LJ LEGSON
Sa sumunod na mga araw, naging mas aktibo si Esther May sa opisina. Mabilis siyang nakibagay sa trabaho, at tila hindi siya naapektuhan sa malamig kong trato. Sa bawat galit ko sa ibang empleyado, naroon siya, tahimik ngunit nagmamasid.
Isang araw, habang abala akong nakatuon sa report ng kumpanya, bigla siyang pumasok sa opisina nang hindi kumakatok.
"Ma’am, may nais po akong ipakita," sabi niya habang inilalapag ang isang folder sa mesa.
"Ano ito? At bakit ka hindi kumatok?" malamig kong tanong.
"Pasensya na po. Pero ito po ang nakita ko sa mga files. Mukhang may mali sa distribution records," aniya habang tinuturo ang isang column sa dokumento.
Tiningnan ko ang papel at napansin ang isang error na maaaring naging dahilan ng pagkalugi namin sa ilang branches.
"Sinong gumawa nito?" galit kong tanong.
"Hindi po ako sigurado, Ma’am, pero iniisa-isa ko na ang lahat ng files. Baka po makatulong ito sa problema ng kumpanya," seryoso niyang sagot.
Sa unang pagkakataon, napatigil ako. May kakaiba sa kanya. May gusto siyang patunayan.
"Magaling. Pero siguraduhin mong tama ang lahat," sabi ko, ngunit sa loob ko, napahanga ako. Sa kabila ng lahat, tila may natutuklasan akong bagong pag-asa para sa kumpanya.
Dalawang araw na simula nang dumating si Esther May, o mas kilala sa opisina bilang Emay. Ang daming nangyari sa maikling panahon, pero ang isang bagay na hindi nagbabago ay ang tigas ng ulo at kakapalan ng mukha niya. Hindi ko matandaan kung kailan huling may empleyado na hindi natatakot sa akin, pero itong babaeng ito, tila hindi marunong magpasindak.
"Emay!" tawag ko habang pinupunit ang isang dokumento na mali ang pagkakagawa. Agad siyang pumasok sa opisina, dala ang notebook na parati niyang hawak-hawak.
"Yes, Ma'am?" kalmado niyang tanong.
Itinapon ko ang mga punit na papel sa mesa niya. "Ito ba ang klase ng trabaho na gusto mong ipakita sa akin? Napakababa ng kalidad! Sino'ng gumawa nito?"
Tiningnan niya ang mga papel at binasa nang mabilis. Ilang segundo lang ang lumipas bago siya tumingin pabalik sa akin.
"Ma’am, hindi po ako ang gumawa niyan. Kay Maureen po ‘yan, pero nagkataon lang na napunta sa akin matapos niya umalis," diretso niyang sagot. Wala ni katiting na kaba sa boses niya.
"Excuses." Tumayo ako at dumiretso sa kanya. "Sa opisina ko, walang nagpapasa ng trabaho nang hindi muna sinisigurado ang bawat detalye. Hindi ko pakialam kung hindi ikaw ang orihinal na gumawa. Sa oras na mapunta ‘yan sa desk mo, responsibilidad mo na 'yan. Naiintindihan mo ba?"
"Yes, Ma'am," mabilis niyang sagot, ngunit nakita ko ang liwanag sa kanyang mga mata—parang hindi siya nasindak.
"Huwag kang ngumiti," madiin kong sabi. "Ayusin mo ‘yan bago matapos ang araw, o pareho kayo ni Maureen na lalabas dito."
"Yes, Ma'am," muli niyang sagot. Tumalikod siya nang walang kahit anong pag-aalinlangan at lumabas ng opisina.
Ano bang problema ng babaeng ito?
---
Matapos ang isang oras, nagkaroon kami ng emergency meeting kasama ang ilang department heads. Gusto ko nang ibagsak ang buong sales report sa kanila dahil sa dami ng problema, pero nagulat ako nang si Emay ang nagboluntaryong mag-present.
"Ma’am, pwede po bang ako na ang mag-discuss nito? May mga notes po ako sa mga discrepancies," sabi niya habang hawak ang laptop at isang folder.
Tiningnan ko siya nang masama. "Bago ka makialam, siguraduhin mong tama lahat ng sasabihin mo. Kung may mali, ikaw ang papasan ng lahat ng problema. Naiintindihan mo?"
Tumango siya. "Yes, Ma'am."
Habang nagpe-present siya, hindi ko maiwasang mapansin ang linis ng pagkakagawa ng slides niya. Lahat ng detalye, maayos, at parang pinag-isipan. Habang nagtatagal ang meeting, napansin kong dahan-dahang tumatahimik ang mga department heads—lahat sila nakikinig sa bawat sinasabi niya.
"Ma’am, based on my analysis, ang discrepancies po sa sales ay dahil sa over-ordering ng isang branch na hindi naman nakukuha ang projected demand. I propose na limitahan muna ang stocks na pinapadala sa mga underperforming stores habang nagpapalakas tayo ng marketing strategies sa mas malalakas na branches."
Tahimik ang buong room. Ni hindi ako makapagsalita. She’s actually good.
"Approve," sabi ko sa dulo ng presentation niya, pero hindi ko ipinakita sa kanya na impressed ako. Tumango lang ako at itinuro ang mga department heads. "Sumunod kayo sa plano niya. Gusto ko ng report sa akin by end of the week."
Pagkalabas ko, narinig ko pa ang papuri ng ilang empleyado sa kanya.
"Ang galing mo kanina, Emay," sabi ng isa.
"Oo nga! Ang linaw ng mga sinabi mo."
Hindi ko alam kung bakit, pero naiirita ako sa atensyong nakukuha niya.
---
Kinabukasan, sinimulan ko na ang planong subukan siya nang husto.
"Emay, gawin mo itong filing system. I-rearrange mo lahat ng files sa opisina mula noong 2020. Gusto ko alphabetical at chronological ang pagkakaayos. Deadline mo mamayang alas-singko."
Tumango siya. "Yes, Ma'am."
Pagbalik ko bago mag-alas-singko, nakita ko siyang kalmado pa rin habang nakatayo sa tabi ng filing cabinet.
"Done, Ma'am," sabi niya.
Sinilip ko ang mga drawer. Lahat maayos, walang kahit anong palpak. Hindi ko alam kung paano niya nagawa iyon sa loob lang ng isang araw.
"May mali ka ba nakita?" seryoso niyang tanong.
"Hindi pa ako tapos mag-check," malamig kong sagot. Pero sa totoo lang, wala akong mahanap na butas.
---
Isang gabi, sinabi kong sasama siya sa isang dinner meeting para mag-take notes. Alam kong hindi niya alam na ang meeting na iyon ay kasama ang pinakamahirap kausap na kliyente ng kumpanya.
Habang nasa meeting, sinadya kong siya ang ipa-explain sa isang proposal na hindi pa niya nababasa.
"Emay, ikaw ang mag-explain sa kanila ng detalye," utos ko.
Nagulat siya, pero hindi siya nagpakita ng takot. Tumayo siya, binasa ang mga papel na nasa harap niya, at nagsalita.
Sa bawat sagot niya, halatang pinag-iisipan niya ang mga sagot kahit kulang ang impormasyon na nasa kanya. Sa dulo ng meeting, natahimik ang kliyente.
"She’s good," sabi ng kliyente. "I think we’ll proceed with this."
Habang pauwi, hindi siya nagsalita. Pero alam kong nararamdaman niyang sinusubukan ko siya.
---
Noong isang araw, sinadya kong bigyan siya ng doble ng workload niya—mga trabahong hindi naman niya responsibilidad. Gusto ko siyang magkamali. Gusto kong makita kung hanggang saan ang pasensya niya.
"Emay, gusto kong tapusin mo lahat ng ito ngayong araw," sabi ko habang tinatambakan siya ng mga folder.
"Yes, Ma'am," kalmado niyang sagot.
Pero noong hapon, napansin kong wala pa rin siyang tigil sa pagtatrabaho. Kahit haggard na ang mukha niya, hindi siya tumigil.
Alas-sais na, pero nakita ko pa rin siyang nagta-type sa kanyang computer. Lumapit ako sa kanya.
"Emay, bakit ka pa nandito? Wala ka bang buhay?" tanong ko.
Ngumiti siya sa akin. "Gusto ko lang po tapusin ang trabaho ko, Ma'am. Ayokong may maiwang problema para bukas."
May kung anong kumirot sa loob ko. Pero agad kong binalewala iyon.
---
Sa mga sumunod na araw, napansin ko ang malaking pagbabago sa takbo ng opisina. Mas naging maayos ang sistema, at tila lahat ng empleyado ay may bagong sigla sa pagtatrabaho. Hindi ko alam kung bakit, pero alam kong may kinalaman si Emay dito.
Sa wakas, napilit niya akong tanggapin ang katotohanan. Kahit anong subok ko, kahit anong hirap ang ibigay ko, hindi siya natitinag. Hindi niya ako sinusubukang magustuhan, pero binibigyan niya ako ng rason para siya’y respetuhin.
Minsan, habang tinitingnan ko siya mula sa bintana ng opisina ko, napaisip ako. Maybe she’s exactly what this company needs. Maybe she’s what I need.
Pero hindi ko siya bibigyan ng pagkakataong makita iyon. Hindi siya dapat magpahinga, hindi habang nandito ako. At hindi habang siya ang dahilan kung bakit unti-unti akong nagiging mas mabuting boss—kahit hindi ko pa siya sinasadyang gustuhin.