Chapter 7: Life, Dreams
Palubog na ang araw nang makabalik ako sa apartment. Tatlong kilometro ang nilakad ko mula sa condo ni Reign kaya naman para akong sumali sa marathon run sa dami ng pawis sa noo at leeg ko ngayon.
Isang kanto na lang ang layo ko sa bahay. Natatanaw ko na ito mula sa pwesto ko. Pagtingala ko ay kulay kahel na ang kalangitan. Sandali muna akong huminto para damhin ang sumasalubong na malamig na simoy ng hangin.
Sayang lang dahil hindi ko matanaw ang papakubling araw mula rito dahil sa nakatayong mga gusali. Kung nasa park siguro ay mapapanood ko iyon. Ito ang kaibahan ng Ciudad Sagrada sa Villa Oriente na pinanggalingan ko.
Dahil ito ang kabisera ng probinsya ng Las Tierras ay narito ang malalaking negosyo at mas maraming naninirahan. Lumayo ako at bumuo ng bagong buhay rito, pero may mga pagkakataon na gusto kong balikan ang ilang mga bagay na iniwan ko roon.
"Dito, dito!"
Nanlaki bigla ang mga mata ko nang makita sina Harold at Marky na nakasabit sa ikalawang palapag ng apartment para bumaba.
Lumabas sila mula sa bintana ng kwarto nina Kate at Missy. Pagkababa nila sa lupa ay mabilis silang tumakbo diretso sa kabilang daan kung kaya hindi nila ako nakita. Ano kayang nangyayari? May pinagtataguan ba sila?
Binilisan ko na ang lakad pauwi. Nang makatapat ako sa pinto ng apartment ay narinig ko na ang mga nagsasalita mula sa loob. Hindi lang boses ng dalawang babae iyon. May mga bisita sila.
Napalingon silang lahat sa akin pagpasok ko. Pinasadahan ko naman ng tingin ang mga bisita.
Isang lalaki at babae ang mga ito na medyo may katandaan na. Wari ko ay nasa edad na limampu na sila at mukhang mga magulang ni Kate o Missy. Okay. Kaya pala parang mga dagang nag-evacuate ang dalawang lalaki kanina. Natawa na lang ako sa isipan.
"Uhh, kasama po namin siya rito. Siya si... Kaoru," pagpapakilala sa akin ni Kate at parang ang pait pa ng pagkakabigkas niya sa pangalan ko. Nginitian naman ako ng parents niya.
"Hi, Kaoru," malambing na bati ng nanay niya. Wow. Magkahawig sila pero sana ay hindi magkaugali, tss.
"Hello po. Welcome po sa aming... munting apartment." Tumawa ako ng tikom ang bibig.
Sumulyap ako kay Kate na halatang hindi nasisiyahan sa presensya ko. Si Missy naman ay mukhang nasa kusina.
"Ahh, sige po. Pasok na po ako sa kwarto." Nag-bow ako sa kanila bago nagpatuloy sa paglakad. Isinuot ko na ang susi sa doorknob ng silid at nilingon sila ng isang beses bago pumasok.
Kaagad akong nagpalit muli ng damit na pambahay at pabagsak na humiga sa kutson. Nagkabit ng earphones sa mga tainga at pumikit habang nakikinig ng music. Hindi ko maiwasang mag-imagine na hawak ko si Melody at ini-strum ito na parang totoo.
11th birthday ko nang iregalo iyon sa 'kin sa ampunan. Bata pa lamang ako ay sinasabi na ng mga nag-aalaga sa amin ng mga kasama kong orphan na may talento ako sa pagkanta.
Hindi ako sumasali sa mga school contest dahil wala naman akong nakukuha na ano mang suporta mula sa iba. Kami-kami na mga bata sa ampunan ang tanging magkakakampi.
Tuwing may bagong bata o baby na iniiwan sa shelter ay hindi ko maiwasang maawa at makita rito ang sarili ko. Siguro nga ay may mga magulang na walang pagmamahal sa kaniyang anak.
Nagsisilbi akong ate at tagapagtanggol ng nakakabata sa tuwing may bumu-bully sa kanila na naging karanasan ko. Gusto ko na maging malakas sila at hindi maging tulad ko na parang timang na naniniwala sa mga teorya. Hindi ko kailanman sinaktan o sinugatan ang sarili ko.
Pilit akong nanghahawak sa pag-asa na isang araw ay babalik siya, na babalik ang nanay ko at bibigyan niya ng kasagutan ang mga tanong kung bakit siya umalis at kung bakit niya ako iniwan. Ngunit sa paglipas ng panahon ay namatay na rin ang pag-asang iyon.
Musika ang muling bumuhay ng pag-asa sa akin. Hindi na ang pag-asang babalikan ako, kundi ang pag-asa na kahit mag-isa ay magtatagumpay ako. Kaya nga ginagawa ko ang lahat para kumita ng pera at makapagkolehiyo.
"Kaoru?"
Naputol bigla ang pagmumuni-muni ko nang katukin ako ng nanay ni Kate. Pagbukas ko ng pinto ay nakangiti na naman siya sa akin, bagay na hindi ko inaasahan mula sa pamilya nila.
"Tara. Sabayan mo kami sa hapunan. Nagluto ako ng ulam." Nanlaki ang mga mata at napakurap ako sa sinabi niya.
"P-Po?" Seryoso ba na gusto nilang makasama ako?
"Halika na, anak. Magkwentuhan tayo." Hinila niya ako palabas ng kwarto at wala na akong nagawa kundi sumama sa kanya.
Napatingin ako sa kamay niya na nakahawak sa pulso ko. Bukod kay Mama Theza at sa mga nag-alaga sa amin sa ampunan ay siya pa lang ang tumawag sa akin ng anak. Nakaka-miss na marinig mula sa isang ina ang salitang iyon.
Dinala niya ako sa hapag at pinaupo sa tabi ni Missy. Umupo siya sa tapat ko habang katabi niya naman si Kate. Ang asawa niya ay nakaupo sa dulo ng parihabang mesa sa gilid namin.
Anim ang upuan ng dining table pero hindi pa ako kailanman nakakain dito dahil ipinaubaya ko na sa kanila. Sa karinderya o fastfoods ko na nakaugalian na kumain.
"Oh, ayaw n'yo ba ng niluto ko? Kumain na kayo," tanong ng nanay ni Kate nang wala sa aming tatlo ang kumilos.
Lumingon ako kina Kate at Missy na mukhang mawawalan ng gana ngayon sa pagkain. Ang sarap pa naman ng ulam namin ngayon, sinigang na baboy. Dahil ginaganahan ako lalo kapag naiinis sila ay nanguna na akong sumandok.
"Maraming salamat po sa pa-feeding, mayora. Hmm, ang bango," ngisi ko habang kumukuha ng kanin. Natawa naman silang mag-asawa.
"Kumain kayo ng marami. Naku, ang papayat n'yo lalo ka na, Kaoru. Wala ka yatang kalaman-laman sa katawan." Ibinaba ko ang tingin sa katawan kong sinasabi na walang laman. Ang sexy ko kaya. "Dinadalaw ka ba rito ng mga magulang mo?" Natigilan ako at napatingin sa mga kasama sa bahay.
"Wala po akong magulang. Nanggaling ako sa ampunan," lakas-loob kong pag-amin. Dapat ko nang matutunan sa buhay ang hindi mahiyang ipakilala ang sarili ko. Kung magbabago ang pakikitungo nila, okay lang. At kung sa kabila ng nalaman nila ay matanggap pa rin nila ako, edi lucky me.
Kung pilit kong itatago ang pagkatao ko ay hindi ko makikilala ang totoo sa akin. Dapat ko nang tanggapin na hindi sa lahat ng pagkakataon ay makakakuha ako ng simpatya. Busog na busog na ako sa diskriminasyon kaya balewala na lang sa 'kin kung may dadagdag.
"Talaga? Kilala mo ba kung sino ang tunay mong mga magulang, Kaoru?"
"Hindi po. Sanggol pa po ako noong iniwan ako roon." Ang tanging bagay na hindi ako bukas na sabihin sa iba ay ang tungkol sa nanay ko dahil hindi naman ako sigurado sa pagkatao nito. Bahala na silang mag-isip tungkol doon.
Wala naman talaga akong pruweba na bayarang babae nga ang nanay ko pero wala na akong maisip na ibang sagot. Kahit ang mga tao sa paligid ko ay ganito ang sinasabi.
Ganoon naman talaga ang tao, 'di ba? Hilig na nating pangunahan ang mga bagay na walang malinaw na dahilan dahil nais natin ng paliwanag at kasagutan sa lahat.
Ngunit inaamin ko na mailap pa rin sa akin ang katahimikan. Sa kabila ng mga sagot sa isip ko ay hindi pa rin ako kontento.
"Bilang isang ina, ano po sa palagay mo ang rason niya para iwan ako?"
Matapos ang insidente kagabi ay tila nagbalik ang dating mga katanungan na dala ko na mula nang pagkabata. Mga tanong na nabubuo sa tuwing tinatanaw sa malayo ang mga batang kasama ang kanilang mga magulang.
Kung bakit hindi ako nabuhay ng tulad nila. Kung bakit hindi ko naramdaman ang pagmamahal mula sa sariling kadugo. Kung bakit may kulang sa akin at hindi ko alam kung paano pupunan.
Nagkatinginan silang mag-asawa. Sa huli ay umiling na lang ako at ngumiti. Masyado yata akong napalagay sa kanila at hindi na naisip na mga magulang sila ni Kate.
"Huwag na po nating pag-usapan 'yon. Lumalamig na po ang pagkain." Muli na akong sumandok ng kanin at ulam.
"Kaoru, anak." Natigilan ako nang hawakan ng ginang ang kamay ko. Dahan-dahan akong nag-angat ang paningin. "Ano man ang dahilan ng nanay mo sa pag-iwan sa iyo, bilang isang ina ay alam ko na mahal ka niya. Hindi ka niya isisilang kung hindi."
Ilang segundo kaming nagkatitigan at sa huli ay tumango na lang. Binitiwan na niya ang kamay ko at nagpatuloy na kami sa pagkain.
Pinag-uusapan na nila ang tungkol sa ibang mga bagay, habang hindi pa rin mawala-wala sa isipan ko ang sinabi niya. Sapat na ba ang pagdadala sa akin ng ilang buwan para masabi ko na minahal ako ng nanay ko?
* * *
"Kaoru, pwede ba kitang makausap?"
Nagliligpit na ako ng mga pinagkainan sa lamesa nang lumapit sa akin ang nanay ni Kate na kagagaling sa labas at may hawak na tasa ng kape. Napatingin sa amin sina Kate at Missy na kasama kong naglilinis ngayon.
"S-Sige po, Tita."
Sumalubong sa amin ang malamig na hangin pagkalabas ng apartment. Hindi ako makapaniwala na mabait pa rin silang mag-asawa sa akin sa kabila ng nalaman nila.
Noong bata kasi ako ay may mga magulang na hindi pinapayagan ang anak nila na lumapit at makipagkaibigan sa akin. Bukod sa kwento ng buhay ko ay habulin din kasi ako ng away dahil lumalaban ako sa mga bumu-bully sa akin.
"Umm, dito po ba kayo matutulog? May isa pa pong higaan sa kwarto ko."
"Hindi. Uuwi na rin kami mayamaya."
Ipinatong namin ang mga siko namin sa railings at pinagmasdan ang ibaba. Maliwanag ang kalsada at marami pa ring mga tao ang naglalakad. Sa tapat ng apartment building ay ang Mely's Eatery, doon ako madalas na kumakain. Ang asawa niya ay kasalukuyang may inaasikaso sa sasakyan nila.
Sa kalapit na bayan lang naman sila nakatira pero mahigit isang oras kasi ang byahe kaya nag-apartment na si Kate. BFFs na sila ni Missy noon pa.
"Saan ka nga ulit nagtatrabaho, anak?" tanong niya matapos ang ilang minuto naming katahimikan.
"Sa Kingdom Café po. Dalawang kanto po ang layo mula rito." Hindi ko tuloy maiwasang matakam sa kape dahil sa amoy ng great taste white caramel na may sweet linamnam na hawak niya.
"Wala ka bang plano na magpatuloy sa pag-aaral?"
"Mayroon naman po... pero hindi pa ngayon," tawa ko. "Mag-iipon pa po ako para kahit mag-part-time na lang ako ay sapat pa rin ang kinikita ko."
Nagulat ako nang bigla niyang hagurin ang likod ko. Nakangiti siya habang nakatingin sa akin. Napangiti na rin ako.
"Anong pinag-uusapan ninyo?"
Napaigtad kami sa gulat nang biglang nagsalita ang asawa niya. Nakapanhik na pala ito at hindi namin namalayan. Pasimpleng sinilip ni Tito ang loob ng bahay. Siguro ay upang masiguro na hindi nakikinig sina Kate at Missy.
"Kumusta ba silang dalawa rito? Nag-aaral ba sila ng mabuti?" Tumabi ito sa kabilang gilid ng asawa.
Bahagyang umawang ang mga labi ko sa gulat. Gusto niya akong maging whistle-blower sa ginagawa nina Kate at Missy? Pero sa tono ng boses niya ay parang alam na niya ang sagot pero gusto niya lang marinig mula sa akin.
Pansin ko kanina habang nasa hapag na hindi open si Kate sa kanila. Wala itong masyadong sinasabi tungkol sa pag-aaral. Nagulat ako na kahit hindi ko sila nakikitang nagbabasa dahil sa madalas na pagpunta ng mga nobyo rito ay pasado pa rin ang mga grades nila.
Siguro ay nag-aaral naman sila sa university at masyado lang akong judgmental. Pero para sa tatay niya ay mababa ang dos niyang mga grado.
"Matalinong bata naman iyang si Kate. Valedictorian siya noong high school. Pero ewan ko ba, tila naging pabaya na sa pag-aaral ngayong nagkolehiyo," saad ni Tito. Halata ang pagkadismaya sa mukha niya habang ang asawa naman ay tahimik lang na nakikinig at nasa kalsada ang tingin.
"Umm." Tumingin ako sa bintana ng apartment ngunit hindi ko nasilayan sina Kate at Missy. Naghuhugas na siguro sila ng pinagkainan. "Baka po hindi para kay Kate ang... n-nursing." Napakagat ako sa ibabang labi. Huli na para bawiin pa ang sinabi ko.
Tumingin na rin sa akin si Tita. Alam ko na nursing ang kurso ng dalawang babae dahil nakikita ko minsan kapag nakasuot sila ng uniporme. Naniniwala ako sa calling ng tao.
Kung hindi nagwo-work kay Kate ang nursing ay baka iba ang para sa kanya. At kung gusto niya ang kurso niya ay mag-aaral siya ng mabuti. Sa tingin ko ay napipilitan lang siya rito.
"Kayo talagang mga kabataan ngayon. May nalalaman pa kayong ganyan. Ang dapat na iniisip n'yo ay kung ano ang kurso na makapagbibigay sa inyo ng magandang trabaho, kung ano ang mas in demand at hindi kung ano lang ang gusto n'yo."
"Nasabi po ba ni Kate sa inyo kung ano ang gusto niya?"
"Oo. Mahilig siya magsulat-sulat. Kasama siya sa journalism club ng school noon. Tss. Ano bang klaseng trabaho 'yon."
Bahagyang lumakas ang boses ni Tito at napalunok ako sa kaba dahil baka naririnig na nina Kate at Missy sa loob ang usapan namin. Baka ma-misunderstood pa nila at awayin ako.
"Kung pumayag ako na communication arts ang kuning kurso ni Kate ay mauungusan siya ng iba sa pag-asenso na maganda ang natapos. Sasayangin niya ang talino niya. Pwede niya pa sana ituloy ng medisina kapag naka-graduate na siya sa nursing," patuloy pa nito.
Napakurap ako at mas lumaki pa ang awang ng mga labi ko. Hindi ko alam kung tatango na lang ako o lalaban pa para sa aking opinyon. Alam ko na 'di dapat ako makialam sa paraan nila ng pagiging magulang pero ngayon ay nauunawaan ko na ang rason sa likod ng pagiging rebellious ni Kate.
Nalagay siya sa isang bagay na hindi niya nais. At ngayon ay nauuwi na lang sa wala ang talinong mayroon siya dahil hindi naman niya mahal ang ginagawa niya.
"Sorry po pero... h-hindi naman po sa pera nasusukat ang tagumpay ng isang tao," lakas-loob kong sabi.
Nasa unang taon pa lang siya ng kolehiyo at hindi ko alam kung hanggang saan pa siya dadalhin ng kanyang emosyon. Napatunayan ko rin kanina na wala silang ideya na may boyfriend na ang anak nila.
"Totoo po na mahalaga ang pera... pero hindi naman po kailangan na gawin pa itong paligsahan. Kaya pong bigyan ng pera ang tao ng secured na buhay... pero sa tingin n'yo po ba ay magiging tunay na masaya si Kate doon?"
Kita ko sa mga mata ni Tita na sang-ayon siya sa sinabi ko. Pero batid niya na hindi niya dapat kontrahin ang naging desisyon noon ng asawa bilang ito ang padre de pamilya.
"Wala po ba kayong tiwala sa kakayahan ng anak ninyo na kaya niya ring magtagumpay habang ginagawa ang talagang nagpapasaya sa kanya?"