WALA talagang kasing sama ang ugali niya. Akala ko kahit papaano ay magbabago na ang pakikitungo niya sa akin matapos ang nangyari pero hindi pala. Mas lalo lang ata siyang naging masama.
Nandoon iyong magagalit siya bigla sa akin ng walang dahilan at hahanapan ako ng kasalanan. Nandiyan din iyong babagsakan niya ako ng pintuan o anumang kasangakapan na malapit sa kanya kapag naiinis o nagagalit siya.
Sa tingin ko, wala naman akong ginagawang mali. Maayos akong nagtatrabaho. Sinusunod ko lahat ng utos niya. Pero bakit ba ganoon ang pakikitungo niya sa akin?Sa ibang tao naman dito sa bahay ay salungat ang pakikitungo niya. Para bang may malaki akong kasalanan na nagawa sa kanya sa dati niyang buhay.
Ipinagpapasa-Diyos ko na lang ang lahat at ipagdarasal na sana kahit papaano ay magbago siya.
"Pinagalitan ka na naman ba ng Senyorito mo?" Napabaling ako ng tingin kay Nanay. Agad kong binago ang ekspresyon ng aking mukha mula sa pagiging matamlay.
Umiling ako. "Hindi po Nay." Pagsisinungaling ko. Sa totoo niyan ay pinagalitan talaga ako ni Senyorito dahil hindi ko agad naayos ang kama pagbalik niya galing sa pag-aalmusal. Inuna ko kasi ang banyo niya.
"Magsabi ka lang kung ayaw mo na anak ha. Pwede ka namang umalis dito at ako na lang ang magtatrabaho."
"Huwag kayong mag-aalala Nay, sanay naman na ako kay Senyorito e. Talagang bugnutin lang siya pero hindi naman nanakit. Baka kasi pinaglihi ng Donya sa sama ng loob kaya ganoon ang pag-uugali." Saad ko at pinilit na tumawa. Napangiti na lang si Nanay at ginulo ang buhok ko.
Lagpas isang linggo na rin akong katulong ni Senyorito at kahit papaano ay nasasanay na ako sa pag-uugali niya. Minsan talaga ay sumusobra nga lang. Wala rin naman akong magagawa dahil kailangan ko ang trabahong ito para sa pag-aaral ko at sa gastusin sa bahay. Basta't hindi pa humahantong sa pisikal na p*******t at sobrang pangungutya ay mananatili ako rito sa mansyon. Isa pang dahilan kung bakit nakakayanan ko ang ugali niya dahil sa tuwing pagsasalitaan niya ako, sa huli ay humihingi siya ng tawad at iyon ang labis kong ipinagtataka.
"May iuutos pa ba kayo?" Tanong ko sa kanya matapos kong ayusin ang mga damit niya sa aparador. Dito ako natagalan dahil parang dinaanan na naman ito ng bagyo pagkakita ko kanina. Mabilis akong tumungo nang ibaling niya ang tingin sa akin mula sa panonood ng tv.
"Samahan mo ako mag-ikot mamaya." Wika niya.
"Sige ho. Mayroon pa po ba?" Tanong ko.
"Tumingin ka nga sa akin kung kinakausap kita. Alam mo bang rude ang dating sa akin sa tuwing gumaganyan ka?" Saad niya. Bakas sa kanyang boses ang inis.
Mabuti sana kung ganoon lang kadali na tingnan siya lalo pa't nakahubad siya at tanging maikling shorts lang ang saplot sa katawan niya. Nakakailang pa rin kasi kahit araw-araw kong nakikita na ganoon ang ayos niya rito sa kwarto niya. Kahit sando man lang sana ay magsuot siya.
Tumingin ako sa kanya pero iniiwas-iwas ko pa rin ang tingin.
"Stay. I want you to be here."
Natigilan ako sa sinabi niya.
"Para mabilis kitang mautusan kung nandito ka lang. Wala ka naman sigurong gagawin sa ibaba 'd ba?" Dagdag pa niya.
"E Senyorito, tutulungan ko pa si Nanay sa pagluluto."
"Sinasaway mo ba ang utos ko?"
"Pasensya na Senyorito."
Napatungo na lang ako. Bakit pa kasi ako nagsalita?
Pasimple na lang akong bumuntong-hininga. Mukhang hindi ko na naman matutulungan si Nanay ngayon sa pagluluto.
Hindi ko alam kung saan ako pupwesto. Nahihiya naman akong umupo sa silya sa tabi ng kama niya.
"Tatayo ka lang ba diyan? Come here and sit beside me."
Pinigilan ko ang sariling mapasinghap. Napaangat ako ng tingin sa kanya. Tama ba ang narinig ko?
"Narinig mo ba ako? Halika rito at umupo sa tabi ko. Samahan mo akong manood ng tv."
Si Senyorito ba talaga ito? Bakit niya ako gustong umupo sa tabi niya at samahan siyang manood ng tv? Naririnig ba niya ang sinasabi niya?
Doon na ako kumilos nang magsimulang bumakas sa mukha niya ang inis. Kinakabahan man ay umupo ako sa gilid ng kama niya.
Nasa paanan niya ang tv pero sa kanan niya nakaharap ang mukha ko. Bahagyang nakatalikod ang katawan ko sa kanya.
"Nandiyan ba ang tv? Bakit diyan ka nakaharap?"
Napapikit ako. Sana guni-guni ko lang ito. Ano ba kasi ang nangyayari sa kanya? Bumait kaya siya sa niluto ng Nanay ko?
"Sa upuan na lang ako uupo Senyorito." Sa halip ay sabi ko. Mabilis akong kumilos at umupo sa silya na malapit lang sa akin.
"Ba't ba ang hilig mong sawayin ang utos ko?" Galit na puna niya.
"Senyorito kasi..."
Hindi ko alam kung paano ko sasabihin na naiilang ako sa kanya. Paano kasi nang umupo ako sa kama niya, naramdaman kong umusog siya papalapit sa akin. Maliban sa ilang ay baka may gawin siyang iba. Baka pagtitripan niya ako. O baka...
Ano ka ba Iko! Assuming ka masyado e. Saway ng isang parte ng utak ko. Ano ba kasi itong pinag-iisip ko?
"Fine! Suit yourself!" Matigas na sabi niya at itinuon ang atensyon sa panonood. Ako naman ay napatungo na lang at pinagalitan ang sarili. Kung saan-saan na kasi lumilipad ang imahinasyon ko.
Namayani ang katahimikan sa sumunod na sandali. Tanging ingay lamang mula sa telebisyon ang maririnig sa buong silid.
"You said you're helping your mother in preparing our food. Bakit? Marunong ka bang magluto?" Maya-maya'y bigla siyang nagtanong.
"Ah! O-Opo. Tinuruan ako ni Nanay." Sagot ko.
Napatango-tango siya pero hindi na siya nagsalita pa. Napatingin ako sa kanya. Nasa tv na ulit ang atensyon niya. Hindi ko alam pero natutuwa ako dahil sa unang pagkakataon ay kinausap niya ako ng maayos.
"Don't stare. You're creeping me out." Naiinis niyang sabi nang mapansin ang pagtitig ko sa kanya. Pinang-initan tuloy ako ng pisngi. Nahalata niya ang ginawa ko! Nakakahiya.
Itinuon ko na lang ang tingin sa tv. Wala nang may nagsalita sa amin hanggang sa inutusan niya akong ipahanda kay Mang Edwin--- driver nila ang sasakyan na gagamitin namin mamaya sa pag-iikot.
"Can I go with you?" Napalingon ako nang makarinig ng boses sa likuran ko.
"Dito ka lang. Is like you are interested with our farm." Wika ni Senyorito Yvo sa kapatid niyang si Senyorito Ysmael.
"Sige na kuya. Boring kasi masyado dito sa mansyon. Kailan ba kasi tayo babalik ng Maynila?" Pamimilit ng huli.
Magsasalita pa sana si Senyorito Yvo nang makita ako ng kapatid niya. "Oh Hi there Mikko!" Nakangiti nitong bati sa akin.
Napangiti rin ako rito. Mabuti pa itong si Senyorito Ysmael. Pinapansin ako at ningingitian sa tuwing nakikita ako. Sana ito na lang amo ko at hindi ang kapatid nitong parang may hinanakit sa sanlibutan.
"Stay here. Wala ka rin namang gagawin doon." Giit ni Senyorito Yvo rito.
Hindi siya nito pinansin sa halip ay lumapit ito sa akin.
"Sasama ka?" Tanong nito.
Tumango ako bilang sagot. "Okay Good. Tara na Kuya."
"You're not coming with us. You're staying here!" Mariing saad dito ni Senyorito. Hindi siya pinansin ng kapatid at nauna pa itong sumakay sa truck.
"Sakay na Mikko." Sa halip yaya nito sa akin. Napatingin ako kay Senyorito na masama ang tingin sa kapatid.
"Don't be so rude Kuya. Mom will be happy dahil sumama ako sayo sa sakahan. Lets go."
Minura ito ni Senyorito na ikinatawa lang nito. Wala na ring nagawa si Senyorito at galit na sumakay sa sasakyan. Sumakay na rin ako sa likuran.
"Kapag may ginawa kang kalokohan, hindi ako magdadalawang-isip na ihulog ka sa truck."
"Wala akong narinig Kuya."
TULAD ng inaasahan, si Mang Gorio ang unang lumapit sa magkapatid nang makarating kami sa tubuhan. Hindi maiwasan ng mata ko ang mapaikot. Nagpabida na naman ang matanda.
Napatingin ako sa kumpol ng mga trabahante na sinasakay ang mga tubo sa isang malaking truck. Mataas ang sikat ng araw pero sige pa rin sila sa pagtatrabaho. Hindi alintana ang sakit na dulot nito makapag-ani lamang ng kakarampot na halaga para sa kani-kanilang pamilya.
"Nabisita ulit kayo Senyorito Yvo? Kasama pa kayo Senyorito Ysmael."
Hindi pinansin ni Senyorito Yvo ang sinabi ni Mang Gorio kabaligtaran kay Senyorito Ysmael na kinausap ito. Ang una ay naglakad-lakad habang nakahawak sa baywang. Ako naman ay nanatiling nakatayo sa kinaroroonan ko 'di kalayuan sa kanila.
"Hoy Iko!" Napalingon ako sa tumawag sa akin. Si Isko. Isa sa mga kaibigan ko.
"Parang pumuti ka ata a? Iba na talaga kapag nasa mansyon." Puri niya nang makalapit sa akin. Tiningnan ko naman ang balat ko sa kamay at inaangat ito sa kanya.
"Mabuti ba 'yan para sayo? Kahit kailan talaga hindi ka marunong tumingin ng kulay." Naiinis na saad ko.
Napatawa lamang siya at kinurot ako sa pisngi. Sinamaan ko siya ng tingin. Paborito talaga niya itong gawin kapag naiinis ako sa tuwing nagbibiro siya.
Isa si Isko sa mga kinaiinisan ko. Mabait naman siya pero mahilig lang talaga niya akong biruin.
"Hindi naman literal na maputi ka. Umaliwalas lang ang balat mo. Hindi ka na kasi nabibilad sa araw. Ang ganda mo na tuloy sa paningin ko."
Tinaasan ko siya ng kilay. "Kailan pa ako naging babae para sabihan mo ng maganda?"
"Para sa akin, babae ka e."
"Bwisit ka!" Sa inis ko ay hinampas ko siya ng towel na hawak ko. Natatawang sinalag lang niya ito.
"Napakasungit mo talaga." Sabi niya at parehong kinurot ang magkabilang pisngi ko. Mabuti na lang at medyo malayo kami kina Senyorito kaya hindi nila kami napapansin. Busy sila sa pakikipag-usap sa mga tauhan.
"Pero Iko ha, baka may gusto ka na diyan kina Senyorito? Balita ko, ikaw daw 'yong naatasan sa isa sa kwarto ng magkapatid?"
Hindi ako magsisinungaling na nagkaroon ako ng paghanga sa magkapatid. Sila ang pinapangarap ng bawat dalaga rito sa lugar namin. Gwapo, matangakad, maputi at higit sa lahat isang haciendero. Isa ka na marahil sa maswerteng babae kapag naging nobya ka ng isa sa kanila. At ako, hanggang doon na lang sa paghanga. Isa pa, hindi ko gusto ang ugali nilang dalawa lalo na si Senyorito Yvo. Mapangmata at mapanglait. Si Senyorito Ysmael kahit namamansin ay may pagkasuwail naman. Sa mga narinig ko ay babaero raw ito at marami ng babaeng pinaiyak at niloko. Noong isang araw nga ay nahuli ito na may ipinuslit na babae sa kwarto.
"Siguro ang ganda ng buhay mo do'n sa mansyon nu? Masarap na masarap siguro ang kinakain niyo?" Sabi pa ni Isko. Bakas sa boses niya inggit.
Kung alam niya lang ang mga pinagdadaanan ko sa mansyon. Oo, masarap ang mga pagkain doon pero 'yong mga sinasabi at mga ginagawa ni Senyorito Yvo sa akin ay kahit aso ay isusuka ito.
Hindi na lamang ako nagsalita at ibinaling ang tingin kay Senyorito Yvo. Kasalukuyang kausap niya ang tagapamahala ng tubuhan.
"Iba ka kung makatitig diyan kay Senyorito Yvo, Iko. Parang may gusto ka ata sa kanya." Pang-aakusa ni Isko. Sinamaan ko siya ng tingin at muling hinampas ng bimpo.
"Ikaw, napakajudgmental mo. Tinitingnan lang 'yong tao may gusto na agad?"
"Malay natin 'di ba? Kapag nalaman 'to ni Carl patay tayong pareho sa kanya?"
Napakunot ang noo ko sa sinabi niya.
"Anong patay tayo kay Carl? Ano bang pinagsasabi mo?"
"Basta huwag kang magkakagusto diyan kay Senyorito o sa ibang lalaki ha. Uuwi na 'yong kaibigan natin sa susunod na araw. Dito ulit siya magbabakasyon sa atin."
Nanlaki ang mga mata ko sa pinahayag niya.
"Talaga? Uuwi si Carl?"
Si Carl ay isa sa pinakamatalik kong kaibigan. Sa totoo niyan ay apat talaga kami. Si Koray ang isa pa. Iyon lang ay nasa syudad ito para magtrabaho. Namasukan sa tiyahin nitong may-ari ng isang malaking karenderya. Si Carl naman ay sa Manila nag-aaral ng kolehiyo kaya tuwing bakasyon lamang ito nakakauwi. Sa aming apat ay siya ang nakakaangat sa buhay. Nakapangasawa kasi ng banyaga ang nakakatandang kapatid niya. Pero hindi siya nagbago at kaibigan pa rin ang turing niya sa amin. Nakakatuwa dahil makalipas ang isang taon ay dito ulit siya magbabakasyon. Namiss ko ang bonding naming magkakaibigan lalo na kapag naliligo kami sa batis at nangunguha ng mga mangga dito sa hacienda at dinadala sa bahay nila Isko kung saan doon namin kakainin dahil marami silang bagoong. Sayang nga lang ay may trabaho si Koray at sa enrollment pa ang balik niya.
"Iyon ang sabi ni Carmella." Sagot ni Isko. Si Carmella ay nakakababatang kapatid ni Carl.
"Uy sabihan mo agad ako kapag nakauwi na siya a. Loko-lokong 'yon, hindi man lang nagpaalam sa atin ng maayos noong nakaraan."
"Pinamadali kasi ng Nanay niya. Alam mo namang ayaw nito na makipagkaibigan siya sa atin 'di ba?"
Nakakalungkot isipin nang umangat ang buhay nila Carl ay hindi na namamansin ang mga magulang niya sa amin. Kinalimutan na ng mga ito ang naging kaibigan nila sa lugar namin. Si Carl lang talaga ang hindi nagbago sa kanilang mag-anak kahit ilang beses na siyang pinagsabihan ng mga magulang na hindi na makipagkaibigan sa amin.
"Kaya pala wala ka sa tabi ko dahil nandito ka at nakikipagkwentuhan." Natigil kami sa pag-uusap ni Isko nang may nagsalita. Sabay kaming napalingon rito. Matalim ang tingin nito sa amin lalo na kay Isko.
"At ikaw, bakit hindi ka nagtatrabaho? Hindi ka binabayaran dito para makipagkwentuhan lang." Mariing wika ni Senyorito Yvo kay Isko. Humingi naman ng paumanhin ang huli at nagpaalam sa amin. Mabilis itong umalis at bumalik sa trabaho.
"Isa ka pa. Kanina pa kita hinahanap pero nandito ka lang pala at nakikipag-usap sa kung sinu-sinong lalaki."
"Kaibigan ko po Isko." Pagtatama ko sabay tungo.
"I don't care if he's your friend. Kapag oras ng trabaho, trabaho. Tama ang binabayad sa inyo kaya magtrabaho kayo ng maayos."
"Pasensya na Senyorito."
Hindi na siya nagsalita at tinalikuran lang ako. Nang maglakad siya ay agad naman akong sumunod sa kanya. Nilingon ko si Isko at sinenyasan na mag-usap kami sa susunod.
"Mang Gorio told that there's a lot of pretty girls here at Del Rio. Labas naman tayo bukas Kuya." Ani Senyorito Ysmael na ngayon ay kasama na namin sa pagkakalakad. Magkatabi silang magkapatid habang ako ay nakasunod naman sa kanila.
"Not interested." Wika lang ni Senyorito Yvo.
"Whoah! Ikaw, hindi interesado sa babae? No way!"
"Promdi girls are not my type. Mag-isa kang lumabas bukas." Napatawa si Senyorito Ysmael sa sinabing iyon ng nakakatandang kapatid.
"Kaya pala hindi mo makalimutan si Bea?"
Hindi ko napaghandaan ang paghinto ni Senyorito kaya nabunggo ako sa likod niya. Sa kanya pa naman ako nakatuwid.
"Sorry po Senyorito."
Nang sulyapan ko siya, halos kulang na lang ay sapakin niya ako dahil sa talim nito.
"Kailan ba mawawala 'yang pagkatanga mo?! Hindi ka ba marunong tumingin sa paligid mo?!" Bulyaw niya. Bigla akong nakaramdam ng takot.
"Bro, relax. Hindi niya naman sinasad---"
"Isa ka pa! And stop mentioning that f*****g name. Pag-uuntugin ko pa kayong dalawa ng tangang baklang 'yan!" Sigaw niya sa kapatid at umalis. Muli akong napatungo. Pansin ko ang mga mapanghusgang titig ng mga trabahante na malapit sa kinaroroonan namin. Dinig ko pa ang mga boses nila na sa tingin ko ay pinag-uusapan ang nangyari.
Ito ang unang beses na pinahiya ako ni Senyorito sa harap ng ibang tao. Hindi ko naman sinasadya na mabunggo sa kanya.
"Pambihira! Napakahighblood talaga kahit kailan. Ayos ka lang?"
Umangat ako ng tingin kay Senyorito Ysmael nang tanungin niya ako.
"Pagpasensyahan mo na 'yong gagong 'yon. Gago talaga 'yon." Paumanhin ni Senyorito Ysmael habang natatawa. Lumapit siya sa akin at inakbayan ako na ikinagulat ko.
"Don't mind what he just said. Hindi niya iyon sinasadya. Ako na ang humihingi ng despensa sayo dahil ako rin naman ang nag-umpisa."
"A-Ayos lang ho iyon Senyorito." Nahihiyang sabi ko.
"Masanay ka na sa ugali niya ha. Gago lang talaga siya minsan. Halika na."
Naglakad na kami ni Senyorito Ysmael. Nag-uumpisa na akong makaramdam ng pagkailang dahil sa pagkakaakbay niya. Nakakahiya dahil ang bango niya samantalang ako ay hindi ko alam kung ano ang amoy ko ngayon. Malamang amoy pawis na ako dahil sa maghapong trabaho dagdagan pa ng mataas na sikat ng araw. Hindi ko naman magawang kumalas dahil baka iba ang maging dating niyon sa kanya. Wala naman ibig-sabihin itong pagkakaakbay niya sa akin.
"Hey bro, wait up!" Tawag niya sa kapatid. Hindi lumingon si Senyorito Yvo at nagpatuloy lang sa paglalakad.
Rinig ko naman ang mga pag-uusap ng mga trabahante. Pinag-uusapan nila ang pagkakaakbay sa akin ni Senyorito Ysmael. Nagtataka sila kung bakit ako inaakbayan ni Senyorito. Kung malapit ba ako rito.
"Saan ba ako makakakita ng magagandang babae rito Mikko?" Maya-maya'y tanong ni Senyorito Ysmael. Wala na talagang laman ng utak ang isang ito kung hindi babae.
"Parang may laro ata ng basketball bukas doon sa Sitio De Luna Senyorito. Sigurado akong maraming mga dalaga ang naroon bukas." Sagot ko.
"Really?" Nagliwanag ang mukha niya. Umukit pa rito ang isang ngisi. Babaero talaga kahit kailan. Hindi ko rin naman siya masisi dahil may ipagmamayabang siya. Bukas siguradong dadagsain siya ng mga babae doon sa Sitio De Luna.
"Alam mo ba kung saan iyon? Pwede mo ba akong samahan? Don't worry, ipagpapaalam kita sa amo mo."
"S-Sige po Senyorito."
"Good." Aniya at muling tinawag ang kapatid niya.
"Bro!"
"What?!" Inis na sigaw nito pabalik pero agad iyong napalitan ng gulat nang ito humarap sa amin.
BANDANG alas tres nang magdesisyon ang dalawa na umuwi. Tahimik ang naging byahe namin pabalik sa mansyon. Nag-away kasi ang magkapatid at halos magsuntukan na sila. Sobrang kaba ko dahil parang ako pa ata ang pinagmulan niyon. Ayaw kasi ni Senyorito Yvo na isama ako ng kapatid niya bukas. Pero itong si Senyorito Ysmael ay pilit ng pilit hanggang sa nabanggit pa nito ang pangalan na Bea. Doon na niya ito kinuwelyuhan.
Nagtataka kung sino ba ang Bea na iyon. Dating nobya ba ito ng Senyorito? Bakit ganoon na lang siya kaapektado sa tuwing nababanggit ito ng kapatid niya? At bakit ayaw niya rin akong ipasama sa kapatid niya? Alas cuatro naman ng hapon ang laro at tapos na ako sa trabaho ko sa mansyon. Hindi na rin ako nagtanong dahil baka pagagalitan lamang niya ako.
Para tuloy gusto kong malaman ang nakaraan nilang dalawa ng Bea na 'yon. Marahil isa ito sa dahilan kung bakit naging bugnutin itong si Senyorito Yvo. Gusto ko ng paniwalaan ang sinabi ni Lola Sima na mabait siyang tao.
Kalauna'y nakarating na kami sa mansyon. Agad akong inutusan ni Senyorito na ikuha siya ng meryenda at dalhin sa kwarto niya. Pagkatapos maihanda ay agad ko na itong inakyat sa itaas.
"Mayroon pa ba kayong iuutos Senyorito?" Tanong ko sa kanya pagkatapos mailapag ang tray.
"Huwag mong hahayaang akbayan ka ni Ysmael."
"P-Po?" Gulat kong tanong.
"Hindi ka dapat niya inaakbayan." Wika pa niya habang matamang nakatingin sa akin. Napatungo naman ako nang maintindihan ang sinabi niya.
Naalala ko kanina kung paano niya sinaway si Senyorito Ysmael sa pagkakaakbay nito sa akin. Sa pamamaraan ng pananalita niya ay para bang sinasabi niyang may nakakahawa akong sakit at hindi dapat lumapit sa akin ang kanyang kapatid.
"If that's what you are thingking of what I've said earlier, you are wrong. Hindi ko lang gustong hinahawakan ka ng kapatid ko lalo na ng Isko na 'yon o kahit sino mang lalaki. Naiintindihan mo ba ako Mikko?"
Tila nabingi ako sa kanyang sinabi.
***