Napatigagal ako sa kaniyang sinabi. Hindi maproseso ng utak ko ang salitang binitawan niya. Nagkagulo ang sistema ko. Ang emosyon ko ay naghalo-halo na ngunit nangingibabaw ang saya. Muling bumalik sa alaala ko kung paano kami unang nagkita, kung paano ko siya iwasan, kung paano kami unti-unting nagkalapit at nagkaroon ng relasyon na hindi ko alam kung ano ang tawag ngunit alam kong higit sa pagkakaibigan 'yon. Pilit ko mang itanggi sa isip ko ay alam ng puso ko na mahal ko na si Bryson. Mahirap mang tanggapin pero iyon ang totoo. Mahal ko si Bryson. Sa kabila ng estado namin sa buhay. Sa kabila ng magkaibang mundo na ginagalawan namin ay hindi ko mapigilang mahulog sa kaniya. Oo. Noong una ay hindi ko maamin sa sarili ko ngunit habang tumatagal ay nagiging malinaw na sa akin ang lahat.

