Chapter 8: The Story
Naghintay ako ng malupet na sapak para sa pagkontra ko kay Tito ngunit sa huli ay natulala lang sila. Sa tingin ko ay naunawaan nila ang gusto kong iparating. Muli kong nilingon ang looban ng bahay pero bigo pa rin akong makita sina Kate at Missy.
Sa kabila ng hindi magandang pakikitungo nila sa akin ay gusto ko silang maunawaan. Huminga ako ng malalim ay muling nagsalita habang nasa bintana pa rin ang atensyon.
"Wala pong masama sa paghahangad ng mabuting kinabukasan para sa anak... pero baka po sa pagpupumilit ninyo sa kanya sa bagay na hindi niya gusto ay naisasakripisyo na pala ang relasyon ninyo sa kanya. Baka hindi n'yo po namamalayan na lumalayo na ang loob niya."
Ibinalik ko na ang tingin sa kanila na tila natigilan sa sinabi ko. Alam ko na napapansin nila ang pagiging mailap ni Kate ngunit hindi nila malaman ang gagawin.
Sa kabilang banda ay may kasalanan din ang anak nila. Dahil imbes na mag-open up siya at kausapin ng maayos ang magulang ay idinaan niya sa pagrerebelde.
"Sa totoo lang, marami po sa mga estudyante ngayon ang hindi pa sigurado sa larangang gusto nilang tahakin. Kumukuha lang ng kahit anong kurso dahil wala silang maisip na gusto sa hinaharap. Hindi po ba dapat ay maging masaya kayo dahil alam ni Kate kung ano talaga ang gusto niya?"
Lumihis ng tingin si Tito at bumaling sa kalsada nang walang binibitiwang salita. Hindi ko makita sa mukha niya na galit siya dahil sa sinabi ko, kundi nakikita ko na napaisip siya. Unti-unting ngumiti si Tita at nanlaki ang mga mata ko nang yumakap siya sa akin saka bumulong.
"Pwede ba, ikaw muna ang bahalang tumingin sa kanila para sa amin habang wala kami? Kaoru?"
"O-Opo, Tita." Niyakap ko na rin siya pabalik.
Nanatili kami sa labas ng apartment ng ilang minuto hanggang sa magpasya na silang umalis. Hiningi ni Tita ang numero ko dahil gusto niya pa rin kaming magkaroon ng komunikasyon, at para makumusta ang anak nila.
Pagbalik ko sa bahay ay bumalik na ulit ang sigla ng dalawang babae. Pero kumpara sa inis na araw-araw kong tinitiis sa tuwing maririnig ang ingay nila, iba na ang nararamdaman ko ngayon.
Gustung-gusto ko noon na magkaroon ng pamilya. Higit sa lahat ay ito ang pangunahin na dapat sumuporta sa isang tao. Pero minsan, kung sino ang inaasahang susuporta ay ito pa pala ang hahadlang sa kanyang pangarap.
* * *
"OMG! Sahod na bukas!"
Lumayo kami ni Ariane ng isang hakbang kay Jhas dahil sa biglaan niyang pagtili nang lumabas ang customer na nag-takeout ng milktea. Alas dos na ng tanglahi at madalang na ang bumibili sa ganitong oras. Mamayang alas kwatro pa dadagsa ulit ang mga tao.
"Baka ubusin mo 'yang pera mo sa date n'yo ni Dan ah. Nag-iipon ka pa ba ng pang-college mo?" seryosong tanong ni Ariane.
"Oo naman! Nagkasundo kami na two times lang kami magda-date sa isang buwan. Basta sabay-sabay dapat tayo ah?" saad naman ni Jhas na prenteng nakapatong ang siko sa bintana ng kusina. Hinayaan ko na lang silang mag-usap na dalawa. Kinuha ko yung walis at dustpan para maglinis.
Pareho kaming hibang ni Jhas kay Sir King pero may boyfriend siya sa lagay na 'yan. Last month lang naging sila ng kawawang nilalang. Mabuti na lang dahil nabaling sa iba ang atensyon niya, kaysa naman lalaki pa ang ikasira ng pagkakaibigan namin. Charot.
Lahat kaming mga empleyado rito ay produkto ng kahirapan. Magkaedad kami ni Jhas at pareho kaming senior high pa lang ang natatapos. Si Ariane naman ay mas matanda ng dalawang taon sa amin.
Nakaabot na siya ng dalawang taon sa kolehiyo, pero natigil siya sa pag-aaral nang magkasakit ang tatay niya at hindi na sila kayang pag-aralin ng sabay-sabay ng mga kapatid niya.
Si Mike at ang kasama niya sa kitchen ay high school lang din ang natapos. Sa gabi ay may part-time student na kasama si Ariane sa counter pero ayon sa kanya ay masyado itong detached. Nakasama ko na ito nang minsang nagpalit kami ng shift at talagang introverted nga ito.
Halos pare-pareho kami ng istorya. Ang kaibahan lang, sila, may kasamang pamilya na sumusuporta. Ako, mag-isa.
Pagbalik ko sa counter ay nakita kong nakasunod sa galaw ko ang dalawa. Tinaasan ko naman sila ng kilay saka rarampa-rampa silang hinarap na may kasamang pagpaltik ng buhok.
"What?" tanong ko at lalo pang itinaas ang kilay. Pinasadahan naman ako ng mga mata nilang mapangkutya.
"Wala ka pa rin bang naaalala?" Umabante si Jhas at nakipagtagisan sa pagtaas ng kilay. Para kaming mga spoiled brat na estudyante na nagkasalubong ng landas sa hallway. Si Ariane ay napapatakip na lang ng mukha at napapailing.
Nauna akong sumuko dahil ipinaalala na naman ng tanong niya ang nangyari noong isang gabi. Kinagat ko ang ibabang labi at iniwasan sila ng tingin.
"s**t! Anong naalala mo?!" Pumwesto sila sa magkabilang gilid at kumapit sa mga braso ko. Napabuga ako ng hangin. Kilala na talaga nila ako. Dapat pala ay umiling na ako kaagad.
Napakislot ang mukha ko at napapikit nang muling maalala kung paano kami naglaro ng apoy ni Reign. Umabot ng halos isang minuto iyon at kamuntik pang umabot sa hubaran kung hindi siya natauhan.
Sinong matinong babae ang gagawin iyon sa lalaking hindi niya kilala? Gusto ko na namang maglupasay.
"Walang hiya ang lalaki na 'yon. Anong ginawa niya?" nag-aalalang tanong ni Ariane at hinagod-hagod ang likod ko. Bigla naman akong natawa na ikinataka ng mukha niya.
"Ako talaga ang may ginawa sa kanya. H-Hinalikan ko siya." Napapukpok ako sa mesa ng counter saka magkasabay na tumawa at umiyak. Sa huli ay nakatikim ako ng mahinang sapok kay Jhas. Nakisabay siya sa pagtawa ko. Si Ariane naman ay parang napapadasal na sa isipan.
"Lakas ng topak mo, Bhe! Eh tama nga ako. Ano? Masarap ba, masarap ba?!"
"M-Mesherep." Tumango-tango pa ako sabay pahid sa huling patak ng luha. Napatili at halos mawalan naman kami ng balanse nang biglang hinila pababa ni Ariane ang buhok namin ni Jhas.
"Seryoso na ang usapan, idinadaan n'yo pa rin sa kalokohan!" sermon niya.
Nakanguso kaming humarap sa kanya habang napapakamot sa anit na feeling namin ay naalis na sa lakas ng pagkakahitak. Kapag may problema kami ay idinadaan na lang namin sa mapagpanggap na tawa ni Jhas. Mas madali para sa amin ang ganoong paraan, bagay na ikinaiinis ni Ariane.
Para sa kanya, kung ano ang talagang nararamdaman ay iyon ang dapat na ipakita. Sumasang-ayon naman kami sa kanya. Minsan, inaakala ng tao na ayos lang ako kahit na ang totoo ay hindi dahil iba ang ipinapakita ng ngiti.
Naglakad ako patungo sa mahabang upuan sa sulok ng counter. Sumunod sila at umupo sa magkabilang gilid ko. Seryoso na ang itsura namin. Ikinwento ko sa kanila ang mga pangyayari na naalala ko.
Inamin ko na inakala kong si Sir King ang natawagan ko imbes na si Jhas. Sa huli ay si Reign ang dumating at hindi ko na kontrolado ang sumunod kong ginawa. Nagising ako sa higaan nito at walang maalala. Hindi sila makapaniwala sa kalandiang taglay ko. Naawa pa nga sila sa sinapit ni Reign.
Natatandaan ni Jhas ang apat na lalaking nangulit sa akin noong sabado pero hindi na niya masyadong naaalala ang mga itsura nila. Hindi naman daw ako nalugi kung sino man si Reign sa magtotropa dahil nakita niyang mga gwapo ito. Walangya!
"Baka paraan na iyan ng tadhana para tumigil ka na sa kabaliwan mo. Baka si Reign na ang forever mo, Bhe!" sabay hampas ni Jhas sa braso ko.
"Shut up, Jhas. Hindi ako unfaithful kagaya mo."
"Tigilan n'yo nga iyan. Ikaw, Kaoru, kailangang panagutan ng Reign na iyan ang nangyari sa inyo!" Nanlaki ang mga mata namin ni Jhas at gulat na tumingin kay Ariane. Walang bahid ng pagbibiro sa mukha niya. Panagutan?
Magsasalita sana ako nang bigla niyang tinakpan ng palad ang bibig ko. Natulala siya habang may tinitignan sa likuran namin ni Jhas.
Paglingon namin ay para kaming inakyatan ng mainit na dugo sa ulo nang makitang nakasilip ang kalahati ng katawan ni Sir King. Sabay-sabay kaming napatayo at naghiwa-hiwalay ng landas pero natigilan kami nang bigla siyang tumawa.
"Ituloy n'yo lang ang usapan. Tungkol saan ba 'yan? Baka naman pwede n'yong i-share sa akin," nakahalukipkip at nakangiti niyang sabi. Nagpalitan naman kami ng tingin at saka tumawa na parang tinatawag ng kalikasan.
"W-Wala po iyon, Sir," iling ni Jhas. "G-Gusto mo po ba ng milktea, Sir?"
"No. Umm..." pagtanggi niya. Huminto ang tingin niya sa akin. "I need you in my office, Kaoru. May ipagagawa lang ako sa 'yo." Ngumiti ulit siya ng hindi na labas ang mga ngipin at tumalikod na.
Pare-pareho pa kaming napahawak sa dibdib at nakahinga ng maluwag. Hindi naman nagagalit sa amin si Sir, sa katunayan ay palabiro siya.
Pero ayaw naming abusuhin iyon. Hindi rin namin tantiya kung hanggang saan lang siya bibiruin. Mukhang ayos lang naman na nakita niya kaming nagchichikahan.
Sumunod na ako kaagad kay Sir. Hindi masyadong nakasara ang pinto ng opisina niya kaya pumasok na ako ng hindi kumakatok saka ito isinara na ng tuluyan.
Napatingin ako sa mahabang lamesa na nasa gilid ng kwarto. Doon nakaimbak ang mga folder at document. Naroon din ang isang nakabukas na laptop at may upuan sa tapat nito. Ibinalik ko ang tingin kay Sir King na kasalukuyan na may tinitignan sa iPad.
Naka-sick leave siya ngayong araw sa bangko pero pumasok pa rin sa trabaho niya rito. Wala siyang kinuhang manager. Kadalasan ay alas singko na siya nakakapunta rito pagkagaling niya sa trabaho at sandali ko na lang siya nakikita. Sobra siyang dedicated sa career.
Hindi namin siya nakikitang nakikipag-date o nagpakilala man lang ng babae sa amin. Naka-focus lang siya sa isang bagay at hindi man lang binibigyan ng pansin ang ibang mahalagang parte ng buhay, katulad ng pag-ibig. Hay. Agad siyang mapapanot niyan eh.
"Sir, ano po yung ipagagawa mo sa akin?" itirada ko. Nanatili lang akong nakatayo sa may pintuan.
"Umupo ka muna roon. Sandali lang ito," tukoy niya sa upuan na nasa tapat ng laptop habang nasa iPad pa rin ang tingin. Tumango ako kahit hindi niya nakikita at nagtungo agad sa upuan. "Pwedeng maghubad ka muna ng apron at cap para komportable kang makagawa."
Pumintig ng malakas ang puso ko nang marinig ang salitang maghubad. Napapikit ako. Sa dinami-rami kasi ng salita ay iyon pa. Naalala ko tuloy ang usapan namin kanina. Arg! Hindi na ako natutuwa sa epekto ni Reign sa 'kin.
Nakipagtitigan na lang ako sa screen ng laptop. Nakabukas ang isang software na QuickBooks, sa tingin ko ay ito ang tatrabahuhin ko ngayon. Inalis ko na sa ulo ko ang cap, iniwan kong nakasuot ang apron.
"ABM ang track mo sa senior high, 'di ba?" Napalingon ako nang magsalita si Sir.
"O-Opo," pagsang-ayon ko.
"So I assume na may alam ka kahit na paano sa bookkeeping?" Napalunok ako nang tumingin siya sa akin. Sumagot na lang ako ng tango. "Good. I want you to encode these reports. Hindi kasi nag-sync ang dating POS system na gamit natin sa QuickBooks so it needs to be recorded manually."
Tumayo na siya at lumapit sa 'kin bitbit ang tatlong folder. Natulala naman ako dahil sa mga alien language na sinabi niya. Ha?
"S-Sir---"
"Relax lang. Madali lang ito. Ie-explain ko sa 'yo," natatawa niyang pagputol sa akin. Nahalata niya siguro na bigla akong na-tense. Hindi ko naman kasi alam kung ano 'yong pinagsasabi niya bukod sa POS system. Ngayon ko lang din na-encounter itong QuickBooks.
Dinala niya sa tabi ko ang swivel chair niya at sa loob ng halos sampung minuto ay nabusog ako ng kanyang malamig na boses. Paano kaya kung si Sir talaga ang natawagan ko? May mangyayari kaya sa amin? s**t. Hindi ako mapapatawad ni Ariane sakaling nag-commit ako ng premarital s*x.
"Oh 'di ba, madali lang," asar niya nang matapos akong turuan. Tumango na lang ako habang nakakagat-labi.
Ngayon lang kami nagkalapit ng halos isang dangkal. Kailangan kong magtimpi sa matinding udyok ng tukso. Hindi ko siya pwedeng lafangin dito.
"B-Bakit tumatawa ka?" Napatakip ako ng bibig. Hindi ko namalayan na natatawa na pala ako dahil sa mga kahibangan ko.
"W-Wala po, Sir." Tumikhim ako at pilit na pinaseryoso ang mukha. Ramdam ko ang paglaki ng mga butas ng ilong.
"Sige. Gagawin ko na rin ang iba pang monthly reports." Tumayo na siya, hitak ang swivel chair pabalik sa table. "Umm, by the way. Y-You should have told me na nagdadalang tao ka."
Nanlaki bigla ang mga mata ko at gulat na napalingon sa kanya. Ano?!