Chapter 1
Lj Legson
"Ma'am Lj, hindi ko po talaga alam na may sira yung mga na-deliver na device sa isang mall," takot na takot na paliwanag ni Cess sa akin. Ngunit isa sa mga pinakaaayaw kong ugali ng empleyado ay ang pagiging pabaya.
"You are fired!" Isang malakas na sigaw ang namutawi sa aking bibig. Wala na akong pakialam kahit pa makita o marinig ng ibang empleyado.
Halos lahat ay napatingin sa direksyon ng opisina ko. Sinamaan ko sila ng tingin, dahilan upang agad silang bumalik sa kani-kanilang trabaho.
"Hala, hindi naman kasalanan ni Cess 'yun. Baka nagkadepekto na talaga doon sa mall," dinig kong bulong ng isa.
"Kaya nga, baka gawa-gawa lang ng mall para makadiscount sila."
"Or baka may nanabotahe ng produkto."
"Baka kasi nahulog nung nag-pick-up doon."
Kaniya-kaniyang opinyon ang mga empleyado, pero binalewala ko iyon.
Hindi ko na matandaan kung ilang empleyado na ang natanggal ko sa kumpanya. Konting pagkakamali lang, agad ko silang inaalis. Oo, ganito ako kalupit. Ayaw kong matulad sa ibang boss na nauuto ng mga empleyado. Gusto kong manatili ang takot at respeto nila sa akin.
Luhaan si Cess nang lumabas sa opisina. Dire-diretso siyang kumuha ng gamit niya at umalis. Kasabay nito ang paglabas ko, dahilan upang magsibalikan ang lahat sa kanilang mga cubicle.
Isang masamang tingin ang iginawad ko sa kanila bago tuluyang umalis.
---
Sa dami ng empleyado sa opisina, tanging sina Vhiel at Rich lang ang gusto kong kasama. Sila lang ang nakakaintindi sa ugali ko.
Dahil malapit lang ang coffee shop ni Rich, doon ako nagtungo upang magpalamig ng ulo.
"Isang iced coffee," seryoso kong utos sa barista bago naupo sa pinakagilid ng shop.
"Seryoso natin ah," komento ni Rich sabay lapag ng in-order ko. Bumuga ako ng hangin at inirapan siya.
"Anong problema?" tanong ni Vhiel, na biglang sumulpot sa likuran ko. May hawak siyang laptop at umupo sa harapan ko.
"Bigyan mo ako ng hot black coffee," sabi niya sa barista bago muling tumingin sa akin.
"Ano nanaman nangyari sa opisina mo? Mukha ka nanamang pinagsakluban ng langit at lupa," tanong niya.
"Kaya nga. Ano bang nangyari?" dagdag ni Rich.
Napabuntong-hininga ako. Alam kong hindi sila titigil hangga’t hindi ko sinasabi ang dahilan.
"May tinanggal na naman akong isang empleyado," malamig kong sagot.
Tumaas ang kilay ni Vhiel, habang si Rich ay napailing.
"Ano bang bago dun?" natatawang wika ni Rich.
"Brad, hindi ka na naawa sa mga tauhan mong inaalis mo. Baka mamaya wala ka nang makuhang empleyado dahil diyan," seryosong tugon ni Vhiel.
Napabuntong-hininga na lang ako at tumingin sa labas ng coffee shop.
---
Kinagabihan, tumawag si Mama.
"Ma, hindi ko na kailangan ng bagong secretary. Kaya ko na mag-isa. Dadagdag lang siya sa stress ko!" iritado kong sagot sa telepono matapos kong tanggalin si Cess.
"Huwag kang mag-alala, iha. Magaling 'tong empleyado kong ipapadala sa'yo. Ako ang magpapasahod, kaya wala kang karapatang tanggalin siya."
"Ma, naman!" reklamo ko.
"Bukas darating siya diyan."
Magsasalita pa sana ako pero binaba na niya ang tawag.
---
Kinabukasan, habang naglalakad ako sa lobby, narinig ko ang tanong ng isang babae.
"Hi, Miss. Saan po dito ang opisina ni Ms. Lj Legson?"
Tumigil ako at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Mahaba ang kanyang buhok at hindi naman siya katangkaran. Nakahalukipkip akong tumitig sa kanya.
Lumingon siya sa direksyon ko, at halata sa mukha niya ang gulat nang mapansin niya ako.
"Are you done?" mataray kong tanong.
"Huh? Saan po, Ma'am?" natataranta niyang sagot, sabay napalunok.
"Tapos ka na bang titigan ang katawan ko?" taas-kilay kong tanong.
"Ehe... Pasensya na po. Ako po pala si Esther May, ang pinadala ni Ma’am Sandra para tumulong sa kumpanya," nahihiya niyang sagot.
"Mabuti naman at dumating ka na. Sumunod ka sa opisina," utos ko nang walang lingon.
---
Sa loob ng opisina, seryoso kong tinanong siya. "Anong alam mong trabaho mo dito sa JRV Cellphone Company?"
Nakipagtitigan siya sa akin bago sumagot, "Wala po akong alam sa kumpanya, Ma'am. Basta sabi ni Ma’am Sandra, kayo na raw ang magde-discuss kung ano ang gagawin ko."
May maliit na ngiti sa kanyang labi na lalong nagpakunot ng noo ko.
Nagsasalita pa sana ako nang biglang tumunog ang telepono.
"JRV, hello," malamig kong sagot.
"Ms. Lj, kailan ba darating ang order namin? Tatlong araw na mula nang ipasa namin ang form," iritadong tanong ni Ms. Choi sa kabilang linya.
"Inaayos na po namin, Ma’am. Mamaya po darating na diyan."
"Siguraduhin mo, Ms. Lj, kung ayaw mong bawiin ko!" banta niya bago ibinagsak ang telepono.
Galit akong tumawag sa staff. "Maureen!"
Agad siyang pumasok sa opisina. "Ma’am, bakit po?"
"You are fired!" galit kong sigaw sabay hagis ng mga papeles sa mesa.
"Ma’am, wala po akong ginagawang mali," umiiyak niyang sagot.
"Umalis ka na ngayon. Hindi ko kailangan ng empleyadong puro katangahan ang alam!"
"Ikaw," sabi ko kay Esther May, "ayusin mo 'yang mga papeles. Siguruhin mong magkakasunod ang petsa."
"Hinagis tapos ipapaayos," narinig kong bulong niya.
"Anong sinabi mo?" tanong ko, sabay irap sa kanya.
"Wala po, Ma’am. Aayusin ko po," nakangiti niyang tugon.
Sa unang pagkakataon, may empleyadong hindi natakot sa akin. May maliwanag na ningning sa kanyang mga mata na tila hinahamon ako.
Habang pinapanood ko siyang inaayos ang mga papeles, napansin ko ang pagiging maayos at mabilis niyang kumilos. Hindi man siya pamilyar sa trabaho, halatang sanay siya sa sistema.
"Ma'am, tapos na po," sabi niya matapos ang ilang minuto. May kakaibang kumpiyansa sa kanyang boses.
"Kabibilib. Pero huwag kang magkamali. Isa lang, at pareho kayong lalabas ni Maureen dito," malamig kong tugon.
"Ayaw ko rin pong magkamali, Ma'am. Ayoko rin pong mawala ng trabaho," diretso niyang sagot habang tumingin sa akin. May halong bahid ng tapang at katapatan ang kanyang sagot na lalong nagbigay sa akin ng interes sa kanya.
Matapos ang usapan, iniwan ko siyang mag-isa sa opisina. Ngunit habang papalabas ako, nakita ko siyang bahagyang ngumiti. Ano ba ang iniisip ng babaeng ito? Bakit hindi siya natatakot sa akin gaya ng iba?