“SASAPAKIN kita, Nate, kapag umiyak ka,” banta ni Claudio kay Nathaniel. Mapulang-mapula na ang mga mata nito. Anumang sandali ay babagsak ang mga luhang makapal na sa mga mata. Itinulak niya nang bahagya ang dibdib nito. “Ano, iiyak ka? Gusto mo ng sapak?”
Suminghot si Nathaniel. “Ako na lang ang maiiwan dito.”
“Gago! Ano tawag mo sa ibang ulila? Ang dami ninyo pa riyan. Ako lang ang aalis.” Pagalit ang kanyang tono. Ayaw niyang ipahalata kay Nathaniel na may bigat din naman sa loob niya ang pag-alis sa ampunang iyon.
Mahirap ipaliwanag ang nararamdaman niya. Bawat ulilang bata na nasa La Casa De Amor ay naghahangad na ampunin ng mag-asawang bukas ang puso kundi man balikan ng mismong magulang. At bawat batang umaalis ay hindi maiwasang mag-iyakan ang mga maiiwan na tila baga namatayan.
Hindi siya kasali sa mga umiyak. Noon, kapag may batang aalis ay nakamasid lang siya. Ang itinatak niya sa isip ay dapat siyang maging masaya sa batang aalis. Maski paano ay mararamdaman na ng isang bata ang mayroong isang pamilya. Maalagaan na nang husto, kakain na nang maayos.
Isa pa, hindi niya masyadong iniisip na may mag-aampon sa kanya. Baka makalaya ang Tiyo Martin niya at babalikan siya nito. Kagaya ng ginawa ng nanay ni Pedro dito. Pero ibinalita sa kanya ni Miss Vergel na isasali na siya sa mga batang pamimilian ng mga gustong mag-ampon. Nasentensyahan na ng hukuman ang kanyang Tiyo Martin. Mabubulok na ito sa kulungan.
At ilang buwan pagkaraan ay ibinalita naman sa kanya ni Miss Vergel na napatay sa rambol ang kanyang Tiyo Martin. Dalawang grupo ng kriminal ang nagbanggaan sa Bilibid at minalas na madamay ang tiyo niya.
Pangalawang pagkakataon iyon na naramdaman niya ang malungkot. Noong una ay nang mamatay ang nanay niya. Umiyak siya noon pero sinaway siya ni Tiyo Martin. Bakla lang daw ang umiiyak. Pero nang mabalitaan niya ang lalaki naman ang namatay, nangilid pa rin ang kanyang mga luha.
Natanto niyang wala na pala siyang aasahang kukuha sa kanya sa ampunang iyon. Naisip niya ang totoong tatay niya pero naisip din niyang imposible iyon. Ni hindi niya kilala ang tatay niya. Nanay lang niya ang may kilala sa tatay niya. Ni hindi siya nagtanong noon sa Tiyo Martin niya kung kilala kaya nito ang tatay niya dhail nahiya naman siya. Sabi kasi noon ng lalaki ay silang dalawa na lang ang makapamilya.
Pagkatapos niyon ay naghangad siyang maampon na rin. Alam niyang hindi na rin siya makakatakas sa LCA—talagang mahigpit si Miss Vergel at wala kahit sino ang nagtagumpay na makatakas doon. Dalawa lang ang rason para makaalis doon. Ang maampon o ang sumapit sa tamang edad upang umalis na doon. Akala niya ay aabutan na siya doon ng edad na labing-walo—kung saan sa ayaw man niya o sa gusto ay aalis na siya roon. Pero hindi pala.
Ilang linggo na ang nakakaraan nang makita niya si Fernando Buencamino na bumisita sa La Casa De Amor. Mayroon siyang kutob na naghahanap ito ng batang aampunin. Umali-aligid siya upang mapansin nito. “Nagpapogi” gaya ng turo niya sa mga kaibigan niya upang mapiling ampunin. Mabait ang tingin niya sa lalaki kaya naghangad siyang ampunin sana nito.
Na siya ngang nangyari.
Ngayong siya naman ang aalis ay iyon din ang paulit-ulit na sinasabi niya sa kanyang sarili. Magkakaroon na siya ng pamilya at hindi na siya magugutom pa.
Tumiim ang kanyang mga bagang. Ang totoo, kagaya ni Nathaniel ay parang maiiyak na rin siya. Oo nga at may natatanaw na siyang maginhawang buhay sa oras na umalis siya sa La Casa De Amor pero imposibleng makalimutan niya ang naging buhay niya doon.
Sa LCA nabuo ang kanilang samahan nina Nate. Apat silang nagsimula kasama sina Pedro at Hector. Nadagdag sa kanila sina Joaquin at Isagani na magkasabay noon na dumating sa ampunan. May ilang panahon ding nagkasama-sama sila doon—mas maraming alaala ng hirap kaysa ginhawa pero tila mas naging lakas nila ang tibay ng pagkakaibigan.
Isa-isa rin silang umalis sa ampunan. Si Pedro ay binalikan ng ina nito habang ang iba ay nagustuhan ng mga dumarating doon na naghahanap ng abatang aalagaan.
Nawalan na siya ng pag-asang maampon pa. Madalas pa niyang sabihin noon kay Nate na malamang ay siya ang matira doon. Hindi na nakakapagtaka iyon. Kahit na “nagpapapogi” siya sa mga interesdadong mag-ampon, nasa asta naman niya na hindi siya susukot-sukot. Palaban palagi ang mababasa sa kanyang mga mata.
Nagulat din siya nang ipatawag siya ni Miss Vergel. Mayroon daw interesadong mag-ampon sa kanya. Natuwa siya, siyempre pa. Pero ngayong nakikita niya si Nate na kaunti na lang ay aatungal ng iyak, isang bahagi ng puso niya ang tila gustong maiwan upang manatili sa kaibigan.
“Wala na akong kaibigan dito, Dio,” nabasag na ang tinig ni Nate. Hindi na ito nahiyang umiyak. Mabilis nitong ipinampunas ang leeg ng kupas na T-shirt nito sa luhang naglandas sa mga pisngi nito.
“Gago naman ito, o!” kunwa ay pagalit na sabi niya pero kinabig niya si Nathaniel. Diniinan niya ang balikat nito. “Susulat din ako sa iyo kaya tumahan ka na.”
“Dio, aalis na raw kayo,” lapit sa kanila ni Ate Bebe, ang pinakamabait na assistant ni Miss Vergel sa ampunan. “Nate, sumama ka na sa akin. Ipag-igib mo ako ng tubig. Magluluto na ako.”
“Sige na, babay na,” wika niya kay Nate.
“Claudio!” atungal ni Nate, alangan para sa edad nitong labing-anim.
“Tumahan ka. Para kang bakla,” saway niya dito. “Susulatan kita, huwag kang mag-alala. Saka magpakatino ka na. Tigilan mo na kababasa ng komiks para di ka na makulong sa lumang kubeta,” pangaral pa niya dito.
Panay ang tango ni Nathaniel, panay din ang pahid ng luha sa T-shirt.
Nang tumalikod siya ay lalong lumakas ang iyak ni Nate. Gustong-gusto niyang lingunin ito pero hindi na niya ginawa.