kong iba na ang sinasabi ng itsura ko. Ipinatong ko ang kamay ko sa kaliwang balikat niya at seryoso siyang tiningnan. "Ano? Magsalita ka."
Hindi na mapaghiwalay ang mga ngipin ko habang nagsasalita gawa ng grabeng pagtitimpi. Halata ang pag-aalangan niya kung magsasabi ba ng totoo o hindi.
"S-Sinabi mo naman na maari tayong magtabi."
Napapikit ako at suminghap. Parang nawala ako sa katinuan at nagawa ko na pala siyang sikmuraan. Balak niya pang bumagsak sa akin pero mabilis akong lumayo at hinayaan lang siyang maupo sa malamig na sahig.
"Bakit ako papayag na makatabi kang matulog aber?!" Gusto ko pa sana siyang sipain. Buti ay nakapagpigil na ako. Ilang segundong nakakislot ang itsura niya at ininda ang sakit ng tiyan.
"H-Hindi ako ang lasing para hindi maalala ang sinabi mo," mahina niyang wika. Nagawa na niyang tumingala sa akin pero halata pa rin sa mukha ang sakit na nararamdaman niya.
Napasuyod na lang ako sa buhok dahil wala akong matandaan kung sinabi ko ba talaga 'yon o hindi. Dahan-dahan na siyang tumayo at humawak sa upuan ng mesa bilang suporta. Namutla siya.
Nakikita ko ang sinseridad sa mga mata niya pero mas gusto ko pa ring paniwalaan na hindi ako nagbitiw ng ganoon. Ano naman ba ang motibo ko? Ha! Hindi ako maharot.
Bumaling ang tingin ko sa lamesa nang maamoy ang hotdog at ham na ulam. Hindi ko alam kung uunahin ang galit o gutom sa sitwasyong ito.
Sa huli ay umupo na lang ako at nanggigigil na tinusok ng tinidor ang hotdog. Pansin ko ang bahagya niyang pag-atras. Tss. Hindi ko naman uulamin ang sa kanya.
"Yung kanin."
Dali-dali niyang kinuha sa kalan ang kaldero at inilapag sa tapat ko. Batid ko na wala akong panlaban sa kanya pero ayaw ko namang sayangin ang pangmayamang pagkain na hinanda niya. Never in my life akong nakakain ng gintong hotdog at ham.
"Ubusin mo na 'yan. Kumain na ako."
Tumaas lamang ang kilay ko. Balak ko naman talagang ubusin ang mga ito. As if naman na may pakialam ako sa kanya. Sigurado namang nabusog na siya sa pagtitig sa 'kin kagabi. Hay! Kapag lang talaga naalala ko ang nangyari at may ginawa pala siyang kalokohan.
"It's my fault. Hindi ko naman alam na hindi ka pala seryoso kagabi. Natulog lang talaga tayo. Wala akong... ginawang masama sa 'yo. Nakikita mo naman ang sarili mo, 'di ba? S-Sorry."
Hinigop ko ang maligamgam na gatas at sumenyas na umupo siya sa tapat. Sumunod naman agad siya. Nakababa sa hita ang mga kamay niya at parang humihingi pa rin ng tawad.
"Sorry din... at salamat," kalmado kong sabi.
Umangat ang tingin niya sa mga mata ko. Hinilot ko ang noo bago nagpatuloy sa pagsasalita.
"Nabigla lang ako. Ang hirap dahil wala talaga akong maalala. Sige, naniniwala na ako sa iyo. Pero... gusto ko talagang malaman kung ano pa ba ang mga sinabi ko kagabi. Bukod doon ay wala na ba akong ibang ginawang... kahiya-hiya? Ha?"
Hindi ko ma-imagine kung gaano kaya ka-weird ang ngiti ko ngayon. Mukha siguro akong natatae.
"Sa susunod, huwag ka na lang iinom kung hindi mo pala kaya." Tumuon siya sa platong wala nang laman. "Saan ka ba nakatira? Ihahatid na kita."
Ginawa kong pagkakataon na hindi siya nakatingin para matitigan ko ang mukha niya. Kitang-kita ko ngayon ang maamo niyang personalidad.
Hindi ko talaga mapigilang mamangha dahil sa mahaba niyang eyelashes at makapal na talukap sa mga mata. Parang mas bagay sa kanya ang maging babae.
Masasabi kong swerte ang pagdating niya. Noong una ay naisip ko talagang tanggihan ang alok ng mga kaibigan niyang abnoy.
Hindi ko naman akalain na ito pa pala ang magliligtas sa akin. Alam ko naman na hindi pa rin nila ako pababayaan sa bar pero ano kaya ang nangyari sa akin doon kung wala siya?
"No. Kaya ko na. Malapit lang naman ito sa university, 'di ba?" Inubos ko na ang gatas ng isang tunggaan. "Sige. Salamat pala sa pagkain ah." Tumayo na ako at hinanap ang sandals ko at si Melody. Kinapa ko rin ang bulsa ko. Buti na lang dahil hindi nahulog yung 250.
Nakasabit sa gilid ng wardrobe ang gig bag ko. Ang sandals ko naman ay nasa ilalim ng bedside table na may lamp sa ibabaw. Isinuot ko na ang mga ito sa mga paa ko at binitbit na ang gitara nang may maramdaman akong kakaiba sa loob.
Natataranta kong binuksan ang case sa sahig at halos lumuwa na ang mga mata ko nang makita ang kalagayan nito. Napatakip ako sa bibig at hindi mawala-wala sa basag na gitara ang paningin. Halos humiwalay na rin ang neck nito sa katawan, dahilan upang malagot ang ilang strings.
"Anong nangyari rito?!" Gusto ko nang magwala at magbitiw ng masamang words. Masira na ang kagandahan ko, huwag lang ang gitara ko.
"Gawa 'yan ng pagbagsak natin kagabi sa bar." Sinubukan niya itong kunin sa lalagyan pero pinigilan ko siya. Baka mas lalo lang nitong ikamatay kapag nagalaw. "I'm sorry. Ako na ang bahala. Ipapaayos ko na lang iyan." Tumingin ako sa kanya na ngayon ay seryosong nakatingin sa akin.
"Sandali. K-Kakayanin pa ba nito ang operasyon?" Ramdam ko ang pamumuo ng luha sa mga mata ko. Nagsalubong naman ang makakapal niyang kilay, tila naguluhan.
"Huh? Anong operasyon?"
Umiling na lang ako. Mukha na siguro akong timang. Hindi lang naman basta gitara si Melody para sa akin. Para na itong matalik kong kaibigan.
Birthday gift ito sa akin noong bata ako at napakarami na naming mga pinagsamahan. Nagagawa ko itong kausapin na galingan namin ang pagtugtog. At sa lahat ay ito lamang ang may kakayahan na mapagaan ang pakiramdam ko. Ngayon ay nasira ito sa isang iglap lang.
"Bumalik ka na lang mamayang hapon. Magpahinga ka muna sa inyo." Umiwas na siya ng tingin sa akin at tinitigan si Melody.
"Hindi. Ako na ang magpapagawa rito." Isasara ko na dapat ang bag pero inunahan niya ako. Naamoy ko ang mabango niyang buhok nang bahagya siyang humarang sa akin at lumapit ng kaunti ang ulo niya sa mukha ko.
"I insist. Kasalanan ko naman kung bakit ito nasira." Siya na ang nagsara nito at nagbitbit. "Kailangan mong magpahinga. Ako na ang bahala." Magkaharap na kaming dalawa.
Tumango na lang ako at tumikhim. Mukhang gusto niya talagang sagutin ang pagpapagawa sa gitara ko at medyo masakit pa rin naman talaga ang ulo ko.
Narinig kong tumunog ang phone ko na nasa ibabaw ng coffee table, sa tapat ng sofa. Pansin ko ang pagpapalit niya ng tingin sa phone at sa akin. Base sa reaksyon niya ay parang ayaw o nahihiya siyang buksan ko iyon. Hindi ko na lang siya pinansin dahil baka importante ang message.
Bumuga ako ng hangin nang mabasa na si Jhas lang pala. Nag-aaya silang lumabas ni Ariane. May text din kanina mula kay Sir Bogz, tinatanong kung okay na ako.
Nireplyan ko na siya pero bago ako umalis sa messaging app ay napansin ko ang isang hindi pa naka-register na number sa phonebook. Binuksan ko iyon at kagyat na nanlaki ang mga mata ko nang mabasa ang message.
[Hey, Babe. It's me, Reign.]
Tinawagan ko ang numero niya kagabi. Paglingon ko sa kanya ay nakatalikod siya at namumula ang mga tainga. Ngayon ay may sense na kung paano siya napunta sa bar kahit hindi ko pa rin maalala kung bakit ko naisipan iyon. Pero bakit... bakit tinawag niya akong Babe?
* * *
"Yung nag-text sa 'yo, si David iyon... h-hindi ako."
Sumulyap lang ako sa kanya sandali at bumaling ulit sa bintana ng sasakyan. Nagpumilit siya na ihatid na ako dahil medyo malayo rin ang condo niya sa apartment.
Dumaraan kami ngayon sa paligid ng kanilang university. Kahit nasa probinsya ay nagagawa nito na makipagsabayan sa mga unibersidad sa Maynila.
Tumatanggap sila ng mga scholar pero hindi ko pa kaya na pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral. Kailangan ko pa ring kumita ng pera. Gusto ko sanang buksan ang bintana ng kotse niya dahil mas gusto ko yung preskong hangin sa labas.
"Alam ko naman 'yon." Kahit ang totoo ay inisip kong siya talaga ang nag-text sa akin. Mabuti na ring hindi siya dahil nakakakilabot. Swear. "Magkakasama pa kayo ng ganoong oras?"
"Bumisita kami sa bahay ni James para magmovie marathon. Pauwi na ako noong kinuha nila ang phone ko para i-message ka."
"Alam ba nila na pinuntahan mo ako? N-Narinig ba nila yung---"
"Hindi," agad niyang pagputol sa akin. Nakahinga naman ako ng maluwag. "Nagmamaneho na ako pauwi noong... tumawag ka. Naggi-gig ka ba roon? Kanto Bar, 'di ba?" Lumingon ako. Hindi ko alam pero parang nailang siya.
"Kagabi pa lang ako nagsimula," tipid kong sagot. Tumango na lang siya. Hindi naman pala siya tahimik na tao. Sadyang masyado lang seryoso.
Nakaikot na kami sa kabilang side ng university kung saang avenue ako. Tahimik na kami sa sasakyan nang biglang nag-ring ang cellphone ko. Agad kong sinagot ang tawag ni Jhas.
"Bhe, nandito na kami. Where na you?" wika niya mula sa kabilang linya.
"Malapit na rin ako, Bhe. Two minutes." Tinapos ko na rin agad ang tawag dahil nakakahiya kay Mr. Serious.
"Sigurado ka bang kaya mo na?" bigla niyang tanong habang nakatingin sa side mirror. Sumilip ako ng kaunti sa kanya. Wow, ang caring ah.
"Yup. Kakain lang naman kami. Malapit lang din sa apartment."
Kinapa-kapa ko ulit ang bulsa ko para siguraduhin na nasa akin pa yung 250. Nagdala rin ako ng 50 pagpunta ko kagabi sa Kanto Bar.
After 2 minutes ay huminto na ang sasakyan sa tapat ng McDo. Nilingon ko si Melody na nasa backseat. Hahanap si Mr. Reign ng gagawa sa gitara ko at mamayang hapon, babalikan ko ito sa condo.
"Thanks sa paghatid!"
Tumango lang siya at naglabas ng matipid na ngiti. Nag-pout ako. Taragis na 'yan. Kung ano ang ikinayaman ng lalaking ito, iyon namang ikinasalat ng emosyon. Mas cute pa naman sana siya kung todo ang ngiti niya. Pabebe ha.