Chapter 6: Awkward
Naglagay pa ulit ako ng pangatlong toothpaste sa sipilyo at itinapat ito sa bibig ko. Kasabay ng pagharap ko sa salamin ay ang pagpasok muli ng mga alaala ng nangyari sa pagitan namin ng lalaking iyon kagabi.
Hindi ko maalala ng buo at malinaw ang lahat pero ramdam ko kung paanong ginahasa ng mga labi ko ang mga labi niya. Ang pagtugon. Ang laway. Ang...
"Sarap na sarap ka pang malandi ka."
Binanlawan ko na lang ang toothbrush at hindi na nagsipilyo ulit. Kahit ilang beses akong magmumog ay hindi ko na mababago pa ang nangyari. Hindi ko na mababawi pa ang halik na ibinigay ko sa kanya. Ang first kiss ko.
Humawak ako sa gilid ng lababo saka pinaraan ang mga daliri sa ibabang labi. Bumuhos na naman ang walang humpay kong pagluha. Pagbalik sa kwarto ay dumapa ulit ako sa higaan upang ipagpatuloy pa roon ang drama. Halos isang oras akong umiiyak nang biglang tumawag si Jhas.
"Hello, Bhe," bungad ko. Nanatili lang akong nakahiga.
"Bhe, umiiyak ka ba? Bakit ganyan ang boses mo?" Napahawak ako sa lalamunan. Wala na akong mailabas na luha sa mga mata pero hindi ko na makilala pa ang boses ko dahil sa pagkamalat. Bwisit! Sisirain ng tsino na iyon ang boses ko.
Dali-dali akong nagtungo sa cabinet para kunin ang vicks. Nagpahid ako sa ilong, ilalim ng ilong, sintido, at lalamunan. Maluha-luha na naman ang mga mata ko nang magsimula na itong uminit sa balat.
"Hindi ako umiiyak. Kakagising ko lang kasi. Bakit ka ba tumawag?"
"Sa akin ka pa talaga magsisinungaling, ano? Oy, huwag ako, Kaoru Torres." Napairap na lang ako. Sabi ko nga. "Come on. Don't tell me na sineryoso mo ang sinabi ko kanina na lumandi ka kagabi kaya ka umiiyak ngayon?"
"H-Hindi noh." Kinagat ko ang pang-ibabang labi. "Pero paano kung... paano kung totoong naging wild ako kagabi?"
"Edi congrats! Welcome to the real world! Isa ka nang ganap na haliparot!" Nailayo ko sa tainga ang cellphone dahil sa lakas ng sigaw niya. Napaka eskandalosa. "Alam mo, Bhe. Huwag ka nang umanib pa sa kulto ni Inang Ariane. Tatandang dalaga ang manang na iyon!"
Napangiti na lang ako saka umiling. Dalawang taon lang naman ang tanda sa amin ni Ariane. Silang dalawa ang unang nagkakilala at nagtrabaho sa Kingdom Café. Unang araw ko pa lang doon ay binalaan na agad ako ni Jhas na huwag makikinig sa ano mang ipapangaral ni Ariane sa akin.
Hindi talaga magkasundo ang timpla ng dalawa. Napaka traditional na babae ni Ariane at kung maghabilin sa amin ay parang nanay. Kaya naisip ni Jhas na tawagin siyang Inang Ariane na sobra naman niyang ikinaiinis.
Bukod sa mga bata sa ampunan ay silang dalawa lang ang naging kaibigan ko. Nasanay na ako na sa tuwing malalaman ng tao ang patungkol sa buhay ko ay lumalayo sila. Para bang namamana ang kalandian at taglay ko na iyon.
Kaya naman nagulat talaga ako nang maging mabait sila sa akin. Mabilis ko silang naka-close at nakagaanan ng loob. 'Di nagtagal ay nagagawa ko na rin silang sabihan ng problema.
"Okay lang humarot kahit minsan, Bhe. Sa akin ka makinig. Ako ang tunay na magdadala sa iyo sa kaliwanagan at kaluwalhatian, hm?" Tinusok ko ng hintuturo ang looban ng tainga. Parang nakarinig ako ng dyablo sa boses niya.
Sabay na lang kaming natawa sa huli. Ganito lang talaga siya magsalita. May pagkabulgar pero hanggang doon lang naman. Conservative pa rin siya at siguradong magwawala rin kapag nalaman niya ang kagagahang ginawa ko. Kabaligtaran ni Ariane na kahit wala pa ay hindi na agad mapalagay ang loob.
"Hindi natin kilala si Reign. Saka tapat ako kay Sir King!"
"Oh! So Reign pala ang pangalan." Nanlaki ang mga mata ko at napatakip ng bibig. Oh s**t! "Hmm, anong apelyido ni bebe boy Reign?"
"H-Hindi ko alam at wala akong pakialam." Siguradong hahagilapin niya sa internet si Reign oras na malaman niya.
"Hay nako! Gwapo ba? Naupuan mo ba ang trono niya? May paulan ba?"
"Jhas! Kadiri ka!" Humagalpak naman siya ng tawa sa kabilang linya. Gusto ko na talagang mangumpisal kay Ariane at humingi ng tawad dahil hindi ako nakinig sa kanyang mga payo at pangaral.
Tinapos ko na ang tawag at nangisay sa sariling higaan. Kung sakaling hindi nakapagpigil si Reign kagabi ay siguradong nangyari na ang sinasabi ni Jhas. Hindi ko matatanggap kung isang estranghero lang ang makakakuha sa akin.
Hindi ko na alam kung paano pa ako muling haharap sa kanya. Hawak niya pa ang gitara ko at kailangan ko siyang puntahan mamaya. At kahit pa magpanggap ako na walang naaalala ay tanda niya ang lahat. Arg, ang hirap!
Pumikit ako at huminga ng malalim. Ngayon ay nagsisisi na talaga ako dahil tinanggap ko pa ang offer ng mga kaibigan niya. Ibabalik ko na sa kanila ang pera at kakalimutan ko nang nangyari ang lahat ng ito.
* * *
"Rain, rain, go away. Lalala lalalala~"
Hindi ako mapakali habang nakasakay sa elevator patungo sa 7th floor nitong condominium. Nakakagat ako sa mga daliri habang patuloy na tumataas yung tinatahak kong palapag. Mag-isa lang ako rito kaya malaya ako na sumigaw.
"Kukunin ko lang si Melody. After nito ay magkakalimutan na kami. Hindi ko siya kailanman nakilala." Napatango na lang ako sa sarili. "Tama, tama. Push."
Bumukas ang pinto ng elevator at bumungad sa akin ang tahimik na kahabaan ng hallway. Lumabas ako at nagsimulang gumawa ng ingay ang aking sapatos.
Sa Room 714 ang unit niya. Ang bawat hakbang na ginagawa ko ay tila katumbas ng bolta-boltang enerhiyang nawawala sa katawan ko. Bubulagta na yata ako sa sahig bago pa makarating sa condo niya.
Inilabas ko sa bulsa ng pedal shorts ang binaon kong face mask at itinakip na ito sa aking bibig. Kailangan kong makasigurado na hindi siya makakaulit ng halik. Dapat siguro ay singilin ko siya sa kiss? s**t, Kaoru.
Pagkarating sa pintuan ng kwarto niya ay kumatok ako ng tatlong beses. Hindi niya ako pinagbuksan kaya inulit ko pero hindi na naman siya tumugon. Pinihit ko ang doorknob, hindi naman naka-lock kaya nasa loob sigurado siya. Sa pagkainip ay pumasok na lang ako basta-basta.
Nanlaki bigla ang mga mata ko nang maabutan siyang hubad. Nakatalikod siya sa 'kin at nakaharap sa salamin. Bago pa man ako makatalikod ay narinig ko na ang pagtawag niya sa pangalan ko.
"K-Kaoru?" Inalis niya sa mga tainga ang earphones na suot at humarap sa akin. Kilala niya pala ako pero kagabi ay hindi niya ako matawag-tawag sa pangalan.
Napalunok ako ng sariling laway nang tumambad sa akin ang kanyang harapan at makita ang pulang pasa sa tiyan niya. Sa palagay ko ay gawa iyon ng suntok ko kaninang tanghali. Masyado yata akong naging marahas sa kanya.
Dahil sa pagkatulala ko ay natauhan siya na wala siyang suot na damit at dali-dali nang kumuha ng T-shirt. Nilihis ko ang tingin sa kanya at hindi maiwasan na makonsensya sa ginawa ko.
"Umm, ime-message pa lang sana kita na hindi mo pa makukuha ngayon ang gitara mo. Medyo matatagalan pa raw kasi ang pag-repair doon."
Natigilan ako sa sinabi niya pero sa huli ay tumango na lang. Dapat pala ay nag-text muna ako bago nagpunta rito. Nasayang ang pinamasahe ko.
"Bakit ka naka-mask?"
Umupo siya sa dining chair at kunot-noo akong inusisa. Napahawak naman ako sa mask at kunwaring natawa.
"Mausok kasi sa daan, hehe."
"Hindi na mausok dito." Iginala niya pa ang tingin sa paligid ng kwarto.
"O-Oo nga." Napalunok ako at pikit-matang tinanggal ang mask. Bakit parang wala lang sa kanya ang mga nangyari? Hindi man lang ba siya nakonsensya dahil hinalikan niya ako pabalik o baka ginusto niya talaga iyon?
Galit dapat ako sa kanya pero ako rin naman ang may kasalanan. Lalaki siya. Natural na matukso siya sa ginawa ko. Kung tutuusin ay matino siya dahil hindi niya ako sinamantala. Kaunti lang. Tss.
"Umm, s-sige. Babalik na--- R-Reign?"
Dali-dali akong lumapit sa kanya nang makita ang dugo na tumutulo sa ilong niya. Hindi niya pa iyon nararamdaman. Kumuha ako sa tissue na nasa gitna ng lamesa saka pinahid ang dugo. Doon ko lang napansin na namumutla siya.
"Ang init mo." Idinampi ko ang likod ng kamay sa kanyang noo at inaapoy na rin pala siya ng lagnat. "Bakit naligo ka pa?" Basang-basa kasi ang buhok niya.
Kinuha niya sa kamay ko ang tissue at siya na ang nagpunas sa natirang dugo sa ilong. Nakatitig lamang ako sa kanya at hindi maiwasang mag-alala habang siya ay parang hindi man lang nagulat.
"Napagod lang ako kanina. Wala ito," seryoso niyang sabi at bahagyang tumalikod sa 'kin habang nagpupunas.
"Magpahinga ka na." Hinawakan ko siya sa braso at inalalayan sa pagtayo. "May gamot ka ba?" tanong ko habang naglalakad kami papunta sa higaan.
"Paabot na lang yung ferrous sulfate. Nasa drawer. P-Please." Nahihiya ang mukha niya dahil sa pag-utos sa akin. Nakaupo na siya sa kutson. Tumango naman ako at kinuha ang gamot sa drawer na tinukoy niya.
"Anemic ka ba?" Kumuha ako ng tubig, pagkatapos ay binigyan na siya ng isang pirasong ferrous sulfate.
"Oo. Thanks." Isinubo na niya ito saka kinuha sa kamay ko ang baso ng tubig.
Kaya pala parang hindi siya nagulat sa nosebleed niya. May mga case talaga ng anemia na nagdurugo ang ilong.
"Kita mo. Nagpumilit ka pang ikaw na ang magpapagawa sa gitara pero mas malakas pa pala ako sa 'yo," ngisi ko. Nakita ko naman na napangisi rin siya ng kaunti. Tulad ng dati ay hindi siya naglabas ng ngipin. Bungal yata ito eh.
"Sorry." Natigilan ako nang tumingala siya sa akin. Napakagat ako sa ibabang labi. s**t. Balak niya bang umamin?
"P-Para saan?" sabay lunok ng laway.
"I think I should tell you what happened last night." Umalon ang adam's apple niya at umawang ang mga labi. "I-It was a---"
"Naaalala ko na," agad kong pagputol sa kanya. Gulat siyang tumingin sa akin. Ramdam ko ang mabilis na pag-akyat ng init sa mukha ko. "K-Kasalanan ko."
Ilang segundong walang nagsalita sa amin. Namumula na ang mga tainga niya at pareho kaming hindi makatingin ng diretso sa isa't isa.
Bahagya akong lumayo sa kanya at kinuha na sa bulsa ang isang libo na bigay ng tatlong abnoy. Inilapag ko ang pera sa bedside table at nakita kong sinundan niya iyon ng tingin.
Sa totoo lang ay hindi ko naman nakuha ng buo ang ibinigay nila. Lahat ng tip na natatanggap namin ay iniipon saka paghahati-hatian. Abonado pa ako.
"P-Pwede bang ikaw na ang magbalik sa kanila? Kalimutan na lang natin ang nangyari. Lasing lang ako at w-wala sa sarili." Langya. Anong klaseng linya iyon? Kalimutan talaga, Kaoru? Paano aber!
Ramdam pa rin namin ang pagkailang sa pagitan ng isa't isa. Sa pagkakatanda ko ay naghalikan lang kami pero bakit parang nakagawa kami ng bata?
Kung tutuusin ay may karapatan pala akong kutusan siya ngayon. Totoo nga ang sinabi niya na natulog lang kami kagabi. Tss. Nag-aabugado pero napaka sinungaling.
Hindi ko kailanman naisip na imbes na kiligin sa first kiss ko ay hihilingin ko na sana ay isa lang iyong bangungot. Kinamot niya ang batok saka dahan-dahang tumango.
"Okay. Still, I'm sorry for what happened." Tumingin siya sa akin ng sinsero. Pinilit ko namang maglabas ng ngiti. "Umuwi ka na. Inform na lang kita kapag makukuha mo na ang gitara." Tumango ako.
"Sige. Pagaling ka."
Itinuntong na niya ang mga binti sa higaan. Tinulungan ko siyang magkumot. Matapos ay umalis na rin ako kaagad.
Pagkalabas ng building ay may nakita akong botika na malapit. Naisipan ko na bilhan siya ng gamot, kahit paracetamol lang. May kasalanan ako kung bakit umatake ang sakit niya. Nang dahil din sa p*******t ko ay nagkapasa pa siya.
Tatlong gamot lang ang binili ko saka pumanhik ulit sa unit niya. Pagpasok ko ay mahimbing na siyang natutulog. Nakakahiya naman kung gigisingin ko ulit para painumin kaya iniwan ko na lang ang mga gamot sa bedside table.
Hindi ko maiwasang pagmasdan ang mukha niya na mamula-mula ang pisngi. Mas nagmukha tuloy siyang baby ngayon. Naaalala ko sa kanya ang mga bata sa orphanage. Kapag may nagkakasakit ay ako rin ang nag-aalaga bilang ate.
Siguro, tama siya. Hindi ko na matatakasan kung sino talaga ako. Na kailangan kong tanggapin ang pagkatao ko, na walang perpektong buhay. Bibigyan at bibigyan ng mundo ang tao ng mga bagay na hindi niya nais sa kanyang sarili.
"See you." Bago umalis ay dumaan ang tingin ko sa isang libo na nakailalim sa cellphone niya. Hindi pa rin pala ito ang huli naming pagkikita.