“ANG NANAY ko, p****i. Hindi ko kilala kung sino ang tatay ko. Kapag tinatanong ko ang nanay ko, ayaw niyang sabihin kung ano ang pangalan ng tatay ko. May-asawa na daw iyon kaya mabuti pang manahimik na lang kami. Hindi ko na raw kailangang malaman pa.
“Naging customer niya ang tatay ko. Minahal daw niya kaya hindi siya sumasama ibang lalaki na lumabas ng club, hanggang table lang para may kita rin maski paano. Akala daw niya ay binata ang tatay ko kaya umasa siyang dito niya matatagpuan ang lalaking seseryosohin siya kahi ganoon lang ang trabaho niya. Kaso lang, nakonsensya daw siguro ang tatay ko kaya ipinagtapat na may-asawa na ito at magpapakatino na raw kaya nakipaghiwalay na sa nanay ko.”
Tiningnan ni Claudio ang tatlong batang lalaking nakikinig sa kanya. Walang nagre-react isa man sa mga ito. Titig na titig lang sa kanya at interesado sa pakikinig.
“Hiwalay na sila ng nanay ko nang malaman ng nanay ko na buntis siya,” patuloy niya. “Wala nga daw sana siyang balak magkaanak kaya lang nangyari nang ipinagbuntis niya ako. Hindi naman daw niya kayang ipalaglag ako. Wala siyang hilig mag-alaga ng bata kaya ayun, maaga akong natutong mag-isa. Ang nanay ko, hapon pa lang, aalis na para daw makarami ng pasada. Kung umuwi, madaling-araw o kaya umaga na. Matutulog lang. Kapag nagising, aalis na naman.
“Minsan, ilang araw nawawala, isinama daw siya ng customer niya. Maganda kasi kapag foreigner ang customer niya. Kapag sinusuwerte, isinasama siya sa pamamasyal. Noon pa nga, dalawang linggo siyang wala. Nagpunta daw sila sa isang isla sa Zambales.
“Naiiwan ako sa Tiyo Martin ko. Si Tiyong ang nag-aasikaso sa akin kapag wala siya. Dati nga nagtanong pa ako kung bakit pumapayag siya na ang trabaho ni Nanay, pagsama sa kung sino-sinong lalaki. Ganoon daw talaga. Walang pinag-aralan kaya ganoon ang nagiging trabaho. Doon daw kasi mabilis ang pera. Bata pa ako, alam ko na ang ibig sabihin ng p****i. Sa lugar namin, hindi lang naman si Nanay ang ganoon. Naririnig ko pa nga ang iba kapag nagkukuwentuhan sila tungkol sa mga customer nila. Parang balewala lang kung iba-ibang lalaki ang kasama nila gabi-gabi.
“Sampung taon ako nang mamatay si Nanay. Pinagselosan siya ng asawa ng isang customer niya, inaway siya sa club na pinapasukan niya. Sabi nila, nagsabunutan daw. Tapos, nadulas ang nanay ko, tumama sa kanto ng mesa ang ulo. May namuo daw dugo sa utak. Pagkatapos ng dalawang araw sa ospital, namatay siya.”
Nakatitig pa rin sa kanya ang mga bagong kakilala niya. Iyon din ang mga kasama niya sa kuwartong iyon sa La Casa. Kanina, sa pagtatanim ng petsay niya unang nakilala sina Nathaniel, Hector at Pedro. Hindi niya pinapansin ng mga ito kahit kinakausap siya. Hindi rin siya tumutulong.
Kumilos lang siya nang mag-inspeksyon sa kanila si Miss Vergel. Nakita niya kung paano binatukan ni Miss Vergel ang isang ulila na nahuling walang ginagawa. Mabuti na lang at mabilis siyang kumilos. Kunwari ay kanina pa siya nagtatanim, sinadya niyang mapuno ng lupa ang kamay niya.
Wala siyang balak makipagkaibigan kahit kanino. Ang nasa isip niya ay kung paano tatakas sa lugar na iyon. At narinig niya sa kuwentuhan ng tatlo ang tungkol sa lumang kubeta na pinagkukulungan sa mga ito. Sina Nate at Hector ang madalas na makulong doon. Adik daw kasi sa komisk si Nate, at palaging nadadamay si Hectr dahil magkasama palagi ang mga ito.
Sabi ni Claudio sa sarili niya, hinding-hindi siya papayag na makulong siya sa lugar na iyon.
Nang dumating ang hapunan, ang inaakala niyang sagana sa pagkain ay hindi pala. Masahol pa sa buhay niya sa slum area. At least, kay Tiyo Martin, hihirit lang siya at kakain na siya hangga’t mabundat siya. Pero sa ampunang iyon, tasado ang pagkain. Gutom pa siya pero hindi na puwedeng humingi dahil hindi rin naman pala bibigyan.
Nang matutulog na, siya lang ang walang sapin. Ang unan na ibinigay sa kanya ng isang tauhan ni Miss Vergel ay walang punda, maangot pa. Hindi niya malaman kung tuyong laway o panghi ang nakakapit na amoy doon.
Nag-alok si Nate na pahiramin siya ng tuwalya upang mayroong sapin ang lumang kutson. Si Hector ay pinahiram siya ng sabon para ipanlinis ng katawan. Toothpaste naman ag pinahiram sa kanya ni Pedro. Hindi daw puwedeng hiraman sa toothbrush kaya daliri na lang niya ang gamitin niya.
Na-appreciate niya ang kabutihan ng tatlo. Kaya heto, imbes na matutulog na sila, nang mag-usisa ang tatlo tungkol sa buhay niya ay hindi naman siya nagkait.
“Hindi ko kamag-anak si Tiyo Martin. Bale siya ang kinakasama ng nanay ko. Sa dami ng naging boyfriend ng nanay ko, si Tiyo Martin ang matagal na tumira sa amin. Nung mamatay siya, parang kami na ni Tiyo Martin ang magkamag-anak. Wala na raw magmamalasakit sa isa’t isa kundi kami rin. Nag-aaral ako dati pero huminto ako. Marunong na akong bumasa at sumulat. Marunong na rin akong magkuwenta. Alam ko kung magkano ang sukli ko kapag nagbayad ako. Sumasama na lang ako sa mga barkada ko. Umaakyat kami sa barko, namumulot kami ng kung ano ang pwuedeng pagkaperahan doon. Mga bakal, ganun tapos dadalhin namin sa junk shop.
“Si Tiyo Martin, hanapbuhay na niya ang magsugal. Wala daw hirap iyong ganoon basta madiskarte lang. Palagi niya akong isinasama kasi suwerte daw ako sa kanya. Palagi siyang panalo basta kasama ako, kaso lang, minalas nitong huli. Nagkarambulan kaya sa kulungan ang bagsak niya. Ako naman, ikinulong din pero sandali lang. Dito ako sa ampunan nauwi dahil dito daw ako dapat sabi ng social worker.”
“Nagsusugal ka rin?” tanong ni Hector.
“Cara y cruz. Marunong din akong mag-tong-its. Pero sa gawi namin, matatanda ang nagto-tong-its saka madyong. Malakihan kasi ang tayaan kapa matatanda. Pinakamahinang taya, eh, beinte. Sa cara y cruz, papiso-piso lang ang taya. Bibigyan ako ng Tiyo Martin ng limang piso o sampu. Minsan beinte pesos, malaki na pag singkuwenta. Kelangan maparami ko iyon. Kapag nabawasan ng sampung piso ang puhunan ko, kelangan tumigil na ako. Ibig sabihin, hindi ko araw iyon.”
“Palagi ka ring nananalo?” ani Pedro.
“Madiskarte kasi ako.”
“Madaya ka?” si Nate.
“Iba ang madiskarte sa madaya. Simple lang ako. Ang turo sa akin ni Tiyo Martin, kahit ng nanay ko nung nabubuhay pa siya, hindi ako dapat magpaagrabyado. Hindi ako dapat magpalamang kahit kanino. Kailangan ay maabilidad. Saka ang taong madiskarte, hindi kailangang mahirapan para makamit ang gusto. Utak ang puhunan.” Itinuro pa niya ng daliri ang kanyang sentido.