Esther May
Abala ang lahat kaya, maging ako, inabala ko na din ang sarili. Hinayaan ko na lang muna ang CP ko kay Ma'am LJ.
Chineck ko ang schedule nito. Kumatok ako ng tatlong beses.
"Ma'am, ngayon darating yung mga order n'yo ng casing ng CP mula sa Thailand, and may meeting ka kay Mr. Martinez mamayang 4 PM sa RJV restaurant." Nag-angat lang ito ng tingin pero seryoso pa rin ang mukha.
Akmang tatalikod na ako ng hawakan niya ang kamay ko, dahilan para magulat ako.
"You come with me." Agad din niya akong binitawan, na akala mo'y nakuryente sa kanyang ginawang biglaang paghawak.
"Okay, Ma'am. Basta po, patungkol po sa RJVCC." Kununot ang noo nito at bahagya itong lumapit sa akin. Itinukod ang palad sa mesa, dahilan para mapaatras ako dahil sa lapit ng mukha nito.
"Anong tingin mo, makikipagharutan ako kay Mr. Martinez?" Pinandilatan niya ako.
"Erm, eh Ma'am, wala po akong sinasabing ganyan. Sige po, maghihintay na lang ako mamaya." Ngiti ko dito. "Pwede na po ba akong bumalik sa trabaho?"
Hindi na siya kumibo at muling umupo at tumingin sa screen ng laptop.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko pagkalabas ng opisina. Lahat sila nakatingin sa akin.
"Kaya pa ba?" tanong ni Adrian.
"Kakayanin." Nakangiti kong tugon.
Naging abala ulit ako sa aking mga ginagawa.
"Emay, maghanda ka na daw. Sasama ka kay Leona sa meeting niya." Napamaang ako sa sinabi nito.
"Huh? Sinong Leona?" Sabay-sabay silang nagtawanan.
"Eh sino pa? Edi si Boss LJ. Diba, pag lalaki, leon, edi pag babae naman, Leona?" Sambit ni Adrian, sabay nagtawanan.
"Are you making fun of me?" Agad namang natahimik ang lahat dahil sa biglaang paglabas nito na di namin namamalayan. "Ano, gawain niyo na ba talaga ang pag-usapan ang boss niyo kapag wala siya? Ngayong andito ako, tatahimik kayo. Pinagloloko niyo ba ako?" Galit ang mukha nitong nakatingin sa bawat isa sa amin.
"At ikaw, may sinend ako sa'yo, hindi ka man lang mag-seen." Baling nito sa akin.
"Ma'am, wala po sa akin yung CP ko, diba kinuha mo?"
Hindi na niya pinansin ang sinabi ko. "Maghanda ka na, aalis na tayo." Seryoso nitong saad bago pumasok muli sa kanyang opisina.
"Hais, anong klaseng nilalang tong boss ko na to?" Napailing na lang ako habang papunta sa banyo para mag-ayos ng sarili.
Konting foundation at lipstick lang, at saka ako lumabas ng makasalubong ko siya.
Tinignan niya ako at bahagya itong napatitig sa aking mukha. Maging ako, napatitig sa kanya dahil sa kabila ng kasungitan nito, mas nangingibabaw ang kagandahan niya—ang kanyang mapupulang labi, may katangusan ang ilong, at bumagay sa kanya ang kilay. Hanggang sa tumitig ako sa kanyang mata, dahilan para ikagulat ko, dahil titig na tig siya pala sa akin.
"Ma'am, may problema po ba? May dumi ba sa mukha ko? Bakit po ganyan ka makatitig?"
"Ako pa ngayon? Ikaw nga tong titig na titig sa akin." Masungit nitong tugon. "Masyadong mapanghusga yang mata mo, Ms. Malidom." Irap nito, at saka niya ako nilampasan.
Amoy ko ang pabango nito, dahilan para mapasinghap ako.
Ngumiti na lang ako at sinundan siya. Patakbo akong humabol sa elevator. Sa hindi ko inaasahan, nawalan ako ng balanse at tuloy-tuloy ako sa loob, dahilan para tumama ang braso ko sa pader ng elevator.
"Ouch," mahina kong usal, dahilan para mapatingin sa akin.
"Hindi kase nag-iingat," tanging saad nito.
"Sorry po," at ngumiti na lang ako para di halatang nasaktan ako sa pagkakabangga ng braso ko.
Tahimik naming binagtas ang daan papunta sa RJV Restaurant, wala pa rin siyang imik.
Nang biglang tumunog ang kanyang phone na nakalagay sa pocket ng kanyang slack pants.
"Kunin mo phone ko at sagutin mo," saad nito.
"Huh? A-ako?" saad, pero nakakunot ang noo nitong nakatingin lang sa daanan.
"Bingi ka ba, Ms. Malidom?" masungit nitong tugon.
Nanginginig akong kinuha ang cellphone nito. Mahirap hugutin dahil bahagyang masikip ito, naipit na pagkakaupo ni Ma'am LJ.
Kaya bahagya kong hinawakan ang hita nito para maiangat ang CP.
No name yung tumatawag.
"Ahmm, Ma'am, number lang po," kabado kong saad. Hindi sa takot ako sa kanya kundi sa kaba na naramdaman ko ng hawakan ko ang hita niya, kahit may tela namang nakatabing.
"Just answer it," walang emosyon niyang tugon.
Huminga ako ng malalim at saka ko sinagot.
"Hello po, magandang oras," magalang kong bati.
"Where's LJ?" tila mataray na tanong ng nasa kabilang linya.
"Errm, nagdadrive po siya, Ma'am," kalmado kong tumingin sa aking boss at mabilis kong pinindot ang speaker para marinig nito ang sinasabi ng nasa kabilang linya.
"Ibigay mo sa kanya yang telepono niya. Bakit sino ka ba para pinapakialaman ang hindi sayo?" masungit nito.
"Sinabi po kasi ni Ma'am LJ na sagutin ko po. Sabihin mo na, Ma'am, kung may sasabihin ka naka-loudspeaker naman," narinig ko ang pagtataray nito.
"What do you want, Yannah?" seryosong wika ni Ma'am LJ.
"Kanina pa kami ni Mr. Martinez. Asan ka na ba? Pinaghihintay mo ang client,"
"Andito na kami, may 20 minutes pa bago yung usapang oras, Yannah. And I just want to remind you this is a business meeting, nothing else, no more extra agenda. Hope you understand that."
Sino kaya si Yannah na 'yan, at bakit parang iritable si Ma'am LJ? Nangalay na ang kamay ko na nakahawak sa CP.
Ipinarada na nito ang sasakyan. Wala na rin nagsasalita sa kabilang linya. Pinatay na siguro. Sinundan ko na lang si Ma'am. Ang bilis niya maglakad kahit naka-heels ito. Para kaming nasa marathon, kailangan paunahan sa finish line.
"Welcome back to RJV, Ms. LJ," ngiti ng nasa counter.
"This way, Ma'am," giya ng isang crew ng restaurant. Tahimik lang akong sumunod sa kanila.
Namangha ako sa ganda ng restaurant. Ang colorfull, may mga combination ng white, mint green, at yellow.
"You’re here, Ms. Legson." Tumayo ang isang lalaking chinito, naka-casual coat din ito at halatang isang negosyante talaga. Kapag ngumiti, nawawala ang mata nito.
"Magandang hapon, Mr. Martinez," nakangiting saad ni Ma’am LJ.
"Wow ha, marunong ka din palang ngumiti," saad ko sa aking sarili.
Tumingin sa akin si Ma’am at naramdaman ko ang pagdampi ng kanyang palad sa aking likod. "And this is my secretary, Ms. Esther May Malidom," pagpapakilala niya sa akin.
"Hello, sir. Magandang hapon po," nakangiti kong tugon, sabay nakipagkamay dito.
"Hello, everyone. Nice to see you again, baby," malambing na bungad ng isang magandang babae. Mapupula ang labi, matangos ang ilong, at ang sexy nito sa suot na pulang dress na lantad ang malulusog nitong dibdib. Akmang hahalik kay Ma’am LJ, pero umiwas ito. Napansin ko ang pag-irap ni Ma’am sa babae.
"Meet Ms. Malidom, my secretary," seryoso nitong saad.
"Ow, nice to meet you," sabay lahad nito ng kanyang palad na tinanggap ko naman agad. "Yannah Alvarez."
Ngumiti ako. "Nice to meet you too, Ma’am."
"So ikaw yung kausap ko kanina?" tanong nito na tila sinusuri ang aking pagkatao. "Kailan mo pa ipinahawak ang personal mong gamit sa isang tao na kabago-bago pa lang, baby?" Hindi pa rin inaalis ang tingin sa akin.
Kinakabahan ako dahil sa kaharap naming babae. Hindi ko alam kung bakit parang mapanuri ang tingin nito. At bakit siya tinatawag na "baby" kay Ma’am? Jowa ba niya?
"Andito tayo para sa negosyo, hindi para mag-chismisan," walang emosyon na saad ni Ma’am LJ.
"Late na ba kami?" saad ni Ms. Rich, at kasama niya si Ms. Vhiel.
Napabuntong hininga ako ng makita ko sila. "Salamat naman," bulong ko na sakto lang na dinig ni Ma’am LJ.
"On time pa naman, ladies," matamis na ngiti ni Mr. Martinez sa dalawa.
Pagkaupo ng dalawa, nag-usap-usap na sila tungkol sa mga agenda nila. Ako’y abala naman sa pakikinig at pagsusulat ng mga napag-uusapan nila.
Nagtagal ng dalawang oras ang kanilang diskusyon.
"Okay, so that's for now. Maybe we can set another meeting. Kailangan muna naming pag-usapan tatlo ang mga suhestyon niyo sa bagong negosyo," saad ni Ms. Vhiel, habang nilalaro nito ang ballpen na hawak.
"Tama, hindi pwede agad-agad ang desisyon dito. Lalo't malaking pera ang ilalabas," saad naman ni Ms. Rich, na nakadekwatro at nakasandal sa sandalan ng kanyang inuupuan.
"Gusto ko na sanang makuha ang desisyon niyo ngayon para maumpisahan ko na din kung ano ba yung mga dapat ihanda," baling ni Ms. Alvarez.
"If you cannot wait for our decision, pwede kang mag-back out sa partnership na to, Ms. Alvarez," seryosong saad ni Ma’am LJ.
"Brad," tapik ni Ms. Rich sa kaibigan.
"How about you, Mr. Martinez?" seryosong lumingon si Ma’am LJ sa lalaki.
"I can wait kung kailan kayo ready. Doon din ako maglalabas ng pera kapag sigurado na ang lahat," saad nito.
"That's it!!" pitik ni Ms. Vhiel sa hangin. "Order na tayo, mag-7 PM na." Sabay tingin nito sa kanyang relo.
"No need, may pinahanda na ako," nakangiting saad ni Ms. Rich.
Hindi nagtagal, sinerve na ang pagkain.
"Excuse, gagamit lang ako ng washroom," paalam ko sa kanila.
"There," seryosong itinuro ni Ma’am LJ ang daan papunta sa washroom.
"So anong meron sa inyo ni LJ?" Nagulat ako sa babaeng biglang nagtanong sa aking likod dahil nakakoncentrate ako sa paghuhugas ng kamay.
"Huh? I'm sorry?" saad ko ng makita kong si Yannah ang nasa aking likuran.
Humakbang ito papalapit sa akin. Sa babaeng ito ako kinakabahan, hindi sa boss ko.
"Sabi ko, anong relasyon niyo ni LJ?" halos magkalapit na kami, wala na akong aatrasan dahil nacorner niya ako.
"Yannah! What are you doing? Are you teasing my secretary?!" galit na sigaw ni Ma’am LJ ng pumasok ito.
"Baby, may tinatanong lang naman ako," lumapit ito kay Ma’am LJ pero iniwasan siya nito at lumapit sa akin. Pahablot niya akong hinawakan sa kamay.
"Lets go," sabay hila sa akin. Huminto bahagya sa tapat ni Ms. Yannah. "Tigilan mo na ako, Yannah. Negosyo na lang ang namamagitan sa atin. Matuto kang lumugar," pagkasabi nito, mabilis kaming bumalik sa mesa.
Hawak pa rin niya ang aking kamay kahit pabungad na kami sa mga kaibigan niya. Wala na si Mr. Martinez. Ganun ba ako katagal sa loob?
"Ahemmm," halos sabay ni Ms. Rich at Ms. Vhiel na tumingin sa kamay ni Ma’am LJ na nakahawak sa akin.
"Sit," doon palang niya ako binitawan. Ang seryoso ng mukha niya. Hindi ko alam pero nakikita ko namang hindi talaga siya masamang boss. Maaaring tama si Ma’am Sandra. Madaming pinagdadaanan ang kanyang anak.
Walang imik si Yannah ng makabalik ito. Tahimik lang din siyang kumain.
"So paano, mag-uusap na lang tayo sa ibang araw. I need to go na, naghihintay na si Mariko," nakangiting paalam ni Ms. Vhiel at isa-isa niyang kinamayan kaming lahat.
"Kami din, ill drop Emay pa sa bahay niya," paalam naman ni Ma’am LJ. Sabay-sabay na kaming umalis ng restaurant. Naiwan na si Ms. Rich at Ms. Yannah. Mukhang magkasundo naman sila. Tanging si Ma’am LJ lang ata mainit ang dugo niya roon.
Narating namin ang bahay ng walang imikan.
"Salamat sa paghatid, Ma’am LJ. Ingat po kayo," saad ko ng makababa ako sa kotse. Seryoso lang na lumingon ito at saka tuluyang umalis.
Hinanap ko sa bag ko ang susi ng bahay ng mahawakan ko ang cellphone. Nanlaki ang mata ko ng makita, hindi pala sa akin itong phone.
Patakbo akong bumalik sa kalsada pero wala na ang kotse ni Ma’am LJ.
Baka kailangan niya ito. Ibalik ko ba sa kanya? What if puntahan ko siya sa bahay niya? Pero gabi na. Bahala na, ihahatid ko nalang.
Alas-diyes na ng gabi ng marating ko ang kanyang bahay. Tatlong beses kong pinindot ang doorbell at inantay na buksan ang maliit na gate.
"Anong ginagawa mo dito?" tila gulat at seryosong saad nito.
"Ahm, erm..."
"Ano?" pinandilatan ako.
"Cellphone mo po kasi, hindi ko naibalik kanina," sabay abot sa kanya.
"Para eto lang. Pwede mo namang dalhin yan sa office bukas. It’s too late na para umuwi ka. Come."
Hinawakan niya ako sa kamay at hinila papasok sa loob ng kanyang bahay.
"Dito ka na matulog," seryoso nitong saad.